ShareThis

  ESTADO

Baguio: Kabisera sa Tag-araw (Part 1 of 2 Parts)



Isa ang Pilipinas sa mga bayan na may “summer capital”. Sa alinmang panig ng mundo, may panahon (season) ng tag-araw. Sa Pilipinas, kalahati ng isang taon ay tag-araw pero ang rurok ng tag-araw ay sa mga buwan ng Abril at Mayo. Ito rin ang mga panahon na namamasyal ang mga mag-anak dahil bakasyon sa paaralan ang mga bata. Ang Indiya ay may Simla na isa ring lungsod sa tuktok ng bulubundukin na dahil sa mababang temperatura rito ay nagsisilbing summer capital. Ang Espanya ay may San Sebastian.

Malamig na Metropolis
 
  Opisyal at tradisyunal na pangtag-araw na kabisera ng Pilipinas ang Lungsod Baguio. Pinakamalamig pa rin ito sa mga metropolis sa Pilipinas. Ginamit ko ang salitang “metropolis” bilang pagbibigay-diin na ang Baguio ay isang ganap na urban na erya na ang populasyon ay pumapalo na sa mahigit tatlong daang libo, may buhol-buhol na trapiko ng mga tao at sasakyan, at may bunton-bunton ng mga basura kada araw. Kung may sariling pang-akit ang karagatan sa panahon ng tag-init, ang lamig ng simoy ng hangin sa Baguio ay nakararahuyo sa mga Filipino na sa buong taon ay nagtitiis ng banas. Dahil kabisera sa tag-araw, nadodoble nang ilang beses ang populasyon ng Baguio sa mga buwan ng Marso, Abril, at Mayo. May reputasyon din ito na isang romantikong destinasyon kaya dinarayo ng mga nagpupulot-gata sa mga buwan ng Hunyo o Disyembre. Tagos sa buto ang lamig sa Baguio pagtungtong ng Setyembre kaya dapat dagdagan ang mga tipikal na saplot ng mga Pinoy na kamiseta at salawal (short pants). Kakaiba ang tanawin sa Baguio dahil sa mga kabahayan dito na sa malayo’y tila mga lumot na nakakapit sa tagiliran ng mga bundok. Kakaiba rin ang disenyo ng mga bahay na ibinagay sa mababang temperatura.
Bumili ako ng “Your Baguio Map” na sa likod ay may mga tekstong pinamagatang “The Not So Politically Correct ABC Guide to Baguio City” na isinulat ng batikang manunulat at prominenteng taga-Baguio na si Frank Cimatu. Edisyong 2011 pala ang mapa, pero napapanahon pa rin ang mga nilalaman nito. Saanman mapunta, sa US man o sa Pilipinas, una kong tinitingnan ang mapa ng lugar para magkaideya at magkumpara sa iyong kinaroroonan at mahahalagang punto ng lugar. Bagaman ilang beses nang nakarating sa Baguio, limitado pa rin ang kaalaman ko kaugnay sa dire-direksiyon dito.
Taon 2013. Limitado man ang panahon, may mga lokasyon sa Baguio na laging kasama sa itinerari o muli’t muling sasadyain/sisilipin. Isa na ang Mines View Park. Sa kalsada pa lang sa bungad ng lagusan dito ay tambak ang mga restawran at tindahang nakadispley ang iba’t ibang souvenir item o produktong Cordillera. Pagpasok sa loob ng parke ay dikit-dikit ang mga tindahang nagbebenta ng mga subenir na kamiseta, mga nililok sa kahoy, mga key chain, sari-saring dekorasyon, peanut brittle, peanut butter, strawberry jam, halaya sa garapon, matamis na bao, at marami pa. May panahong napaugnay ang Baguio sa dalawang paninda – ang isa’y ang lilok sa kahoy na lalaking Igorot na natatakpan ang maselang bahagi ng bariles na kapag ibinaba mo ang bariles ay bubulaga ang lampas-sa-natural na sukat ng pagkalalaki; ang isa’y ang sinisera (ashtray) na may dildo. May mga itinitinda pa ring ganito pero hindi na kasingdami gaya noong araw. Di ko alam ang istorya sa likod ng ‘tema’ na ganito (phallic symbol) sa mga lilok sa kahoy – alamat o anuman – pero may narinig akong isang paghatol na pervert lang ang bibili ng mga ito. Uso rin sa MVP (Mines View Park) ang magpalitrato sakay ng kabayo. Mas walang imik pa ang mga kabayo sa rebulto kaya hindi mo malaman kung sa kabayo ka maaawa o sa mga tao na sumasakay dito para magpalitrato. Sa dulo ng parke ay ang View na matatanaw ang kailalimang unti-unting napupuno ng sari-saring istruktura. Napatanong ako sa sarili kung ano nga ba ang tinatanaw dito. Noong araw ay notoryoso ang MVP dahil may mga bata (pitong taon pababa ang edad) na nasa kabila ng harang ng parke, nakatayo sa gilid ng bangin, may hawak silang net na ipangsasalo sa baryang ihahagis ng mga nasa parke. Walang sibilisadong lipunan na makaka-appreciate sa ganitong uri ng palabas. Ang panooring ito’y nasa mapa ng Baguio sa mahabang panahon bago tuluyang ibinawal.

Burnham Park
 
 Ang Burnham Park ay isa sa pinakamaganda at pinakapopular na parke sa buong Pilipinas. Ipinangalan ito kay Daniel Burnham na isang dakilang tagadisenyo ng mga parke. Nagdisenyo rin siya ng mga parke sa iba’t ibang lugar sa US. May Burnham Park din sa parteng timog ng Chicago. May malaking likhang-taong lawa ang Burnham Park sa Baguio na maaari kang mag-boating. Waring tradisyon na sa sinumang pumasyal sa Baguio na mag-boating. May mga hardin ng sari-saring bulaklak. May mga etnikong adorno sa bawat sulok.
Basta panturistang destinasyon ay pangunahing aktibidad din ang pagsa-shopping. Nabanggit na ang mga tindahan sa Mines View Park. Nakakalat ang mga tindahan ng mga eksotikong produktong gawang-tao at gawang-kalikasan. Anti-climactic na ang pagkakaroon ng SM.
Antipatiko ang SM-Baguio sa hanay ng mga progresibo. Kabilang sa mga ‘asunto’ ng SM-Baguio ang diumano’y pagiging kontra-kalikasan nito na itinayo raw sa ibabaw ng bangkay ng mga punongkahoy na kailangang ibuwal para sa gagamiting espasyo sa ekstensiyon nito. May panawagan na iboykot ito ng sambayanan. Kung may mga nagboboykot man sa nasabing mol ay di halata sa dami ng mga tao na humuhugos papasok-palabas. Personally, hindi ako mahilig sa mga mol. Pabor ako sa mga tinatawag na bazar o maliliit na tindahan na karaniwang makikita at madaraanan sa downtown area. Lalo sa Baguio na di kailangan ang kanlungang air-con na amenidad sa malalaking mol. Pero kailangan ding maluwag ang bangketa para kumportable ang paglalakad habang pumipili ng papasukin na tindahan.
Patuloy sa pagbabagong-bihis ang Baguio. Umaapaw sa tao ang maliliit na bangketa sa Session Road. Ang daming nadadagdag na mga bagong gusali at istruktura. Ang mga lumang gusali nama’y nagbabagong-anyo. Kung limang taon o higit pa nang huli mong napuntahan ang Baguio ay malamang na manibago ka. Nag-iiba ang anyo ng lungsod habang patuloy sa pagdami ang mga tao sa lahat ng sulok nito.

Paglusob ng mga Korporasyon
 
Kailangan ang drastikong plano at palisi ng pamahalaang Baguio kaugnay ng oberpopulasyon at pagdami ng mga istruktura. May matatandang taga-Baguio na nagsasabing noong araw ay mistulang ‘forest’ kahit ang Session Road sa dami ng mga puno ng pino. Ngayo’y nasa paso na lang ang mga halaman dito. Nakapasok na ang korporasyon ng SM sa Baguio at ang pagdagsa ng mga tao sa mol nito ay indikasyon ng tubo. Kaya bang manindigan ng pamahalaang Baguio sa tulong ng vigilance ng mga mamamayan laban sa paglusob o ‘invasion’ ng ibang mga korporasyon na walang iniisip kundi komersiyal at pinansiyal nilang interes?
Sana ang Baguio, bilang summer capital, ay manatili bilang summer capital. Ano ang ibig nating sabihin dito? Sa US, may ebento na tinatawag na “Burning Man” na kada taon ay dumarayo ang libo-libong tao, karamiha’y alagad-sining, sa isang bahagi ng disyerto ng Nevada para ilang araw na magdaos at magsalo sa iba’t ibang makasining na pagtatanghal. Pag natapos na ang ebento, lilisanin nila ang lugar na walang anumang kalat o bakas na maiiwan. Napepreserba ang erya sa likas na kaanyuan nito. Sa Baguio, ang mapanatili sana ay ang anyong makakalikasan nito sa halip na mapuno ng mga gawang-taong istruktura. Na magpupunta ang mga turistang kababayan at mga banyaga para mag-enjoy sa kapaligiran nito na walang iniiwang bakas pagkatapos bagkus ay napananatili ang lungsod sa orihinal nitong kundisyon para ma-enjoy ng mga susunod pang henerasyon. Ang kaso, pag maraming tao ang isang lugar ay ang magkamal ng pera ang nasa isip ng mga negosyante at korporasyon. Di na bago ang kuwento na ang isang lugar na mala-paraiso ay papasukin ng mga negosyante, sisirain ito sa paglalagay ng mga komersiyal na proyekto, hanggang sa ang dating mala-paraiso ay mababoy at sa huli’y aabandonahin na lang. Ang walang habas na eksploytasyon ng mga korporasyon ay bumago sa orihinal na anyo ng Boracay. Kung ‘fragile’ ang isla ng Boracay ay ‘fragile’ din ang Baguio. Nasa political will ng mga lider at walang sawang pagbabantay ng mga tubong-Baguio ang kinabukasan ng opisyal na summer capital ng Pilipinas.
***




Archives