ShareThis

  ESTADO

Baguio: Kabisera sa Tag-araw (Huling Bahagi)



Makulay na bahagi ng buhay ko, o marahil ninumang taga-Luzon, ang pamamasyal sa Baguio tuwing tag-araw. Bahagi rin naman ang Baguio sa nagbabago-bagong kabanata sa kasaysayan ng Pilipinas.
Paboritong pasyalan ang Baguio ng mga kaibigang manunulat sa komiks noong dekada otsenta. Madalas ay sa mga panahon ng Abril at Mayo, pero kahit anong buwan basta naisipan ay “umaakyat” sa Baguio. Kahit kaunti ang baon .

Pisikal na Aktibidad
  
Ang Baguio ay ideyal para sa mahihilig maglakad, na pangunahing aktibidad naming magbabarkada pag nasa Baguio. Nakatitipid pa sa pasahe. Mahirap lang ipagtanggol ang pagtitipid sa pasahe kung sa gabi naman ay naglulustay ng kaunting dalang pera sa serbesa at mga birhaws. Napaugnay sa Baguio ang mga pisikal na aktibidad gaya ng paglalakad, pagbibisikleta, pamumundok (mountain climbing) o hiking, atbpa. Bagaman kulang pa ang mga bangketa, bike lane, at trail. Pero uso rin dito ang ibang ‘goodtime’ lalo sa gabi.
Nabanggit ba ang nightlife? Ang nasa alaala ko sa mga panahon ng pagiging bagong-tao ay ang mga bahay-aliwan o birhaws na may mga nag-i-striptease. Barhopping kami. Kapag daw may uhog pa ang mga manunulat ay paborito ang mga birhaws at nagteteybol ng GRO na kadalasan ay matanda pa nang ilang anak sa nagteybol. Okey lang basta seksi. Sa pagtungtong ng manunulat ng paga-trenta ang gusto na ay sa mga may de-kalidad na musika o café. Pero café man para sa mga bohemyo o lasingan para sa mga buhong ay di mabibitin sa Baguio. Nagkaroon ng reputasyon ang Baguio na isang “sin city” dahil hindi lang prostitusyon kundi pati pugad ng ibang bisyo ay laganap dito sa mga panahong iyon. Pamoso ang mga hotel-casino sa Baguio.
Bumubungad ang dekada nubenta nang maganap ang malakas na lindol na puminsala sa pisikal na anyo ng Baguio. Naging paksa ng usapan ang mga hirap na dinanas ng mga taga-Baguio at mga dumayong na-stranded sa pagsapit ng kalamidad. Ilang araw na na-trap sila sa loob ng Baguio dahil hindi madaanan ang mga kalsada papunta-papalabas dito. Sa loob nang ilang taon ay nawala sa mapa ng mga pasyalan namin ang Baguio. Ganoon din marahil ang ibang taga-Luzon. Dumalang ang mga namamasyal sa Baguio sa panahon ng tag-araw. Namayagpag ang mga beach resort. Dekada nubenta nang umangat ang Boracay. Pero nakabangon ang Baguio at muling inangkin ang titulong summer capital ng Pilipinas.

Kabisera ng CAR
 
 May impact sa Baguio ang mga makasaysayang pangyayari sa Luzon gaya nang pagputok ng Bulkang Pinatubo, paglubog sa lahar ng Gitnang Luzon, partikular sa Tarlac na lagusan ng mga taga-Maynila sa pagpunta rito. Tumanggi ang senado ng Pilipinas na aprobahan ang tratadong magpapatuloy sa pananatili ng mga baseng-militar ng US sa Pilipinas at nagbigay-wakas sa halos isandaang taon ng malawakang presensiya ng mga Amerikano sa kapuluan. May emosyonal na kaugnayan ang pangyayaring ito sa Baguio sa kontekstong ang Baguio ay ‘re-imbensiyon’ ng mga Amerikano. Pero gaya ng Subic at Clark, kailangang mag-move on ang Baguio. Kaya lang, kung minsan (o madalas) mula sa dating estado o kundisyon ang kasunod na nagaganap sa isang erya ay ang pag-take over dito ng mga makapangyarihang korporasyon. Isa na ang pagtatayo ng SM sa mga debelopment sa Baguio sa nagdaang isang dekada. Kilala na ang likaw ng bituka ng mga korporasyong gaya ng SM. Hindi nakukuntento ang mga ito sa isang holding o negosyo lang sa isang lugar.
Sa kasalukuyan, ang Lungsod Baguio ang kabisera ng Cordillera Administrative Region (CAR) na isa sa mga rehiyon sa Pilipinas na nilikha sa ilalim ng 1987 Konstitusyon. Isang pangrehiyong hurisdiksiyon ang CAR kaya may tanggapang pangrehiyon sa Baguio ang lahat ng kagawaran sa gobyerno. May mga pampubliko at pribadong organisasyon na naglagay din ng hedkuwarter sa Baguio. Bukod sa mga payak na turista, maraming nasa Baguio para sa “official business”.
Kahit rekordbreking ang init sa Kamaynilaan ay mahalumigmig sa Baguio sa mga buwan ng Abril-Mayo. Pumapalo sa 35 degree Celsius o higit pa ang temperatura sa Metro Manila nitong Abril 2013. Parang palagi kang malapit sa baga, nasasalab ang balat mo. Papawisan ka kahit hindi ka kumikilos. Sa Baguio ay di ganito. Di ka papawisan maliban kung mabigat ang ginagawa o natatagtag. Di mo kailangan ang air-con. Sa Maynila ay nesesidad ito kung ayaw mong tagaktak ang pawis.
Sa mga Filipino na uhaw sa malamig na temperatura, Baguio ang “the place to be”. Malamig sa tabing-dagat o sa malapit sa mga anyong-tubig pero habang nakalublob ka lang sa tubig. Sa Baguio ay 24 na oras ang lamig. Hindi masyado sa tanghali pero sapat pa rin ang lamig para hindi ka pagpawisan.
Di ako nabigo nang takasan ang Kamaynilaan at napasa-Baguio sa pagbalikbayan ko ngayong 2013. Wala sa Baguio ang imbisibol na asap na nadarama sa Kamaynilaan. Kung puwede nga lang na magtagal pa sa Lungsod ng Pino, pero may mga dapat asikasuhin. Pagpunta at pag-alis ay sakay ako ng maalamat na Philippine Rabbit. Mabilis ang biyahe. Maayos na ang mga kalsada patungong Baguio. May mahahabang tulay na may bubong at enclosed kaya parang tunnel na nagdurugtong sa mga bundok imbis na dumaan sa tagiliran ng mga ito. Pati sa Tarlac at Pangasinan ay may mga pagpapalapad (widening) ng mga kalsada. Pagdating sa Dau ay parang sa US ang highway system. Mula sa Balintawak pagpasok ng NLEX ay inaabot lang nang mahigit isang oras nasa Dau na. Taon 2006 nang huli akong napunta sa Baguio at napadaan sa NLEX kaya nagulat ako sa laki ng asenso. Kaya pala kumakalat ang balita na may plano raw na magtayo ng Disneyland sa Pampanga. Naisip ko na posible ito sa kalidad ng NLEX.
 
 
Destinasyong Pangturista
  
Pero sana kung ano ang asenso ng mga kalsada sa Gitna at Hilagang Luzon ay ganoon din ang asenso sa Timog Luzon. Kaylaki ng kaibahan ng kundisyon ng mga kalsada sa magkabilang panig ng Luzon. Simula sa bandang Lalawigang Quezon ang mga daan sa mga bulubunduking lugar ay patse-patse pa rin kung ayusin. May mga paslit pa rin na may hawak na watawat para magbigay ng go-signal sa mga motorista na nagsasalubungan.
Kahit sa panahon ngayon na namamayagpag ang Boracay, Puerto Galera, o El Nido ay nananatiling pangunahing destinasyong pangturista ang Baguio. Bilang tropikal na kapuluan, unang umaakit sa mga banyaga ang mga dalampasigan sa Pilipinas. Minsa’y may nakausap akong mag-asawang jetsetter na nakapamasyal na sa Tayland, Indiya, Arhentina, at iba pang bayan. Pero hindi pa sa Pilipinas. In-educate (o binola?) ko sila sa kagandahan ng Pilipinas at kabaitan ng mga Filipino. Na-impress sila na may higit pitong libong pulo ang Pilipinas gaya nang sabi ng geography book. Sabi ko pa, bawat isa sa mga isla na ito’y may sari-sariling katangian. Kumbinsido silang dapat isama sa iskedyul sa malapit na hinaharap ang biyahe sa Pilipinas. Binanggit ko rin ang Baguio, sabi ko’y nasa bundok kaya malamig. Hindi raw sila (mga Caucasian sila) interesado sa lamig, interesado raw sila sa init. Hindi ko na idinagdag na marami ring pampainit sa Baguio. Hindi ito bola. Pero hindi rin literal. 




Archives