ShareThis

  ESTADO

Homiletiks (Ika-2 at Huling Bahagi)



by Fermin Salvador.
June 1, 2012
Sa sumunod na tungayaw ni Scalabrino ay inatake niya ang mga nakapag-aral ng mataas na edukasyon nang mapasulyap sa mga papel na nagsasaad ng mga tsart, graph, at dayagram sa mesa. Maraming degree holder, sabi niya, pero walang sentido-kumon. Ipinaliwanag kong sa praktikal ay mainam ang may formal na pag-aaral sa modernong panahon para sa tawag ng espesyalisasyon. Halimbawa, kung cardiologist ka ay sa puso ang espesyalidad mo bilang doktor. Magpapaliwanag pa sana ako pero sa tingin ko’y patungo na siya sa susunod niyang diskurso.

Masama sa Mundo, Masama sa Tao
Biglang napunta ang talakay sa mga bagay na nakasasama sa kalusugan at sa kabuuang eksistensiya at preserbasyon ng tao bilang specie sa planetang daigdig. Nagdiskusyon siya tungkol sa mga pagkaing ‘genetically modified’. Binanggit din niya ang paglipad ng mga eroplano (may kasamang muwestra at tunog) at pagkakalat ng erosol (aerosol) na nalalanghap sa lupa. Hindi ko ganap na makuha ang lohika sa ilan sa mga sinasabi niya sa mga araling pang-agham ngunit hindi ako nagtatanong. Ang kongklusyon niya’y labis ang kasamaan na ng tao. Walang kiber kung mapinsala ang planeta. Makasarili, anya. Ginagawa ang pamiminsala pagkatapos ay nagkakaroon ng mga anak na pag-iiwanan ng mga dumi. Ang pagkakaalam ko’y walang asawa o anak si Scalabrino sa kabila ng limpak-limpak na kinikita niya. Nagbabayad siya nang malaki sa storage fee para sa sari-sari niyang abubot gaya ng mga bagay na antique, mga aklat, at pati mga lumang magasin. Walang dudang mahilig siyang magbasa. Umuulan ang diskurso niya sa mga citation at mga reperensiya mula sa Wall Street Journal hanggang sa aklat ng mga awtor na ang pangalan ay madalas hindi niya maalala.
Emosyonal siya sa isyu ng preserbasyon ng kalinisan ng mundo at, impliedly, sa kalinisan ng genes ng tao bilang specie sa planeta. Nagpahiwatig siya na malay siya na may mga nagmamaliit sa saysay ng kanyang mga pag-aalala. Kailangang talakayin ito, katwiran niya. Ikinuwento niya ang pagpunta sa Veterans Hospital dahil sa mga kakaibang nararamdaman pati na ang kati ng lalamunan. Lahat nang ito’y isinisisi niya sa mga manipulasyon sa pagkain at paglason sa hangin. Ikinuwento niya na noong nasa Vietnam siya ay itinalaga siya sa isang lugar na di niya alam ay imbakan pala ng Agent Orange. May pigil na gigil siya pag pinagbabalikan ang naging paglilihim na ito sa kanya ng mga superyor. [May ilan na nakausap ako na mga dating GI na may paranoya sa mga kamaldituhang kayang gawin ng gobyernong-US sa sariling mga tropa nito. Pero halos lahat din ay sa Veterans Hospital na ospital ng gobyerno tumatakbo pag may naramdaman sa katawan.] Parang nahulaan ko rin bakit hindi niya ginustong magkaanak. Binigyang-diin niya ang selfishness. Gusto mong maipreserba ang lahi mo pero wasak na mundo ang iiwan mo sa mga anak mo? May pilosopiya ng paglipol sa sariling specie sa pamamagitan ng boluntaryong pagtigil na masundan pa ang lahi. Makasarili at pansarili ang layunin ng paglikha ng bagong henerasyon kung nais mo lang maipreserba ang lahi mo gayong magdurusa lang sila sa uri ng mundong ikaw din ang sumira. Ba’t mo pa sila hahayang maisilang?
Dumako siya sa ‘doomsday scenario’. Ang ama niya raw ay isang migrante. Ni hindi nakapag-aral. Isang manginginom. Bata pa siya noon, natatandaan niya ang minsang sinabi nito habang lasing. Na darating ang araw pag nagbukas ka ng pinto ay bubulaga sa iyo ang sangkaterbang nagugutom at walang tanong-tanong o permiso na papasok sila sa bahay mo para maghanap ng makakain. Anya, sa una’y iisiping hulang-lasing pero ngayo’y nakikini-kinita niyang nagkakahugis ang mga sinabi nito.

Nawalang Karatula
Bumalik siya sa paksang-bankero. Minsan naglalakad siya sa La Salle Street sa downtown ng Chicago. Nagulat siya nang mapansing wala na ang isang malaking karatula ng Bank of America na pamilyar sa kanya sapul bata pa siya. Sa tono ng lahad niya’y sadyang big deal ang pagkawala ng karatula. Na babala na ito ng kalagiman na magaganap. Magsasara ang mga banko. Kakalat sa kalsada ang mga walang bahay, gutom, desperado. Kaya preparasyon na ng administrasyong Obama para sa sitwasyong ito ang batas na nagpapahintulot sa arbitraryong pagdakip at pagpiit sa sinumang paghinalaang wala sa tamang katinuan. Misteryoso, sa tingin, ang batas na iyon at bawat batas ay may isponsor at labiyista (lobbyist) – sino ang mga ito? Siya na rin ang sumagot: ang mga militar, ang Pentagon.
Nabanggit muli si Pangulong Obama kaya tila paralelo nito na nabanggit din muli si Ron Paul. Gusto niya si Ron Paul pero ang problema rito’y Republican sa labas pero libertarian sa loob. Payag sa aborsiyon, atbpa. Humingi pa siya ng pagsang-ayon sa akin na ang kahulugan ng ‘libertarian’ ay free-thinker o bukas ang isipan sa lahat ng ideya na mas tatak na ng lapiang Democrat kesa Republican. Walang tsansa si Ron Paul, sa tingin niya, pero wala rin siyang mapili kina Romney o Gingrich. Saka niya ipinaalam ang tunay na plano ni Ron Paul. Gusto lang nitong pasikatin ang pangalan ng pamilya niya para sa anak niyang papalit sa kanya sa pulitika.
Pagkatapos ay naging medyo ‘weird’ na ang tumbok niya. Sa simula ay parang nag-uulat na sinabi niyang kahit ang Tsina na namayagpag nang ilang taon ay umaming nakakaranas na rin ng pagdausdos ng ekonomiya. Magiging mainit itong pumatol sa mga bulabog. Desidido ang Pentagon na brasuhin ang Iran na kaalyado ng Rusya.
Minsan naaalimpungatan daw siyang parang may umuugong sa ilalim ng lupa. Parang isang uri ng motor. Hindi niya pinapansin. Nagulat siya nang malamang may mga nagsasabing nakakarinig din nang ganoon sa ibang estado at pati sa ibang bayan. Meron sa Sumatra, sa Costa Rica. Anya, may malalakas na ngayong panghukay at ang mga ito’y ginagamit para magprepara ng kanlungan pag di na matitirhan ang ibabaw ng lupa. Mga bankero rin daw ang nasa likod ng mga ito para sila lang ang makaliligtas.
Napasulyap ako sa orasang-dingding, mahigit isang oras na siyang nagmomonologo. Wala pa siyang tulog magdamag, naisip kong dapat na siyang umuwi at ayokong ang pagbibigay sa kanya ng bukas na tainga ang maging sanhi ng pagkabalam ng kanyang pahinga. “Take it easy,” sabi ko sa tonong nagpapahiwatig na may mga gagawin pa ako. Mataas pa rin ang enerhiya niya. Pinayuhan akong iwasang uminom ng mga fruit punch. Mas mabuti raw ang kape. Minsa’y nag-demonstrate siya na marumi ang tap water. Naglagay siya ng tap water sa isang baso at saka pinatakan ito ng kung anong likido na lumikha ng kulay sa tubig at ang kulay na iyon daw ang tanda ng dumi. Hilig niya ang ‘Indian food’ pero kahit ito’y hindi na niya masiguro kung okey pa rin. Pati mga gulay delikado na raw. Saka siya tuluyang umalis.

Pagsasabi ng Nilalaman ng Utak
Sa kabuuan, si Scalabrino ang tipong sagad ang utak sa laman na ibig niyang ibahagi sa iba. Malay siya na kailangan ang pag-iingat sa kapakanan ng accuracy ng mga pahayag. Napansin kong malalim ang kaalaman niya sa heyograpiya, kasaysayan, at iba pang aralin. Ang isyu, at ito ang laging problema sa mga nagsasariling-basa, ay sa pagproseso niya ng mga nababatid sa konteksto ng kabuuang senaryo. Hindi mainam na may mga nakatanim na sa iyong pagkiling. Kung inherent, halimbawa, ang di mo pagpabor kay Pangulong Obama may tendensiyang sagpangin mo na lang ang anumang masamang pidbak tungkol dito nang walang sapat na pagsusuri. Kung kahinaan mo ang ekstremong perspektiba ay laging may histerya sa halip na moderasyon ang paraan ng pagsipat sa mga ideya at bagay. Hindi dapat kalimutang ang mga nababasa ay di awtomatikong katotohanan na ‘easy reference’ sa pangungumbinsi.
Sa kabuuan pa uli ay masasabing si Scalabrino ay isang mabuting tao na may (abstraktong) malasakit sa nasa labas ng sarili at lampas sa sarili. Gaya nang sabi niya’y kailangang talakayin ang mga tinalakay niya dahil hindi dapat hayaan lang ang mga nagaganap at manahimik. Siya’y isang taong mahilig sa kaalaman gaya nang maraming ibang taong nakilala ko. Kaya lang, kagaya rin sa mga taong ito, nakapanlulumo kung ang kaalaman at malasakit ay di nailalagay sa lugar. Nagpapahayag na animo’y naghahalungkat lang ng mga abubot mula sa isip.




Archives