ShareThis

  ESTADO

Digmaan o Kalamidad?



by Fermin Salvador.
April 4, 2011
Nasa unang kuwarter pa lang ang 2011 subalit marami na ang markadong petsa nito sa kasaysayan ng maraming bansa sa mundo. May mga trahedya at kalamidad sa iba’t ibang panig ng daigdig na naghatid ng kasawian at paghihirap ng mga tao sa mga naapektuhang lugar.
 
Dalawang Uri
Nahahati ang mga masaklap na pangyayari sa dalawang uri: 1) digmaan, at 2) hagupit ng kalikasan o kalamidad. Maaari ring idagdag ritong pangatlo ang pagbagsak ng pambansang ekonomiya na nagaganap din sa maraming bansa. Ngunit kung ikukumpara sa gera-sibil at sa malakas na lindol, halimbawa, ay panloob at di nakikitang suliranin ang krisis-pang-ekonomiya na di nagdudulot ng maramihang kamatayan at pagkawasak ng mga ari-arian.

Sa kasalukuyan ay nagaganap pa ang gera sa Iraq at Afganistan na bagaman sangkot ang US sa ngayon at nakalipas na ilang taon ay maaaring mauwi sa labanan sa pagitan ng magkakalahi kapag umalis na ang tropang Amerikano. Sa Ehipto na isang medyor na bansa sa Gitnang Silangan ay naiwasan ang mas madugong sagupaan nang magbitiw sa poder si Hosni Mubarak. Di ganito ang nangyari sa Libya na sa ngayo’y patuloy ang labanan sa pagitan ng hukbo ni Gadafi at mga rebelde. Patuloy din ang mga panibagong pagsiklab ng kaguluhan at pag-aalsa ng taumbayan sa ibang rehimen na anumang sandali’y maaaring humantong sa pagdidigmaan ng
magkakalahi.
 
May OFW Saanman
Sa bawat krisis at kaguluhan saanmang lupalop ay may naiipit na mga Pinoy na kinakailangang saklolohan mula sa maaaring maging kapahamakan sa kinaroroonan. Tungkulin ng pamahalaan ng Pilipinas, gaya ng gobyerno ng alinmang lahing nasa katulad na sitwasyon, na maging instrumento sa ligtas na pagbalik ng mga ito sa sariling bayan.

Sunod-sunod ang responsabilidad ng gobyerno ng Pilipinas, partikular ang Overseas Workers Welfare Administration o OWWA sa sunod-sunod na krisis sa maraming bansa na may mga Filipinong manggagawa sa ibayong-dagat o overseas Filipino worker (OFW). Ito ang mahirap sa sitwasyon ng Pilipinas. Sa kasalukuyan, nasa lahat na yata ng lupa sa ibabaw ng mundo ang Pinoy. Mula sa Alaska hanggang sa mga baseng pampananaliksik ng US sa Antartica; mula sa disyerto ng Sahara hanggang sa kagubatan ng Brazil; mula sa mga casino sa Monaco hanggang sa mga slum ng Mumbai; mula sa bulubundukin ng Switzerland hanggang sa tundra ng Rusya – may OFW. Nasasabak ngayon sa mabigat na gawain ang OWWA na may tungkuling tiyaking ligtas at nasa mabuting kalagayan ang mga OFW.
 
Tungkulin ng OWWA
Dapat ba tayong makisimpatya sa OWWA bilang abalang ahensiya ng pamahalaan? Oo, sapagkat nakikita nating ginagawa nito ang makakaya upang magampanan ang tungkulin sa mga OFW na nasa panganib. Sa isang banda, dapat isaalang-alang na kaya nilikha ang OWWA ay dahil na rin sa pagkunsidera ng posibilidad na magaganap ang kaguluhan sa isa o higit pang mga bansa na ang mga OFW ay naka-deploy. Ganito na nga mismo ang nangyayari ngayon. Inaasahang may sapat na kahandaan ang OWWA at ang pambansang pamahalaan sa pagsapit ng matinding kaguluhan sa ibang bansa. Inaasahang nakahanda ang contingency plan nito sa ganitong sitwasyon upang maprotektahan ang buhay at, kung maaari, pati na rin ang mga ari-arian ng mga OFW sa ibang bansa.

Ang pagpapadala ng mga manggagawa sa ibang bansa ay hindi lang isang industriya sa Pilipinas kundi haligi ng ekonomiya nito. Naglalakas-loob ang milyon-milyong Pinoy na magtrabaho sa ibang bansa upang maiahon ang sariling buhay na sa kabilang banda’y nag-aahon din sa ekonomiya ng Pilipinas. Ang kaligtasan ng mga OFW ay may direktang implikasyon sa kalagayang pangkabuhayan ng bansa.
 
Taon ng Bulabog
Ang taon 2011 ay masasabing taon ng bulabog para sa mga OFW. Daan-daan o libo-libo ang nagbabalik sa Pilipinas, labag man sa loob ng ilan sa kanila, pagkat nagbabanta ang kapahamakan sa ibang bansang pinagtatrabahuhan kung hindi sila aalis doon. Ang epekto ng pagbabalik-bansa ng maraming OFW ay tiyak na mararamdaman din ng ekonomiya sa mga darating na panahon.

Gera o hagupit ng kalikasan? Alin sa dalawa ang mas mabangis? Ngunit kung susuriin, malaki ang kinalaman ng mismong tao sa kalagimang dulot ng dalawang nasabing malaking trahedya.

Pag sinabing digmaan, hindi na kailangan pang ilarawan kung ano ang dulot nito. Nasisira ang mga siyudad at marami ang namamatay. Minsa’y tumatagal nang maraming taon. Digmaan ang pinakamalagim na gawang-taong kalamidad sa alinmang bansa.
 
Disaster sa Japan
Kalamidad dulot ng kalikasan. Sa Japan, mapapansin na ang mas mabigat na suliraning kinakaharap ng pamahalaan at sambayanang Hapon sa kasalukuyan ay ang ‘meltdown’ ng plantang nukleyar. Mabilis humupa ang paglindol at pagtsunami. Ngunit ang perwisyong idinudulot ng nasirang plantang nukleyar ay nagpapatuloy pa rin. Dapat bang sisihin ang kalikasan o ang mismong mga Hapon sa pagtatayo ng mga mapanganib na istruktura gaya ng plantang nukleyar sa lupain nila sa kabila ng mga banta ng paglindol?

Kahit si Pangulong Obama ay nagpahayag ng pagkabahala sa kalagayan ng mga Amerikano sa Japan at nag-atas nang maagap na paglikas. May pumuna na pagpapahiwatig ba ito na ang gobyerno ng US ay nawawalan na ng tiwala sa kakayahan ng mga Hapon na makontrol ang krisis na kinakaharap nito?

Sa mahabang panahon ay itinuturing na isa sa pinakamataas na uri, kung hindi pinakamataas, ang kapabilidad ng mga Hapon sa pagharap sa anumang hamon at paghawak sa anumang sitwasyon. Nangunguna sa maraming sangay ng teknolohiya. Hinahangaan ang disiplina at propesyonalismo sa pagtatrabaho. Tinutularan sa episensiya. Kapag sinabing “gawang-Hapon” ay magandang klase.
 
Meltdawn at Pagbangon
Sa matayutay na pananalita, mistulang bahay na gawa sa baraha ang nasasaksihan nating ‘meltdawn’ (meltdown) ng plantang nukleyar sa Japan.
May mga nagtatanong kung bakit naglakas-loob ang mga Hapon na magtayo ng maraming plantang nukleyar gayong alam nilang kabilang ang Japan sa tinatawag na “singsing ng apoy sa Pacifico” o “Pacific ring of fire” na tumutukoy sa eryang nakapaikot sa Dagat Pacifico na kinaroroonan ng pinakamapanganib na mga bulkan sa planeta at dinadalaw ng malalakas na paglindol. Kabilang sa ‘singsing’ na ito ang Pilipinas na, gaya ng Japan, ay maraming mga bulkan at palaging niyayanig ng mga lindol.

Dalawa marahil ang salik sa kapasyahan ng mga Hapon na magkaroon ng mga plantang nukleyar. Una, nanangan sila sa abante sa teknolohiya na nagbibigay-kasiguruhan sa tatag ng mga planta laban sa pinakamalakas mang paglindol. Pangalawa, bilang nangungunang industriyalisadong bansa ay lubhang malaki ang pangangailangan ng Japan sa enerhiya.
Ang masaklap sa enerhiyang nukleyar, hindi maikukulong ang pinsalang idudulot nito sa loob lang ng isang bansa. Walang border ang radyesyon (radiation). Katunayan, makikita natin kung gaano kaliit ang ating planeta sa lawak nang kayang makontamina ng isang plantang nukleyar na nagkaproblema.

Sa kabila nito’y kabilib-bilib pa rin ang ipinakikitang disiplina ng mga mamamayang Hapon. Maayos ang paghahatian ng mga pagkain, inumin, at ibang suplay. Tahimik na ginagawa ng mga tagasaklolo, corps ng mga inhinyero, at manggagawa ang tungkulin. Mahihiwatigan na sa kabila nang pagkabigla sa laki ng problemang kinakaharap ay naroroon ang mithiing bumangon.




Archives