ShareThis

  ESTADO

Ang Mga OFW, Sa Naiibang Pagsipat


by Fermin Salvador.

July 9, 2010

Napakataas ng pagtingin ng sambayanang Amerikano sa mga tropa nitong ipinadadala sa labas ng US.
Sa kabilang banda ay napakasama ang tingin ng ibang bansa sa mga sundalong Amerikano. Sa ibang mga lahi, mananakop at imperyalista ang mga hukbong ito.

Sa punto-de-bista ng mga GI, kailangan nilang magtungo sa ibang lupain at lupalop para sa kapakanan ng
sariling bansa. Nakakalat sa buong daigdig ang mga komersiyal na interes ng US, magmula sa langis ng Gitnang
Silangan hanggang sa mga pabrika ng produktong multi-national, mga ‘rights’ at ‘concessions’ sa mga minahan, at iba pang pag-aari upang mapanatili ang mataas na antas ng pamumuhay ng mga naninirahan sa sariling bayan.

Mamamayan sa Katayan

Malupit na polisiya para sa isang pamahalaan ang pagpapadala sa ‘war zone’ o ‘katayan’ ng mga sundalo na walang iba kundi mga sariling mamamayan din. Kailangang gawin ito ng Amerika sapagkat may ‘kapalit’ ang lahat ng bagay.

At kung titingnan, mga kawal lang at hindi ang mga pulitiko at mamamayang Amerikano sa pangkalahatan ang
nakadarama sa sakripisyo at panganib ng pananatili sa mga bansang namumuhi sa iyo ang mga tao. Ngunit batid ng mga sundalong Amerikano na pinakikinabangan ng bansang pinanggalingan, ang US, ang mga
sakripisyong alay nila. Nakasalalay sa kanila ang kaligtasan at kabuhayan ng bansa. Hindi nagpapadala ng mga sundalo sa ibang bansa ang Pilipinas para sa mga komersiyal na interes gaya ng ginagawa ng US.

Nag-aambag ng mga kawal ang Pilipinas para sa mga misyong pangkapayapaan ng United Nations, subalit hanggang dito lamang. Ngunit tulad ng US, nagpapadala ng ‘hukbo’ ang Pilipinas sa iba’t ibang bansa para sa komersiyal na interes din. Milyon-milyong ‘sundalo’. Mga kawal na walang uniporme. Mga sundalong walang armas.
Mga Pinoy na itinuturing na ‘second class’ sa bansang dinadayo at madalas din ay kinamumuhian at minamaltrato. May mahahayap na bansag: ang kahulugan ng “Filipina” ay naging “tagapagsilbi”, o kaya ay “mail order bride”.

May mga bansang ang pananaw ay kasalanan lagi ng mga dayuhan ang bawat aksidente sapagkat sa aluktot nilang lohika ay hindi raw sana nangyari ang aksidente sa dayuhan kung hindi ito dumayo sa kanilang bansa. Madalas na hindi parehas ang hustisya. Madalas din ay wala o kapos ang proteksiyong ipinagkakaloob ng sariling bansa sa pamamagitan ng mga embahada at konsulado.
Mabuti pa ang mga sundalong Amerikano, pag dumayo sa ibang lupain ay may dalang baril, granada, tangke,
eroplano, at barkong pandigma. Pag may nagawang pagkakamali kahit ang mababang ranggong kawal ay ang lider pa ng pinuntahang bansa ang nagboboluntaryo ng amnestiya para sa nagkasalang GI. Walang ganitong pribilehiyo ang mga OFW. Hindi kasingsolido ng kontrol sa pagitan ng mga kawal at kumander ng US ang kontrol sa pagitan ng OFW at mga opisyal ng gobyerno ng Pilipinas. Madalas ay patay na ang OFW subalit ni hindi pa alam ng mga nasa pamahalaan ang nangyayari. Kaya minsan, o madalas, ay mas mapanganib pa ang sitwasyon ng mga OFW kumpara sa mga sundalo ng isang superpower na nasa ibang bansa.

Pag-take over sa Sitwasyon

Ang pagpunta ng mga Filipino sa ibang bansa upang maghanapbuhay ay mistulang direktang pag-’take-over’ ng mga mamamayan sa sitwasyon na naging baog ang gobyerno ng Pilipinas hindi lamang upang makahanap ng pagkakakitaan kundi upang maisalba ang ekonomiya ng bansa na magpapahintulot na maipagkaloob nito kahit ang mga ‘katiting’ na batayang serbisyong pangkalusugan, pang-edukasyon, at iba pa maski man lang sa mga bata, matatanda, at may kapansanan.

Batid na ng lahat na nakakaya pang tumayo ng ekonomiya ng Pilipinas dahil sa bilyong dolyar na remitans ng mahigit sa 10 milyong OFW na nasa iba’t ibang panig ng daigdig. Parang ni-reverse ang ambag ng mga sundalo ng US. Nasa ibang bansa ang mga sundalong Amerikano upang protektahan ang interes ng mga negosyong Amerikano.

Kapag may seguridad ang mga negosyong ito, naihahatid sa US ang mga tubo/kita. Sa Pilipinas ay iba, walang tubo mula sa mga kalakal sa ibang bansa. Ang meron ay ang kabayaran sa pawis ng mga manggagawa nito na ipinadala sa ibang bansa. Halos lahat ng dakilang nasyon ay dumaan sa proseso ng pagkakawatak bunsod ng pagkalat ng lahi nito sa iba’t ibang lugar. Magmula pa sa mga Hudyo sa tinawag nilang ‘diaspora’ sa panahong
bago at pagkatapos isilang si Kristo. Naganap din sa mga Kastila, Portuges, Pranses, Olandes, at Ingles na
naghanap ng sasakuping lupain at itatayong mga bagong pamayanan sa paglayag sa mga karagatang wala silang mapa. Kahit ang mga Tsino at Indiyan ay naghahanap na ng hanapbuhay sa ibang lupain bago pa ang ika-20 siglo. Tumutuklas ng mga bagong lupain ang mga kongkistador sa pag-asang makatagpo ng ginto na dadalhin sa bansang pinagmulan. Pinabanguhan na lang ang pakay na ito na upang “magligtas” ng kaluluwa ng mga pagano.

Si Reyna Elizabeth I, ayon sa mga historyan, ay sumuporta nang patago sa mga piratang Ingles sapagkat may hati siya, o ang kaharian ng Inglatera, sa nakukulimbat ng mga ito sa mga barko ng ibang bayan.Walang may gusto ng ‘diaspora’. Hindi ang mga Hudyo.

Hindi kahit ang mga Kastila, Portuges, Pranses, Olandes, Ingles, Tsino, Indiyan, at kung sinu-sino pa. Sa isang pelikula, ipinakita ang karanasan ng mga migranteng Italyano na makapagsapalaran lang sa Amerika ay sumasakay sa siksikang bulok na barko at pagdating sa New York ay nagmamakaawa sa mga opisyal ng imigrasyon sa Ellis Island na payagan silang manirahan sa US.
Sa italya rin na isang hikahos na bansa hanggang sa pagsisimula ng ika-20 siglo, itinuturing na mga bayani ang
mga nagbabalik na kababayan na may dalang salapi mula sa Amerika na ang iba ay naging mga ‘mafioso’ pala.

Tadhana ng Pinoy?

Sinadya o hindi sinadya ng tadhana, napahanay ang mga Pinoy sa mahabang listahan ng mga lahi sa mundo na naging ‘pambansang industriya’ ang pagpapadala ng ’manpower’ sa ibang bayan. Hindi na rin masasabing bagong pangyayari ito sapagkat may mga Pinoy na manlalayag sa kalakalang-galyon sa panahon ng ananakop ng mga Kastila. Bago pa ito’y nakikipagkalakalan na rin ang Pilipinas sa ibang mga bansa sa Asya. Naging pormal na polisiya ang pagpapadala ng mga manggagawa sa ibang bansa sa panahon ng panunungkulan ni Pangulong Marcos noong dekada sitenta na nagkataon ding panahon ng ‘construction boom’ sa Gitnang Silangan na nagsisimulang magtamasa sa karangyaang hatid ng kanilang produktong petrolyo. Sa kabila ng masasaklap na karanasan ng ilan, sumuot sa ‘psyche’ ng Pinoy ang ‘madyik’ na maidudulot ng pagpunta sa abroad upang ‘mabago’ ang pamumuhay.

Dumating sa puntong ang pagiging utak sa likod ng polisiya na nagbubukas sa ‘floodgate’ ng OFW ay ginawa pang pangunahing panghakot ng boto sa bawat kandidatura ng yumaong Senador Blas Ople na ministro sa paggawa noong rehimen ni Pangulong Marcos. Sa ibang bayan, isang bagay na di maipagmamalaki ang pagkakaroon ng polisiyang bunga ng kabaugan ng estado na lumikha ng mga empleyo sa kanyang mga mamamayan.

Datapwat wala na rito ang tuon ngayon kundi sa payak na ‘survival’ na bagay na pinagpapasalamat nang lubos. May mga artikulo nang naisulat na ang milyon-milyong paglusob ng Pinoy sa lahat ng lupain at lupalop ay walang iba kundi isang “world domination”. Makokontrol ng mga yaya ang utak ng mga batang Puti, Itim, o Dilaw ang kulay na inaalagaan. Makokontrol ng mga kusinero ang panlasa ng iba’t ibang lahi.

Kontrolado ng mga nars ang gamot na iinumin ng mga pasyente sa mga ospital sa buong mundo. Lahat ng lahi ng tao’y mahahaluan ng dugong Pinoy sa dami ng mga Pinay na ‘nadidisgrasya’ ng ibang lahi. Nakaaaliw sana, kung di lang nakaiiyak. Laluna, laluna kung maliban sa hungkag na terminong mga “bagong bayani” ay walang malinaw na ibinabalik na kapalit ang Pilipinas sa kanilang mga ‘sundalong’ ipinadadala sa ibang bansa na walang uniporme, walang baril, walang kanyon, tangke, at madalas din ay walang proteksiyon ang mga
karapatan.




Archives