ShareThis

  ESTADO

Esperanto Filipino (Unang Kabanata)



Bukod sa komiks at pelikula na mga dambuhalang pambansang industriyang nasa Kamaynilaan ang konsentrasyon ng mga pagawaan at manlilikha/manggagawa ay nakapag-ambag din ang mga soap opera sa paglaganap ng Tagalog sa buong kapuluan. Itinanghal na bagong prinsesa ng drama sa telebisyon si Judy Ann Santos sa Mara Clara na agad sinundan ng Esperanza. Nabanggit ang Esperanza, talakayin natin ang Esperanto.
 
Artipisyal na Wika
 
Ang Esperanto ay isang artipisyal na wika, inimbento ito noong 1887 ni Dr. Ludwig Lazarus Zamenhof na isang Hudyong taga-Poland sa panahong ang Poland ay sakop ng Rusya. Si Dr. Zamenhof ay isang optalmologo. Marahil ay napansin ninyo agad ang tatlong bagay. Kontemporaryo niya si Dr. Jose Rizal, isa ring optalmologo at mamamayan din ng isang bayan na bihag ng ibang lahi. Bespren o naging malapit na kaibigan ni Gat Rizal si Ferdinand Blumentritt na isang Czech na ang sariling bayan ay sakop ng imperyo ng Austria-Hungary. Nagkaroon ng malalim na pagkakaugnayan ang dalawang kolonista – sina Gat Rzal at Blumentritt – higit sa pasulat kesa sa personal gamit ang wikang Aleman na parehong hindi nila pangunahing wika. Halos bahagya lang nagkaharap ang dalawa pero ang naging palitan ng liham ay higit pa sa nagliligawan. Wala namang kakaiba rito sa konteksto ng panahong iyon na ang regular na korespondensiya sa pagitan ng magigilas na tao ay tatak ng mataas na kultura. Mas mataas nang kaunti sa palitan ng komento sa Peysbuk sa panahon ngayon. Di na rin marahil pagtatakhan ang iglap na gaan ng loob nila sa isa’t isa na ang pinagsasaluhang kalagayan bilang kolonistang burgis ay mahalagang salik. Pero lumalayo tayo sa paksa.

Balik tayo kay Juday.

Si Dr. Zamenhof na umimbento ng Esperanto ay isang Hudyo na minoryang lahi sa sinilangang Poland na mismong mga Polis (mayoryang lahi) ay segunda-klase lang na mga mamamayan sa mga mananakop na Ruso paris ng mga Filipino gaya ni Gat Rizal sa mga mananakop na Espanyol noon. Pero mas masahol pa si Dr. Zamenhof kay Dr. Rizal dahil itong una’y minorya sa mga minorya habang ang huli ay nasa intelligentsia at maykaya sa hanay ng mga minorya. Kung walang mga Espanyol sa Pilipinas, nasa ibabaw ng lipunan si Gat Rizal habang si Dr. Zamenhof ay segunda-klaseng mamamayan pa rin kahit mawala ang mga Ruso. Marahil ay kuha ninyo ang tinutumbok ko. Mas nahahawig ang sitwasyon ni Dr. Zamenhof kay Gat Andres Bonifacio, isang anakpawis, na lumaya man ang Pilipinas sa kamay ng mga Kastila ay nasa bangin pa rin ng lipunan. Siyempre, ito’y kung walang kalakip na rebolusyong panlipunan ang paglaya mula sa mga dayuhang mananakop. Na mismong nangyari sa ating kasaysayan. So, napag-usapan natin ang pagiging Juday este Judio ni Dr. Zamenhof. Esposo ni Juday (Judy Ann) si Ryan Agoncillo. Hindi gaya kina Claudine Barreto at Raymart Santiago, nanatiling matatag ang pagsasama nina Judy Ann at Ryan. Pero dahil nabanggit ang apelidong Agoncillo, dumako tayo sa History of the Filipino People ni Teodoro Agoncillo.

Reimbensiyon ng Wika
 
 Maalamat nga ang pagkakaibigan nina Gat Rizal at Blumentritt. Pareho man silang kolonista, pareho rin silang de-buena sa sariling bayan na sakop ng mga dayuhan sa kanilang kapanahunan. Si Blumentritt bilang isang Czech na edukado ay gaya ni Gat Rizal sa Pilipinas. Hindi nila dala ang bagahe ng isang Dr. Zamenhof. Kaya, bagaman optalmologo at amatyur na lingguwista, ay sumindi sa bumbunan ni Dr. Zamenhof ang lumikha ng isang wikang panlahat anuman ang antas ng pagiging mamamayan sa isang estado at saanmang estado nabibilang. Ang obyus, kiling sa mga wika sa Yuropa, partikular sa Latin, ang pagkakalikha ng Esperanto. Iyon ang panahon ng paghahari ng lahing Puti sa mundo. Ginugutay ng mga imperyalistang Puti ang Tsina, ermitanyong kaharian ang Hapon, kolonya ng mga Ingles ang Indiya, at ang Pilipinas ay Filipinas pa noon na kilalang bayan ng mga Indio na sakop ng Espanya. Ang Esperanto ay hango sa pangalang “Doktoro Esperanto” na sagisag ni Dr. Zamenhof. Ang salin ng sagisag niya sa Ingles ay “Dr. Hopeful”. Ang salitang Espanyol na “espero” ay nangangahulugan ng “pag-asa” sa wikang Tagalog.

Sino ang bosing ng Katipunan na ang sagisag ay “May pag-asa”? Dalawa ang pangkat ng mga makabayang Filipino na pawang nagkaroon ng sagisag – mga lider ng Kilusang Propaganda at mga lider ng Katipunan. Ang una ay mga iskolar ng angkang maykaya at ang ikalawa ay mga anakpawis. Gaya nang pinatunayan nina Gat Bonifacio, Gat Emilio Jacinto, at ni Doktoro Esperanto mismo, hindi monopolyo ng mga primerang mamamayan o maperang mayayaman ang kakayahang maging intelektuwal sa bayan. Wika, at ang pagbibigay-saysay at reimbensiyon nito ang nakitang mesiyas kapwa nina Gat Bonifacio at Dr. Zamenhof.

Reimbensiyon ng wika? Halimbawa’y pinagtatalunan kung “Pilipinas” o “Filipinas” ba ang ginamit ni Gat Bonifacio sa Huling Hibik. Ang tiyak ko, hindi niya ginamit ang “Philippines”. Dapat ay malinaw na ito. Dumugtong lang si Gat Bonifacio, natural na gagamitin niya rin ang mismong pamagat ng dinugtungan. Pero ginawa niyang rebolusyonaryo ang Tagalog nang ito ang piliing magiging wika ng ilulunsad na himagsikan. Espanyol ang wika ng mga idolo niyang propagandista, Espanyol ang wika ng mga frayle, gobernador-heneral, guardia-civil, at buong burukrasya ng pangkolonyang pamahalaang Kastila hanggang sa mga Donya Victorina at Kapitan Tiagong akyat-sa-poder. Ang paggamit pa lang ng Tagalog bilang wika ng Katipunan ay rebolusyonaryo na. Kung maaalala ninyo (bata pa kayo marahil noon) kahit ang mga Amerikanong sumunod na naging mananakop ay may paranoya sa paggamit ng mga Filipino ng Tagalog sa mga pulong at pagtatanghal ng mga dula. Hindi naman mababahala si Angkol Sam kung ang layon lang ng pulong ay palitan ang Pilipinas ng Filipinas. Ba’t naman sila mag-aalala? Kaput na ang Espanya – inilikas ni Pablo Picasso ang sarili sa Paris at saka ginimbal ang mundo sa lagim sa Guernica. Mas takot si Hen. Arthur McArthur kay Macario Sakay. Hanggang sa magpasya si Pangulong Quezon ng Gobyernong Komonwelt, na adbayser sa tanggulan ng Pilipinas si Hen. Douglas McArthur, na gawing niyutral o i-neutralize ang wikang Tagalog sa pamamagitan ng pagtawag ditong Pilipino bilang ang wikang pambansa. Nagsimula ang Siglo ng panggagamit sa wikang Tagalog sa interes ng pulitika. Sa dinami-dami ng naging saligang-bagtas, nabantilawan o sadyang nagkabisa sapul noong 1935, bakit wala ni isa sa mga ito na binuo sa sariling wika?

Nanggulo sa lahat ang saad ng 1987 Konstitusyon na may yop-ha (hayop, binaligtad) na wikang Filipino. Nagbukas ito ng pintuan sa mga oportunistang maging paham(bog) at magkaroon ng espesyalidad sa isang sudo-aralin na sila lang ang may kaalaman at kapangyarihang magsabi ng tama at mali. Reyalidad na pangwika ito sa Pilipinas. Na katawa-tawa sa pananaw ng ibang lahi gaya ng katabi ko.

Sumikat na Ideya
  
Ang tanong: Pabor ba si Ryan Agoncillo sa Pilipinas o sa Filipinas? Siyempre, pipiliin niya ang Pilipinas. Papayag ba naman si Judy Ann na si Ryan ay para sa Filipinas? Dapat bang tawaging Esperanto ang mga lalaking fan ni Juday? Ang sagot, si Dr. Z (Zamenhof) mismo ay di popular pero ang Esperanto ay itinuring na pinakamatagumpay na “international language project”, pinakamaraming gumamit nang pabigkas (spoken) at pinagsulatan ng mahigit siyamnapu’t siyam na porsiyento ng lahat ng nalimbag na sulatin sa interlinguistics. Ito ang naging pinakamalaganap na artipisyal na wikang multikultural na natutuhan ng mga bata sa iba’t ibang bayan at isa sa mga wikang naging propisyente sila bukod sa pangunahing wika. Naging ganap na independiyente ang Esperanto bilang wika na walang kagayang alinman. Ang tanging wikang nababatid (known) na walang irregular verb (pandiwa). Pangunahing kunsiderasyon sa paglikha nito na magbigay-daan tungo sa pagkakaunawaan ng iba’t ibang lahing may iba’t ibang pangunahing wika.

Pinasadya na madaling matutuhan. Layon na pag-isahin ang sangkatauhan. Tagumpay man ang Esperanto bilang wika ng mundo ay sumunod na kasaysayan ang nagpatunay na di ito nagtagumpay sa paglikha ng “linguistic equality” o ang mapanatili ang pagkakasundo ng mga lahi. Kumupas ang popularidad nito kasabay ang pagsulpot ng iba pang mga imbentong lengguwaheng internasyunal.




Archives