ShareThis

  ESTADO

Hinulugang Taktak (Huling Bahagi)



by Fermin Salvador.
September 16, 2011
Sari-sari ang teorya sa pagkapinsala ng Hin-Tak (Hinulugang Taktak). May nagsasabing ang walang habas na paglalagay ng mga subdibisyon sa paligid nito ang pumatay sa mga bukal at maging mga daluyan na naghahatid ng malinis na tubig dito. Dalawang bagay ang nakapanlulumo. Humina na nga ang tubig ng talon, naging madumi pa ito. Sisihin naman daw ang mga manukan at babuyan na pinaaanod ang dumi ng mga alagang hayop sa mga daluyan na nagwawakas sa talon. Kaya ang nangyari, naging parang imburnal ang talon na walang pinag-iba sa kalagayan ngayon ng Ilog Pasig.
 
Lunan ng Kalikasan
Dalawang mahalagang bagay ang dapat ikunsidera sa kahihinatnang kalusugan o pagkamatay ng isang lunan ng kalikasan. Ang mga ito’y ang pagdami ng tao at ang mga hakbang ng tao na rin upang mapangalagaan ang kapaligiran. Noong araw, pag nabanggit ang Antipolo ay maiisip ang isang ganap na rural na lugar. Mapagmumuni-muni ang mga tanawin sa mga obra ni Fernando Amorsolo na larawan ng mga kabundukan at kabukirang kulay-luntian. Iyon ang mga panahong sinasabi nila na kahit marunong lumangoy ay maaaring malunod sa lakas ng agos at lagaslas ng tubig sa Hin-Tak.
May panahon din na pag sinabing “Maynila” ang tinutukoy ay ang talagang Maynila lang. Mula sa Tundo hanggang sa Ermita at mula sa Intramuros hanggang sa Pandacan. Na pag sinabing “downtown” ang tinutukoy ay ang Quiapo at Carriedo hanggang Escolta at Binondo. Ang Antipolo ay isang ilang na lugar na dinarayo bilang pasyalan ng mga taga-Maynila.
Nang magkaroon ng mga subdibisyon sa Antipolo ay napakahirap para sa mga naninirahan dito ang transportasyon. Wala pang ruta ng mga sasakyang pampubliko, kung meron man ay napakalimitado; di kagaya ngayon na sa Cubao ay may sunod-sunod na biyahe ng mga jeep at van na pa-Antipolo. Habang nagiging aksesibol ang isang lugar ay lalo namang darami ang handang manirahan dito. Kaya lalong magkakaroon ng investment sa mga pabahay sa lugar na ito. Kung hindi talaga kokontrolin ay wala ngang makapipigil sa mga negosyante upang ‘patayin’ ang mga sentro ng kalikasan gaya ng Hin-Tak sa ngalan ng mabilisang tubo.

Ekosistem
Madalas malimutan na ang mga likas na yaman, bilang produktong kinokonsumo o bilang tanawin, ay di umiiral sa sarili niya lang. Ito’y resulta ng isang masalimuot at mayuming balanse. May tinatawag na ekosistem (ecosystem). Ang talon, halimbawa, ay penomenon na bunga ng pagkakaiba ng level ng lupa na dinaraanan ng rumaragasang tubig. Kaygandang pagmasdan ang pagbagsak ng tubig habang ang tunog nito’y tila ritmo na kalikasan lang ang makagagawa. Ang tubig na dumadaloy ay bunga naman ng pagkakaroon ng maraming bukal na nakalilikom ng tubig kung ito’y may sapat na espasyo para sa maraming puno at halaman na sumisipsip ng tubig-baha. Walang talon kapag walang bukal at walang bukal kung walang sapat na lupa para sa mga puno at halaman. Hindi puwede na patayin mo ang pinagmumulan (source) ng tubig ng talon at asahang mananatiling dumadaloy dito ang saganang tubig. Di maaaaring maraming bahay na ilang hakbang lang ang layo rito at mananatili itong likas na tanawin. Sa ganito na rin parang ‘pinapatay’ ang Baguio, Boracay, at marami pang pasyalang pangkalikasan sa Pilipinas.
Kapansin-pansin na sa pamiminsala ng Bagyong Ondoy noong 2009 ay sinisi ng mga eksperto ang kawalang-kakayahan ng lupa na sipsipin ang tubig-ulan kaya nagkaroon ng matinding pagbaha. Ngunit paano sisipsip ng tubig-ulan ang sementado at aspaltado? Kung ang bagyong Ondoy ay naganap noong dekada sisenta na wala pang naglipanang mga subdibisyon sa mga bayan na noo’y sakop pa ng lalawigan ng Rizal, malamang na di ganoon katindi ang magiging pinsala sa marami. May sapat pang mga lupaing hitik sa mga puno at halaman upang magtinggal sa malaking bahagi ng bumubuhos na tubig-ulan.
Magbalik tayo sa isa pang talon. Pamilyar sa maraming Filipino ang Talon Niagara dahil sa madalas na paggamit nito bilang lokasyon sa mga pelikulang Haliwud (Hollywood). Vicariously, ‘ika nga, ay nagagagap ang dimensiyon ng di gawang-taong obra-maestra na ito na nagpapakitang-gilas sa angking kapangyarihan ng kalikasan. Makapanindig-balahibo sa laki at bumabalatay sa guniguni ng sinumang makasasaksi sa aktuwal na kaanyuan nito. Ngunit hindi dapat kalimutan na ang kayamanan ng kalikasan ay di lang sa mga dambuhala gaya ng Talon Niagara kundi kahit sa maliliit gaya ng Talon ng Hin-Tak. Ang Pilipinas ay di isang lupalop kundi lipon ng maliliit na isla na ang kaloob na bighani ng kalikasan ay pawang maliliit din ngunit hindi magpapahuli sa taglay na kariktan. Hahangaan din ng buong mundo ang mga likas na hiyas nito kung iingatan at lilinangin sa halip na sirain.
 
Tourist Attraction
Ipinamamalas ng siyudad ng Niagara Falls ang kakayahan ng isang ‘tourist attraction’ na maghatid ng pambihirang yaman sa mga mamamayan nito. Waring maliit na Las Vegas ang Niagara Falls na ang downtown ay puno ng magagarang hotel na nagliliyab sa neyon pag gabi. Naglipana ang mga casino, kainan, palaruan, bar, at ibang mga establisimyento. Kabi-kabila ang tindahan ng sari-saring ‘souvenir item’. Importante rin siyempre ang pagpapairal ng kaayusan at kasiguruhan ng mga turista laban sa mga krimen o bulabog. Sa tuwing tag-araw, isa na marahil sa nagiging pinakamataong lungsod sa Canada ang Niagara Falls. Popular na pook ito sa mga ‘honeymooners’.
Isang habol din ng ibang Pinoy sa US sa pagpunta sa Canada ay ang pagkakaroon dito ng mga prutas na kadalasang wala sa US gaya ng lansones, rambutan, atis, atbpa. Mahigpit ang US sa pagpapasok ng mga prutas ng ibang bansa habang mas maluwag ang Canada. Kaya sa mga Pinoy na matagal nang hindi nakapagbabalikbayan at may ‘craving’ sa mga kinalakihang prutas ay isang opsiyon ang pagpunta sa Canada upang muling matikman ang mga ito. Mabibili ang mga prutas na sariwa at hindi ilado sa naglipanang mga tindahang Asyano (oriental store).
Eksotikong produkto ng Canada ang iba’t ibang pagkaing gawa sa o may rekadong ‘maple’ na ang dahon ay nakalarawan sa watawat nito. Mahal ang benta nila sa purong maple syrup na ang ilang onsa ay nagkakahalaga ng sampung dolyar-US pataas. Bukod sa isang bote ng maple syrup na sinadyang pangdekorasyon ay bumili ako ng isang bote ng “Ice Wine” (“Eiswein” sa Aleman) na pambatong alak ng Canada. Halos sa Alemanya lang at Canada, partikular sa Ontario na may angkop na klima, ginagawa ang alak na ito.
 Halata ang pagmamalaki ng mga Pinoy-Canadian pag nakakaharap ang mga Pinoy-US na mas mataas ang dolyar nila ngayon kumpara sa dolyar-US. Kapag sinabi ang halaga sa presyong dolyar-Canada ng isang produkto ay mas mataas ang ibabayad gamit ang dolyar-US. Dati’y baligtad; mas mataas noon ang dolyar-US. Ganito man ang palitan ng pera, kuyog ang mga taga-US sa pagpunta sa Canada upang gumastos sa paglilibang habang iilan ang mga taga-Canada na ‘can afford’ magturista sa US.
 
Nuestra Senora de Buenviaje
Kilala ang Antipolo sa isa pang bagay. Naririto ang makasaysayang Mahal na Birheng Patron ng Ligtas na Paglalakbay o Nuestra Senora de Buenviaje na nababanggit sa mga akdang pampanitikan. Noong araw, dalawang ibon ang sapol pag nagpunta sa Antipolo. Nadalaw na ang pamosong patron ay maaari pang mamasyal sa Hin-Tak. Ngayon, dumadalaw na lang sa nasabing patron ang mga Pinoy upang manalangin ng ligtas na paglalakbay kapag papalabas ng bansa upang makita ang Talon Niagara, o Talon Angel sa Venezuela, o Talon Victoria sa Africa.




Archives