ShareThis

  ESTADO

KKC (Kanya-Kanyang Check)



by Fermin Salvador.
July 1, 2012
Kaugnay ng pagsasara ng samit (summit) ng North Atlantic Treaty Organization (NATO) sa Chicago na ang naganap ay tinaguriang pinakamalaking pagtitipon ng mga pinuno at kinatawan ng mga bansang miyembro ng nasabing organisasyon sa kasaysayan ay nagkaroon ng pagkakataon ang matataas na opisyal sa gobyernong Obama na makapagrelaks sa nasabing lungsod bago magbalik sa Washington D.C.

Press Conference

Naiulat na nagbigay ng press conference si White House Press Secretary Jay Carney sa mahigit limampung mamamahayag sa huling araw ng samit. Idinaos ito sa Chicago Cut Steak House. Karamihan sa mga dumalo ay umorder ng popular na isteyk ng nasabing restawran. Matapos ang press con ay isa-isang kinuha ng mga dumalo ang ‘check’ o bayarin (bill) sa inorder na pagkain. Sa Pilipinas mas nakasanayang ‘chit’ ang tawag. Magkakahiwalay ang check ng bawat naroroon. Kaya ang animnapung magkakahiwalay na order ay may animnapung magkakahiwalay na check. Binayaran ni Sec. Carney ang kinain niya at binayaran ng mga taga-midya ang kinain nila. Santambak na credit card ang kailangang iproseso ng mga tagasilbi. Pero wala nang bago rito.

Nagpunta rin sa Chicago si US Secretary of State Hillary Clinton na tubong-Ilinoy at ipinanganak sa Edgewater Hospital sa Chicago. Nag-aral si Sec. Clinton sa mga paaralang pampubliko sa Park Ridge. Nakasama niya ang ‘ika nga’y mga ‘old chums’ sa isang hapunan at ‘hapi-hapi’ sa Stefani’s. Nang matapos ang instant reunion ay hiwa-hiwalay nilang kinuha ang check sa kani-kanyang order. Akala ba ninyo’y ang dating Unang Ginang ng US, na naging senador, at ngayo’y unang kalihim ni Pang. Obama ang ‘taya’ sa pagtitipon? Sila’y KKC – kanya-kanyang check.

Ikumpara natin ito sa press con sa Pilipinas? Nakupo! Maraming interesanteng talakayin. Isang simpleng ehemplo ang di-minsan-sa-buhay ng mga mamamahayag at alipores na ekpiryensang magkaroon ng multi-milyong pisong hapunan sa Nuyork kasama ang dating pangulo at ngayo’y bilanggo na si Gloria Macapagal-Arroyo.

KKB

Magastos daw magpa-press con sa Pilipinas. Inaabot nang milyon minsan ang nagugugol ng nagpa-press con. Huwag na sa opisyal na taga-Malakanyang, Senado, Batasan, o gobernador at meyor. Sa Seiko Films o Regal Films na lang. Halimbawa’y press con sa bagong pelikula. Pagbungad ng reporter ay may enbelop agad. Walang patid ang hatid ng mga de-unipormeng weyter ng pagkain at inumin na lahat ay libre. Krimen ang magpa-press con sa Pilipinas na walang libreng pagkain sa mga dadalong tagamidya. Pag natapos ng reporter ang programa ay may panibagong enbelop pag-uwi niya. Ano ba ang masama sa enbelop? Enbelop lang naman ang sinasabi ko, at wala nang iba. Bagaman mula sa pangulo hanggang punong mahistrado ay nahuhulog sa tugatog nang dahil sa enbelop. Sa US, press con ng mataas na opisyal ng Washington – KKB.

Ang mga Pinoy ay may terminong “KKB” na daglat sa “kanya-kanyang bayad”. Ibig sabihin, bilang grupo ay pupunta sa isang kainan at doon ay sari-sariling order na sari-sarili ang pagbabayad. Naunang katuturan para sa KKB noon ang “kanya-kanyang baon”, ang bawat isa ay magdadala/magbabaon ng sariling pagkain at huwag umasa na may nakahandang makakain o may magdadala ng pagkain para sa iyo. Pero ito’y exception to the rule. Kailangang ipaalam nang maaga sa kinauukulan dahil kung hindi’y iisiping sikmura lang ang dadalhin. Nakakasa marahil ang kulturang ito sa topograpiya ng tropikal na bansang kagaya ng sa Pilipinas na kahit saan ay may mga bungangkahoy o bungang-ugat na makakain. Sa panahon ng ating mga ninuno, napakabihira ang lugar sa Pilipinas na wala kahit na ano. Pinalakas pa ito ng pagkahirati sa mga pagdiriwang mula pa sa pre-kolonyal hanggang sa kolonyal na mga panahon. Kakambal din ito ng tradisyon ng pagkatig sa herarkiya sa lipunan na temporari at permanente.

Tatlong salik ang nabanggit. Sa una, ang pagiging sagana sa likas na biyaya sa lupain ng Pilipinas buong taon. Sabi sa kantang “Bahay-Kubo” nasa paligid lang ang makakain. Ang naglakbay na panauhin ay makaaasang pakakainin at makakakain sa bahay na sadya. Ang mga Pinoy ay iminulat din sa pagiging galante na ipinamamalas tuwing pista o kahit na sa mga payak na pampamilya o pansariling okasyon katulad ng kaarawan, anibersaryo, pagtatapos ng pag-aaral, o pagkakapasa sa board exam. Kahit na madalas ay di wasto ang pagkagalante. Hindi naging ugali ng mga karaniwang Amerikano na ipasa nang buo sa tao o pamilyang nagdiriwang ang lahat ng bigat sa bulsa ng pagdiriwang. Kahit isa lang ang may dahilan upang magdiwang ay pinaghahati-hatian ang gastusin ng pagsasalu-salo. Kaya uso sa US ang tinatawag na ‘pot luck’ na ang bawat dadalo sa pagtitipon ay may dalang putaheng ibabahagi sa iba. Kaya hindi kailangang maghanda nang napakarami ang ‘host’. Hindi nawawala ang pag-aalala at pagtuon sa obligasyong haharapin ng selebrant pagkatapos. Sa ganito rin higit na maihihiwalay ang mga tunay na kaibigan sa mga gusto lang ng libreng kasayahan.

Herarkiya o Pagkakapantay-pantay

Ang ikatlong salik na hinggil sa pagkatig sa herarkiya sa lipunan ay higit na masalimuot. Ang mga pre-kolonyal na Filipino ay nahahati ayon sa istatus o sa katayuan sa lipunan. Una’y ang mga angkang dugong-bughaw at sa huli ang mga aliping sagigilid. Sa simple, may uring mariwasa at maraming ari-arian habang may uring wala ni anuman. Na di rin nalalayo sa kaayusang piyudal sa pagitan ng mga uring nagmamay-ari ng lupa at uring walang lupa na naglilinang ng lupang di kanila. Kaayusan na ang isang uri ang may kapasyahan sa buhay ng mas mababang uri at nagkakaloob sa mga pangangailangan nito. Dalawang nilalang na di magkapantay. Nagsanga ito sa relasyon ng management at labor. Sa mga karaniwang tao, ang lagay ng kabuhayan ng mayaman ay nagbibigay sa kanya ng kaangatan ng istatus sa nagdaralita. Naging batayan din ang baba o taas ng puwesto sa trabaho na walang ipinag-iba sa ranggo bilang mga sundalo. Napasama rin dito ang namamagitan sa isang may ‘katungkulan’ dahil opisyal ng gobyerno at payak na mamamayan. Ang herarkiya ay makikita sa halimbawa’y sandali ng pagsasalu-salo.

Ibalik natin sa press con. Paano ganap na ‘mababanatan’ ng mamamahayag ang isang opisyal ng gobyerno o ang mismong gobyerno kung dinala niya sa tiyan (o sinapupunan) ang pagkagalante nito? Kung bumanat pa rin, di kaya siya makarinig ng bulong sa hangin na siya’y ingrato? Kay Sec. Hillary at old chums, ang pag-iral ng KKC ay waring manipestasyon na sa kabila ng malayong naabot ng kanyang buhay at karera ay hindi pa rin siya nag-iiba bilang kaibigan. Kalebel pa rin siya at mananatiling kalebel habambuhay. Ito ay sa kontekstong kahit sa pagbabayad ng kinain ay panuntunan ang pagkakapantay-pantay.

Kakaiba at bago para sa malay ng mga Pinoy. Pero ganito talaga ang kaugalian sa US. Naging karaniwang karanasan ko na ito. Pag may misyon ako sa ibang lugar ay magkikita-kita kami ng mga kasama sa misyon. Karaniwang salu-salo kaming mananghalian at maghapunan. Pipili ng restawran. Mahigit sampu kami sa isang mesa. Hiwa-hiwalay na kukunin ng weyter o weytres ang order namin at hiwa-hiwalay din ang check pagkatapos. Sa di sanay sa kulturang ito ay nakatatawa ang tagpo. May anekdota noong araw na isang pangkat kami ng mga kabataang baguhang manunulat sa komiks. Pagkasingil sa pasulatan ay kumakain kami sa isang restawran bago umuwi o mag-inuman. Maiingay kami sa loob ng restawran, sabay-sabay nagsasabi ng order. May nagpasaring na weytres: “Pagkatapos kanya-kanyang bayad ang mga ‘yan!”. Sabay silang tumawa ng isang kapwa-weytres. Sumagot ako: “Siyempre. Wala kasing mayaman sa amin.” Ngayon ko napag-isip na mali ang ‘punchline’ ko. Hindi tama ang rason ko. Hindi nakatatawa.

END




Archives