ShareThis

  ESTADO

Port-op-Dyulay



Sa ilang panahon ay ikaapat nang Hulyo ang petsang ipinagdiriwang na araw ng kasarinlan ng Pilipinas pagkat ibinaba ang bandilang Amerikano kasunod ang pagwagayway ng bandila ng Pilipinas sa Luneta noong Hulyo 4, 1946 o humigit-kumulang isang taon matapos mapaalis ang mga mananakop na Hapon sa kapuluan noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Iisa noon ang petsa ng pagdiriwang ng araw ng kalayaan ng Pilipinas at US. Nauuna pa ang pagdiriwang sa Pilipinas pagkat nauunang tumungtong ang Hulyo 4 sa Pilipinas. May mga rason sa pagtapat ng US ng pagpapalaya sa Pilipinas sa nasabing petsa. Una, para maisaperpetwal na ang kalayaan ng Pilipinas ay regalo ng US. Pangalawa, para bigyang-diin ang kuneksiyon ng nasabing petsa sa kalayaan sa konteksto na ang dating kolonya ay lumaya sa petsa ring ito. Sa ibang sabi ay propaganda ng demokrasyang itinataguyod ng US. Kung maaalala ang pelikulang “Independence Day”, ang kongklusyon nito’y ang petsa ng kalayaan ng US ang magiging petsa na rin ng kalayaan ng lahat ng lahi.
June 12 o July 4?
Hindi katanggap-tanggap sa ibang Filipino ang Hunyo 12 bilang araw ng kalayaan ng Pilipinas. Kaugnay nito’y ang hindi pagpayag na si Heneralisimo Emilio Aguinaldo, na nagsilbing pangulo at nagwagayway ng watawat sa Kawit, Cavite, ang bida sa petsang ito. Habampanahong hindi mapapatawad ng marami ang pagkakapaslang kay Gat Andres Bonifacio ng mga tauhan ni Aguinaldo. Isang krimen na magbibigay-daan tungo sa makasarili/pansarili na kaluwalhatian ni Aguinaldo pagsapit ng Hunyo 12, 1898. Ngunit lalong malabong maibalik ang petsa ng araw ng kalayaan ng Pilipinas sa Hulyo 4. Kung gawin na lang kaya sa araw ng pagpaslang ni Lapu-Lapu kay Magellan? Kaya lang baka maging araw ng kalayaan ng Mactan lang.
May mga nagsasabi naman na ang araw ng kalayaan ng maraming bayan sa mundo ay di literal na araw ng paglaya ng kanilang lahi bagkus ay araw lang na idineklara nila na sila ay malaya na. Maaaring naalipin muli ang isang lahi pero ‘once upon a time’ ay nagpahayag ang lahing iyon ng pagkamalaya. Maaaring lumaya sila sa loob ng isang linggo lang, o isang araw. Sa kaso ng Hunyo 12, 1898, kahit isang araw ba ay naging malaya nga ang Pilipinas kung nakahalukipkip si Admiral Dewey sa Maynila?
Kung pagbabalikan ang rebolusyon ng mga Amerikano laban sa mga Ingles, ang tagumpay ng paglaya ng labingtatlong orihinal na estado laban sa mga kolonyador ay utang sa lubos na pagsuporta ng mga mamamayan ng nasabing mga estado sa rebolusyon. Balewala ang husay ni Heneral George Washington sa gera at ni Benjamin Franklin sa diplomasya kung ang mga kolonista (tawag pa noon sa mga Amerikano) ay di nanalig sa inilunsad na rebolusyon. Sa halip na madurog ang rebolusyon ay nagtagumpay ang mga Amerikano na makalaya sa mga kolonyador na Ingles. Isang bagay na di naganap sa rebolusyon ng mga Filipino laban sa mga Kastila. Ang resulta’y nanatili ang kontrol ng mga Kastila sa Pilipinas kaya may sapat na pitsa ang mga Espanyol para makipagtawaran sa mga Amerikanong noon naman ay nagsa-shopping ng magiging kolonya sa Asya.
Kahulugan ng Kalayaan
Paano ba naidedepina ang pagiging malaya ng isang bayan? Maraming ‘paham’ na Pinoy na nagsasabing hindi malaya ang Pilipinas sa iba’t ibang rason. Isa, nakabaon kasi ang Pilipinas sa utang-panlabas o foreign debt. Kung basihan ito, kabilang na ang mga Amerikano sa mga lahing pinakawalang-kalayaan sa laki ng utang-panlabas ng US.
Pag-aari rin daw kasi ng mga dayuhan ang mga lupain at likas na yaman ng bayan. Sa US, at maging sa ibang bayan na pinahihintulutan ang mga dayuhan na magmay-ari ng mga lupain, kadalasang mas maraming pag-aaring lupain ang mga dayuhan. Mas malalawak pa ang real property ng mga Hapon, Aleman, Pranses, Koreyano, at pati mga Tsino kesa sa mga ordinaryong mamamayang Amerikano sa loob ng US. Payak lang ang rason ng US para payagan ito – mapatitituluhan ng mga banyaga ang lupa pero hindi nila maiuuwi sa sariling bayan. Kapag mga tagaibang-bayan ang may-ari sa mga lupain sa isa pang bayan, lohikal na magpapasok ang dayuhan ng puhunan para paunlarin o madebelop ang nasabing lupain. Gaya rin ng mismong lupa, hindi maiuuwi ng mga banyaga ang mga gusali, planta, at iba pang permanenteng pasilidad na itatayo sa lupa. Kapag produktibo ang gamit sa lupa ay naghahatid ito ng empleyo sa mga mamamayan at buwis sa gobyerno. Pag may higit na rebenyu ang gobyerno at nasisinop ang pondo ng bayan ay nailalaan ito sa mga kapaki-pakinabang na programa at una rito ang pagbibigay-proteksiyon sa interes ng bayan. Sa pagsusulong sa interes ng bayan, prayoridad ang mga aksiyon-kontra-katiwalian para sa maayos na pagmonitor sa mga aktibidad ng mga dayuhan at dayuhang korporasyon nang walang makapang-abuso at lumabag sa mga regulasyong nangangalaga sa kaligtasan ng mga tao at pag-iingat sa mga likas-yaman. Nagagamit din ng gobyerno ang rebenyu upang tiyakin ang kaayusan (peace and order) sa loob ng estado na lalo pang magbibigay ng tiwala sa mga dayuhang mamumuhunan.
May ‘chronic’ na takot ang mga Filipino sa pagtapak ng mga dayuhan at pagpapakita ng mga ito ng interes sa ating bayan. Nakakodigo sa gene natin ang pangamba sa mga kalapastanganang maaaring gawin sa atin ng mga dayo. Isang takot na ‘left-over’ ng ating kawalang-kakayahang magpasya para sa sarili sa loob ng apat na siglo. Ngayo’y pantay na kasapi na tayo sa pamayanan ng malalayang nasyon pero tayo rin mismo ang ayaw pa ring maniwala rito. O hindi makapaniwala. Ang phobia natin sa mga banyaga ay repleksiyon ng takot natin na magpasya nang malaya para sa ating sarili.
Kakambal nang hindi pagtitiwala ng mga Filipino sa mga dayuhan ang hindi pagtitiwala sa mga opisyal ng sariling gobyerno. Dapat nga ba namang pagtiwalaan ang mga pablik-opisyal na disente ang damit pero mga walang budhing mandarambong. Takot tayo hindi sa mga banyaga ‘per se’ kundi sa sitwasyon na di tayo poprotektahan ng mga lider na dapat magprotekta sa atin at sa yaman ng ating bayan.
Pag-asenso at Kalayaan
Ang ironiya nito, milyon-milyon ang mga Filipino na nagpupunta sa lahat ng bayan sa globo para maging mga manggagawa. Natatakot tayo pag mga ibang lahi ang dadayo at mamumuhunan sa sarili nating lupain pero hindi tayo natatakot na dumayo hindi bilang mga pinagpipitaganang negosyante kundi bilang mga tagapagbigay-serbisyo. Balido ba ang ganitong tindig?
Paano mapaaasenso ng mga Filipino ang sariling bayan nang sa sarili lang; bilang isang ermitanyong estado sa kasalukuyang panahon? Ba’t hindi natin pag-aralan ang kasaysayan ng mga dating ermitanyong estado at kaharian?
Sino ang gugustuhing manatili ang kasalukuyang kalagayan ng malaking bahagi ng Mindanaw at iba pang parte ng Pilipinas? Libo-libong ektarya ang tiwangwang sa Maguindanao, Sultan Kudarat, Lanao del Sur, Lanao del Norte, at kung saan-saan pa gayong kumpleto sa mga kailangan (likas na patubig, malusog na lupa, angkop na klima) para maging kasingproduktibo ng mga lupain sa Laguna, Cavite, Pampanga, Pangasinan, at ibang agro-industriyal na lalawigan sa Luzon. May karapatan ang mga kapatid na Muslim na maging asensado ang mga teritoryo nila sa Timog gaya rin na ang kanugnog lang nito na mga pamayanan ng mga Malaysiyan (na mga Muslim din) ay asensado. Nasa kagustuhan lang ng mga Pinoy ang reyalisasyon nito.
Masyadong abstrakto ang kalayaan. Mas madali pang masukat sa mga de-pigura o de-porsiyentong salik gaya ng GDP, GNP, o sa herarkiya ng mga lahing may kamithi-mithing antas ng pamumuhay, o iba’t ibang mga index o indicator. Kalidad ng pamumuhay ng mga mamamayan. Life expectancy. Literacy rate. Pagiging dependiyente o hindi sa iilan na mga industriya o pagbibigay-serbisyo. Human development. Karapatang pantao. Unemployment rate. Infant mortality rate. Aksesibilidad sa mga bagong-gamit. Kakayahang ipagtanggol ang soberanya, mga mamamayan, interes, at teritoryo.




Archives