ShareThis

  ESTADO

N3H2 (Pandemik ng Trangkaso)



by Fermin Salvador.
February 1, 2013
Taun-taon, sa pagsapit ng taglamig ay pinaghahandaan ang salakay ng trangkaso o influenza o flu. Sa simpleng depinisyon, ang flu ay “respiratory or intestinal infection caused by a virus” (Webster’s). Ayon sa Gray’s Medical Dictionary ito’y karaniwan na nagiging epidemik (epidemic) at minsan ay maging pandemik (pandemic). Sa epidemik, mabilis na kumakalat ang isang sakit (disease) sa loob ng isang kumunidad. Sa pandemik, mas malawak ang erya na apektado. Maagang kumalat ang flu sa 2012 – 2013 flu season, ayon sa Center for Disease Control and Prevention (CDC) at ang paglaganap nito ay rekordbreking ang bilis sa nakalipas na sampung taon. Isa sa mga estadong mabilis na naapektuhan ang Ilinoy.

Seasonal Flu
Ang tinatawag na ‘seasonal flu’ o karaniwang flu ay tumutukoy sa isang respiratory illness na nakahahawa. Ang tinatawag na “stomach” flu na isang gastrointestinal illness ay nasa iba/hiwalay na kategorya at ibang uring organismo ang pinagmumulan.
Kumpara sa ibang viral respiratory infection gaya ng karaniwang sipon, ang flu ay nagdudulot ng higit na perwisyo sa katawan. Maaaring makarekober mula rito sa loob lang ng isa o dalawang linggo. Pero ang flu ay posibleng humantong sa mga kumplikasyon. Sa paglipas ng panahon, nagbabago ang ‘genetic makeup’ ng influenza virus at nagkakaroon ng ibang mga uri (strain) ng virus na bago sa katawan ng tao. Posibleng ang mga bagong strain ay magbunsod ng pandemik na buong mundo ang maapektuhan. May mga strain ng virus na natatagpuan sa ibang hayop gaya ng ibon (H5N1) na posibleng maisalin sa tao pag nagkaroon ng transpormasyon.
Ang strain ng flu virus na kumakalat ngayon ay ang tinatawag na N3H2. Di raw ito bago ngunit ang strain na ito ay’virulent’ o mabilis at malakas makahawa. Bukod sa Ilinoy, ang mga estado na lubos na naapektuhan ay ang Alabama, Misisipi, Tenesi, Luwisiyana at Texas.

Flu Season
Taun-taon ay may tinatawag na “flu season” na marami ang nagkakaroon ng karaniwang trangkaso sa mga panahon ng taglamig (winter) mula Disyembre hanggang sa Abril. Ito ang tinatawag na influenza na type A at type B na posibleng magdulot ng malalang karamdaman pag di naagapan. Ang type C ang pinakamagaan sa tatlong uri ng common flu na madalas ay ni walang sintomas.
Noong 2009 ang estado ng Ilinoy ay bumuo at naglabas ng “Pandemic Influenza Preparedness/Response Approach” matapos ipahayag ng World Health Organization (WHO) na may pandemik ng H1N1 na tinatawag ding “swine flu”. Nagdeklara ng public health emergency ang pamahalaang pang-estado ng Ilinoy. Mabilis na nagpakalat ng mga bakuna kontra sa H1N1. Ang pagpapabakuna ang itinuturing na pangunahing proteksiyon laban sa flu.
“Ensure the readiness of direct care facilities,” ayon sa Plano ng estado laban sa flu. Importante ang kahandaan ng mga tinatawag na direct care facilities na unang tagasaklolo sa kumunidad sa panahon ng epidemik. Kabilang sa mga direct care facilities ang mga health care center, mga ospital, at lahat ng institusyon na nagseserbisyo sa mga may karamdaman, nasugatan, o may anumang isyung medikal. Ang mga naglilingkod sa mga pasilidad na ito ang ‘front line army’ ng alinmang estado sa pangangalaga sa kalusugan ng mga mamamayan at paglaban/pagsugpo sa mga epidemik o pandemik.

Preparasyon
Ang paghahanda ay isang bagay na di pinipitas sa hangin. Naisasakatuparan ito sa pamamagitan ng pagtiyak sa sapat na lohistika o logistics, mabisang pagsasanay (training) ng pantaong yaman o human resources, at pagpapairal ng sistemang episyente. Mahalaga sa preparasyon ang konsistensi. Dapat na regular ang pagtiyak na sapat ang gamit, peryodik ang pagsasanay at ‘drill’ sa lahat ng tauhan, at may pagtasa sa sistema.
May dalawang mahalagang pamatnubay o guiding principles ang Plano. Ang mga ito’y: “1) Maximize workforce available to maintain government services. 2) Minimize influenza spread and reduce impact on public health.” Ang una ay wastong paggamit sa mga resorses. Ang ikalawa ay pagpigil na makapinsala ang flu. Parang simple lang ang dalawang pamatnubay. Pero nangangailangan ito ng ganap na sinseridad ng gobyerno, dedikasyon ng mga tagapaghatid-serbisyo, at kooperasyon ng buong madla.
Anuman ang strain ng seasonal flu, ang mga sintomas nito ay palaging ang mga sumusunod: lagnat, ubo, makating lalamunan, pananakit ng katawan, pananakit ng ulo, pagkaramdam ng ginaw/pangangatog, pagkaramdam ng pagod/pagkapata, at sa ilang pagkakataon ay maaaring may kasamang pagtatae at/o pagduwal.

Tatlong “C”
Ang mga paraan ng pag-iingat na mahawa o makahawa ng flu ay kadalasang sentido kumon lamang. Takpan ang ilong at bibig kapag umuubo o bumabahin. Gumamit ng tissue paper at itapon ito sa angkop na tapunan matapos gamitin. Maghugas ng mga kamay matapos takpan ang bibig at ilong dahil sa pag-ubo o pagbahin. Kung hindi agad makapaghuhugas gamit ang tubig at sabon ay gumamit ng sanitizer o alcohol-based na panlinis-kamay. Iwasang hawakan ang mga mata, ilong, at bibig. Iwasang lumapit sa mga may sakit. Kung kinakailangang lumapit sa mga may sakit ay tiyaking laging may sapat na proteksiyon ang sarili. Kapag sa tingin mo’y may flu ka, makabubuting manatili na lang sa bahay at lumayo sa ibang tao at nang hindi ka na makahawa pa. Lumabas lang kung may mahalagang rason halimbawa’y para magpunta sa doktor. Maibubuod ang mga pag-iingat na ito sa “Tatlong C” na “Clean”, “Cover”, at “Contain”.
May mga hindi pa rin kumbinsido sa pagpapabakuna laban sa flu. May mga ‘urban legend’ tungkol sa mga bakuna. Na may ‘conspiracy theory’ dito sangkot ang ilang opisyal ng gobyerno na di nalalayo sa paksa ng mga sci-fi film. O eksperimental pa ito, ginagawang guinea pig ang mga mamamayan. Ang mga hinalang ito ay resulta marahil ng kakapusan ng information dissemination ng gobyerno tungkol sa flu vaccine.
Ipinapayo sa mga healthcare worker buhat sa doktor pababa sa janitor na magpabakuna. Di baleng ikaw na ang mahawa huwag lang ikaw ang makahawa sa mga pasyente o residente ng pasilidad para sa mga may karamdaman o sa matatandang nakatira sa nursing home. Isang doktor ang nagsalaysay na minsang naubusan ng suplay ng flu vaccine, hindi maaaring maghintay pa siya sa pagdating ng bagong suplay kaya sumadya na lang siya sa Canada para roon magpabakuna. Ang punto niya’y ang nesesidad ng pagpapabakuna. Kung ganito kalaki ang paniniwala ng mga doktor sa bakuna, dapat bang magduda pa ang mga ordinaryong mamamayan? O di kaya may pandemik na rin ng paranoya sa panahon ngayon at kasama na ang mga doktor sa mga di lubos na pinaniniwalaan?




Archives