ShareThis

  ESTADO

‘Intsik’ sa NBA



by Fermin Salvador.
March 16, 2012
Sa loob ng maikling panahon, pumangalawa si Jeremy Lin kay Manny Pacquiao na pinakapopular na atleta sa mundo na napaugnay (identified) sa pagiging Asyano. Si Jeremy ay ang bagong manlalaro ng New York Knicks sa National Bastketball Association (NBA) na gumulantang sa daigdig ng basketbol sa taglay na tulin, talino, at galing sa paglalaro na naghatid ng sunod-sunod na panalo sa koponang nang una’y isang anderdog kung ituring sa liga. Binansagan siyang “Linsanity” – pagsasanib ng apelido niyang “Lin” at salitang “insanity” na patungkol sa nakababaliw na eksaytment na idinulot ng kahanga-hanga niyang paraan ng paglalaro.
 
Pacman at Linsanity: Paghahambing
 
Malaki ang pagkakaiba nina Pacman at Linsanity bukod sa isports na kinabibilangan. Si Manny ay isinilang at lumaki sa Pilipinas at isang mamamayan ng Pilipinas habang si Jeremy ay isinilang at lumaki sa US. Si Manny ay nagmula sa isang ganap na dukhang pamilya at kinailangan niyang maging boksingero para sa arawang surbaybal. Si Jeremy ay nakapagtapos sa Unibersidad ng Harvard; may naghihintay na karera sa labas ng isports. Nahalal na kongresista si Manny sa bisa ng kanyang popularidad at maaaring magpursige sa higit pang luklukan sa gobyerno. Si Jeremy ay malabong maisalin ang kasikatan niya sa isports sa tagumpay sa pulitika (kung papasukin ito) sa milyu ng bansang US.
Lampas sa usapin ng pagkamamamayan, si Pacquiao ng Pilipinas at si Lin ng US ay kapwa mga kampeyon ng kalahiang Asyano at mga bansang pinag-ugatan ng kani-kanyang mga ninuno. Pero kaugnay nito, kahit sa ika-21 siglo ay umiiral pa rin ang pagkakaiba-iba ng pagtingin sa usapin ng kalahian. Kulelat na ang mga Asyano sa NBA pagkat sa lahat ng kontinente ay ang mga taga-Asya ang huling nakapasok sa ligang ito. Matagal nang may mga taga-Yuropa, Aprika, Timog Amerika, at maging taga-Australya na nasa NBA.
Maski si Lin ay di laking-Asya bagaman ang dugo niya ay purong Asyano (Taiwan). Walang bakas ng pagiging Tsino o elyen sa pagsasalita ni Lin ng Ingles. Pero hindi nakapigil ito upang maistiryutayp siya sa pisikal na anyo. Gumamit ng ekspresyon na “chink in the armor” ang isang mamamahayag at isang commentator ng ESPN. Lumikha ng ‘uproar’ ang pagtukoy kay Lin gamit ang salitang “chink” na ang negatibong pahiwatig sa mga migranteng Asyano at mga Asyano sa pangkalahatan ay di nalalayo sa “N-word” sa mga lahing Itim. Sinesante ng ESPN ang manunulat at sinuspinde ang brodkaster. Humingin rin ang ESPN ng paumanhin kay Lin at nagsabing siya‘y “source of great pride” ng kumunidad ng mga Asyano-Amerikano pati na sa mga Asyano-Amerikanong empleyado ng ESPN.
 
Mayweather vs. Lin
 
Nagbitiw ng pahayag ang boksingerong si Floyd Mayweather na kaya lang ipinagbubunyi si Jeremy Lin ay dahil sa ito’y isang Asyano. Sa mga lahing-Itim, anya, pangkaraniwan lang ang ipinamamalas na abilidad ni Lin ngunit hindi napapansin. Sulimpat na naman ang pananaw ni Floyd na lakas-loob na isinapubliko. Una’y hindi kapos ang rekognisyon ng US at buong mundo sa galing ng mga Itim na atleta sa basketbol at iba pang isports. Hindi pagdedebatehan na ang pinakadakilang mga basketbolista sa kasaysayan ay sina Michael Jordan, Magic Johnson, Wilt Chamberlain, Julius Erving, Kareem Abdul-Jabbar, at marami pang lahing-Itim. Ni wala pa sa kalingkingan ng mga ito si Lin na wala pang kasiguruhan kung mailalagay man lang sa talaan ng hol-op-peym sa NBA. Si Lin ay walang iba kundi isang pangkasalukuyang senseysiyon (sensation) na nagpasigla sa NBA bilang isang liga. Nakapag-aambag siya nang malaki sa panalo ng koponan niyang Knicks at di dapat ipagkait ang papuring karapat-dapat sa kanya. Hindi ang kalahian niya ang tinitimbang kundi ang papel niya bilang manlalaro sa pagwawagi ng team. Ganundin sa usapin ng boksing. Kung namamayagpag si Manny Pacquiao ay di dapat masamain ni Mayweather ang pagiging Filipino nito bagkus ang mga akomplisment ni Pacquiao ay kilalanin bilang akomplisment ng larong boksing.
Dapat ay pagbalikan ni Floyd ang pinagdaanan din ng mga lahing-Itim sa NBA. Nagsimula ang basketbol bilang laro at ang NBA bilang liga na para lang sa mga nabibilang sa lahing-Puti. Iyon ay naganap sa mga panahon ng pag-iral ng hiwalay na pamantayan sa pagitan ng mga Puti at Itim, mas kilala sa tawag na diskriminasyon. Nagkaroon ang mga Itim ng koponan ng basketbol na tinawag na Harlem Globetrotters. Nang magsagupa ang Harlem Globetrotters at koponan sa NBA ay tinalo ng una ang huli. Hanggang sa nagpasya ang mga koponan sa NBA na magiging ‘asset’ ang mga Itim na manlalaro. Nang lumaon, naging karaniwan na sa mga koponan sa NBA ang pagkuha ng mahuhusay na manlalaro saanmang panig ng mundo. Sina Vlade Divac, Toni Kukoch, at Hakeem Olajuwon ang ilan lang sa mga ito.
Naging manlalaro rin sa NBA si Yao Ming na may taas na higit sa pitong talampakan. Si Yao ay isinilang at nagkaisip sa People’s Republic of China na nagtungo sa US para mahasa sa larong basketbol hanggang sa kinuha siya sa NBA na unang kinunsidera ay ang taas niya. Pero sa kabila ng angking tangkad ay mistulang nasa anino si Yao nina Shaquille O’Neill, David Robinson, Tim Duncan, at ibang higanteng may kahanga-hangang husay sa paglalaro. Bagaman di rin naman masasabing banong maglaro, mas tumatak kay Yao ang identidad na kauna-unahang Asyanong naglaro sa NBA kesa sa kalidad ng paglalaro niya. Si Lin, sa taas na 6’3” ay di kataka-takang nilampasan ng tingin ng mga koponan sa NBA. Karaniwan lang ang taas niya. Guhit ng palad na lang marahil ang nagtulak na marating niya ang kasikatan na tinatamasa ngayon sa NBA. Pero gaya nang nabanggit, si Lin ay mamamayang Amerikano at di isang dayo na gaya ni Yao Ming. Kung si Yao ay naglaro sa Olimpiks dala ang watawat ng Tsina, si Lin ay ang bandila ng US ang dadalhin.
 
Lin vs. Rose
 
 Nangangalahati na ang ‘season’ ng NBA nang dumating si Lin kaya sa kabila ng mataas na abereyds na puntos, asiste, agaw-bola (steal), rebawnd, at iba pang nagagawa sa loob ng hardkort ay di na siya magiging kontender man lang sa pagiging most valuable player (MVP) o kahit ‘rookie of the year’. Ang nakaraang MVP award ay nakopo ng manlalaro ng Chicago Bulls na si Derick Rose. Hindi nagkakalayo ang edad nina Rose at Lin. Pareho ang taas nila, pareho silang pointguard, parehong maliksing kumilos, matulin tumakbo, at parehong mahusay sa pagbuslo sa malapitan man o malayuan. Kaya maaaring isilang ang kumpetisyon sa pagitan ng dalawa sa tradisyon nina Larry Bird at Magic Johnson, Michael Jordan at Charles Barkley, o Robert Jaworski at Fortunato Co sa Philippine Basketball Association (PBA). Ang ganitong pagpapares ang kadalasang lumilikha ng alamat hindi lang sa pagitan ng dalawang manlalaro kundi sa ligang arena ng kanilang pagtutunggalian.
Hindi na rin napasama si Lin sa katatapos na all-star game. Sa kasikatan niya ay di na nakapagtataka kung maiboboto siya ng mga fan para sa all-star game sa susunod na taon. Kaya lang, pareho sila ni Rose na kabilang sa koponan ng Silangan at pareho rin silang pointguard. Magiging pamalit lang siya ni Rose. Pero siyempre’y depende pa rin kung ang taas ng level ng laro ni Lin ay mapapanatili niya.
Diskriminasyon
 
 Nabanggit natin ang diskriminasyon. Kahit sa Pilipinas ay dumanas ng diskriminasyon ang mga Tsino. Sa panahon ng mga Kastila ay hiwalay ang kanilang kumunidad at maging sementeryo. Sila’y pitsa ng katatawanan sa mga pelikula at pagtatanghal. Si Dolphy, Hari ng Komedi, ay nagsimula ang karera sa pag-spoof sa mga Tsino bilang si “Golay”. May mga pabalbal na tawag ang mga Pinoy sa mga Tsino gaya ng “Intsik”, “Tsekwa”, at “Beho” na nagpapatuloy hanggang ngayon. Subalit marahil di na nakatatawa ngayon para sa mga Pinoy kung iisiping ang mga Intsik na, o mga kalahating-Intsik, ang may malaking kontrol sa mga negosyo, kalakal, merkado, banko, at maging sa gobyerno ng Pilipinas. Di na ‘chink’ ang mga Intsik bagkus sila na ang naging ‘armor’; naka-armor ang poder at impluwensiya sa istatusko ng estado.




Archives