Naging bukambibig ang paghambing sa Chicago sa Siberia sa tindi ng lamig na naranasan dito nang ilang araw sapul nang magpalit ang taon. Nagrurok ang lamig sa limampung oras na walang patid na temperaturang mababa sa sero na may kasamang buhos ng niyebe mula noong Enero 6 hanggang 8. Binasag nito ang rekord sa tagal na tuloy-tuloy na may ganitong temperatura sa loob ng dalawampung taon. Sa Ilinoy ay sa oras lang binibilang ang haba ng sub-sero na temperatura kumpara sa ibang lugar sa hilaga na inaabot nang ilang linggo o buwan. Gaya na nga sa Siberia.
Lugar na Katatakutan
Ang Siberia ay naging figurative expression para sa isang lugar na kinatatakutan ng sangkatauhan dahil sa imahe nitong disyerto ng yelo at impiyerno ng lamig (na tayutay din). Salamat sa mga awtor na gaya nina Feodor Dostoevsky at Aleksandr Solzhenitsyn, nadagdagan ang dimensiyon ng pagiging impiyerno ng Siberia sa konteksto ng pagiging lokasyon nito ng mga pinakabrutal na bilangguan o penal complex sa ilalim ng mga pamahalaang Tsarista at Sobyet sa Rusya.
Bilang lokasyong heyograpikal, ang Siberia ay kumakatawan sa halos kabuuan ng dulong hilaga ng lupalop ng Asya. Sa taya ay may sukat na 2,900,00 milya-kuwadrado o 7,511,000 kilometro-kuwadrado. Ang Pilipinas na may sukat ng lupa na 115,830 milya-kuwadrado o 300,000 kilometro-kuwadrado ay parang tuldok lamang sa loob ng Siberia. Lawak ng erya na nababalot ng yelo at ang sub-sero na temperatura ang imbisibol na rehas na humahadlang sa sinumang bilanggo na magtangkang tumakas mula rito.
Bilang bilangguan ay walang binatbat ang Alcatraz sa Siberia. Itinuring na imposibleng matakasan ang Alcatraz na isang isla na matatagpuan sa San Francisco Bay. May 1.5 milya (2.4 kilometro) lang ang layo nito sa dalampasigan ng Lungsod San Francisco. Maikli lang ang distansiyang ito sa isang mahusay na manlalangoy. Pero malakas ang agos at malamig ang tubig sa dagat na lalanguyin. Sa kasaysayan ng operasyon ng Alcatraz bilang piitang-federal ay marami ang presong nagtangkang tumakas mula rito. Hindi sila natakot sa mga kaakibat na peligro. Karamihan ay muling nahuli o narekober pero may ilan din na di na natagpuan. Marami ang librong naisulat, pelikulang naitanghal, at ngayo’y paboritong destinasyong pangturista ang Alcatraz. Impresibo ang rekord ng Alcatraz hanggang sa ipinahayag ng mga manunulat na Ruso na pang-amatyur lang ang Alcatraz kumpara sa Gulag.
Kapag sinabi mong Gulag o Siberia, ito’y isang bagay o lugar na “parang narinig na” ang minsa’y tugon sa iyo, madalas ay iling lang. Ito’y bago isiniwalat ni Solzhenitsyn sa buong mundo ang buhay at mga panahon niya rito. Ang Alcatraz sa San Francisco Bay – kung ikumpara sa Gulag sa Siberia – ay mistulang pook na pam-fairy tale. Nang sumuko ang halos 100,000 kawal na Nazi sa mga Ruso sa Stalingrad, dinala sila sa Siberia. Ilang taon matapos ang WW II ay hinayaang makabalik sa Alemanya ang mga nanatiling buhay sa kanila – nasa 3,000 na lang. Sa kabuuan, milyunan ang pagtuos sa mga kaswalti ng mga piitan sa Siberia. Bukod sa mga Ruso at ibang lahi sa loob ng Unyong Sobyet na pulitikal na kaaway ng Kremlin ay naging hantungan – madalas ay huling hantungan – ang Siberia ng alinmang lahing kaaway ng mga rehimeng Tsarista at Sobyet.
Arctic Blast
Panandalian lang naging Siberia ang Ilinoy. Mas itinuring ito na penomenon o isang iglap na ‘freak’ ng kalikasan at di taglay ang permanenteng kalagiman na tatak ng tunay na Siberia. Kalagiman na ang tanging nakauunawa ay ang mga nakaranas mapiit sa Gulag o ang mga nakapamuhay sa mga liblib na bayan sa hilagang Rusya o mga kagayang lugar na ang subsero ay normal, walang ayudang aasahan, walang agarang asistansiya kung may emerhensiya, rasyunan ang pagkain at ibang pangunahing suplay, walang modernong mga gadyet o internet, at kapos kahit ang gatong sa pampainit. Sa Midwest, naantala ang mga lipad (flight) sa mga erport pero tuloy ayon sa iskedyul ang mga laban sa futbol, basketbol at ibang isports. Inianunsiyo na sarado ang mga paaralan pero bukas ang mga mol na marami pa ring tao – matatanda at mga bata. Normal ang operasyon sa karamihan ng mga pagawaan. Sa mga walang pasok sa trabaho, magandang pagkakataon ito para magrelaks sa bahay: pakape-kape o painom-inom ng serbesa, paisnak-isnak habang nanonood sa higanteng iskrin ng telebisyon. O magbabad sa internet at mag-cy(si)ber(ia).
Bago pa man dumating ang tinawag na “Arctic blast” o “polar vortex” ay maagap na nagsipaghanda para sa mga kahingian ng sitwasyon ang mga kinauukulan – gobyernong pang-estado at mga pribadong organisasyong nangangalaga sa kaligtasan ng publiko. Ipinahayag ni Gob. Pat Quinn ang pagbukas nang lampas sa 100 kanlungan sa lamig o “warming center”. Sinikap na mapanatiling nasa maayos na kundisyon ang mga kalsada habang nagpapaalala sa mga motorista na mag-ingat, tiyaking maayos ang kundisyon ng sasakyan, sapat ang kasuotan, at manatili na lang sa bahay kung maipagpapaliban ang pag-alis. Ilan pa sa mga paalala na tiyakin na laging higit sa kalahati ang karga ng tangke ng gas, maglaan nang sapat na oras sa biyahe upang hindi mapresyur at mapilitang magmadali, magdala ng mga kagamitang maaaring kailanganin (jumper cable, flare o reflector, traction material, first aid kit, blanket, pagkain, inumin, etc.) at mag-ingat sa “black ice” na tinatawag ding “clear ice” na ang tinutukoy ay ang manipis at transparent na yelong nabubuo sa mga kalsada na sobrang dulas, madalas ay di napapansin, at pinagmumulan ng pagkadulas pag naglalakad o pagsadsad ng minamanehong sasakyan.
Dalawang Peligro
Dalawa ang peligro sa kalusugan na idinudulot ng sobrang eksposyur sa sobrang lamig. Ang isa ay haypotermiya (hypothermia) na ang temperatura ng katawan ay bumababa sa 95 (Fahrenheit) o mas mababa pa. Ang mga sintomas nito ay pagiging malilimutin, pagkadama ng pamamanhid, nauutal na pagsalita, pamamaga ng mukha, mahinang pulso, mabagal na tibok ng puso, mabagal na paghinga, at sobrang pamumutla. Maaari itong humantong sa coma o kamatayan. Ang isa pang peligro sa sobrang paglantad sa lamig ay ang frostbite. Naaapektuhan nito ang mga bahagi ng katawan na nalantad nang mahabang panahon na dahilan ng pagkamatay ng mga laman at tisyu ng nasabing bahagi ng katawan. Ang mga lugar na napo-frostbite ay kadalasang ang mga tenga, mga kamay at paa. Sintomas nito ang pamamanhid ng mga naaapektuhang bahagi. Kailangang magsuot ng sapat na takip o proteksiyon sa lahat ng parte ng katawan. Nagbabala na pag subsero ay posibleng ma-frostbite sa loob lang nang limang minuto.
Laging mas vulnerabol sa labis na lamig ang mga bata at matatanda. Ang mga may kaanak na senior citizen na namumuhay nang solo ay pinapayuhan na dalawin ang mga ito nang regular para tiyaking nasa maayos na kalagayan at may sapat na pagkain, gamot, at ibang kailangan. Nagpahayag ng katiyakan ang gobyernong pang-estado na tuloy-tuloy ang operasyon ng mga pasilidad at tanggapan na naghahatid ng kritikal na serbisyo gaya ng IEMA, DHS, DVA, DOC, CMS, DJJ, atbpa.
Nakakatuwa rin ang pagsasalarawan sa iba’t ibang antas ng lamig sa lengguwaheng Ingles. Kapag sobrang lamig ay tinatawag na “severe cold”. Kapag sagad-lamig ay sinasabing “bitter cold”. Pero may higit sa mga ito, ang tinatawag na “dangerous cold”. Ginamit itong huli sa paglalarawan sa lampas sa “tagos-buto” – na istilong-Pinoy naman ng paglalarawan ng lamig. Dangerous cold daw ang ilang sunod na araw na subsero ang temperatura sa Ilinoy sa unang linggo ng 2014. Lamig na hindi na sagaran o mapait lang bagkus ay mapanganib. Ang bahagyang kapabayaan ay posibleng maging sanhi ng matinding pinsala gaya ng frostbite o haypotermiya na maaaring ikamatay.
‘Horse’ for the Best
Masasabing maagang nag-boundary ang winter sa Ilinoy (at buong US) ngayong 2014 kumpara noong 2013 na matumal ang niyebe at madalang ang ragasa ng lamig. Bawi-bawi lang siguro talaga sa klima. Konti ngayon, bukas ay sandamakmak ang niyebe. Sandamakmak ngayon, bukas ay maaaring sandamakmak pa rin. Kaya mahalaga ang konsistensi sa paghahanda. Isa pang cliché: hope for the best, expect for the worst. Kumatok sa kahoy. Tutal ay taon daw ng kabayong kahoy ang 2014. Humagibis sa buhay ngunit laging may kasamang pag-iingat.