ShareThis

  ESTADO

Kagawaran ng Kultura?



by Fermin Salvador.
May 1, 2013
Walang kagawaran (department) ng kultura sa US, ang federal man o mga pang-estadong gobyerno. Pero pag binanggit ang pariralang “kulturang Amerikano” ay wala marahil lahi sa mundo na walang sariling pakahulugan o interpretasyon. Kung may talaan naman ng mga bayan na ang kultura ay itinuturing na mahiwaga ng ibang lahi, kabilang na marahil dito ang Pilipinas. Waring hindi sapat ang programa, at badyet, ng pambansang gobyerno ng Pilipinas sa promosyon ng kulturang Filipino na pahapyaw lang sa kurikulum sa mga paaralan at sa cultural attache sa ibang bayan.

MECS at DECS
Noong panahon ng rehimeng Marcos ay pinagsama sa iisang kagawaran ang pamamahala ng gobyerno sa edukasyon, kultura, at isports. Balido rin naman kung tutuusin dahil sa malaking kaugnayan ng edukasyon at kultura sa isa’t isa habang ang paglinang ng mga atleta ay nakabase rin sa mga paaralan. Naging napakalaking kagawaran ang noo’y Ministry of Education, Culture, and Sports (MECS) na naging Department of Education, Culture and Sports (DECS) sa post-Marcos hanggang sa tuluyang paghiwa-hiwalayin ang pamamahala sa edukasyon na napasailalim ang hurisdiksiyon hanggang sekundarya sa tinawag na DepEd; sa kultura ay National Commission for Culture and the Arts (NCCA); ang isports ay sa Philippine Sports Commission (PSC); ang kolehiyo ay napasailalim sa Commission on Higher Education (CHED).
Ang Alemanya sa panahon ng mga Nazi ay kailangang magtatag at magmentina hindi lang ng sentral na ahensiya ng gobyerno para sa kultura kundi pati ministri ng propaganda sa ilalim ni Joseph Goebbels. Madalas, ang tahasang hubad na pulitika ng namamayaning uri at palisi kaugnay ng kultura ay iisa.

Mga Bentaha
May bentaha ang pagtatatag ng kagawaran ng kultura sa Pilipinas. Marami itong magiging saysay sa panahong kahit sa maraming kabataang Filipino ay misteryo ang kultura ng lahing kinabibilangan at lupaing kinagisnan. Kaakibat nito ang hurisdiksiyon sa pagbibigay-introduksiyon sa mundo sa kultura ng Pilipinas sa iba’t ibang aspeto mula panturismo hanggang diplomatiko. Maikakawing din dito ang mga propesyon at hanapbuhay na may kaugnayan sa kultura. Malalagyan ng muhon sa pagitan ng tungkulin ng DepEd /CHED at magiging kagawaran ang pagtuturo ng kultura bilang tao at bilang mamamayan.
Hindi ako pabor na maitatag ito sa ngayon na umiiral sa Pilipinas ang isang makapangyarihan at maimpluwensiyang pangkat ng mga diumano’y eksperto sa kultura, panitikan, wika, at sining. Sila rin ang tiyak na magsasagawa ng organisadong kilos para makopo ang liderato sa kagawaran – isang bagay na pag nagmateryalisa ay pakikinabangan lang nila ang pondo at istatus ng posisyon para sa kanilang pansariling kaluwalhatian habang kagaya nang nangyari sa ibang ahensiyang nagtagumpay silang makontrol ay palaging sa bangkaroteng akomplisment magwawakas ang lahat. Kawawa na naman ang lahing Filipino na nagbubuwis ng dugo sa sariling lupain at ibayong-dagat para magkaroon ng rebenyu ang bayan na aabusuhin at tatamasain ng mga taong gaya nito na nakamaskara ng espesyalidad sa kultura, literatura, wika, at sining ngunit ang tunay na katauha’y mga tradisyunal na pulitiko (trapo). Gaya ng mga trapong kilala natin sa Malakanyang, sa senado, sa Batasan, sa mga korte, at iba pang institusyon at tanggapan ng gobyerno ay nais nilang magtamasa ng pondo at puwesto sa anumang paraan at kagaya rin ng mga pulitikong lantaran ay wala silang silbi at pabigat sa bayan.
Ang malawak at makapangyarihang samahan na ito na may dominasyon sa kasalukuyang senaryong pangkultura ay di kumakatawan sa pambansang kultura, panitikan, at sining. Isa lang itong grupo na naging makapangyarihan at binigyang-anyo ang kanilang grupo bilang ang dispensasyon. De facto na dispensasyon. Sa buod, ito’y payak na ‘mafia’ na may herarkiya mula sa mga bosing, senior at junior executive, hanggang mga foot soldier para sa episyenteng operasyong magpapatiyak na patuloy ang kontrol nito sa dispensasyong pangkultura. Ganunpaman, laging may mga hiwalay at malaya ang landas at haraya. Kaya hindi nito madidiktahan ang tahaking pangkultura kahit may kapasidad itong diktahan ang premyo sa mga kontes, mga gawad, mga grant, mga pagkilala at iba pang katakam-takam at nakabubusog na ‘pangkulturang suhol’ na tumutusok sa hasang ng maraming alagad-sining.

Mga Pulitiko sa Usapin ng Kultura
Hindi lahat ng pulitiko ay nangangampanya sa mga lansangan. Hindi lahat ng mga trapo ay makikita ang pag-epal sa mga bilbord at pader. May mga trapo na nangangampanya nang patago at ang pag-epal ay nasa mga bulwagan lang ng poder. Kaya mas malamang na sila ay mapagkamalang mga kagalang-galang at matitinong tao. Pero wala silang ipinagkaiba sa mga tipikal na pulitiko. Masahol pa pagkat wala sila ni sapat na lakas ng loob na ilantad ang sariling mukha sa mga ginagawang maniobrang kagaya sa mga trapong lantaran na kaisang-tribu nila.
Chronic na sakit na sa Pilipinas ng ilan, hindi ng mga Filipino bilang isang lahi, ang maanomalyang dominasyon ng isang pangkat. Makikita iyan sa panahon pa ng garapalang pagkopo ng grupong Magdalo sa ilalim ni Heneral Emilio Aguinaldo sa liderato ng rebolusyon laban sa mga Kastila na sinimulan ng Katipunan na itinatag ni Gat Andres Bonifacio. Di marapat sabihing kinakatawan noon ni Aguinaldo at mga maka-Magdalo ang buong sambayanang Filipino. Sa ilalim ng poder ng Magdalo ay naging multo ang tsansang ganap na lumaya ang mga Filipino laban sa sumunod na mga kolonyador na Amerikano. Ang mayorya ay minabuti pang makipagmabutihan sa sumunod na kolonyador kesa buong igting na sumuporta sa hukbo ni Aguinaldo. Sino ang dapat sisihin dito? Sa panahon ng pananakop ng mga Amerikano, nagkaroon ng mga Filipino na pensiyonado at programado sa mga ‘ivy league’ sa US pero ang pinakahuhusay na akda sa wikang Ingles ay nagmula sa dalawang rebelde at outcast na sina Jose Garcia Villa at Carlos Bulosan. Ganoon pa rin hanggang sa panahon ng diktadurang Marcos. Sa ilalim man ng banyaga o sariling kalahi, kailangan ng mga nasa poder ang makakapanalig sa pagpapayabong ng subhetibo nitong pananaw sa kultura na nakakabit sa perpetwasyon ng kapangyarihan sa estado. Isang bagay na tuwina’y taliwas sa agos ng malayang pag-iisip ng sambayanan. Naglustay man ng malaking halaga ang rehimeng Marcos sa mga alagad-sining at alagad-kulturang may kolyar nito, may paraan ang bayan na ipabatid na ang sining at kultura’y sumisibol nang hiwalay sa galaw at pagpapala ng gobyerno.
Mine-mess up ng kasakiman mula sa kasaysayan hanggang kasalukuyan. Bakit pa magtatatag ng kagawaran ng kultura para lang okupahan ito ng mga iyon at iyon ding karakter at pangkat na subok sa presentasyon ngunit bulok ang prinsipyo? Para bigyan sila ng mas malaking kaharian?

Baka Balang-Araw
Sa isa sa mga araw sa hinaharap, sa panahon na mas disente ang mga hinahangaan sa lipunan, at may kapangyarihan (empowered) ang sambayanan na kumilala at magtakwil sa mga salot sa bayan ay maaari nga marahil maging kamungka-mungkahi ang pagkakaroon ng kagawaran sa kultura. Kapag una nang napalis ang kultura ng korapsiyon, kultura ng kababawan, kultura ng pagkamakasarili, at kultura ng pagmamaniobra bilang paraan sa pagtatamo ng luklukan. FS




Archives