ShareThis

  ESTADO

Maayong Mayo


by Fermin Salvador.

May 27, 2010

Isang pagbati ng ‘maayong’ Mayo sa lahat. Sa mga pamilyar sa wikang Cebuano, ang salitang “maayo” ay ginagamit bilang pagbati. “Maayong adlaw!” = “Magandang araw!”. Hindi po ako Cebuano subalit nanirahan ako ng ilang panahon sa Kabisayaan at Kamindanawan na sa maraming lalawigan ay Cebuano din ang wikang ginagamit.

Sa US at lahat ng bansa sa hilagang hemispera, ang Mayo ay buwan ng tagsibol. Ang tagsibol ay yugto ng panahon na ang implikasyon ay hindi ganap na mauunawaan sa mga bansang tropikal tulad ng Pilipinas na buong taon ay walang patid sa pagtubo ang mga halaman at hindi nagbabago ang temperatura.

Upang higit maunawaan ang kahulugan ng tagsibol ay mainam na pagbalikan ang mga klasikong salaysayin ni William Shakespeare na naglalarawan sa tinawag niya na “merry month of May”.

Santakrusan at Iba Pa

Sa Pilipinas, ang buwan ng Mayo ay buwan ng mga santakrusan. Maraming bayan din sa Pilipinas na sa buwan ng Mayo ipinagdiriwang ang kapistahan ng santong patron. Sa buwan ng Mayo karaniwang nagbabalik ang ulan matapos ang panahong tinatawag na Tagtuyot. May tradisyon ang mga Pinoy na maligo sa “unang ulan ng Mayo” sapagkat mistulang agua bendita raw ito na mula sa langit ayon sa mga relihiyoso. Sa paniniwala naman ng iba ay nagdudulot ng suwerte at nakapagpapagaling din ng mga karamdaman. Higit sa lahat ay biyaya ang ulan sa Mayo para sa mga magsasaka na makapagsisimula nang maghasik ng binhi sa mga bukirin partikular sa mga palayan. Maraming kinagisnang tradisyon ang mga Pinoy na may kaugnayan sa mga ritwal sa kabukiran. Kaya naging isa sa pinakamakulay na buwan ang Mayo para sa mga Pinoy bago pa man nakarating ang mga mananakop sa ating kapuluan. Bukod sa mga seremonyas sa pagtatanim, nagkaroon ng iba pang kahulugan ang buwan ng Mayo sa paglipas ng panahon. Banggitin natin ang ilan sa mga okasyon tuwing Mayo.

Iba Pang Okasyon

Mayo 1, Araw ng Paggawa sa Pilipinas. Sa US ay sa buwan pa ng Setyembre ang Araw ng Paggawa. Parehong pista-opisyal ang okasyong ito sa dalawang bansa bagaman magkaiba ang petsa. Sa US ay tahimik ang selebrasyon nito. Sa Pilipinas ay palaging eksplosibo at palaging may maigting nakaugnayan sa kontemporaryong sitwasyong pulitikal. Mahabang diskurso ang nasa likod ng nasabing kaibahan ng paggunita sa dalawang bansa. Isang taos na pagbubunyi sa lahat ng manggagawang Filipino saanmang panig ng daigdig nagbabanat ng buto.

May 5 o “Cinco de Mayo” ay paggunita sa tagumpay ng sandatahang Mexicano laban sa mga Pranses sa Labanan sa Puebla. Higit pang ginugunita ang araw na ito sa US kesa sa Mexico mismo. Saka nasapawan na ang historikal na kahulugan nito ng mga kinomersiyal na pagkakasayahan.

Mayo 10, Araw ng mga Nanay. May mga nanay na hindi pinanggalingan ng tao pero lahat ng tao ay may pinanggalingan na nanay. Sang-ayon marahil kayo rito. Kaya tinawag na “anak” dahil may “nanay” Pero may mga nanay din na maituturing kahit hindi pisikal na nagsilang ng bata. Gusto lang nating ipaalalang may mga babaeng hindi man nagsilang ay gumanap ng papel na ina sa mga itinuring na anak lalo na sa panahong ginawang organisado ang pagaampon hindi lang sa loob ng isang bansa kundi sa tinatawag na global na kumunidad. Ngunit espesyal pa rin ang inang nagdala sa anak sa sinapupunan pagkat itinaya ang buhay. Kaya isang mapagmahal na pagbati sa aking nanay at sa lahat ng nanay at nanay-nanayan sa mundo!

Mayo 12, Pandaigdigang Araw ng mga Nars na itinapat sa kaarawan ni Florence Nightingale. Kung may propesyong higit na naaangkop maikambal sa mga babaeng Filipino ito ay hindi ang pagiging enterteyner o yaya kundi bilang nars. Nangunguna ang Pilipinas sa dami ng ipinadadalang nars sa iba’t ibang bansa. Ang pagiging nars, sa isang banda, ay trabahong nangangailangan ng apat na taon sa kolehiyo, may mga rekisitos sa sertipikasyon, at may kaakibat na maselang tungkulin. Kahanga-hanga ang kasaysayan ng dedikasyong ipinamalas sa gawaing ito ni Florence Nightingale.

Florence Nightingale

Pero sino ba si Florence Nightingale? Si Flor (hindi ito ang palayaw ni Florence Nightingale kundi para mapaikli lang) ay isinilang noong Mayo 12, 1820 sa Florence sa Italya. Hango sa lungsod na sinilangan ang naging pangalan niya. Nagmula siya sa mayamang angkan. Sa kabila ng mataas na antas sa lipunan ay ninais ni Flor na maging nars sa laking pagtutol ng kanyang mga magulang. Upang mapagbigyan ang kanyang hilig na kumalinga sa mga maysakit ay itinalaga siya ng kanyang ama na maging superintendent ng isang instityut sa London na posisyong may mataas na sahod. Magpapasya siyang ipagpalit ang posisyong ito sa pagsisilbi sa mga sugatan at maysakit sa Gera sa Crimea. Habang nasa Britanya ay nakarating sa kanya ang mga ulat tungkol sa brutal na kalagayan ng mga sundalo sa nasabing digmaan. Nagboluntaryo siyang maglingkod sa isang baraks sa Istanbul na kapos ang suplay na medisina at ibang batayang gamit sa panggagamot.

Malawakan ang impeksiyon at kakaunti ang medical staff. Nang sumapit ang winter ay libu-libong pasyente ang nangamatay. Nag-adbokeyt si Flor sa Britanya sa kahalagahan ng pagpapanatili ng malinis na pasilidad at sapat na sanitasyon sa mga ospital.

Naging popular na bansag kay FLor ang “babaeng may dalang lampara”. Sa kalaliman ng gabi, dinadalaw niya ang mga maysakit na ang dalang lampara ang tanging tanglaw sa pusikit na karimlan. Matapos ang Gera sa Crimea, itinatag ang Nightingale Fund para sa pagsasanay ng mga nars. Nagsulat din si Flor ng mga libro na tumatalakay sa propesyong nars. Ipinalimbag niya ang “Notes on Nursing” noong 1859 na naging basihan ng kurikulum ng mga paaralang pangnars. Sa aklat na ito ay itinaas ni Flor ang gawain ng isang nars mula sa dating mababang pagtingin na dahilan din upang kilalanin si Flor na “Ina ng Modernong Narsing”.

Mayo 15, Araw ng Hukbong Sandatahan (Armed Forces Day). Isa na ang US sa mga nasyon na napakataas ng pagpapahalaga sa mga nabibilang sa sandatahang lakas. Ipinagmamalaki ng US ang propesyonalismo at disiplina ng mga kawal na Amerikano. Ito’y napanananatili dahil sa makinaryang pangdisiplina sa mga serbismen na lumalabag sa wastong kaasalan ng isang kawal.

Mayo 31, Araw ng Paggunita (Memorial Day) na tanging walang pasok na halidey sa US sa buwan ng Mayo. May kaugnayan din sa hukbong sandatahan ang okasyong ito pagkat pangunahing ginugunita sa araw na ito ang mga kawal na nagbuwis ng buhay upang mapanatili ang kalayaan at kaligtasan ng Amerika.

Buwan ng Pagboto

Sa Pilipinas, ang Mayo ay buwan ng pagboto. Halalang pampanguluhan sa 2010. Natapos na ang botohan at sa pamamagitan ng paggamit ng awtomasyon ay mabilis na nabatid ang resulta. Hindi dapat bale-walain ang tunay na relebansiya ng bawat halalan sa isang bansa sapagkat nakasalalay sa kahihinatnan nito ang direksiyong tatahakin sa pamamagitan ng mga pinunong maluluklok.

Naging ‘maayo’ ang resulta ng eleksiyon na magbibigay-hudyat sa pagtahak ng Pilipinas sa panibagong yugto ng kasaysayan nito at mithiin patungo sa pag-unlad.




Archives