ShareThis

  ESTADO

Pag-ibig sa Tinubuang Wika


by Fermin Salvador.

Aug 20, 2010

Tuwing Agosto ay ipinagdiriwang ang “Buwan ng Wikang Pambansa” sa Pilipinas. Sa ika-19 ng Agosto ang itinuturing na “Araw ng Wika” na itinapat sa kaarawan ni Pangulong Manuel Luis Quezon noong Agosto 19, 1878 na binabansagang “Ama ng Sariling Wika”. Maitatanong: Ano ba ang ibig sabihin ng “sariling wika”? Halos isandaan ang katutubong wika sa Pilipinas. May wikang kinikilala ayon sa mga lalawigan o rehiyon. Minsan ay batay sa tribung gumagamit nito.

May mga Filipino na marunong ng dalawa o higit pang wikang katutubo. Anuman ang wikang ginagamit ng isang grupo ng mga tao sa Pilipinas ay maisasailalim sa kategoryang “sariling wika”. Sa ilalim ng kasalukuyang saligang-batas, ang opisyal na wika ng Pilipinas ay Ingles at ang tinawag na “Pilipino” na wikang ‘mag-eebolb’ na hango at mula sa lahat ng wikang umiiral na sa kapuluan. Kaya sa pagtukoy ng ‘sariling wika’ sa punto ng pagiging isang nasyon, masasabing ‘Filipino’ ang ‘sariling wika’ ng mga Filipino. Hindi puwedeng Ingles na bagaman ginagamit sa buong kapuluan ay hindi naman nagbuhat sa kapuluang ito.

Kaugnayan sa Lupang Tinubuan

Ano pa ang masasabing kaugnayan mo sa tinubuang lupa kung ni isa’y wala ka nang alam na wikang ginagamit dito? Wala nang ipinagkaiba kung ang isang Filipino na nagkaroon ng kakaibang interes sa kultura ng mga Tsino o Hapon, halimbawa, ay naging mapagbasa ng literatura tungkol sa kultura ng mga banyagang lahing ito. Makakabisado niya ang kasaysayan, mapag-aalaman ang kakaibang mga tradisyon, gawi, at asal ng mga Tsino o Hapon, subalit mananatiling may di nakikitang pader na pumapagitan sa kanya at sa mga taga-Tsina o Hapon bilang mga hiwalay na lahi.

Nasa wika ang mga ‘siste’ ng bawat lahi na isang bagay na mahirap maipaliwanag ngunit kusang dumadaloy sa kamalayan sa paggamit ng wikang kinamulatan. Maaaring naisasalin sa ibang wika ang katuturan ng mga salita at maging ang istruktura at balarila ng isa pang wika. Ngunit hindi ang ‘kaluluwa’ na nakapaloob sa wika. Ang wika ay naglalaman ng kultura ng mga pangkatan magmula sa isang maliit na tribu hanggang sa isang ganap na nasyon. Mahirap maisapuso ang isang partikular na kultura kung hindi alam ang wika ng kulturang ito. Hindi naisasalin nang ganap ang isang sulatin mula sa orihinal na wikang pinagsulatan patungo sa ibang wika. Ang mga epikong ‘Ilyad’ at ‘Odisi” ni Homer na isinulat niya sa Griyego ay may kaibahan sa natutunghayan at hinahangaang bersiyon sa Ingles. Ganundin ang ‘Les Miserables’ ni Hugo na isinulat sa Pranses, ‘Digmaan at Kapayapaan’ ni Tolstoi sa Ruso, ‘Faust’ ni Goethe sa Aleman, ‘Mahabarata’ sa Indiyan, ‘Rubaiyat’ ni Omar Kayam sa Persiyan, at marami pang itinuturing na mga klasiko at obramaystra ng panitikan.

Gaano Kahalaga ang Wika? Paano Ito Pinahahalagahan?

Kapag sumakay ka sa eroplano ng Hapon, sa wika muna nila (Niponggo) isinasaad ang lahat ng pahayag bago sa Ingles. Lahat ng paanunsiyo ay nasa sariling wika nila. Pangalawa lang lagi ang Ingles. Ganito rin ang sitwasyon kapag sumakay sa eroplano ng Timog Koreya, Tsina, Mexico, Italya, at iba pang bansa.

Ganito pa rin ang patakaran kapag nasa paliparan ka at hanggang sa mismong bansa na nila. Lahat nang patalastas o paanunsiyo ay sa wika muna nila bago ibang wika. Kaya kapag may emerhensiya ay sila-sila munang tagaroon na nakauunawa sa wika nila ang unang makaliligtas.

Sa Pilipinas ay hindi ganyan ang sitwasyon. Sa Ingles unang sinasabi ang anunsiyo. Kaya dayuhang nagsasalita ng Ingles muna ang makaliligtas habang ang mismong Pinoy na nagkataong hindi nakaiintindi ng Ingles ay walang alam sa nagaganap at mas nalalagay sa peligro. Sa obserbasyong ito bilang manlalakbay na napapatapak sa ibang bansa, o sa paliparan ng mga ito, ay nakita ko ang isang inhustisya na pinaiiral ng sambayanang Pilipino sa sariling bayan. Bakit sekundaryo lang ang sariling wika sa loob ng sariling bansa? Dahil ba sa ‘magulo’ pa hanggang sa ngayon kung ano ba ang ating sariling wika?

Ang wikang sarili ay wika ng masa, wika ng karaniwang Pinoy, na sa kundisyon ng ekonomiya ng Pilipinas sa kasalukuyang panahon ay nakararami ang mahihirap na hindi nakatikim ng antas ng edukasyon na sapat upang ganap na makaintindi ng banyagang wika kabilang na ang Ingles. Bilang mga Filipino sa sariling bayan, hindi nararapat na maging disadbanteyds ang kakapusan (o kawalan) ng dunong sa wikang banyaga/Ingles. Tungkulin ng pamahalaan na pairalin ang polisiya na sa wikang sarili muna nakasaad ang alinmang bagay na nararapat mabatid ng mga mamamayan sa halip na sa banyagang wika na hindi nauunawaan ng mayorya.

SONA sa Tagalog

Ginamit ni Pangulong Noynoy Aquino ang Tagalog sa kanyang inagurasyon at unang SONA. Si Pangulong Estrada ay gumamit din ng Tagalog sa kanyang inagurasyon ubalit ito ay ‘given’ o inaasahan na sapagkat nakaangkla ang karerang pampulitika niya sa diwa ng “masang Pilipino”, ayon sa sarili niyang pagpapakahulugan dito, na istratehiyang nagbibigaydiin sa dibisyon sa lipunan ng mahihirap at mayayaman. Iba si P-Noy gaya rin naman na iba ang Partido Liberal sa Partido ng Masang Pilipino. Sa plataporma ni P-Noy, hindi siya nagbubunsod ng paghahati ng lipunan sa mahihirap at mayayaman. Ang plataporma niya ay tumutukoy sa mga mamamayan sa pangkalahatan anuman ang antas ng kabuhayan.

Kaya isang tangka sa pag-usad o ‘maturity’ ng kamalayan ng sambayanang Pilipino ang naging preperensiya ni P-Noy na gamitin ang sariling wika na walang kakambal na layuning pansarili o makasarili na halimbawa’y propagandang pampulitika bagkus ay payak na pagbibigay-diin sa kahalagahan nito (sariling wika) sa pagkakaroon ng higit na pagkakaunawaan ng sambayanang Pilipino. Halos isang siglo na ang nakararaan nang ang ating mga ninuno, sa pamumuno ni Pangulong Quezon, ay nakipagtagisan ng katwiran sa noo’y mga kolonyador na Amerikano upang palayain ang Pilipinas. Nagkaroon ng kasunduan ang mga Filipino at Amerikano na isailalim ang Pilipinas sa isang transisyon o proseso patungo sa lubusang independensiya.

Kabilang dito ang pagpili sa magiging wikang pambansa. Hindi pinili ni Pangulong Quezon ang Kastila o Ingles kahit na pulido siya sa dalawang banyagang wikang ito. Pinili niya ang Tagalog, isang katutubong wika, na bininyagan ng katawagang “Pilipino”.

Tagalog vs. Ingles at Iba Pa

Hanggang ngayo’y pagdedebatehan ang mga motibo ni Pangulong Quezon sa pagpili sa Tagalog na tinawag na “Pilipino” sa 1935 Konstitusyon at naging “Filipino” sa 1987 Konstitusyon ng Pilipinas. Ang paratang ng mga hindi Tagalog gaya ng mga Cebuano, Ilocano, Bicolano, Ilonggo, Waray, atbpa. ay pulitika ang nasa likod ng hakbang ni Pangulong Quezon sapagkat Tagalog ang salita sa sarili niyang lalawigan. Pulitika nga marahil, ngunit higit na rason ang reyalidad na mas marami ang nagsasalita ng Tagalog kesa Ingles at alinmang wikang likas sa bansa. Maski sa Maynila na sentro ng pulitikal, ekonomikal, at kultural na aktibidad sa bansa ay ang Tagalog ang nangingibabaw.

Hindi na pinagsabong ni Pangulong Quezon ang Tagalog at ang ibang lokal na wika. Tagalog at Ingles na lang. Bilang pulitiko, kailangan niya ang suporta ng masa.Huwag nang ipagpilitang Ingles ang wika ng mga literati, elitista, at maiimpluwensiya sa panahon ng pananakop ng mga Amerikano. Pangunahing tungkulin ng wika ang maging gamit sa kumunikasyon ng higit na nakararami. Hindi rin maaaring paratangang hindi maaaring maging wikang pang-intelektuwal ang sariling wika sapagkat magsisilbi itong pagsampal sa sariling kabansaan at identidad ng mga taong isinilang at natutong gumamit nito saanmang panig ng mundo naninirahan ngayon.




Archives