ShareThis

  ESTADO

Kung ang ‘Filipino’ ay Magiging Tunay na ‘Filipino’ (At Hindi ‘Tagalog na Filipino’)



by Fermin Salvador.
November 6, 2010

Lalo sa arbitraryong pamamaraan hindi dapat maging salik ng balarila ang itinuturing na wasto ng mga diumano’y kabilang sa may katutubong wikang Tagalog na mula sa mga lalawigan ng Bulacan, at Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, at Quezon o CALABARZON, at Mindoro, Marinduque, Romblon, at Palawan o MIMAROPA, at ibang pook sa bansa na marami, o mayorya, ay nagtuturing sa sarili na mga katutubong Tagalog sapagkat ito ang kinamulatan, kinagisnan, at umiiral na wika sa mga nasabing lugar; sapagkat ang ‘Filipino’ bilang wikang pambansa ay hindi kinakailangang nakabatay sa wikang Tagalog lang kundi sa lahat ng wikang umiiral sa buong kapuluan ng Pilipinas.

Kung may lugar man na ideyal na maging sentro ng ebolusyon ng ‘Filipino’ bilang wikang pambansa ito ay walang iba kundi ang Maynila at Kalakhang Maynila na ang mga naninirahan, bagaman pinaniniwalaang nagkakaunawaan sa Tagalog at/o ‘Pilipino’ ayon sa saad ng napalitan nang saligang-batas, ay galing sa iba’t ibang bahagi ng kapuluan at nagkaroon ng ‘sariling wika’ na, sa paraang biglaan at di ganap na tumpak, ay iniuuri bilang Tagalog din sa kabila ng malinaw na pagkakaroon ng mga kaibahan, di lang bilang diyalekto kundi wika, sa Tagalog ng mga nabanggit na lalawigan sa unang talata. 

Maynila at Rehiyong Katagalugan
Totoo, ang pre-kolonyal na Maynila na binubuo ng mga kaharian nina Raha Sulayman sa timog ng Ilog Pasig at Raha Lakandula sa hilaga na tinawag ding Tundo at mga lupaing kanugnog ng mga nasabing kaharian ay pamayanan ng mga pre-historikal na Filipinong nagsasalita ng Tagalog. Mahigit tatlong siglo ng pananakop ng mga Kastila ang lumikha ng ‘impact’ sa pag-usad ng wika, higit sa alinmang lugar sa kapuluan, sa Maynila na napagpasyahang gawing kabisera ng kolonya/bansa na humantong sa pagiging sungay at sentro ng lahat ng pagbabagong pulitikal, teknolohikal, kultural, etc. sa buong kapuluan.

Kumpara sa ibang Katagalugang lalawigan, ang Maynila bilang itinanging pamayanan, bilang naging pinakamalaki at pangunahing siyudad sa bansa, ay dinagsa ng napakaraming Filipino mula sa iba’t ibang rehiyon magmula sa mga taga-Luzon (na hindi mga Tagalog) hanggang sa pinakamaliliit na pulo sa Kabisayaan at Kamindanawan na nagsipagdala rin ng kani-kanyang wikain at kultura o vice versa.

Magpunta ka sa dalawang historikal na pusod ng Maynila na mga distrito ng Tundo at sa timog ng Ilog Pasig. Sa bawat barangay ay natitipon-tipon ang mga taong nagmula sa iba’t ibang panig ng Pilipinas.
Mayorya ay mga dayo o lumikas mula sa mga lalawigang karamiha’y di Tagalog ang wika. Pakinggan ang pananalita nila at hindi mo ganap na mauunawaan kung gagamitin ang Tagalog sa istrikto nitong istruktura bilang wika. Hindi lang sa mga estrangherong salita na, bilang jargon o lingo, puwede mong isipin at tanggapin na baka sadyang ‘outsider’ ka. Ang sinasabi ko’y di mo kababakasan ng pagiging eksklusibo sa isang panlipunang hanay, antas, o uri, o hanapbuhay, o pangkatan ayon sa kasarian, gulang, sub-kultura, hilig, o oryentasyon. May ‘kakaiba’ ring paraan ng pagbalangkas sa ‘wika’ na ito.

Nang una, isinangkalan ko ang kasabihang ‘ang Tundo ay Tundo’. Subalit napansin kong ang ‘wika’ na ito ay umiiral sa ibang lugar sa Maynila at Kamaynilaan. Sa mga shopping mall ng SM, sa Cubao, sa Avenida Rizal at Recto, sa Las Pinas, at kung saan-saan pa. Ngunit ang higit na ikinamangha ko ay nang magtungo rin ako sa labas ng Maynila at Kamaynilaan. Sumasakay ako sa pinakabulok na pampasaherong bus, walang air-con, at siksikan sa hangaring marinig at makaniig ang mga pasaherong mapipihong nabibilang sa mababang antas ng kabuhayan sa lipunan. Nahiwatigan ko ang ‘pagbabago’ at ‘pagkakaiba’ ng wika na mahirap mapuna maliban sa talagang magtutuon ng pansin. Dalawang taon ang nakararaan ay nagpunta rin ako ng Davao at kahit doon ay napansin ko ito. Sa huli’y pinagbasihan ko ang lengguwahe ng masmidya (tv, radyo, at imprenta na madalas ay ‘pangmasa’ ang di nakasulat sa Ingles gaya ng mga tabloyd) at hindi ako nabigong mapansin ang ‘kabaguhan’ at ‘kaibahan’ na una ko nang napansin sa kolektibong wika ng nakararaming Filipino ngayon sa nakamihasnan nang ituring na ‘payong-na-saklaw-ang-lahat’ na Tagalog.

 Ebolusyon ng Wika? 
Ito ang mainam na bigyang-suri ng mga interesado sa ‘ebolusyon’ ng wika sa Maynila at Kamaynilaan na, ang paglaganap na bahagi lang ng proseso ng pananatili (survival), maeengkuwentro rin sa mga lalawigan sapagkat ito na marahil ang ‘hinihintay’ na pagsulpot ng magiging pambansang wikang ‘Filipino’ na hindi ‘Tagalog’ at di rin ‘Filipino na Tagalog’. 

Maaaring mahirap tanggapin ngunit baka di na maituturing na Tagalog ang salita sa Maynila at Kamaynilaan kung ang pagbabasihan ng Tagalog ay ang tradisyunal, historikal, at lingguwistikal nitong deskripsiyon. Higit pa sa pagkakaiba ng tinatawag na ‘lumang Tagalog’ at ‘modernong Tagalog’ at iba pang pagbibigay-kaurian. Ngunit ang ‘ebolusyon’ na ito na nagaganap, at nababanaag na ang kaanyuan, (sa ‘haka’ ko lang naman) sa Maynila at Kamaynilaan ay tumatahak sa labas ng national capital region patungo, marahil, hanggang sa kadulu-duluhan ng kapuluan ng Pilipinas.

Lingua franca o wikang-haybrid o nag-ebolb na bagong wika? Malalim na pagsisiyasat at pagsusuri ang kailangan upang mabuo ang katanggap-tanggap na paglalatag ng kaalaman hinggil dito. Saan napuputol ang pagiging sangay ng isang bagong wika sa inang wika? Saang yugto ng ebolusyon naputol ang pusod ng mga wikang Kastila o Italyan mula sa Latin? Ito’y bilang pagbibigay-halimbawa.

Kung ‘Filipino’ ang wika sa Maynila at Kamaynilaan at di Tagalog na wika ng mga taga-Bulacan o CALABARZON o MIMAROPA at saanpaman katutubong wika ito, nangangahulugang hindi maaaring ipagpilitan ng mga bihasa sa Tagalog na mula sa mga nasabing lalawigan ang kawastuhan ng balarila o depinisyon ng mga salita sa ‘Filipino’ na ang gamit nilang pamantayan ay ang Tagalog sa kani-kanilang lalawigang pinagmulan. 

Maynila: Tagpuan ng Iba’t Ibang Wika
Sila-sila mismong mga Tagalog mula sa magkakaibang lalawigan ng Katagalugan ay hindi nagkakasundo sa depinisyon ng mga salita at wastong balarila, paano nila makakasundo ang mga tagapagtaguyod ng mga wikang di Tagalog? Ang maanomalya, hindi maaaring ipagpilitan ang pamantayan at panuntunan ng wikang Tagalog sa wikang gamit sa Maynila at Kamaynilaan, halimbawa, gayong ang wika sa mga lugar na ito ay hindi Tagalog o hindi ‘na’ Tagalog.
Sa Maynila at Kamaynilaan higit na maaasahang pagsimulan ng ‘ebolusyon’ ng wikang ‘Filipino’ na magaganap, o nagaganap na, sa punto ng teoryang ang wika ay hindi mekanikal na nililikha bagkus ay umuusbong sa pangangailangan sa pagtatalastasan. Sa mga lugar na ito masidhi ang pagtatagpuan ng iba’t ibang wikain at kultura mula sa iba’t ibang panig ng kapuluan. Di sa mga lalawigang palaging ang magkakatribung iisa ang wika at kultura ang palaging nagsasama-sama bagaman nasa proseso rin ng pagbuo/paglikha ng ekspresyon sa patuloy at walang patid na pagbabagong-anyo ng pamumuhay. 

Sa sirkulo ng mga pantas sa usapin ng wika na may kani-kanyang ispesipikong prinsipyong isinusulong, orihinal man niya/nila o hindi, na kadalasang nauuwi sa debateng walang pagkapanalo ang mainam isipin ay baka nakapiit kayo sa sariling daigdig habang nagaganap ang ‘ebolusyon’ sa labas ng radar ng iyong kapahaman.




Archives