ShareThis

  ESTADO

Lingo at Peligro sa Trabahong Unipormado


by Fermin Salvador.

Sept 18, 2010

Tulad nang inaasahan, ang insidente ng pambibihag ng isang pulis na tinanggal sa serbisyo sa mga pasahero ng isang pangturistang bus na humantong sa maraming kamatayan ay naging mainit na paksa sa loob ng maraming araw. Hindi mabilang na artikulo at opinyon ang nailathala sa mga peryodiko at blogospera. 
Halos wala nang maisasawsaw pa sa pangyayaring ito sapagkat napagtuunan na yata ng pansin ang halos lahat ng anggulo laluna sa mga sana, sana, at walang katapusang “sana ay hindi nangyari”. Hindi naman masasabing maliit na bagay ang naganap sapagkat marami itong implikasyon gaya ng ugnayang Pilipinas-Hong Kong at, kakambal nito, Pilipinas-Tsina.
Ang sa tingin ko lang na hindi ganap na natalakay sa kainitan ng balitaktakan ay ang pagkadismis sa pagkapulis ni dating Senior Inspector Rolando Mendoza sa dapithapon ng kanyang pagseserbisyo bilang alagad ng batas. Sa militaristikong termino ay “Kapitan” ang katumbas ng isang “Senior Inspector” na sinimulang gamitin ayon sa isinasaad ng Republic Act 6975 na lumikha sa tinawag na Pambansang Kapulisan ng Pilipinas o Philippine National Police (PNP) upang bigyang-diin ang sibilyan nitong karakter. Mandatoring edad ng pagreretiro sa anumang serbisyong unipormado ay pagtungtong ng 56.
Desisyon ng Ombudsman na pagtanggal sa serbisyo at, kaugnay ng parusang ito, paglalaho ng mga retirement benefit ang pumatid sa hinahon at sa katinuan na rin ni Mendoza na humantong sa pagbihag niya sa mga pasahero ng isang bus na naglalaman ng mga turista mula sa Hong Kong. Kagaya nang sinabi niya, walang naghihintay na benepisyo sa kanya sa mandatoring pagreretiro niya sana sa Enero 10, 2011 o ilang buwan na lang ang layo. Kaya ano pa raw ang saysay ng buhay niya.
Mga Pulis na Dr. Jekyll-Mr. Hyde
Inilalarawan si Mendoza sa mga ulat na isang “natatanging pulis” at nababanggit ang maraming medalyang natanggap niya sa maraming taon ng pagseserbisyo bilang pulis.
Wala ako sa posisyon at sapat na kaalaman upang humusga sa kaso ni Mendoza sa Ombudsman. Batay sa tagni-tagning nakalap, noong Abril 9, 2008 ay isa si Mendoza sa limang pulis na diumano’y sumita kay Christian Kalaw, chef sa isang hotel, sa pagparke ng sasakyan ng huli sa bawal na lugar sa Taft Avenue. Sa kung anong rason, humantong ang pagsita sa paghalughog diumano ng mga pulis sa kotse at pagtangay ng mga ito sap era ni Kalaw na may halagang P3,000. Dinala rin ng mga pulis si Kalaw sa Roxas Boulevard upang pilitin itong mag-withdraw ng pera sa ATM. Nang matuklasang walang lamang pera ang ATM account ni Kalaw ay sumunod siyang dinala ng mga pulis sa tanggapan ng Manila Police District (MPD) at doo’y sapilitan siyang pinakain ng ‘shabu’.
Sa afidavit ni Kalaw ay ipinahayag niyang sa mga sandaling iyon ay walang patid siyang pinagbabantaan ng mga pulis na makukulong siya sa kasong may kaugnayan sa
droga maliban kung aaregluhin ang kaso sa opisina ng piskalya at magbibigay siya ng P200,000. Sa tulong ng isang kaibigan, nakapagbigay diumano si Kalaw ng P20,000 at pinalaya ng mga pulis.
Isang klasikong salaysay ng ‘hulidap’ na sa lingo ng pamamahayag ng mga ulat-krimen ay ang gawaing pag-aresto na ginagawa ng isa o higit pang mga pulis na tiwali/korap na ang layunin ay mangikil ng pera sa taong inaaresto. Huli + holdap = hulidap. Sa lengguwahe ng batas, ang gawaing ito ay ‘robbery’ at ‘extortion‘ na, kung mapatutunayan, may kaukulang asuntong administratibo na ang parusa ay madismis sa serbisyo at asuntong kriminal na ang kaparusahan ay pagkabilanggo.
Naipalaganap ang kinasapitan ni Kalaw matapos itong ilathala ng ama niya sa internet hanggang sa nakarating sa atensiyon ng noo’y hepe ng PNP na si Director-General Sonny Razon na nagpayo na magsampa si Kalaw ng asunto laban sa mga pulis na kinabibilangan ni Mendoza. 
Ang Paglilitis ni Tata Rolando
Sa lingo o jargon ng mga nasa presinto at kulungan, ang salitang “Tata” ay ikinakabit sa pangalan ng sinuman sa mga sumusunod: (1) aktibong pulis; (2) retiradong pulis; (3) dating pulis, na maaaring natanggal sa serbisyo o kusang umalis sa serbisyo sa anumang kadahilanan; (4) pulis-pulisan o umaastang pulis dahil kasa-kasama o alipores ng mga pulis. Sa huling gamit ay nagsisilbi itong pantuya.
Bilang kasong administratibo, ang sinumang may reklamo sa sinumang pulis ay maaaring magsampa ng kaso sa mga sumusunod ayon sa naging pagkakasala: (1) Hepe
ng Pulisya – kung ang pagkakasala ay may kaparusahang hindi lampas sa 15 araw na suspensiyon; (2) Alkalde ng lungsod o munisipyo – para sa may parusa na hindi lalampas sa 30 araw na suspensiyon; (3) People’s Law Enforcement Board (PLEB) –
para sa parusang lampas sa 30 araw na suspensiyon hanggang dismisal sa serbisyo.
Kaugnay nito’y maaari ring deretsahang magsampa ng kaso sa Tanggapan ng Ombudsman na may kapangyarihang mag-imbestiga nang independiyente sa mga lingkod-bayan na umabuso o nakagawa ng anumang paglabag sa tungkulin.
Matapos isampa ang kaso ay nailipat ng asayment si Tata Mendoza at napatawan ng
90 araw na ‘preventive suspension’. Inirekomenda ang dismisal ng asunto sa Internal Affairs Office (IAS) ng PNP at sa piskalya ng Maynila matapos hindi sumipot si Kalaw sa pagdinig. Iba ang sabi ng Ombudsman. Nagkasala si Mendoza at ang apat na kasama niya, sabi ng Ombudsman. Wala silang matatanggap na anumang benepisyo at hindi na maaaring mamasukan sa anumang tanggapan ng pamahalaan.
Simpatya sa ‘Demonyo’
Sa kantang “Sympathy for the Devil” ng bandang Rolling Stones na binubuo ng mga maaskad ngunit mahuhusay na musikero ay waring binaligtad ang konsepto ng masama at mabuti. Hindi nakatulong ang ganitong klaseng awitin upang maiwasan ang mga paratang ng ‘satanismo’ sa hanay ng mga rakista. Pero may puntong tingnan din ang ‘kabilang’ anggulo gaano man ito kalayo sa popular na sentimyento.
Sa ngayon ay wala nang dagdag na paglibak na tatalab pa matapos ang mga humalihaw na sa alaala ni Mendoza. Bali-baligtarin man ay kamuhi-muhi ang ginawa niya. Di mabibigyang-hustipikasyon ang pagdamay sa mga walang kamalay-malay sa personal na problema. Maaaring ang punto niya ay nararapat siyang pakinggan ng lipunan sapagkat may sangkot na inhustisya at pagkukulang ngunit, gaya nang kasabihan, ‘the end does NOT justify the means’.
Samantala, kung isang reyalidad sa ating lipunan ang mga ‘pulisan’ na isa pang salitang-kanto na pantukoy sa mga tulisan na nakaunipormeng-pulis ay isa ring reyalidad na bukod sa banta sa buhay ay may panganib din sa karera ng bawat pulis ang mga asuntong gawa-gawa at/o ginagamit na instrumentong pambuwelta ng mga nasasagasaan nila sa pagtupad ng tungkulin.
Sinasabi ko ito mula sa sariling karanasan. Bilang dating ‘administrative hearing officer’ ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) na hindi nagdadalawang-isip magpataw ng parusang dismisal sa serbisyo sa mga iskalawag na jail officer ay tumatanggap ako magmula ‘death threats’ hanggang sa mga imbentong asunto sa Ombudsman, korte, at kung saan-saang forum makaganti lang sa akin ang mga ipinatanggal ko sa serbisyo.
Marami akong dinanas na sakit ng ulo kaugnay ng payak na pagtupad sa sinumpaang tungkulin. Madalas din ay nag-iisa lang ako sa pagtatanggol sa sariling integridad. Pero kung hindi ako natakot maambus ay lalong hindi ako natakot sa katotohanan.




Archives