ShareThis

  ESTADO

Makata ng Pamilya/The Poet in the Family (Facebook Page)



by Fermin Salvador.
January 1, 2012
Isang araw ay may ideyang pumasok sa isip ko, na agad kong inilahad sa ilang pangungusap na maluwag na nagbibigay-hubog sa nasabing kaisipan.
 Ang imahe ng “makata ng pamilya” – ito ang nagtulak sa akin. Ano ang makata? Sa payak at di teknikal na paliwanag, isang taong nagbibigay-halaga sa anyo, kahulugan, at kapangyarihan ng mga salita na humahantong sa paggamit niya rito pasulat man o pabigkas sa masining na pamamaraan. Nahahati ang alinmang sulatin sa dalawang anyo. Ang una ay Prosa (Prose) na sa mas malalim na Tagalog ay tinatawag na “Tuluyan” sapagkat malayang ginagawa na walang isinasaalang-alang na sukat, tugma, o ang tinatawag na wikang matayutay o ’figurative language’ na katangian naman ng ikalawang anyo na Tula/Poema (Poetry). Prosa man o tula ay may maaaring gamitin sa masining na paraan o may layunin ng kasiningan. Ang prosa, samantala, ay maaaring isulat sa di masining na paraan at/o walang layunin ng kasiningan na muli’y di tulad ng tula na sa sandaling nilikha bilang tula dahil sa pagtataglay ng mga taludturan, at/o sukat/tugma, at/o wikang matayutay ay laging isang anyong-sining anuman ang paksa, modo ng nagsasalita, o pangkabuuang tono nito.

 “Ako’y Tutula”
 Sa Pilipinas, ang pinakakilalang tula ay ito: “Ako’y tutula, makatang-makata / Ako’y uupo, tapos na po.” Kalokohang ‘tula’ ito kung ituring subalit  ito  ang unibersal na anyo ng tula para sa mga Pinoy. Maaaring ihanay sa porma na sa Ingles ay tinatawag na “couplet” na may dalawang linya na ang dalawang huling salita’y pinagtugma. Kahit ang bilang ng mga pantig ng dalawang linya’y di nagkakapareho; ngunit walang magsusulat sa siyam na salitang ito nang deretso na gaya ng sa isang pangungusap na prosa. Bagaman hindi rin dapat malito na sa modernong kalakaran ay naisusulat na rin ang tula sa pormang gaya ng prosa.

Ito ang idinaskol ko tungkol sa ideya sa konsepto ng “Makata ng Pamilya”:

 Makata ng Pamilya
– Sa pamilya ninyo, isa ka ba sa mahihilig tumula? O sa bahay ninyo’y kinikilala kang ‘the best’ sa tulaan? O ikaw lang ang tumutula? Kung ganoo’y ikaw ang makata ng pamilya ninyo. May iba-ibang katangian at natatanging kaibahan ang bawat kabilang sa isang tahanan. Bawat pamilya ay may atleta, may negosyante, may relihiyoso, may pulitiko, may rebelde, may siyentipiko, may breadwinner, may tupang itim, at minsan ay may makata. Di lahat ng pamilya ay may makata. Pero kung ikaw ay makata sa bahay ninyo, at lalo kung ikaw lang ang ipinanganak na makata sa pamilya ninyo – kailangang dalhin mo ang titulong “Makata ng Pamilya” at kakatawanin mo ang inyong angkan sa anumang usaping kaugnay ng sining ng pagtula.

 Ang konsepto ng pagiging “Makata ng Pamilya” ay nakatanim sa pre-kolonyal na kultura ng mga Filipino at umiiral din ito sa halos lahat ng sinaunang kultura sa mundo bago nasapawan ang pagtula bilang bahagi ng popular na kultura, bilang libangan, at bilang salik ng ispiritwal na pagbubuklod. Ngunit nasa ‘genes’ ito ng bawat angkan at pana-panahong umaahon kaya lagi at laging may umuusbong na makata sa isang tahanan anuman ang antas ng edukasyon at kabuhayan ng mga naninirahan dito.

Ang mga makata ng bawat pamilya sa buong bansa ang kapag pinagsama-sama ay nagsisilbing haligi ng pambansang pampanulaang kultura. Mahalaga ang kultura, mahalaga ang makata, mahalaga ang pamilya, mahalaga ang tahanan, at higit sa lahat ay mahalaga ang bayan. @
 Gumawa ako ng pahina (page) sa Facebook na may pamagat na “Makata ng Pamilya” (“The Poet in the Family”). Ito ang una at nag-iisa hanggang ngayon na Facebook Page na ginawa ko. Kaugnay nito’y inaanyayahan ko ang lahat na suportahan ang nasabing pahina at i-LIKE ito o iklik ang buton na may nakasulat na “LIKE” sapagkat ang bilang ng mga nag-LIKE dito ay isang anyo ng pagpapatunay na may mga naniniwala sa kahalagahan ng konsepto o kaisipang ito. Sana’y humantong din ito sa mga talakayan, pinagsamang hakbang halimbawa’y pagbasa ng tula sa mga okasyon at/o ebento, at iba pang mga aktibidad.

Higit Pa Sa Facebook Page
Ang “Makata ng Pamilya” ay hindi paris ng ibang Facebook Page na deretsahang naghahatid ng imbitasyon sa iba o awtomatikong ginagawang kasapi ang mga kaibigan. Hangad nito na kung maiibigan at magkakaroon ng “likers” ay kusang-loob at ayon sa personal na paniniwala sa kahalagahan ng pahinang ito. Hindi baleng kakaunti ang makagusto na tapat sa kalooban kesa sa maraming sumama lang sa ‘bandwagon’.

Pero sana’y maging higit pa sa isang Facebook Page lang ang konsepto ng “Makata ng Pamilya” o “The Poet in the Family”. Sa mga may hilig sa pagtula at interesado sa posibilidad ng pagtatakda ng pana-panahong talakayan hinggil sa panulaan at/o pag-organisa ng pagbasa ng tula (poetry reading) sa mga okasyon o ebento, o may ibang suhestiyon ay maaaring mag-email sa Fermin107@yahoo.com. Maaari ring maging espasyo ang “Makata ng Pamilya” Facebook Page para sa mga palitang-mensahe hinggil sa paksang isinasaad ng pamagat nito.
***
Isang taos-pusong pagbati ng MALIGAYANG KAPASKUHAN at MANIGONG BAGONG TAON sa lahat ng Filipino, buong Filipino, kalahating Filipino, may dugong Filipino, maka-Filipino, at lahat ng kakampi ng Filipino sa Pilipinas, sa Amerika, at sa buong mundo. Ipagpasalamat natin ang matiwasay na pagbuno sa taon 2011 na isa na sa mga pinakamarkadong taon sa kasaysayan ng sangkatauhan dahil sa mahahalagang naganap – mabuti, masama, makulay, masaya, malungkot, at wala lang. Isa na sa mga signipikanteng ebento sa 2011 ang tinawag na “Tagsibol-Arabo” (“Arab Spring”) na ang mga represibong rehimen sa Gitnang Silangan gaya ng Ehipto sa ilalim ni Hosni Mubarak at Libya sa ilalim ni Moamar Gadaffi ay bumagsak bunsod ng paghihimagsik ng sambayanan na naghahangad ng pagbabago patungo sa mas malaya at demokratikong kalakaran. Nagkaroon din ng tinawag na mga “okupasyon” mula sa Wall Street sa Nuyork na naulit maging sa ibang bansa at nagkaroon ng bersiyon sa Pilipinas na “Occupy Mendiola” na tumutukoy sa lansangan sa Maynila patungo sa palasyo ng Malakanyang. Marami ring naganap na kalamidad at nasa kasagsagan pa sa kasalukuyan ang epekto ng bagyong Sendong sa Cagayan de Oro at Iligan sa Hilagang Mindanaw na minsan akong natalaga bilang hearing officer ng BJMP. Marami ang hindi nakaaalam, o nakalimot, na ang unang kalamidad ng taon ay naganap sa Chicago at Ilinoy at ito’y ang ‘record-breaking’ na “Blizard ng 2011” na bagaman maraming ari-ariang nasalanta ay walang masyadong buhay at biyas na naapektuhan bunga ng ganap at maagap na paghahanda sa emerhensiya ng pagtutulungan ng gobyerno at mga mamamayan. Nananatiling nakasadlak ang ekonomiya ng US, mataas pa rin ang antas ng kawalang-hanapbuhay, ngunit unti-unting nagpapamalas ng optimismo ang mga mangangalakal at ang sambayanan sa pangkalahatan. Kapansin-pansin ang muling sigla ng merkado sa nakaraang okasyon ng ‘Thanksgiving‘. Sa bagong taon na haharapin, huwag tayong mawawalan ng pag-asa. Huwag tayong mawawalan ng pananampalataya. Higit sa lahat, huwag tayong makakalimot magsaya anuman ang estado ng ating buhay. Magpasalamat tayo sa taglay na biyaya habang ang sagana sa biyaya ay huwag sanang makalimot sa kapwa.




Archives