ShareThis

  ESTADO

Boksingerong Pilipino Laban sa Mundo



by Fermin Salvador.
November 1, 2012
Kung hindi ba naman bobo, nagsalita itong si Jose Sulaiman na ang naganap sa ikatlong labang Pacquiao kontra Marquez ay palatandaan na papatapos na ang paghahari ng una sa mundo ng boksing. Dapat ipaalala sa kanya, o ipaalam kung di pa niya alam, na si Pacquiao ang nagwagi sa nasabing laban at sa mayoryang desisyon ng mga huwes. Hindi umungos si Marquez sa iskor ng isa man sa tatlong huwes. Ang isa ay may iskor na tabla at ang dalawa pa ay parehong nagbigay kay Pacquiao ng kaalamang higit sa isang puntos. Ni hindi masasabing ‘dikit’ ang laban gaya ng persepsiyon ng ilang bopol sa boksing. Disin sana’y naging tabla o ‘isplit’ na isang puntos lang ang naging lamang ni Pacquiao. Kaya walang lohika’t malayo sa reyalidad ang pahayag ni Sulaiman.

Masasabing malaking pangalan si Sulaiman sa larangan ng pampropesyunal na boksing. Siya’y isang Mehikano-Lebaneso na pangulo ng World Boxing Council (WBC) na isa sa apat o higit pang pandaigdigang organisasyon sa pampropesyunal na boksing. Bilang kalahating Mehikano ay maaaring maunawaan ang pagpanig niya kay Marquez. Iresponsable iyon sa katayuan niya bilang pangulo ng WBC. Ipinamamalas niya lang ang mapulitikang atityud niya sa kabila ng mataas na katungkulan sa isang institusyong pang-isports.

Medalyang Ginto sa Boksing

Malaking katanungan na bakit ang mga Pinoy na bayan ng mga ‘world champion’ sa boksing ay wala pa ni isang medalyang ginto sa boksing sa olimpiks. Isang Filipino, si Pancho Villa, ang unang Asyanong naging kampeyon sa boksing sa mundo sa dibisyong flyweight. Filipino rin, si Ceferino Garcia, ang unang Asyanong naging kampeyon sa mundo sa dibisyong middleweight. Pero sa buong kasaysayan ng pagsali sa olimpiks, dalawang pilak at dalawang bronsa lang ang nakamit ng Pilipinas sa boksing. Una pang nakaginto ang Tayland at New Zealand. Sa Asian Games, nakakakopo ng ginto sa boksing ang Pilipinas subalit kahit na dito’y hindi nito ganap na nadodominahan. Ano kaya ang problema ng Pinoy sa amateur boxing?
Ang unang maiisip ay (mga) problemang internal. Sagana sa pulitika ngunit kapos sa suportang tunay na kailangan ng mga amatyur na boksingero gaya ng sapat na alawans, pondo sa pagkain, pasilidad, at pagsasanay. Pero marahil ay maisasama rin ang ‘eksternal’, ang pulitika sa pagitan ng mga bansa kahit sa usapin ng isports.
Matagal na ang isyung tinatapakan ang mga Pinoy na boksingerong amatyur upang manatiling may mababang istatus sa pandaigdigang antasan at dumaan sa butas ng karayom bago makaentra sa mga pang-unang eliminasyon. Kasama na rito ang alegasyon ng manipulasyon sa pag-iskor sa mga laban.
May napabalita noon na paratang kontra sa organisasyon sa pandaigdigang pang-amatyur na boksing bago pa ang kasalukuyang namamahalang kapulungan (governing body) na Federation Internationale de Boxe Amateur (FIBA) na napalitan ng AIBA. Partikular ang mga tagapamahala sa Asya na rehiyon ng Pilipinas. May kiling diumano laban sa mga boksingerong Pinoy at ilang lahi habang may mga lahing pinapaboran upang ang bansa nila’y makakopo ng mas maraming medalya.

Diskriminasyon Kontra Pinoy?

May ipinatutupad na palisi, sa paratang, na may diskriminasyon kontra sa mga Filipinong amatyur na boksingero sa mga tagisang internasyunal mula sa Asean Games hanggang sa olimpiks. Natatandaan ko na may naging ‘expose’ tungkol dito noong dekada nubenta. Kahit sa ‘tamang duda’ maraming pagkakataon na ang mga Pinoy na amateur boxer ay obyus na biktima ng maling pag-iskor, sinadya man o hindi, sa labanan ng mga bansa. Sa amatyur ay nakasalalay nang buo ang pagwawagi sa iskor ng mga hurado. Nagaganap din ang tinatawag na “hometown decision” na may kiling sa boksingero ng bayang pinagdausan ng laban. Tanggap ito ng mga Pinoy. Kapag dayo ang Pinoy na boksingero, ang tanging paraan para manalo ay patumbahin ang kalaban o ma-TKO. Hindi sapat ang bugbugin lang ang makakalaban nang todo-todo. Ngunit suntok sa buwan (no pun) ang KO o TKO sa amatyur na may tatlong rawnd lang at may proteksiyon pa sa ulo ang mga naglalaban.
Mas malaki ang tsansa ng mga Pinoy na boksingero na patunayan ang kahusayan sa pampropesyunal na boksing na posibleng patumbahin ang kalaban upang hindi na dumaan sa maulap na teknikalidad ng iskoran na vulnerable sa maniobra.
Mas isport lang ang mga Pinoy na madalas ay ipinagkikibit-balikat ang mga panlalamang. Kung minsan ay umaalma rin ngunit walang pagkakaisa rito at madalas ay nangingibabaw ang mentalidad na pabayaan na lang at bumawi sa susunod. Malamang na nakatanim sa kamalayan ang pagiging talunan sa isports na nagbubunsod naman ng inferiority complex. May impact ito sa pangkabuuang atityud sa lahat ng aspeto ng pamumuhay bilang nasyon.
Nilusaw lahat ito ng nagkaisang pagdeklara ng mga afisyonado at manunulat na “world’s pound for pound king” si Pacquiao nang magkaroon ng ispektakular na panalo laban sa maaalamat na boksingero ng iba’t ibang bansa.
May mga nagsasabing naghihingalo, kung hindi pa patay, ang isport na boksing. Para malaman kung totoo ito o hindi, mainam na alamin kung ilang milyon ang nagbayad sa pay per view (PPV) sa “Pacquiao vs. Marquez 3” sa US at iba pang bansa. Sold-out ang tiket kahit wala ni isang Amerikano sa dalawa. Ilang milyon ang nagsubskrayb sa buong mundo? Ito’y gayong si Marquez, maliban sa pagiging boksingerong kontrapelo ni Pacman, ay walang istatus-selebriti at sa tingin ng marami ay isang kabugnot-bugnot (boring) na tao. Ilang milyon ang nagbabayad sa PPV ng animnapung dolyar-US o higit pa para mapanood ang laban ng ibang sikat na boksingero gaya nina Mayweather, Wladimir Klitschko, o Tim Bradley? Bakit binabayaran si Pacquiao ng halagang di bababa sa dalawampung milyong dolyar-US kada laban? Walang ebentong pang-isports, maliban sa Super Bowl isang beses kada taon, na nadadaig ang bawat laban ni Pacquiao sa pagpuno sa mga dambuhalang istadyum. Sana’y bangkarote na ang industriya/negosyong kaugnay ng boksing imbis na ito ang may kalakip na pinakamalaking bayad kada laban. Naglaho lang ang visibilidad ng boksing bunga ng introduksiyon ng sistema ng PPV sa bawat laban. Ang NBA at ibang sikat na panooring pang-isport ay libre pa ring napapanood sa tv. Masyadong pinipiga ang tubo sa mga laban sa boksing ngunit ganunpama’y hindi nasupil ang engganyo nito sa malaking bahagi ng sangkatauhan.

Predikament

Ang predikament ni Pacquiao at ibang Filipinong boksingerong nakatatapak sa tanghalang pandaigdigan ng boksing ay di nila maaaring mapasaya at maanggihan nang pinansiyal ang lahat laluna ang hanay ng mga mafioso sa isport na ito. Mapasasaya mo ang isang grupo o organisasyon habang ang ibang promoter at/o organisasyon ay nananalangin ng pagbagsak ng karera mo. Ganito rin sa amatyur na boksing pa lang. Maaaring may mga pagkiling (bias) at malamang na sangkot pa rin dito ang usapin ng pera.




Archives