ShareThis

  ESTADO

Esperanto Filipino (Huling Bahagi)



Mapapansin na may pagkakapareho ang layunin ni Dr. Z at mga miyembro ng con-con at con-com sa Pilipinas. Maging susi ang wika sa pagkakaunawaan at pagkakaisa ng mga taong may iba’t ibang wika, kultura, at kasaysayan. Ang Esperanto ay sa lahat ng lahi sa buong planeta. Ang Pilipino/Filipino ay sa lahat ng tribu sa kapuluan ng Pilipinas.
 
Paglaganap ng Wika

Ang Esperanto ay para maging wikang “auxiliary” o “supplementary” o pantulong para magkaunawaan ang lahat ng lahi sa mundo na bawat isa ay may pangunahing wika. Ang “Pilipino” nina Pangulong Quezon at Lope K. Santos ay di buong imbensiyon kundi batay sa Tagalog. Ibig sabihin, ang Tagalog ay payayamanin batay sa nilulutong kabansaan ng mga Filipino – kabansaan dahil ang Komonwelt ang teyoretikal na magiging unang gobyerno sa ilalim ng mga Filipino na epektibong may hurisdiksiyon sa buong kapuluan. Ang “Pilipino” ay di magsisilbing “auxiliary” bagkus ay “wikang pambansa”. Ang tanong ay kailangan nga bang magkaroon ng probisyong nagdidikta ng wikang pambansa ang saligang-batas ng isang bayan na binubuo ng iba’t ibang tribung may sari-sariling wika? Sa unang bahagi ng siglo, ang (mga) “wikang pambansa” na (mga) wikang nababatid sa buong kapuluan ay Ingles at Espanyol. Sa huling bahagi ng siglo, ang (mga) “wikang pambansa” ay naging Ingles at Tagalog. Sa isang pakikipanayam noong dekada otsenta sa yumaong Rolando Tinio, bago pa siya naging national artist, kinumpirma niyang utang ang paglaganap ng Tagalog sa buong bansa sa mga komiks at mga artistang gaya ni Nora Aunor. Walang pakialam si Nora Aunor sa kaibahan ng Tagalog, Pilipino, at Filipino pero pag nagbitiw siya ng mga linya niya sa pelikula ay nararamdaman ng mga manonood mula sa Fort Bonifacio hanggang sa Fort Pilar na sila ay nabibilang sa iisang lahi. Nabanggit ang national artist o pambansang alagad ng sining, unang binabanggit ang salitang “pambansa” (national) bago ang alagad-sining. Ibig sabihin mas importanteng basihan na pambansa muna bago ang ‘maze’ ng sining. Isang pagbalanse sa tinig ng nakararami (pambansa) at sining sa nakamihasnang akademikong saysay na napaugnay nang hindi sinasadya at di kanais-nais sa iilan/elitista. Kung ito nga sana ang naging pananaw ang mayorya dapat ng mga national artist ngayon ay katropa ni FPJ e.g. Dolphy, Nora Aunor, Vilma Santos, Dagul. Hindi, hindi tayo lumalayo ng paksa kay Judy Ann Santos.
Kung sana ang wikang Filipino sa halip na “wikang pambansa” ay may etiketang auxiliary o supplementary na wika na “culturally neutral” gaya ng Esperanto bilang pagsasaalang-alang na ang Pilipinas ay binubuo ng iba’t ibang wika at kultura mas mailalagay ito sa tamang konteksto. Kung sana ang isinasaad sa 1987 Konstitusyon ang “Filipino” ay lilikhain o iimbentuhin, na mismong ginagawa ng ilang ‘magagaling’ na tao, wala nang maiinip sa mabagal na proseso ng ebolusyon. Kung ang ‘packaging’ ng wikang Filipino ay imbensiyon ng isa o iilan lang gaya ni Dr. Z sa Esperanto magiging iba ang pagtanggap dito dahil hindi na tayo naglolokohan pa na batay kunwari sa ebolusyon ngunit ang totoo’y dikta lang ng iisa o iilang tao. Pero hindi nga ito ang nakasaad at layon ng saligang-batas. Ambisyoso ang maglagay ng mandato sa “wikang pambansa”. Hindi nagsasaalang-alang sa reyalidad. Ang reyalidad ay magkakaroon talaga ng wikang pambansa ang bawat estado. Nang maging bansa ang labingtatlong orihinal na kolonya ng Inglatera sa Hilagang Amerika, hindi isinaad ng Founding Fathers nito na Ingles ang wikang federal. Alin sa dalawa – dahil sa sobrang galit sa Inglatera o may premonisyon sila na ang labingtatlo ay magiging limampu. Mahigit sa kalahati ng kasalukuyang teritoryo ng US mula sa California hanggang sa Florida, mula sa Colorado hanggang sa Texas, ay Espanyol ang orihinal na pangunahing wika. Pati ang kolonyang Mississippi na Pranses ang wika ng mga naninirahan na ibinenta ni Napoleon Bonaparte ay mahigit sa doble ang laki sa orihinal na labingtatlong kolonya. Minorya ang mga nagsasalita ng Ingles sa kabuuan ng US. Hindi idineklarang opisyal na wika ang Ingles pero sa kasalukuyan ay ito ang unang wika sa lahat ng opisyal na transaksiyon at dokumento habang mahigpit na ipinatutupad ang batas na nararapat isalin ang mga dokumento at paanunsiyo sa Espanyol, Pranses, Mandarin, at oo, pati sa Tagalog na kabilang sa sampung wikang may pinakamaraming gumagamit. Sa lahat ng pasilidad at sasakyang pampubliko gaya ng tren ay rekisitos na ang mga paskil sa poste at dingding na nasa iba’t ibang wika ay may salin pa sa Braille. Ang wika ay wala sa bunganga, nasa gawa.
 
Arawang Pagtatalastasan
 
Sa isang artikulo ay sinabi ng isang bosing sa KWF na isa ring emperador na nakahubo na mahigit isang daan taon nang wika ang “Filipino”. Tama siya, pero nitong nakalipas na dalawampu’t limang taon lang ito malawakang tinawag na “Filipino” dahil dati itong tinatawag na “Pilipino” at bago pa iyon ay libong taon na marahil na umiiral bilang wikang Tagalog. Hindi pinalaganap ang paggamit ng wikang ito ng 1987 Konstitusyon, Surian ng Wikang Pambansa, o KWF, na ang mga praymer, direktiba, resolusyon at mga katulad ay di nababasa ng mga karaniwang tao. Kahit minsan ay di ko naisip na kakailanganin ko ang halimbawa’y “UP Diksiyonaryong Filipino” dahil ang wikang “Filipino” ay di Esperanto na imbensiyon ng isang tao kundi (magiging) bunga ng ebolusyon ng lahat ng tao. Tandaan, lahat ng tao, kaya hindi lang mga mamamayan ng Pilipinas ang makapag-aambag dito. Pinalalaganap ang wika, Tagalog ngayon o mag-eebolb na Filipino balang-araw, ng pangangailangang gamitin sa araw-araw na pamumuhay, sa pagtatalastasan ng mga nasa loob ng iisang bahay, mga co-worker sa isa’t isa, mga OFW mula sa iba’t ibang tribu na ayaw abandonahin ang Tagalog at ibang natutuhang wikang lokal sa Pilipinas, mga paaralan, mga tanggapan ng burukrasya, mga korporasyon, pati sa mga internet forum na ang palitang-pananaw ng mga karaniwang tao ay madalas na mas may saysay sa mga balitaktakan ng mga nag-aakalang sila ang bumubuo sa intelligentsia.
Kung gusto nating maging likas na wika ang “Filipino”, maging bunga ng ebolusyon at di imbensiyon na gaya ng Esperanto, huwag natin itong gawing parang iskrip ng Esperanza na may ‘malikhaing manunulat’ na may kumakatha sa bawat susunod na kabanata. Wala pang ganap na wikang Filipino, ni di ito maikukumpara sa Esperanto na may sariling kumpletong istruktura. Ang sinasabing “Filipino” sa anyo nito ngayon ay walang iba kundi ang nag-eebolb na Tagalog na ini-Esperanto (dinodoktor) ng ilang naggagaling-galingan.

Likas na Wika vs. Inimbento
 
Ang pagtanggap ng milyon-milyon na tao sa lahat ng bahagi ng mundo (kahit sa Pilipinas ay nagkaroon ng mga eksperto sa Esperanto) ay patunay na pag maganda ang mithi ay tatanggapin ito ng marami. Imadyinin kung gaano karami ang wika sa Yuropa. Mga bigating wika na ang Ingles, Pranses, at Aleman. Bukod pa sa Griyego at Espanyol. May Latin na minsang di opisyal na wika ng buong lupalop dahil sa hegemon ng imperyo ng Roma. Pero nagkaroon pa rin ng puwang para sa isang imbentong wikang Esperanto. Ang Switzerland ay napalibutan ng Italya, Pransiya, at Alemanya kaya ang isang Suwiso ay marunong ng Italyano, Pranses, at Aleman. Pero paano niya kakausapin ang isang Polis o Croatian o Serbian na nakaiintindi ng Ruso pero hindi ng Ingles o Pranses? Ang solusyon – Esperanto. Pero gaya nang nasabi, kumupas ang ningning ng Esperanto. Mas mainam pa rin na pag-aralan ang isang likas na wika kesa wikang sinadya para sa kumbinyensiya, madaling matutuhan, ngunit walang kaakibat na kultura. May kulturang nirerepresenta ang Ingles, o Dutch, o Norwegian pero wala ang Esperanto. May kulturang nirerepresenta ang Tagalog, o Cebuano, o Tausug. Anong kultura ang kinatawan ng wikang “Filipino”? Kung mag-eebolb ang “Filipino” bilang wika ay may mag-eebolb ding kulturang papaloob dito. Darating iyan sa takdang panahon, hihiwalay sa kahungkagan ng mga dikta.
Nakakalungkot, gaya nang buhay ni Esperanza. Ganoon din ang sinapit ng Esperanto na matapos likhain ay sumiklab ang una at ikalawang digmaang pandaigdig na rito sa huli ang mismong lahi ni Dr. Z ay tinangkaang mapuksa. Dahil nabanggit na naman si Esperanza, dadako naman tayo sa Please Be Careful With My Tongue.




Archives