ShareThis

  ESTADO

Taywan – Naiwan ng Kasaysayan



by Fermin Salvador.
June 1, 2013
Ang Taywan ay may kasaysayan ng pagpapakitang-arogansiya nang wala sa lugar na nagdudulot dito ng kapahamakan. Isang halimbawa ang wala-sa-lugar na pagpupumilit nito noon na kilalanin bilang ang tunay at nag-iisang “Tsina”. Ang lehitimong pamahalaan sa buong Tsina (mainland at Taywan) bago ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig ay nasa pamumuno ni Hen. Chiang Kai-shek na ang hukbo ay walang nagawa sa tropa ng mga Hapon na sumakop sa Manchuria at iba pang parte ng Tsina. Isa pang hukbo, ang “Red Army” sa pamumuno ni Mao Zedong, ay lumaban din sa mga Hapon. Matapos lumaya mula sa pananakop ng Hapon ay nagsagupa ang mga Kumunistang Tsino sa ilalim ni Mao at ang mga Tsinong Nasyonalista (Nationalist) sa ilalim ng Partidong Kumintang ni Chiang Kai-shek para sa kontrol ng buong Tsina. Dahil talo sa buong mainland ng Tsina ang puwersang Kumintang sa kabila ng suporta ng US ay nag-atrasan ang mga ito sa isla ng Formosa na tatawaging Taywan. Mahigit sa dalawang milyong Kumintang ang biglang dumagsa sa Taywan mula sa mainland China. Kabilang sa mga naging refugee ang mga sundalo, mga burukrata, at mambabatas ng pamahalaang Kumintang na dating nakabase sa Beijing. Saka nagdeklara si Chiang Kai-shek na ang Taipei na ang kabisera ng Tsina at ang pamahalaan sa ilalim niya ang lehitimong pamahalaan ng Tsina. Kahit hanggang Taywan na lang ang teritoryo nila ay mayayabang ang mga Nasyonalistang Tsino porke nasa likod nila ang US. Parang mga kung sino na nagsasabing sila ang kumakatawan sa Tsina at ilehitimo ang gobyerno sa Beijing na may saklaw sa buhay ng bilyong Tsino at lupaing limampung doble ang laki sa Taywan. Hanggang sa nagmungkahi ang Pransiya na isang anomalya na Taywan ang kilalaning estado ng Tsina gayong tuldok lang ito kumpara sa PROC. Imbis na magpakumbaba ay naghamon pa ang Taywan sa ibang mga bansa na pumili: Taywan o PROC. Isa lang ang dapat kilalanin. Walang nagawa ang US at mga kaalyado nitong sumusuporta rin sa Taywan kasama na ang Pilipinas nang ang desisyon ng nakararaming bansa ay iupo sa UN ang PROC at patalsikin ang Taywan.

Walang Istatus
Nang nahati ang Koreya sa Timog at Hilaga, pansamantalang inalis ang membersip ng dalawa sa UN dahil hindi alam kung sino sa kanila ang kikilalaning estado ng Koreya. Ang nangyari, parehong ginawang miyembro ang Timog at Hilagang Koreya. Sana’y ganito rin ang kinahinatnan sa sigalot sa pagitan ng PROC at Taywan, parehong naging formal na miyembro. Dahil sa arogansiya ng Taywan na naggiit na ito lang at wala nang ibang estado ng Tsina ay naasar ang maraming bansa at bumotong ibigay sa PROC ang lahat ng karapatan hindi lang bilang kasapi ng UN kundi pati ang silya sa Security Council habang ang Taywan ay naiwan sa kangkungan – walang kahit anong istatus.
Kung hindi naging arogante, posibleng naging mas maganda sana ang istatus ng Taywan ngayon sa halip na isang isla na may sariling gobyerno at teritoryo ngunit walang formal na soberanya, walang deklarasyon ng kasarinlan, walang pandaigdigang pulitikal na identidad, at isang bastardo sa pamayanan ng mga bansa.
Maraming utang na loob ang Taywan sa Pilipinas bukod sa pagsuporta ng huli na mapanatili nito ang istatus sa UN. Nang lumikas sa Taywan ang mga Nasyonalistang Tsino ay wala sila kahit ano. Masyadong atrasado ang Taywan sa panahong iyon. Bukod sa US, sino ang unang tumulong para makatayo sila? Pangalawa ang Pilipinas noon sa yaman sa Asya. Ang bawat Filipinong nagtutungo sa Taywan para mamuhunan ay halos sambahin ng mga Taywanis. Nagpupunta noon sa Taywan ang mga Filipino (na marami’y may dugong-Tsino rin) bilang mga investor at di gaya ngayon na bilang mga trabahador na lang. Bilang anti-kumunista, napapaligiran ang Taywan ng mga kaaway na bansa e.g. PROC, Vietnam, at USSR. Kaya ang Pilipinas lang, na pinakamoderno noon ang arsenal, ang naging sandigan ng Taywan na magbabantay sa likuran nito. Matapos patalsikin mula sa UN at nawalan ng anumang karapatang pulitikal, kabilang ang Pilipinas sa iilang bansa na ipinagpatuloy ang pakikipag-ugnayan sa Taywan. Tinulungan ng Pilipinas ang Taywan sa panahong walang-wala ito at nakalugmok. Ngayong nagkabaligtad ang sitwasyon, na Taywan ang may angat na ekonomiya at superyor na sandatahan ay nais nitong yabangan ang Pilipinas. Waring namana ng kasalukuyang henerasyon ng mga Taywanis ang arogansiya ng mga lolo nila.

Bagahe ng US ang Taywan
Asensado ang Taywan ngayon dahil sa bilyon-bilyong dolyar na tulong mula sa US. Malaking bahagi ng pananalapi sa banking system ng Taywan ay pag-aari ng mga Amerikano. Bihira ang nakaaalam na ang Taywan ay nagsisilbing taguan ng pera ng US. Na nagagamit ng Taywan para mamuhunan at manatiling asensado. Kaya may mga nagsasabing hindi magagawang iwan ng US sa ere ang Taywan.
Isa ang Taywan sa mga hayop (dahil hindi ito bagay at di rin formal na estado) na nagsisilbing bagahe sa ugnayang panlabas ng US. Marubdob na suporta sa Taywan ang dahilan kaya tumagal bago nagkaroon ng normal na diplomatiko at pang-ekonomiyang relasyon sa pagitan ng US at PROC. Bagaman nagbago ng palisi ang US na nakipag-ayos sa PROC, nagpapatuloy ang labis-labis na suporta nito sa Taywan. Bilang isang hayop na walang istatus, magsisilbing liability sa US ang Taywan kapag nagpasimula ang Taywan ng tunggalian sa isa pang kaalyado ng US – sa Pilipinas – na demokratikong bansa, kinikilala, at nirerespeto ng pamayanan ng mga nasyon.
Kapag napinsala ang ugnayan sa pagitan ng Pilipinas at Taywan ay itong huli ang higit na maaapektuhan. Una, ang Pilipinas ay isang formal na estado at kasapi ng maraming bukluran ng mga estado kagaya ng UN, ASEAN, atbpa. Ang Taywan ay walang identidad, namamalimos ng pagkilala ng ibang mga bansa. May aplikasyon ito na maging kasapi ng UN na siyempre pa’y mahigpit na hinaharang ng PROC. Ang kailangan ng Taywan ay mga dagdag na suporter at di dagdag na kaaway.
Adbans na Hakbang o Desperasyon
Sa personal kong suri, posibleng may kaugnayan ang pag-aangas ng Taywan sa pagtaya ng mga eksperto na nasa Dagat Pilipinas na pumapagitan sa Pilipinas at Taywan ang isa sa mahahalagang mapagkukunan ng methane hydrate. Ang methane hydrate, isang anyo ng enerhiya, ay pinaniniwalaang maaaring pumalit sa petrolyo sa hinaharap. Nagsasagawa na ng saliksik sa methane hydrate sa halagang bilyong dolyar ang Hapon na may malaking pangangailangan sa enerhiya ngunit walang mina ng petrolyo o konsesyon sa mga oil-producing countries.
Isang istratehiya ng Taywan na gumawa ng unang hakbang bago dumating ang panahon na magkaroon ng tunggalian sa eryang nabanggit gaya rin na may umiiral na tunggalian sa pagitan ng Pilipinas, PROC, at iba pang bansa sa Dagat Kanlurang Pilipinas dahil sa posibilidad ng mga mamimina rito. Kung tutuusin ay menor na insidente ang pagkamatay ng isang mangingisda, pero pinalalaking masyado ito. Lihim kayang pinasisiklab ng pamahalaan ng Taywan ang galit ng mga mamamayan nito? Ginawa na ito ng mga Nazi noong bago nag-WW II. Nais ilagay ng Taywan ang Pilipinas sa posisyon na ‘apologetic’ ito para maging ‘tolerant’ sa mga susunod na gagawin ng mga Taywanis gaya halimbawa ang pagiging visibol sa mga darating na araw sa naging erya ng sigalot. Pero hindi na mga mangingisda ang pupunta roon kundi mga inhinyerong magtatayo ng mga istrukturang pampananaliksik at pangmina.
Bakit biglang nagdidispley ng mga fighter jet at ibang modernong kagamitang panggera ang Taywan? Nauulol na rin ba ang mga Taywanis sa sobrang bilib sa sarili sa puwersang-militar nila at gustong daigin ang Hilagang Koreya sa pagiging payaso ng daigdig? Propaganda. Ito ang nasa likod nito. Propaganda ang pagdidispley ng modernong arsenal. Pero maba-bluff ba nila ang Pilipinas? Batid ng lahat ng bansa na hindi sa kumbensiyonal na gera kundi sa guerrilla warfare ang lakas ng mga Filipino. Pinatunayan ito ng mga Filipino noon sa Gerang Pilipinas-Amerikano at muli laban sa Hapon noong WW II. Ano ang magagawa ng dalawampu’t tatlong milyong Taywanis laban sa mahigit isandaang milyong Filipino na ang mahigit sampung milyon ay nakakalat sa iba’t ibang bahagi ng mundo para magpondo sa taktikang gerilya at protracted na gera? Ang US ay nagpadala ng may kalahating milyong sundalo sa Vietnam pero hindi nagwagi. Naulit ito sa Iraq at sa Afganistan. Trying hard ang Taywan na ipagyabang ang sandatahan nito. Pero may nai-impress ba?
Isa pang anggulong tinitingnan ko’y ang desperasyon ng Taywan na patuloy na mapipilan ang PROC na makubkob ito sa malapit na hinaharap. Simula noong 1949 nang magsilipat sa Taywan ang mga Tsinong Nasyonalista mula sa mainland ng Tsina ay patas palagi ang kapabilidad sa gera ng PROC at Taywan. Hindi naglalakas-loob ang PROC na mag-invade sa Taywan noon pagkat walang kasiguruhang magtatagumpay. Nitong mga nakaraang taon ay lubhang pinalalakas ng PROC ang hukbong pandagat nito kabilang na ang pagbili ng segunda-manong aircraft carrier. Paghahanda kaya ito laban sa Pilipinas kaugnay sa Spratly? Bago pa ang alinmang komersiyal na interes, mula’t sapul ay ang pagbawi sa Taywan ang pangunahing prayoridad ng PROC.




Archives