ShareThis

  ESTADO

Hinulugang Taktak (Part 1 of 2 Parts)



by Fermin Salvador.
September 3, 2011
Manaka-naka’y nagiging paksa namin ang Hinulugang Taktak habang nasa siyudad ng Niagara Falls sa Ontario, Canada. Trivia: Dalawa ang City of Niagara Falls sa mundo. Ang isa ay nasa estado ng New York sa US at ang isa ay nasa Ontario, Canada. Magkaharap ang dalawang siyudad na napapagitnaan ng Ilog Niagara. Kung galing sa eryang ‘Midwest’ ng US ay mas madaling makikita ang Talon ng Niagara mula sa bahagi ng Canada. Bonus nito, parehong makikita ang dalawang talon ng Niagara laluna ang mas malaking ‘Horseshoe’ kapag nasa bahagi ng Canada.
 
“Tayo na sa Antipolo…”
 Hindi ang Hinulugang Taktak sa Antipolo ang pinakamataas o pinakamalapad na talon sa Pilipinas. Pero walang dudang isa ito sa pinakapopular. Naaalala pa ng marami hanggang ngayon ang awiting-bayan na nagsasaad nang ganito: “Tayo na sa Antipolo / At doo’y maligo tayo / Sa Hinulugang Taktak…”

 Laking-Tundo, buong kabataan ko’y hindi ko nakita ang Hin-Tak (Hinulugang Taktak). Nakatanim lang ito sa isip ko, naming mga batang-Tundo, at sumasagi kapag talon ang napag-uusapan. Gaya nang magtungo kami sa Talon ng Niagara.

-o0o-
Humigit-kumulang sa 600 milya ang bubunuin mula sa Waukegan sa Ilinoy hanggang sa Talon ng Niagara sa Ontario, Canada. Sa 60 milya kada oras ay aabutin ng sampung oras ang kabuuang biyahe. Hindi tuloy-tuloy ang biyahe namin. Nagpalipas kami ng isang gabi sa Windsor, siyudad sa border ng US-Canada makatawid ng Ilog Detroit na naghihiwalay dito at sa siyudad ng Detroit. Tinatawag din ang Windsor na “Lungsod ng mga Rosas”.
Windsor, Ontario, Canada

Hindi namin pinalampas ang pagkakataon na mamasyal sa Odette Sculpture Park na may 6 na kilometrong ‘walkway/waterfront’ sa ilalim ng Tulay Ambassador na nagdurugtong sa US at Canada. Kabilang sa mga istatwa sa parke ang mahigit 9-talampakang elepante na gawa sa bronsa at tinawag na “Tembo” na “elepante” sa wikang Swahili; 38-talampakang pigurang yari sa bakal na pinangalanang “Tohawah” na katutubong salita ng mga Indiyan sa gansa; 19-talampakang pigura sa platong bakal na pinangalanang “Morning Flight” na kumakatawan sa ‘V-formation’ ng paglipad ng mga ibon. Mula sa parkeng ito ay makikita sa kabilang pampang, sa Detroit, Michigan, ang pamosong tore ng GM (General Motors) na hedkuwarter ng korporasyon. Maganda ring ‘background’ sa litrato ang Ambassador Bridge, isang ‘suspension bridge’ na binuksan noong 1929 na may habang 7,500 at taas na 152 talampakan at dinaraanan nang may 25 porsiyento ng mga kalakal sa pagitan ng US at Canada. Bukod sa mga naglalakad, nagdya-jogging, nagbibisikleta, at nagro-rollerblade ay maraming humihinto para magbidyo o magpalitrato sa eryang ito.

Magkadikit ang US at Canada mula sa Dagat Pacifico sa kanluran hanggang sa Dagat Atlantico sa silangan. Sa isang taga-Midwest ng US gaya ng Ilinoy, nagsisilbing ‘gateway’ ng Canada ang Windsor. Naririto ang mga immigration officer na titingin sa pasaporte ng mga nagnanais magtungo sa Canada. Lalo tuwing tag-araw at tuwing weekend, libo-libong taga-US ang tumatawid patungo sa border ng Canada para mamasyal. Bukod sa tulay ay maaari ring dumaan ang mga sasakyan sa ‘underground tunnel’ na nagdurugtong sa dalawang bansa. Sa kabilang panig, sa Detroit ay nakaabang ang mga border patrol at immigration officer ng US sa mga galing ng Canada na patungo sa US. Hindi kailangan ng mga mamamayang-US ng visa upang makapasok sa Canada subalit ang mga taga-Canada ay kailangan ito. Kapag pasaporteng-US ang dala ay di kailangan ang visa saanmang bansa sa mundo nais magpunta bilang turista.

Nasa hilaga ang Canada kaya obyus na mas malamig at mahaba ang winter nito. Sa unang tingin, halos walang ipinag-iba ang topograpiya ng US at Canada. Tila luho na lang ng mga Kano na magsayang ng gas sa pagbiyahe pa sa malayong lugar. Pero may Talon ng Niagara ba sa US? Meron, sa gawi ng estado ng New York. Kung galing sa Ilinoy at Midwest ay mas madali itong makikita sa gawi ng Canada. Kaya kailangang tumawid at dumayo sa Canada. Kung nais masilayan ay tanawin na gaya ng Talon Niagara ay hahamakin ang distansiya. Ika-19 na siglo pa, di pa naiimbento ang kotse, ay dinarayo na ito ng mga turista.

US at Canada
Mas malaki ang sukat ng lupain (land area) ng Canada sa US ngunit malaki ang diperensiya sa bilang ng populasyon. Nasa sampung porsiyento lang yata ng populasyon ng US ang populasyon ng Canada kaya maliban sa malalaking siyudad na gaya ng Toronto ay napakaraming lugar na walang tao. Marahil ito ang rason kaya bukas ang Canada sa mga nais mag-migrate at tiyak na kabilang ang mga Pinoy sa di magpapalampas sa pagkakataong ito. Sa kabila ng kaunting populasyon ay isa ang Canada sa walong pinakamayayamang bansa sa mundo. Sa deposito pa lang ng langis na iniluluwas nito sa US ay buhay na ang ekonomiya nito. Di pa kasama ang potensiyal ng napakalawak na agrikultural na lupain.

Malaki rin ang ipinapasok sa kabang-yaman ng Canada ang turismo. Pagdating sa turismo’y nangunguna na siguro ang Talon Niagara na dinarayo ng milyon-milyong turista kada taon. Mapalad ang Canada na nasa gawi nito ang mas magandang ‘view’ sa talon. Ito’y ang tinatawag na hugis-sapatos ng kabayo (horseshoe). May permanenteng makapal na hamog sa ibabaw nito epekto ng marahas na pagbuhos ng milyon-milyong galon ng tubig. Ngunit di kayang takpan ng hamog na ito ang lawak na saklaw ng talon upang hindi masilayan ang pambihirang anyo nito. Pinaniniwalaang nakabubuti sa kalusugan ang paglanghap sa hamog na ito.

Sangkaterba ang mga gusaling-tuluyan sa siyudad ng Niagara Falls na ang ‘clientele’ ay ang mga turistang nais makita ang pambihirang talon. May mga 5-star hotel at mga ‘inn’. May mga silid na libong dolyar-US kada araw ang halaga. May mga kumbaga’y ‘mamiso’ lang ang halaga. Tumuloy kami sa Embassy Hotel. May mga swimming pool, spa, at gym ito bilang ‘amenities’. Walang patid ang labas-masok, check-in check-out, ng mga tao. Iba-ibang lahi.

Niagara vs. Hinulugang Taktak
Mula sa hotel, sa ikatatlumpung palapag, ay natatanaw sa bintana ang bahagi ng Talon Niagara. Kapag ikinumpara, tila si Yao Ming ito habang unano lang ang Hin-Tak. Kapag ikinumpara naman sa lapad, parang kontestant ito sa “Biggest Loser” habang ang pinakamataas na talon sa Pilipinas, ang Maria Cristina sa Iligan, ay tila surbaybor sa kampo ng mga Nazi.

Nasabi ko nang may panghihinayang na sana’y inalagaan ang Hin-Tak. Disin sana’y napaligiran din ito ng mga toreng gusali na tutuluyan ng libo-libong turistang magnanais makita ang kagandahan nito. Mga toreng hotel na may limampu o higit pang palapag. Mula sa mga bintana ay sinisilip ng mga turistang okupante ng hotel ang talon sa ibaba. Mababa lang kasi ang talon. Pero nagpapatawa lang ako.




Archives