ShareThis

  ESTADO

Futbol sa ‘Pinas



by Fermin Salvador.
January 7, 2011
Sa tanong na: “Ano ang nangungunang balitang pampalakasan sa Pilipinas sa 2010?” malamang marami ang mabilis na magsasabing ang pagwawagi ng Pambansang Kamao, si Manny Pacquiao, kina Clottey at Margarito. Pero sa pagsusuma sa kabuuang talaan ng mga naging laban ni Pacman, lilitaw na parehong ‘menor’ na tagumpay lang ang dalawang nasabing laban.

Sa mga aficionado sa palakasan sa pangkabuuan, at hindi lang sa boksing, mas malaking balita ang ‘pagkabigo’ ng koponan ng Pilipinas sa futbol, na pinangalanang “Azkals”, na makamit ang prestihiyosong Zuzuki Cup ng Asean Football Federation matapos matalo sa Indonesiya sa semipaynals.

Pangunahing Pangyayari sa Isports

Sa magasin na Sports Illustrated ay napasama ang Pilipinas, partikular ang perpormans ng Azkals, sa mga pangunahing balita sa 2010 hinggil sa pandaigdigang futbol. Marami ring pahayagan at isportsrayter sa bansa ang pumili sa Azkals bilang ‘sports personality’  ng taon at itinuturing ang pagtungtong ng koponang ito sa semipaynals ng Zuzuki Cup bilang ‘Pangyayaring Pampalakasan ng Taon’ (‘Sports Event of the Year’) sa Pilipinas.

Maitatanong: Paano maituturing na tagumpay ang pagkatalo?

Ang larong futbol na popular sa maraming bansa ay may buong pangalan na ‘association football’ na tinatawag ding ‘saker’ (‘soccer’).

Sa Pilipinas, ang futbol o saker ay hindi kasingpopular ng ibang isports gaya ng basketbol, boksing, at bilyar. Pangunahing salik ng popularidad ng isang palakasan sa isang bansa ay ang naging mabunying kasaysayan ng bansa kaugnay ng nasabing isports.

Sa basketbol, may panahong pinakamalakas ang koponan ng Pilipinas sa buong Asya.

Sunod-sunod ang pagkakampeyon ng Pilipinas sa Asian Basketball Confederation (ABC) at maraming beses na nakapagtamo ng gintong medalya sa basketbol sa Asian Games bagong naging ‘superpower’ ang Tsina. Wala pang bansa sa Asya na nakapapantay sa pangatlong puwesto ng mga Pinoy sa Pandaigdigang Kumpetisyon sa Basketbol noong 1954 na ang koponan ng Pinoy ay pinamunuan nina Carlos Loyzaga at Lauro Mumar.

Sa boksing, Filipino ang unang Asyano na nagwagi ng pandaigdigang korona at ito’y nagawa ni Pancho Villa sa dibisyong flyweight. Marami pang Pinoy na nagkampeyon sa iba’t ibang dibisyon sa boksing gaya nina Gabriel “Flash” Elorde sa junior lightweight, Luisito Espinosa sa bantamweight, at si Manny Pacquiao na nakakopo ng korona sa walong magkakaibang dibisyon.
Isang dekada ang nakararaan ay nagsimulang mamayani ang mga Pinoy sa pandaigdigang bilyar. Pinatunayan nina Efren “Bata” Reyes, Django Bustamante, at iba pa ang ‘world class’ na abilidad ng Pinoy sa larong ito.

Nakapagpamalas din ng kahusayan ang Pinoy sa ibang isports gaya sa track and field na si Lydia de Vega ang nanguna sa Asya noong dekada otsenta, sa paglangoy na natatangi ang Pilipinas sa Asya sa pagkopo ng bronsa sa Olimpiks, bowling na ilang beses nagkampeyon sa mundo si Paeng Nepomuceno, at maging sa besbol na may  panahong  naging  popular din sa mga Pinoy.

Azkals sa Futbol

Kapansin-pansin na ang futbol na itinuturing na pinakapopular sa mundo, mas popular pa sa basketbol o boksing, ay hindi masyadong tinangkilik ng mga Pinoy.

Ito’y sa kabila ng maraming pananaw na angkop ang larong ito sa mga Pinoy pagkat hindi ito nangangailangan ng sobrang tangkad na manlalaro, na tulad sa basketbol. Walang pampropesyunal na liga ng futbol sa Pilipinas kaya ang mga bumubuo ng koponang pambansa ay pana-panahon lang ang pagpraktis. Di gaya sa maraming bansa na ang mga futbolista ay may regular na laban sa propesyunal na liga.

Kagila-gilalas, sa tingin ng marami, ang naging abante ng koponan ng Pilipinas sa larong futbol sa taon 2010. Isang higanteng paglukso ang ginawa nito nang makarating sa semipaynals ng Zuzuki Cup na nangungunang kumpetisyon sa futbol sa timog-silangang Asya at kinikilala rin sa buong mundo. Tinalo ng Pilipinas ang tinaguriang ‘powerhouse’ na koponang Vietnam na kasalukuyang kampeon. Ito’y isang pangyayaring hindi inaasahan. Sa  mahabang panahon, ang Pilipinas ay itinuturing na punasang-paa (doormat) ng mga bansang nakakalaban sa futbol sa bawat kumpetisyon. Laging kulelat, sa madaling-salita.

Ginulantang ng Pilipinas ang lahat sa lakas ng koponan nito nang harapin ang malalakas na koponan sa timog-silangang Asya gaya ng Singapore at Vietnam sa “2010 Asean Football Championship” na mas kilala bilang Zuzuki Cup na idinaraos kada dalawang taon. Sa isang iglap, nabigyan ng seryosong pansin ng mga fan ng futbol ng ibang lahi ang mga Pinoy.

Talo ang Pilipinas sa Indonesiya nang dalawang beses sa semipaynals na parehong ginanap sa Jakarta. Isa sa mga laro ay sa Bacolod sana gaganapin subalit kapos ang pasilidad ng Panaad Stadium sa isang internasyunal na kumpetisyon. Isang halimbawa pa ito ng limitasyon ng kahandaan ng Pilipinas na maging ‘host’ sa mga global na ebentong pang-isports. Malaking bagay ang tinatawag na ’homecourt advantage’ sa moral ng mga manlalaro.

Mahalagang salik sa maituturing na ‘transpormasyon’ ng koponan sa futbol ng Pilipinas ang mga hakbang sa ilalim ng liderato ng Federasyon sa Futbol ng Pilipinas (Philippine Football Federation o PFF). Sa ilalim ng PFF, kinatawan ng koponang Azkals ang Pilipinas sa mga internasyunal na laban sa futbol.

Kinuha ang serbisyo ng Britis na si Simon McMenemy upang maging coach ng Azkals. Si McMenemy, 33 taon, ang pinakabatang naging coach ng isang pambansang koponan sa futbol at pinatunayan niya ang kakayahan matapos dalhin sa “top 4” ng Zuzuki Cup ang dating binabale-walang koponan ng Pilipinas.

Liga ng Futbol sa Pilipinas

“Isang natutulog na higante sa larangan ng futbol,” sa ganito isinasalarawan ni McMenemy ang kakayahan ng mga Pinoy. Hindi na puwedeng sabihing pipitsugin ang mga Filipino sa larong futbol, ito ang waring ipinahihiwatig ni McMenemy. Sa halip, nararapat irespeto ang mga Pinoy sa mga susunod na turnament.

Binigyang-diin ni McMenemy ang importansiya ng pagkakaroon ng pampropesyunal na liga ng futbol sa bansa upang regular na nakapaglalaro ang mga futbolista. Di gaya sa basketbol na may PBA, walang ligang pampropesyonal ng larong futbol sa Pilipinas at ito’y dahil sa hindi popular ang futbol sa mga Pinoy sa mahabang panahon. Pero gaya nang sinabi ng isang banyaga, si Mcmenemy, ang mga Pinoy ay may napakalaking potensiyal sa larong futbol upang sumikat sa buong mundo. Sa pamamagitan ng isang mahusay na coach at mabilisang pagsasanay ay nagging contender sa isang iglap ang koponang Pinoy sa Zuzuki Cup. Mas malayo pa ang mararating ng mga Pinoy sa futbol sa may mas mahabang paghahanda.

Ipinahayag ni Mariano Araneta Jr., pangulo ng PFF, na ipagpapatuloy ang pag-scout sa mahuhusay na futbolista sa hanay ng mga Pinoy, Fil-Am, at half-Pinoy sa ibang bansa upang lalong palakasin ang koponan ng Pilipinas sa mga darating na turnament gaya ng Challenge Cup sa 2011.

Ang bansang malusog at dinamiko ay nagbibigay-diin sa kahalagahan ng iba’t ibang uring isports laluna roon sa nilalaro nang pangkatan gaya ng basketbol, besbol, balibol, at futbol. Bagaman karapat-dapat ipagmalaki ang patuloy na tagumpay ng mga Pinoy sa larangan ng boksing, bilyar, at bowling na mga larong nakatuon sa indibidwal na manlalaro, mahalaga rin ang pamamayagpag sa mga palakasang pangkoponan.




Archives