ShareThis

  ESTADO

Ang ‘Humor Warfare’ ng mga Filipino (Part 1 of 2 Parts)



by Fermin Salvador.
July 16, 2011
May psychological warfare, may total warfare, at may humor warfare. Humor warfare? Tama ang basa ninyo, humor warfare, at gamitin na gamitin ito ng mga Filipino. Hindi naman masasabing inimbento o monopolyo ito ng mga Pinoy. Kasingtanda na halos ng sibilisasyon ang paggamit ng humor o katatawanan bilang sandata sa mga tunggalian. May mga dulang komedya na sa panahon pa ng mga sinaunang Griyego. Napakarami na ang obrang katatawanan sa panitikan at sining. Si Jonathan Swift ay nagsulat nang mga tila nagpapatawa at walang kawawaang alegorya upang ihatid sa taumbayan ang mahahalagang isyu. Halimbawa, sa “A Modest Proposal” ay nagmungkahi siyang kainin na lang ang mga sanggol kung pinoproblema ang pagdami ng tao. Si Benjamin Franklin noong binatilyo sa kolonya ng mga Ingles na paglaon ay magiging US ay nagsulat nang kung anu-anong kabulastugan gamit ang sagisag na ‘Poor Richard’ sa pagtalakay at pagsalakay sa mga pamamalakad ng Inglatera. Dahil sa pamamaraang indirekta ang tuligsa ay tinanggap ng mga awtoridad ang kahunghangan ng ilang palisi na pinaiiral at sila’y nagsagawa ng mga reporma. Si Franklin ay naging social reformer sa pamamagitan ng pagpapatawa.
 
Dalawang Uri ng Katatawanan
Sa unang talata, ang tinutukoy natin ay ang katatawanan na may layunin, lantad man o lihim ang layunin na ito. Kaugnay nang pagkakaroon ng nakapaloob (submerged) na mensahe sa katatawanan, makikita natin na may aspetong panlabas (literal na paksa) at panloob (pagsalakay). Isang sining ito na kailangan ng pagsasanay at paglinang sa sariling sensibilidad upang makagamayan. May isang uri rin naman ng katatawanan na walang ibang layunin kundi ang makapagpatawa lang. May ‘laman’ man o wala ang pagpapatawa ito’y nagsisilbing publisidad sa pinapaksa nito ito man ay ang mga pulitiko o ang mga langaw, kung magkaiba ang dalawa.

Isa ako sa mga naniniwala na ang katatawanan ang pinakamahirap na likhain o isulat. May tiyak na rekisitos itong ‘buntal’ o ‘twist’ o tinatawag na ‘punch line’ para masabing isang ‘katatawanan’. Maraming kilalang Pinoy na awtor na walang kakayahan (o karapatan?) sa genre ng katatawanan. Kumpara sa ibang tema, mas kakaunti ang pumapasok o nagtatangka rito. Ang katatawanan bilang isang sining, samantala, ang siguro’y pinakapaborito ng sangkatauhan. Mas maraming nagiging tagahanga ang mga komedyante at manunulat/manlilikha ng mga obrang katatawanan kumpara sa ibang genre.
Tatak ng pinakamahuhusay na manunulat sa kasaysayan ang kahusayan sa pagpapatawa. Sinuman ang maisip natin. Si Dante Alighieri ng Italya, Jose Miguel de Cervantes ng Espanya, Rabindranath Tagore ng Indiya, Victor Hugo ng Pransiya,

Mark Twain ng US, at iba pang hindi makakatkat sa kasaysayan ng literatura ay mga humorista. Hindi lang sila marunong magpatawa kundi mahusay maglagay ng katatawanan sa kanilang mga akda. Kilala si William Shakespeare sa mga trahedyang Hamlet, Othello, Julius Caesar, Romeo at Juliet, atbpa. Marami rin siyang isinulat na komedya tulad ng As You Like It, Twelfth Night, Midsummer Night’s Dream, atbpa. Sa lakas ng kiliti sa dugo ni Shakespeare, kahit ang mga trahedya niya ay may bahaging katatawanan. Ang mga ‘singit’ na katatawanan sa loob ng istoryang iyakan ay istilong kumon din sa akda ng ibang sikat na manunulat.

 Wala pa ang mga Kastila ay talamak na ang hilig sa katatawanan ng mga pre-kolonyal nating ninuno. Nakamarka ito sa mga sinaunang panitikan at katutubong awitin. Ang ‘kutang-kutang’ bilang halimbawa ay nagsasaad nang ganito:
“Kung di kita kamta’t kamtan ka ng iba Magbibigti ako na tali’y sa paa.”
  
Katatawanan Bilang Armas
Gaya nang nabanggit, ang katatawanan ay maaaring gamitin sa ibang bagay at maging sa digmaan kung kinakailangan. Sa pamamagitan ng katatawanan ay napananatili ang relebansiya ng ibig ipaglaban at naipalalaganap na rin ito. Ito’y di nalalayo sa propaganda at/o ‘psy-war’ ngunit mas masining, mas masalimuot, mas tumatagos sa ‘sub-conscious’ ng tumatanggap (receiver) at mas madaling tanggapin.

Sa panahon ng Kilusang Propaganda, ang mga makabayang Filipino na nasa Yuropa ay gumamit ng panulat, diyaryo, at ibang mapayapang pamamaraan upang magbunsod ng reporma sa pamamalakad ng mga Kastilang kolonyador sa Pilipinas. Isa na sa mga pinakadakilang propagandista si Marcelo del Pilar na kilala sa sagisag na Plaridel. Ginamit ni Plaridel ang katatawanan nang kanyang paglaruan, o paggamit ng tinatawag ngayong ‘spoof’, ang mga dasal ng Katolisismo. Halimbawa, ang “Ama Namin” ay ginawa niyang “Amain Namin” at ang “Aba Ginoong Maria” ay ginawa niyang “Aba Ginoong Barya”.
Kahit ang mga nobela ni Dr. Jose Rizal ay nababatbat ng mga katawa-tawang karakter. Klasikong halimbawa si Donya Victorina na sa labis na paghahangad na umastang Kastila ay di sinasadyang nagpapamalas ng katangahan niya.

Sa pamamagitan ng Katipunan na itinatag ni Andres Bonifacio ay nag-aklas ang mga Filipino laban sa mga Kastila. Pinalitan ang Katipunan ng rebolusyunaryong pamahalaan at pinalitan ni Emilio Aguinaldo si Bonifacio sa pamumuno sa rebolusyon. Binigyan ng mga Kastila ng ‘aginaldo’ si Aguinaldo para lisanin ang Pilipinas. Dumating ang mga Amerikano sa Pilipinas at binigyan ng tseke ang Espanya bilang kabayaran sa kapuluan. Umalma si Aguinaldo sa mga Amerikano. Nalupig ang hukbo ni Aguinaldo. Sa panahon ng pananakop ng mga Amerikano sa Pilipinas, bagaman walang kakayahang maglunsad ng panibagong aktuwal na resistans sa mga bagong mananakop ay nanatiling buhay ang mithi ng mga Pinoy na magkaroon ng malayang bayan.

Kabilang sa mga naging instrumento ng mga Pinoy ang katatawanan sa pagpapahayag ng pagtutol sa pananakop ng mga Amerikano. Uso na ang sarsuwela bago pa man dumating ang mga Amerikano. Sino ang mag-aakala na ang pagtatanghal nito ay magbibigay ng kakaibang aliw sa sambayanang Filipino dahil sa mga may kodigong mensahe sa mga linyang binibigkas ng mga tauhang gumaganap? Nagtatawanan ang odyens hindi dahil sa literal na nakatatawa ang sinabi o ginawa ng karakter sa entablado kundi sa kolektibong ‘private joke’ ng mga Pinoy kontra sa kanilang manlulupig. Dahil dito’y nanatiling buhay ang mithing lumaya sa halip na lunukin ang aspirasyon na ito ng pusturang makatao’t benevolensiya ng pananakop ng mga Amerikano.

Ginamit muli ng mga Pinoy ang ‘humor warfare’ matapos sakupin ng mga Hapon ngunit sa halip na sarsuwela ay bodabil ang tawag sa uri ng usong pagtatanghal. Ginigisa nila sa sariling mantika ang mga Hapon habang pinalalakas ang moral ng bansa bilang paghahanda sa panibagong pakikipaglaban para sa kalayaan. Isang halimbawa nito ang pagbati ng isang karakter na Pinoy sa isang karakter na Hapon ng “Mayoraska!” sa paraang natatakot. Katunog ng “Sayonara!” ang “Mayoraska!” ngunit hindi matatawa rito ang Hapon sa odyens pag nalaman niyang ang tunay na sinabi ng Pinoy ay “May oras ka!”

Ang Katatawanan ni Carlos Bulosan 
Isang ekstremong kaso itong si Carlos Bulosan. Bumungad siya sa daigdig ng panitikan sa Amerika sa naging bestseller na “The Laughter of my Father” na koleksiyon ng mga kuwentong katatawanan, halos islapstik o walang kawawaan, tungkol sa hamak na buhay ng kanilang pamilya sa isang liblib na bayan sa Pilipinas. Pinasakit niya ang tiyan ng maraming nasa US, kapwa Pinoy at Amerikano. Saka niya sinundan ang aklat na ito ng serye ng mga akda na gaya ng “America is in the Heart” na mga ‘tearjerker’ at tumatalakay sa mga isyung pulitikal, agraryo, pambubusabos at diskriminasyon sa mga minorya at migrante na kaparis niya. Ano kaya kung ang inuna niyang isulat ay ang mga adbokasya niya? Nabigyan kaya siya ng pansin ng sambayanang Amerikano at nakapag-ambag sa tagumpay ng kilusang magkaroon ng pagkakapantay-pantay ang mga manggagawa sa US anuman ang kulay at kalahian?




Archives