by Fermin Salvador.
June 16, 2013
Sa Pilipinas, nasanay na tayong ang balita lang ay ang pangit na balita. Kalamidad, eskandalo, masaker, isyung diplomatiko, panlalait ng mga dayuhan, at kung anu-ano pang malalaki, maliliit, at medium-size na kalagiman. Kung may break man sa mga ito ay mga balitang halalan. Pulitika at police blotter. Tuwina’y ang dalawang ito ang litson sa hapag ng usapan ng mga mamamayang Filipino. Kapag sinuri ang mga paksa ng usapan ng mga tao sa mga mas asensadong bayan ay may kasaling isang bagay na etsa-puwera sa maraming Filipino. Ito’y ang ‘ups and downs’ ng pambansang ekonomiya. Pansinin ang mga Hapon, ang mga taga-Timog Koreya, ang mga Tsino sapul noong nakalipas na isang dekada. Bawat isa sa kanila ay malay sa mga kulturang popular ng sari-sariling bansa pero tanungin mo rin ang kalagayan ng ekonomiya at magsisimula ang isang mahaba-habang diskurso.
Imonitor ang Ekonomiya
Dapat ay kasali palagi ang lagay ng pambansang ekonomiya sa mga regular na minamanmanan ng mga mamamayan ng isang bayan. Nakasalalay dito kung may bigas ka pa na maisasaing isang taon mula ngayon, limang taon mula ngayon, sampung taon mula ngayon. O ang posibilidad na mabago ang anyo ng buhay (at bahay) sa loob ng susunod na dalawampung taon. O ang magiging buhay ng mga supling.
Maaalala ang sinabi ni Dante sa epiko niyang Divine Comedy na sa ‘gates of hell’ ay nakapaskil ang: “Abandon hope all ye who enter here.” Di nalalayo rito ang pagdulog ng maraming Pinoy sa pambansang ekonomiya. Di na ito magbabago o mababago. Nakabaon lagi sa utang-panlabas. Lalo pang ibinabaon sa lusak ng sistemikong kabulukan. Lagi lang hikahos. Lagi na lang tumitingala sa ibang nasyon ang mga Filipino. Pero may panahong hindi ganito ang sitwasyon. May panahong ang mga lolo natin ay masusing nakabantay sa direksiyon ng ekonomiya ng mundo. Noong pangalawa ang Pilipinas sa Asya sa mga nangungunang bansa. May panahong ang mga Filipino ang naiiling sa pagkaatrasado ng mga taga-Tayland, taga-Taywan, taga-Koreya, at ibang lahi sa Asya. Bigla ay inabandona ng mga Pinoy ang pagiging kumpetitibo. Bakit pa kung wala namang kalayaan sa ilalim ng rehimeng diktadura. Sa kasalukuyan, totoo, naririyan pa ang mga sistemikong kabulukan. Nasa kultura pa rin ang korapsiyon. Pero ang kamay-na-bakal na lang na sumasakal sa leeg ng mga Filipino ay ang hindi pagkilos ayon sa maksimum na potensiyal bilang lahi.
Natali na ang maraming Filipino sa kaisipan na “mahirap ang Pilipinas”. Tapos na roon ang usapan. Kaisipan na di nakaugnay sa reyalidad na ang ekonomiya, gaya ng istakmarket, ay batbat ng mga puwersang nagbubunsod ng pagbabago kada oras, kada araw, kada taon. Kasali sa pagbabagong ito ang ‘moral’ at ‘morale’ ng mga mamamayan. Nagdodoble-sipag ang mga Filipino dahil naglaho ang dating ungos sa ekonomiya nito sa ibang bansa. Nililinis ang burukrasyang kinapitan ng kalawang ng katiwalian. Halos paranoyd sa pagbantay sa proseso ng halalan matapos yurakan ang demokrasya ng diktadurang rehimen. Ang mga ito, at marami pa, ay mga puwersang madalas ay di napapansin ngunit lumilikha ng pagtinag ng ekonomiya. Ito ang nakakukuryoso sa mga Filipino. Stagnant ang lagi nating turing sa ating kalagayan bilang bansa ngunit sa kabila nito’y kumikilos at nagpupunyagi tayo hanggang sa mga banyaga pa ang magsabi na umaasenso tayo.
Balitang Internasyunal
Hindi ang midya sa Pilipinas kundi mga internasyunal na press organization ang nag-ulat sa kagulat-gulat na antas ng pagsulong (growth rate) ng ekonomiya ng Pilipinas simula sa taon 2013. Seryosong bagay ang lagay at puwestuhan sa pandaigdigang ekonomiya sa konteksto ng kumpetisyon sa pagitan ng mga bansa. Mabilis ang mga reaksiyong negatibo sa balitang ito mula sa mga taga-ibang bayan, lalo sa mga bansa sa Asya, na di matanggap o maamin na naungusan sila ng Pilipinas sa taon 2013. Ganoon din ang mga korporasyong multinasyunal na mas pabor na ang bigyan ng magandang reyting ay ang mga bayan na pinili nilang lokasyon ng kanilang mga pabrika. Kung propaganda lang ang pagbabalita ng magandang growth rate ng Pilipinas, na di naman Pilipinas ang may pakana, pabor pa rin ito sa mga Filipino sa pangkalahatan sa ilalim ng global na kalakarang maging ang isang estado ay walang ipinag-iba sa produkto o serbisyo na inilalako upang tangkilikin. Salik sa pag-asenso ng isang estado ang pagtangkilik ng mga konsiyumer sa buong mundo sa mga luwas nito, ang pagtitiwala ng mga namumuhunan, pagdalaw ng mga turista, atbpa. Subalit ang pinakamahalaga’y nagbubunsod ito ng pagtangkilik ng mismong mga mamamayan sa sariling bayan.
Nasaan nga ba ang asensong ito? Bakit ang daming hubo’t hubad na batang lumalaking nakatunganga sa mga bahay sa ilalim ng tulay, sa tabing-riles, sa gilid ng matataas na pader? Bakit wasak ang mga silid-aralan? Bakit parang kural ng baboy ang mga health center? Bakit ang daming walang trabaho? Kung sasabihing parang madyik na mababago ang lahat nang ito dahil sa 10 porsiyentong growth rate sa isang kuwarter, mabuting itanong na muna kung bakit ang US na may sampung trilyong dolyar na GDP sa 300 milyong populasyon ay may mga ghetto pa rin, may mga tramp? O sa Tsina na nangangalandakan ng pagiging nouveau riche sa Asya ay kumon ang child labor? Gaya sa dalawang nabanggit na superpower ay patuloy ang laban ng mga mamamayan tungo sa pag-asensong panlipunan. Isang paglaban ng mga mamamayan na di dapat ipagbawal o hadlangan ng alinmang mauupong gobyerno.
Kung ang kumparatibong ekonomiyang pandaigdigan ay isang marathon sa halip na 100 meter dash lang, irelebanteng masasabi ang superyor na pag-abante sa loob ng ilang buwan lamang. Hindi narating ng Tsina ang kasalukuyang antas ng kabuhayan nito sa loob ng isang kuwarter lang o isang taon. Nagkaroon muna nang walang patid na sampung porsiyentong growth rate ang Tsina sa loob nang mahigit isang dekada bago nagkaroon ng multi-trilyong dolyar na GDP sa kasalukuyan.
Pero kung ang Pilipinas na may negatibong growth rate sa huling dekada ng rehimeng Marcos at ni di lumampas sa tatlong porsiyento sa pinakamapayapang sandali ng mga rehimeng Cory, Ramos, Erap, at Arroyo ay biglang nagkaroon ng halos sampung porsiyento ng growth rate – ano ang ibig sabihin nito? Huwag nang abusuhin pa ang isip kung dahil ba ito sa pamumuno ni P-Noy. May kaugnayan dito ang galaw ng bawat mamamayang Filipino saklaw man o hindi ng mga impact ng pulitikal na istatusko.
Konsepto ng Pagmamay-ari sa Bayan
Kung hindi mga Filipino ang matutuwa sa ganitong positibong balita kaugnay ng ekonomiya ng Pilipinas, sino ang matutuwa? Kung hindi ipagmamalaki ng mga Filipino ang pagsulong ng sariling bayan batay sa pandaigdigang sukatan, sino ang papalakpak dito? Ang mga Tsino? Mga Taywanis? Mga Malaysiyan?
Ang pag-asenso ng isang bayan ay di akomplisment lang ng isang Filipino o lipon ng mga Filipino o isang uring panlipunan. Ito’y akomplisment mula sa karaniwang tao pababa sa punong ehekutibo. Lahat ng mamamayang Filipino na may kongkretong tungkulin at bahagi ng pangkabuhayang usad ng bayan ay personal na akomplisment ito. Maliliit na investor at trabahador sa agrikultura na nagpapakain sa sambayanan at nagluluwas ng mga bungangkahoy, mga manggagawang industriyal na ginagawang posible ang makabago at sibilisadong pamumuhay, mga construction worker na ihinahanay ang skyline ng Maynila at ibang siyudad sa Pilipinas sa mga nasa Unang Daigdig, mga OFW na nagre-remit ng bilyon-bilyong dolyar, mga kawani ng gobyerno na sinusulit ang bawat sentimong sinasahod sa paglilingkod, mga kawal na itinataya ang buhay sa pagpapanatili ng pambansang integridad sa katihan at karagatan, at lahat-lahat nang Filipinong may itinitigis na pawis sa ikaaayos at ikalilinang ng sari-sariling pamayanan. Walang administrasyon na makaaangkin sa karangalang nagsilbing liyab at gatong ng pambansang pag-unlad. Hindi nito maaaring agawin ang pagmamalaking nasa puso ng bawat Filipinong may ambag sa bayan.
Ito ang tinatawag na konsepto ng pagmamay-ari (ownership) ng mga mamamayan sa sariling bayan. Nakamihasnan sa pamamaraang demokrasya sa Pilipinas sa loob ng nakalipas na apat na dekada na ang partisipasyon lang ng mga mamamayan sa pamahalaan ay sa pagpili ng mga ihahalal sa liderato. Pagkatapos ng eleksiyon ay wala nang papel ang o pagkilala sa sambayanan. Mga mamamayan ang bayan. Dumarating lang at umaalis ang mga lider at administrasyon. Sambayanan ang nagpapaasenso sa bayan.