by Fermin Salvador.
February 1, 2013
Dumudupikal na ang kampana. Sinasaliwan ito ng de-kuryenteng gitara at boses ng septuagenarian na rakistang si Chuck Berry: “Go, Johnny, go!”
Ang Pangalang “Juan”
Sa hanay ng mga kapwa-Pinoy, ang pinakatanyag na may pangalang “Juan” sa kasalukuyan ay ang minsa’y ‘counter-puncher’ na nakaupong pangulo ng senado. Bihira na rin kasi ang binibinyagan sa pangalang Juan hindi paris noong araw na puro Juan ang pangalan ng kalalakihan kaya isang Amerikano ang nagbansag sa lahing Pinoy na “Juan dela Cruz”. Payag naman agad ang mga Filipino. Di man lang nag-isip na dahil ideya ito ng isang banyaga, posibleng may nakalakip ditong ‘private joke’ sa mga Filipino ang mga Amerikano.
Octogenarian na si Juan pero nasa gitna pa rin siya ng entablado ng pulitika ng Pilipinas. Dominanteng personalidad sa isang institusyong ang pagbaba ng kalidad ng kasapian ay nagbigay-pahintulot sa kanyang hindi naman ganap na kumplikadong pamamaraan ng dominasyon. Ipinangangalandakan niya lagi ang pagbibitiw bilang senate president na sintomas ng malaking kumpiyansa niya na kailangan ang liderato niya ng Pamilya – sa partikular ay mga kasapi na hindi suwail at ayaw maputulan ng daliri este porkbarel.
At bakit hindi kayang palitan bilang godfather este pangulo ng senado si Juan Ponce Enrile o JPE? Si JPE, na binansagan ding si Johnny Rambo noong dekada otsenta na panahon ng kasikatan ng nasabing karakter sa pelikula at katikasan ni JPE bilang depens-sekretari, ay parang si Dolphy sa mga kahenerasyon ko. Nariyan simula pa sa pinakaunang tala sa memorya at nariyan pa rin hanggang sa halos narating na ng memorya ang kapasidad. Si Pidol ay may ‘swan song’ noong 2012. Hindi kaya ang taon 2013 naman para sa pangulo ng senado na bilang depens-sekretari ay minsang nagpaalala sa sambayanang Pinoy ng premisang McCarthyism na pag nagsasalita na gaya ng itik, naglalakad na gaya ng itik, at nagpopropaganda na gaya ng itik ito ay itik? Itong huling pakikipagbakbakan ng karakter ang magsilbi na nga kayang ‘itik song’ ni Juan Rambo?
Si “Juan Rambo”
Matapos ang EDSA ‘86 ay naging latak si JPE ng rehimeng Marcos sa rehimeng Cory na agad ding naitulak palabas ng Malakanyang sa naging diperensiya sa pagitan ng mga maka-kanan na faction niya at faction ng mga maka-kaliwa. Isang taon lang siya naging depens-sekretari ni Cory at nasibak na. Nag-ala Rambo sa pagtawag ng panibagong martsa sa EDSA ngunit noon man at ngayon ay sa negosyo lang siya naging super-matagumpay. Nagpahayag na masaya niyang lilisanin ang tanghalan ng pulitika upang maging footnote ng kasaysayan. Saka tumakbong senador sa unang post-Marcos na halalang pangsenado sa lapian ng mga oposisyonista ni Cory. Naging pangkulelat siya sa dalawampu’t apat na nanalo. Makaraan ang ilang panahon ay nagbaka-sakali rin sa pagkapangulo ngunit ang naungusan lang niya sa paramihan ng boto ay si Manoling Morato. Sa huli’y tinanggap ni JPE ang tadhana na maging permanenteng bahagi ng mga kamara (house) ng kongreso.
Nilulusutan niya ang limitasyon sa termino sa pamamagitan ng pagpapabalik-balik sa pagiging representante at senador. Bilang kinatawan ng lalawigang Cagayan, hindi niya nakayang kontrolin ang mas malaki at mas batbat-tungkulin (at pondo) na mababang kapulungan. Sa senado, sa paglipas ng panahon na ang kapulungang ito’y pamahayan ng mga ekstra-ordinaryong senador sa kalibre nina Lapid, Sotto, Revilla, Estrada, at iba pa, unti-unting nagningning ang kakayahan ni JPE na maging big boss este senate president.
Ang pagpapatakbo ng gobyerno na may puwang para sa mga maniobra ay isang ganap na raket. Walang ipinagkaiba sa mga ‘ponzi schemer’ na nagtatamasa ng perang hindi kanila. Walang sinumang taong solong may-ari sa pondo ng bayan. Sa una’y iisiping ‘victimless crime’ ang korapsiyon. Ngunit ang pagbulsa sa pondo ng bayan ng iilan ay nangangahulugan ng menos na serbisyo para sa sambayanan, menos na paaralan at pagamutan sa mga mamamayan na sa mga pasilidad na ito umaasa at menos na subsidiya sa pagkain at ibang batayang pangangailangan ng mahihirap. Ang mga paksang ganito ay karaniwang dinidikdik ng matatalas na komentarista sa mga bagay-bagay sa pamahalaan sa kalibre ni Bill O’Reilly.
Hatian sa Gobyerno
Hindi na bago ang hatian ng ‘left-over’ na pondo sa senado. Hindi na rin ito bago sa kamara de representante. Kung pagbabalikan, sumadsad ang tsansa nang noo’y si Ispiker Ramon Mitra na mahalal bilang pangulo ng bansa matapos maiulat ang ginawa niyang distribusyon sa mga kongresista ng natirang pondo ng mababang kapulungan. Kaya rin kontrolado ni Ispiker Mitra ang kamara na siyamnapu’t limang porsiyento ng mga kongresista ay kasapi ng LDP na partido ng administrasyon bagaman sa teknikal ay di miyembro ng LDP ang nakaupong presidenteng si Cory. Nang pagpilian ng LDP kina Mitra at Fidel Ramos ang magiging opisyal na kandidato sa pagkapangulo sa halalan sa 1992, wala pang sampung kongresista ang pumanig kay Ramos pagkat halos ang lahat ay maka-Mitra. Pero ang mga maka-Ramos sa pamumuno ni Jose de Venecia ay kumilos para masira si Mitra. Ibinulgar ang (ilan sa) mga internal na praktis sa kamara na susi sa pagsasabwatan ng mga kongresista. Kumalas si Ramos sa LDP para kumandidato pa rin sa pagkapangulo sa ilalim ng partidong itatatag niya. Siya ang inendorso ni Cory na di miyembro ng LDP. Nanalong pangulo si Ramos. Si De Venecia ang sumunod na naging Ispiker ng mababang kapulungan. Di kaya ang putik na ipinukol niya noon kay Mitra ay ang putik din na kinain niya para mapanatili ang pagiging Ispiker sa mahabang panahon? Balikan natin ang tanong. Bakit atubili ang mga senador na maka-Enrile (hindi maka-O’Reilly) na palitan siya sa pagka-senate president? Napakasimple ng sagot – kasi maka-Enrile nga sila!
Huwag na ang mga diyos na nasa ‘olimpus’ sa Batasan at reclamation area, pansinin na lang natin ang mga diyos-diyosan sa mga kagawaran, tanggapan, byuro, at kaliit-liitang ahensiya sa ilalim ng pambansa at mga lokal na pamahalaan. Ang partehan na nagaganap kaya sa lehislatura ay di nauulit sa mga ito? Bilang paliwanag, ang sinundang pangungusap ay isang rhetorical question.
Tama Na, Sobra Na
Kailan naman nating matinong katwiran o premisa na kung dati nang tumatanggap ng kuwestiyonableng milyon ang isang mambabatas ay wala nang isyu kung tumatanggap pa rin ng ganoong kuwestiyunableng halaga hanggang ngayon? Na parang walang karapatan ang sinuman, lalo’t mambabatas din na nakinabang na sa ganitong kalakaran, na itumpak ang tradisyong lusak. Tinibag ng nanay ni P-Noy, ang ‘one and only’ Cory, ang mala-pader na poder ng mga Marcos sa Pilipinas sa mga sumusunod na islogan: “Sobra na, tama na, palitan na!” Ipinukol niya marahil ang mga salitang ito hindi (lang) sa literal na kontrol ng mga Marcos sa bayan kundi sa mga kaakibat na korapsiyon na nagkaugat hindi lang sa mismong mga Marcos bagkus sa malaking hanay ng mga Filipino at sa iba’t ibang sulok ng lipunang Filipino. Isang panawagan na umaalingawngaw hanggang ngayon.