ShareThis

  ESTADO

Ang Obligasyon ng Estadong Progresibo



by Fermin Salvador.
May 16, 2013
Bago natapos ang 2012 ay naaprobahan ng kongreso ang dalawang trilyong pisong (humigit-kumulang 50 bilyon dolyar-US?) badyet ng Pilipinas para sa taon 2013. Pinakamalaki ang alokasyon para sa edukasyon. Na nararapat lang. Pero sa kabila nito’y makaaasa kaya ng drastikong pagsulong ng mga programa at hakbang pang-edukasyon? Hindi. Ang inilaan na badyet sa edukasyon ay katumbas lang ng isang tabo sa isang dram na halagang makasasapat sa mga pangangailangan. Pero hanggang doon lang ang pondong kayang ilaan. Kumbaga sa tawaran sa palengke’y ‘tapat’ na ito. Bagaman hindi lahat ay tapat sa gobyerno. May porsiyento pa nito na mapupunta sa korapsiyon.
Hindi Mayamang Bansa
Hindi mayamang bansa ang Pilipinas. Inaamin ito ng mga Filipino. Nababatid ito ng buong mundo. Hindi na nahihiya ang mga Filipino na makita ng mundo ang mga sira-sirang paaralang-pampubliko at gutay-gutay na mga aklat na ginagamit ng mga mag-aaral. Hindi rin pinipintasan ng ibang bansa ang Pilipinas sa ganitong kundisyon. Mas okey na ito kesa halimbawa sa Banglades o Somalia. Nasa konteksto lang ng istatus ng isang estado.
Pero kung ang mga itinuturing na asensadong bayan ang magpapabaya sa aspeto ng mga programa at proyektong pang-edukasyon at iba pang batayang pangangailangan ng mga mamamayan, tiyak na may pagkundena at kritisismo. Gaya sa US. Kung gumagastos ito ng trilyong dolyar sa militar/depensa habang napapabayaan ang mga pampublikong paaralan, agad na may reaksiyon ang maraming bansa. Sa kasalukuyan, malaki ang deficit sa badyet ng US. Naghihigpit ng sinturon. Pero sa kabuuan ay sapat pa rin ang alokasyon ayon sa pangangailangan. Hindi ang kapos na pondo ang suliranin sa edukasyon kundi ang wastong paggamit ng pondo. Hindi na maaari ang mga waldas na pamamaraan. Tinitiyak pa ring nasa pinakamataas na global na kalidad ang mga imprastrukturang pang-edukasyon mula sa mga mega-siyudad hanggang sa pinakamaliliit na bayan.
Sinisiguro rin ng US ang pinakamataas na antas ng serbisyong pangkalusugan sa lahat ng mamamayan. Isang alagang-proyekto ni Pangulong Obama ang tinawag na “Obamacare”. Ito’y bagaman ang mga Republican ay may ibang ideya sa pagkakaloob ng mas mabuti, mas mura, at mas reyalistikong serbisyong pangkalusugan sa mga mamamayan.
May mga bansa na ang palisi ay di baleng maging mangmang ang mga mamamayan nito o magutom o mabansot basta dambuhala ang kanilang sandatahang-lakas. Isang halimbawa ang Hilagang Koreya na ang tuon lang ng pamahalaan ay pagpapalakas sa puwersang militar kahit gutom ang mga mamamayan.
Pamumuhay ng mga Mamamayan
Suriin natin ang Tsina. Sa nakalipas na mahigit dalawang dekada ay lumukso ang ekonomiya nito mula sa wala pa sa unang sampu patungo sa ikalawang puwesto sa daigdig. Isa-isa nitong nilampasan ang mga dating nakabuntot sa US: Hapon, Alemanya, Pransiya, at Britanya. Naging pangunahing eksporter ang Tsina ng mga binansagang “low-tech” na produkto. Naging paboritong destinasyon ito ng mga korporasyong multi-nasyunal na nag-outsource. Ngunit ano ang impact nito sa mga mamamayan? Naging mas maganda ba ang pamumuhay ng mayorya ng mga Tsino kesa sa mga ordinaryong Hapon o Aleman? O nasa third world pa rin ang kundisyon nila? Pati na ang mga karapatang-pulitikal?
Bago pa man maging ‘world class’ ang kundisyon ng pamumuhay ng mga mamamayan nito’y nais na ng Tsina na maging superpawer ang kapabilidad sa gera. Nagpupundar ito ng ‘world class’ na puwersang-pandagat at bumili ng aircraft carrier sa Rusya na bilyong dolyar ang halaga at bilyong dolyar pa ang kakailanganin sa mga instalasyon. Ang ipinambili rito’y galing sa pawis ng daan-milyong Tsino na nagtatrabaho sa mga pabrika ng mga korporasyong multi-nasyunal sa sahod na fraction lang ng ibinabayad ng mga kumpanyang ito sa sariling lupain. Ang makataong pamahalaan ay inilalaan ang yaman na natatamasa sa mga programa at proyektong magpapaangat sa kalidad ng buhay ng mga mamamayan nito na pinagmulan ng nasabing yaman. Hindi sa mga arsenal-panggera na ang silbi ay para pampayabang lang ng mga lider nito.
Kung imbis na tumuon sa pagpapataas sa antas ng pamumuhay ng mga mamamayan ay nakatuon ang pamahalaang Tsina sa pagpapalakas ng sandatahan, halos wala itong ipinag-iba sa Hilagang Koreya. Multi-trilyong dolyar man ang ekonomiya ng Tsina ay wala itong repleksiyon sa nakararaming mamamayang Tsino na kapos sa maraming bagay.
May panahong kabilang ang Pilipinas sa mga nangunguna ang arsenal-militar sa Asya. Sa panahong iyo’y pangalawa sa Hapon ang Pilipinas sa laki ng ekonomiya. Kabilang noon sa may pinakabagong modelo ng mga fighter jet ng lakas-panghimpapawid. Pero kahit noon ay marami ang nagugutom at walang sariling bahay na Filipino. Umiiral ang dibisyon sa lipunan sa pagitan ng mga may buhay-alipin at buhay-panginoon. Samantala’y manhid ang pamahalaan pagkat ang mga namumuno/pulitiko ay masaya na sa sistemang sila’y naghahari-harian. Nagkaroon ng insurhensiya na ginamit na alibay ng rehimeng Marcos para magdeklara ng batas-militar na ang mga korapsiyon at pang-aabuso ay naglublob sa Pilipinas sa pusali.
Dinamismo Para sa Pag-asenso
Ngayon, kahit may malinaw na banta sa eksternal na seguridad ng Pilipinas katulad sa bahaging kanlurang karagatan nito ay di maimodernisa ang lakas-sandatahan. Pag maliit lang ang bibingka, maliit lang din ang hiwa nito. Ibig sabihin, paghahati-hatiin ang kakarampot na pambansang badyet sa lahat ng serbisyong obligasyon ng gobyerno sa mga mamamayan nito. May hiwa para sa edukasyon, kalusugan, transportasyon, pagpapairal ng sistemang pangkatarungan, atbpa. Kahit kapalit ang dignidad ay namamalimos ito ng mga warsip at iba pang gamit-pandigma mula sa mga kaalyado gaya ng US.
Kabilang sa limampung pinakamalaki sa buong mundo ang ekonomiya ng Pilipinas. Maraming industriya ang Pilipinas at multi-bilyon ang remitans ng multi-milyong manggagawa nito na nakadeploy sa iba’t ibang lupain. Ngunit may mga utang ito na dapat bayaran habang ang sistemang pang-ekonomiya nito ay di (ganap na) dinamiko bagkus ay nakatali sa mga tradisyunal na bukal (source) ng rebenyu. Nakakawit din dito ang palakol ng kultura ng korapsiyon na ‘nagpapamadyik’ sa multi-bilyong pisong halaga mula sa dalawang trilyong pisong badyet. Nababawasan pa ang dati nang kapos na pondo na laan sana sa mahahalagang serbisyo.
Hindi nilalapatan ng pagiging progresibo ang isang estado o lipunan na naghihikahos ang mga tao. Sa paghihikahos, tinutukoy hindi lang ang pisikal na aspeto kundi ang kakayahang maging dinamiko. Hindi lahat ng estadong mayaman ay masasabing progresibo. Hindi ang nasa ilalim ng diktadura, monarkiya, may hindi pantay na kalayaan, karapatan at kalagayan ang mga mamamayan. Hindi rin progresibo kung may talamak na kultura ng korapsiyon.




Archives