by Fermin Salvador.
January 16, 2012
Berdugo, ito ang tawag sa retiradong major-general na si Jovito Palparan ng mga ‘non-fan’. Walang tiyak na tuos sa porsiyento ng populasyon ng Pilipinas ang mga ‘non-fan’ niya bagaman lumalantad ang bulto ng mga ito sa mga harapang protesta habang ang mas ‘kimi’ ay nagpaparamdam sa pamamagitan ng mga artikulo at komento gamit ang subhetibong fora ng mga grupong internet, websayt, at/o SWS (social networking sites). Karaniwan ding ang mga pasulat na puna ay may heneral (general, pun lol) na diskurso kung hindi man malabo (vague) na posibleng indikasyon ng pakikiuso lang sa kolektibong sentimyento ng dinidikitang hanay ng mga progresibo, o makakaliwa, o pagsasanib ng mga ito sa may naguguluhang gunam-gunam.
Basang Bansag
Sinusuri natin ang mga personalidad hindi sa mga bansag-bansag. May mga bansag na bigay sa sarili at may mga bansag na bigay ng mga kakampi at/o kaaway nila. May bansag din na bigay ng masmidya. Madalas, orihinal man ng masmidya o hinango ay ito ang nagbibigay-popularidad/pamilyaridad sa sinumang karakter. Sumusuri rin tayo na hindi nanghihiram sa persepsiyon ng iba. Otherwise, ang tinatawag nating ‘pagsusuri’ ay di malay na alingawngaw lang ng tono na ninanais nating pakinggan. Conversely, ang kahinaan ding ito ang ugat kaya may mga personalidad naman tayong hinahangaan na dili iba’t bunga ng di malay na pagtanggap sa pagsasariling-lapat ng mga katauhang ito ng kanilang ‘kadakilaan’.
Napaulat ang pag-angal ng mga suporter ni Palparan sa nakakamihasnang pagbansag sa kanya na “berdugo”. May isyu kung ginagamit ng masmidya ang bansag na ito nang walang tamang pasintabi. Hindi ganito: “…na tinatawag na…” kundi ganito: “…na tinatawag ng ilang grupo na…”. Ang masmidya ay di dapat nakikiloko sa paling (leaning) ng isang panig lamang.
One-sided at sabjektib ang etiketang ‘berdugo’. Ikinakabit lang ito sa mga pigura o objek na may tanging silbi. Sa opisyal na tagapugot ng ulo ng isang estado sapul pa sa panahon ng mga hari at reyna; isang nilalang na humihinga o isang malamig na makina gaya ng gilutin sa Pransiya sa panahon ng rebolusyon kontra sa monarkiya. Ano ba ang (tunay na) kinakatawan ng isang berdugo? O unang dapat itanong marahil: Esensiyal ba ang berdugo sa bawat estado?
Nabanggit na. Walang estadong walang ‘internal’ na berdugo. Pisikal at simbolikal. Magmula Hilagang Koreya hanggang Vaticano, may berdugo. Magmula Tsina hanggang US. Iran hanggang Israel. Magsabi kayo ng lider-rebolusyonaryo na sinasamba ninyo at sasabihin ko kung ilan ang berdugo nito. Hindi (pa) man matiyak kung ito’y esensiyal, palaging may berdugo sa bawat rehimen – kung hindi pisikal ay simbolikal. Kung bakit ay maraming teorya. Magteorya rin tayo.
Doon tayo sa mas madaling intindihin. Tanong: Bakit ang dalawang ideyolohiyang magkalabang imortal: fasismo at kumunismo ay parehong nakasandig sa episyensiya ng dominasyon ng iisa lang na partidong pulitikal sa estado? Magkaibang ‘kakuwanan’ sila pero parehong nasa agenda ang pag-iral ng rehimeng totalitaryan.
Aral Mula sa mga Nazi
Anuman ang opisyal na ideyolohiyang umiiral sa iba’t ibang estado, maraming natutuhan at sa aminin o hindi’y nagagap sa rehimeng Nazismo noong dekada 30-40 ng nakaraang siglo sa Alemanya. Sino ang hindi nakaaalam sa mga pangalang Reinhard Heydrich at Heinrich Himmler? Malamang maraming hindi nakaaalam kahit sa mga nakakikilala at dumidiskurso kay Palparan.
Sa US ay may J. Edgar Hoover ang Federal Bureau of Investigation. Bago lumutang si Palparan sa pambansang eksena ng Pilipinas, napuwesto noon si Heneral Victor Corpuz sa pagkahepe ng ahensiyang pang-intelihensiya. Si Corpuz ay isang kawal na nagbalik-uniporme matapos magkaroon ng ‘stint’ bilang kadre. Di ko sinabing pare-pareho ang mga nabanggit sa karakter, kuwento, at laluna sa mga naging akomplisment. Si Palparan lang ang nabansagang berdugo sa kanila. May kaha-de-yero, halimbawa, ng kabulukan ang isang rehimen at ang sinumang may hawak ng kumbinasyon nito’y ‘can afford’ na maging matikas na pigura sa nasabing rehimen.
Minamanmanan ng rehimen ang mismong mga kasosyo nito sa poder hawak ang talaan ng kahinaan ng bawat isa. Makulimlim ang saysay nang may ginagampanang ganitong papel sa sipat ng mga mamamayan sa pangkalahatan pero sa mga nasa loob ng sirkulo ng umiiral na poder ang papel na ito’y malinaw.
Si Palparan ay di tumuon sa banta sa seguridad ng gobyernong Arroyo, na sa paggamit ng lohika ay mapag-iisa sa seguridad din ng mismong estado, mula sa mga nasa loob ng sirkulo ng poder. Hindi rin sa banta sa seguridad mula sa ibang bansa. Tumuon siya sa pulitikal/ideyolohikal na mga banta rito. Habang naging tila bulag siya sa mga katiwalian at kapabayaan ng rehimen ay mistulang paranoya ang pagtugis niya sa mga hanay na bumabatikos dito. Kinikilala ni Gloria sa harap ng publiko (e.g. SONA) ang mga akomplisment ni Palparan sa pagsugpo sa mga ‘kaaway ng rehimen’. Samantala, naging unang suspek si Palparan bilang utak sa pagdukot, imbis na litisin nang parehas na proseso sa demokrasya, ng mga taong nakasaling sa rehimeng Arroyo. Kung nagkakaisa sa iniisip sa kinasasapitan ng mga dinukot at patuloy na nawawala, mauunawaan ang etimolohiya ng pagbansag sa kanya na isang “berdugo”.
Padre Damaso
In fairness, di na bago na ang isang sundalong opisyal na may command ay bansagang ‘berdugo’ o ‘butcher’ at mga katunog na salita sa ganito o ganoong pangkat o sa ganito o ganoong lugar dahil sa malaking bilang ng pinatay/napatay o sa malupit na paraan ng pagpatay kaugnay ng pagsasagawa ng operasyong militar. Sa aspetong ito’y mababalikan din sina Heydrich at Himmler vis-à-vis Dachau, Birkenau, Auschwitz, at mga katulad. Bagaman deretsahang mga partisano ang mga miyembro ng SS ay naging depensa nila nang litisin na tagasunod lang sila at sumunod lang sa di mababaling utos ng Fuhrer. Rason na di tinanggap ng korte sa Nuremberg.
Tatanggapin kaya sa Plaza Miranda kung sasabihin ni Palparan na sumunod lang siya kay Gloria Arroyo? Na si Gloria ang malaking nilalang na nakamaskara at may hawak na malaking palakol?
Sa panahon pa ni Julius Caesar, may Rubicon ang bawat kawal. Katapatan sa pinuno ng estado kontra sa katapatan sa mismong estado sampu ng pagkaabstrakto nito. Parang simple, pero kung malagay ka sa sitwasyong kailangan mong pumili ay…simple lang talaga. Hindi agham-kohete ang pagtanto kung ang pinuno ng estado ay nauulol. Maaaring ang magpakumplikado ay ang tinatayang mga reperkusyon ng pagtawid. Sisingit ang proseso ng pagkalag sa maraming buhol.
Mas makabubuti ba sa bayan ang taktikal na paghihintay at, kakambal nito, patuloy na pagprotekta sa rehimeng sa kaibuturan mo’y nais mong itumba sa halip na maglunsad ng alanganing bulabog? Naaalala ninyo ba ang tindig ni Gat Pepe? Hindi ko sinasabing sumailalim din si Palparan sa ganitong ‘to be or not to be moment’ na gaya ni Pepe.
Sino ang hindi nakakikilala kay Padre Damaso Verdolagas? Sa bio-data ni Padre Damaso, naging kura-paroko siya ng pangmitong bayan ng San Diego sa nobelang NMT (hindi “Ninja Mutant Turtle”). Walang rebolusyonaryong sagimsim ang nagbalikbayang erederong si Crisostomo Ibarra maliban sa makatulong sa pagsulong ng edukasyon ng mga kabataan na adhikain ng yumaong ama. Pero binasag ni Padre Damaso ang lahat ng pangarap at hakbangin ni Cris sa pamamagitan ng walang patid na pangha-harass dito gamit ang poder bilang pari sa bayang nasa ilalim ng ‘frailocracia’. Hindi pisikal na matador, mas lamang ang pagiging toro ng butihing pari; pero gamit ang sistema ay nagawa niyang pugutan ng ulo ang mga may magandang layunin sa bayan.