ShareThis

  ESTADO

Paglakad at Lansangan (Part 2 of 2 Parts)


Marami-rami rin akong napuntahang pook sa Pilipinas bagaman di masasabi na likas sa akin ang maglagalag. Nalibot ko ang puno’t dulo ng Avenida Rizal, Avenida Recto, Avenida Taft, at ibang mga daan sa Maynila. Nang maging manunulat sa komiks ay nagalugad ko rin ang mga lugar sa Kyusi na lokasyon ng publikasyon gaya ng Avenida Roces na ang isang buong bloke ay sakop ng Atlas Publishing Company at Murphy sa Cubao na kinaroroonan ng compound ng GASI. Minsang naging madalas din ako sa Avenida Quezon malapit sa Simbahang Sto. Domingo dahil sa Rex Publishing. Ang Cubao, samantala, ay naging pinagsamang pangalawang Quiapo at Sta. Cruz para sa akin. Kasama ang mga kagaya kong bagong ‘propesyunal’ na manunulat ay ginagala namin ang mga sulok at purok nito pagkagaling sa mga publikasyon mula dapithapon hanggang halos madaling-araw.

Madalas din kaming mag-ekskursiyon noon. May isang komiks editor na mahilig mag-organisa ng ‘lakad’ partikular sa Baguio. Dalawa o tatlong araw tuwing tag-araw, nasa Lungsod ng Pino kaming mga batang kontributor ng kuwentong komiks. Dahil pulos barya ang dalang baon na pera ay pulos lakad lang kami sa mga lansangan. Binubusog ang mga mata sa pagsa-sightseeing. Ang tinutukoy kong Baguio ay noong dekada otsenta bago naganap ang Lindol.
 
Malalaki at Maliliit na Siyudad
Sa Cagayan de Oro, dito una kong napag-aralan ang ispesimen ng isang maliit na siyudad. Di isang munisipalidad na gaya ng San Simon sa Pampanga na may kapiraso at nag-iisa na plaza, kapiraso lang ang pamayanan kumpara sa kabukiran, at nag-iisa ang tulay sa malapad na ilog na may payak na pundasyong bakal lang na nilagyan ng mga tablang umuuga pag dinaraanan ng sasakyan. Ganap na siyudad ang CDO na may mala-SM na mol na ‘Limketkai’ bukod sa mga mala-Isetann na ‘Gaisano’ na naglipana sa halos lahat ng siyudad at primera-klaseng munisipalidad sa Mindanaw.

Enjoy ako na magpagala-gala sa mga lansangan ng isang lugar na alam kong walang nakakikilala sa akin. Sa Maynila ay tila ba may stigma na makita ka ng kakilala mo na naglalakad. Awtomatiko ang impresyon na wala kang pamasahe. Gayong may pera kang pamasahe ngunit puno ang mga dyip at bus. Naglipana ang mga buwayang tsuper ng taksi. Ang kasalanan mo lang ay wala kang sariling sasakyan at ang kasalanan ng sistema sa iyong bayan ay wala itong sapat na pampublikong transportasyon. Kaya mo namang maglakad. Kahit di ka naaawa sa sarili’y ayaw mo rin namang magkaimpresyon ang iba na kahabag-habag ka. Gusto mo mang maglakad, ayaw mo tuloy gawin. At dahil wala ka ngang masakyan ay nadarama mo na nga ang pagkaawa sa sarili. Sa ganito pinasasalimuot ng ‘kababawan’ ang pamumuhay kung minsan. “Wala akong pakialam,” sa sarili’y natutuhan kong sambitin. Maglalakad
ako mula sa Quezon Memorial Circle hanggang sa Bantayog ni Rizal sa Luneta kung ito ang nais kong gawin. Nag-uutos na maglakad ang nesesidad, pag umulan nang malakas at isang oras kada tatlong metro ang usad ng mga sasakyan. Sa ganitong pagkakataon, mas may flexibilidad ang komyuter na puwedeng bumaba sa sinasakyang dyip o bus at maglakad na lang; sa isang kundisyon: lulusong ka sa baha. Siyempre pa, maliban sa sandali ng emerhensiya paris kung umulan at aabutin ka nang gabi sa daan ay hindi kaaya-ayang ekspiryensiya ang ilublob ang sapatos sa sarikulay na likido sa lansangan. Nawawala ang ganda ng paglalakad sa panahon ng tag-ulan. Pero ang tag-araw, sa Kamaynilaan man o Chicago, ay paraisong panahon para sa mahihilig sa paglalakad.

Sa CDO ay maluluwag ang mga dyip at nag-uunahan sa paghinto ang mga ‘PU’ (parang taksi ito na puwede ang dalawa o higit pang pasaherong di magkakilala). Pero masarap ding maglakad. Walang traffic jam at polusyon. Mangilan-ngilan ang mga tao sa daan; parang walang tao ang mga bahay.

‘Sleepy town’, kumbaga. Parang ‘suburb’ sa US. Lakad ako nang lakad. Bawat siyudad ay may Avenida Rizal at laging narito ang mga komersiyo. Mula sa tinutuluyan kong bahay sa panulukan ng Del Pilar at Magsaysay, tatahak ako patungo sa Ateneo de Cagayan na tinatawag ding Unibersidad ng Xavier. Kung saan-saan ako nagagawi. Tatawirin ang tulay na bato na maliit para sa kabisera ng isang rehiyon. Wala akong kaba pagkat kapag sa tingin ko’y naliligaw na ako ay sasakay lang ako ng taksi o traysikel o sa kalabaw kung ito lang ang mauupahan. Papasukin ang makitang tindahang interesante.

Kakain sa mga restawran. Hangga’t maaari’y gusto kong nagbe-blend sa mga tao. Nakasalawal lang ako’t kamiseta na parehong may kalumaan na.

Minsan, may VIP yata na bumisita kaya nagkalat ang mga sundalong ‘in full battle gear’ sa mga kalye. Pagdaan ko’y may sumigaw sa akin. “Sir!” – pagtingin ko’y isang nakauniporme ng fatig at unat na unat ang tindig na nakasaludo sa akin. Gumanting-saludo ako. Siya ang madalas ipatawag sa Kampo Evangelista ng kernel na BJMP assistant director ng Region X para magpalinis ng armalayt. Ipinagpatuloy ko ang paglalakad sa siyudad na walang nakakikilala sa akin.
 
Mga Pulo at Lupalop
Mauulit ang rutinang ito sa General Santos o Gensan, sa Tagum, sa Digos, sa Mati, sa Lungsod Cotabato, sa Koronadal. Lakad. Lakad. Sa ibang bahagi ng Luzon, sa Naga sa Bicol, sa San Fernando sa La Union. Ibang paksa ang Davao o Metro Davao at ang Cebu o Metro Cebu dahil mas malalaking siyudad ang mga ito. Ang Metro Davao ang tinataya na pinakamalaki sa buong Pilipinas, sa buong mundo marahil, sa sukat ng teritoryo nito. Pero ang malaking bahagi ay di maituturing na pook-urban. Kung maglalakad ka’y sapat na ang eryang tinatawag na sentro o eryang downtown nito na kinaroroonan ng mga unibersidad gaya ng University of Mindanao (UM) at Ateneo de Davao. Napalayo ang UP na nasa Calinan. Kulang ang mga daliri sa dalawang kamay para bilangin ang mga mol. Nalaman ko na ang itinuturing na pinakaunang mol sa Kamindanawan, ang Gaisano sa harapan ng UM ay isinara na. Mula sa Bangkerohan sa tabing-ilog na may kilalang palengke hanggang sa Bajada na lokasyon ng Victoria Plaza na unang mala-SM na mol ay mahigit sa limang kilometro. Ang Metro Cebu ay binubuo ng mga siyudad ng Cebu, Mandaue, at ang nasa karatig-isla na Lungsod Lapu-Lapu sa Mactan na kinaroroonan ng internasyunal na paliparan. Fascinated, ito ang naramdaman ko nang unang makita ang Kalye Colon na sinasabing pinakamatandang daan sa Pilipinas.

Walang ipinag-iba ang anyo nito sa Quezon Boulevard sa Quiapo maliban sa maglalaro ang guniguni mo sa edad nito. Mula 1996 hanggang 1997 ay nasa Davao ako habang sa loob nang apat na buwan ay walang patid na ginalugad ko ang Cebu.

Ngayon, nasa ibang lupalop na ako. Lupalop na at hindi mga isla lang. Sa Waukegan, sa mga unang buwan ko rito’y araw-araw kong nilalakad ang dalawa’t kalahating milya papunta sa aklatang pampubliko nito na malapit sa may harbor sa Lawa ng Michigan. Saka lalakad pabalik. Minsa’y nilakad ko ang papunta sa College of Lake County mula sa Gurnee na may distansiyang mahigit sa pitong milya sa tanghaling-tapat. Inaambisyon ko na lakarin mula sa Waukegan hanggang ‘Loop’ ng Chicago na humigit-kumulang sa limampung milya. Di pabor sa akin ang panahon kung patuloy kong ipagpapaliban ito. Samantala, tuwing tag-araw ay walang patid ang paggala ko sa iba’t ibang lansangan ng Chicago.




Archives