by Fermin Salvador.
April 16, 2013
Patol na patol ang sambayanang Filipino sa isyu ng away nina Kris Aquino at James Yap. Basta sangkot si Kris ay naaaliw ang publiko dahil masong-maso ang dating. Kumbaga, ang sarap pukpukin ng maso. Hindi si Kris (di na siguro kailangan) kundi ang isyu ang masarap masuhin para madurog at masiyasat.
The Right Brain Project
Napanood ko ang “The Bacchae Revisited” na eksperimentasyon sa dulang “The Bacchae” ng The Right Brain Project, isang grupong teatrong nag-oopereyt sa Chicago. Maliit na grupo. Mahiwaga. Pasok sa hilig kong sumiyasat, nang nag-iisa, sa mahihiwagang lugar o bagay. Matapos tawirin nang ilang ulit ang interseksiyon ng Irving Park Road at Ravenswood sa paghahanap sa numerong 4001 at di makita ang lokasyon ng teatro ay pumasok ako sa isang gusali para magtanong. Doon pala mismo. Sa ikaapat na palapag ng gusaling wala nang katao-tao. Ang RBP ay nasa kapirasong sulok sa tagiliran ng gusali, malapit sa hagdanan/fire escape. Iyon ang ibinigay na lugar marahil dahil sa may mga hiyawan ang mga pagtatanghal. Papalalim ang gabi. Eerie, tiyak na impresyon sa may malamlam na liwanag na isang dipang lobby habang sa mismong silid na nagsisilbing tanghalan ng dula ay mga kandila lang ang nagbibigay-liwanag. Walang entablado, isa lang payak na silid ang tanghalan na nasa gitna ang mga aktor at nasa mga gilid ang odyens. Pinatatanggal ang sapatos ng mga manonood. Inaalok ng vino. May mahigit sa sampung babaeng paga-bente, nakasuot ng kamison at puro walang bra, ang mga aktor sa dula. Panay ang ikot ng bote ng alak para sa odyens. Umiinom din ang mga gumaganap sa dula. Obyus ito dahil ang dula ay tungkol sa inuman. Ang kuwento ay nagsisimula sa rurok ng kapangyarihan ng isang tiranong hari sa lipunang mga lalaki lang ang kinikilala ang katauhan. Nag-alsa ang kababaihan hanggang sa napaluhod nila ang hari na, gaya sa tipikal na trahedya, kailangang mamatay sa huli. May kantahan at sayawan, may piging, buno (wrestling match), at ibang paglalarawan sa buhay at kultura ng mga sinaunang Griyego. Waring climax ng dula ang pagdaraos ng orhi ng pagtatalik at pagkalango. Erotika sa mataas na panlasa. Ang mga produksiyong gaya nito ang nagre-reinforce sa paniniwala kong mas kasiya-siya ang mga dula sa teatro kesa sa mga pelikula sa sinehan.
Sa mga eksperto sa Bordeaux o Madeira, ang “The Bacchae” ay dulang isinulat ni Euripides. Si Euripides ay kasabayan nina Aeschylus at Sophocles sa pagsulat ng mga soap opera ng kanilang panahon para magbigay-aliw sa mga Griyego limang siglo bago isinilang si Kristo o isa’t kalahating milenyo bago inilapag sa kuna si William Shakespeare. Kabilang sa mga isinulat niya ang ang “Trojan Women” at “Medea” na nasa puso ng bawat eksperto sa kultura saanmang bayan. May nagsasabing si Euripides ang nagpasimula ng modernong trahedyang Griyego sa paglalagay sa mga dula niya ng mga karakter na “neurotic rather than heroic” sa kabila ng mataas na antas sa lipunan.
Vino
Interesanteng isipin na sa panahon ngayon ng serbesa, whisky, tequila, vodka, rum, o gin ay itinuturing na “healthy drink” ang vino. Ginamit ko ang salitang Espanyol na “vino” para mas eksaktong tumukoy sa “wine” dahil pag sinabing “alak” ay pasok ang lahat ng inuming alkoholiko o nakalalasing, hindi lang vino. Kung lokal na inuming nakalalasing ay maaaring tukuyin kung ito’y basi, tuba, o lambanog. Dalawang libong taon ang nakararaan ay walang inuming pangkasayahan (at panglasingan) ang mga Kanluranin maliban sa vino. Iniuugnay sa inuming ito na lumilikha ng pagbabago sa katauhan at lagay ng pag-iisip di lang ang mga diyos o bathala kundi pati ang mga paghatol. Hindi man nagbago ang epekto nagmistulang pangkinder ang vino, pinakamababa sa hanay ng mga inuming nakalalasing, na sa katamtamang pagkonsumo ay kinikilalang benepisyal sa kalusugan. Ang vino ay isa ring metaporika sa kalasingang lumulukob sa mga mortal at/o diyos sa lupa.
Nasa Greek-mode ako nang ilang araw bunga ng panibagong karanasan sa teatro at engkuwentro sa isang grupong teatro. Pagkatapos ay di ka patulugin ng meme kina Kris at James sa mga istasyong Filipino sa tv, sa mga diyaryo, usapang Fil-Am, at social groups. Pero maaaring i-Greek (i-geek?) ang isyu ng away nina K at J. Isahog natin sa pagsusuri ang Hamartia, Hubris, Nemesis, at Catharsis na pawang imbensiyon ng mga antigong Griyego kaugnay sa kanilang mga dula at pilosopiya sa buhay sa pangkalahatan. Sa mga Giryego nanggaling ang kasabihang ginagawa munang baliw ng mga bathala ang sinumang naising mapariwa. Sa bawat kapariwaraan ay malaki ang papel ng anila’y Hubris.
Apat na Elemento
Ang apat na elementong ito’y batayan sa mga trahedyang Griyego na noon at ngayon ay umaangkop sa pamumuhay at kapalaran nang mula sa mga ordinaryong mamamayan hanggang sa mga modernong diyos-diyosan.
Ang Hamartia ay ang tinatawag na “fatal flaw” o “renegade gene” ng isang tao. Sa trahedyang Griyego na ang mga pangunahing tauhan ay mga royal o makapangyarihan, ito ang kahinaang wawasak sa karakter na disin sana’y may perpektong kapalaran i.e. mayaman, popular, nasa tugatog ng lipunan.
Ang Hubris ay isang halimbawa ng Hamartia. Sa depinisyon ni Ginoong Webster ito’y “arrogance caused by excessive pride” na kung isasalin sa ating wika ay arogansiyang ang kawsa ay eksesib na prayd.
Ang Nemesis, ayon din kay Ginoong Webster, ay “anyone or anything that seems inevitably to defeat or frustrate someone”. Laging may katapat ang sinuman. Ang arogansiya ay maaaring makatagpo ng kasingtinding arogansiya.
Ang Catharsis ay ang “purgation, purification of emotion” na sa dagdag muli mula kay Ginoong Webster ay “relieving of emotional tensions”. Kung isasalin, ito ay ang pagtae sa iyong mga emosyonal na pagkasira ng tiyan.
Anak ng Establisimyento
Sa obrang “Ang Pagsilang ng Trahedya” (“The Birth of Tragedy”), na ang sinumang manunulat ay tiyak na pamilyar, isinaad ni Ka Friedrich Nietzsche ang rivalry sa pagitan ng mga diyos na sina Apollo at Dionysus. Si Apollo ang kumakatawan sa Establisimyento, “prim and proper” kuno, laging formal, lohikal, rasyunal. Si Dionysus ay wild, malambot, emosyonal, bagamundo. Simbolikal na tunggalian sa bawat sikat na personalidad sa bawat panahon kaugnay ng nagbabago-bago ngunit pabalik-balik na uso. May mga henerasyong nagiging masimpatya sa mga bohemyo katulad noong dekada sitenta na ang ‘bagets’ pa ring Reyna ng Inglatera ay naggawad ng institusyunal na medalya sa Fab Four na mga drop out pero idolo ng milyong kabataan sa buong mundo. Noong dekada nubenta, naging ‘in’ sa mga kabataan ang humangos sa Silicon Valley upang maging milyonaryo sa murang edad sa pagprograma ng kompiyuter. Minsan ay uso ang sining at rakenrol (Dionysus) at minsa’y agham at konsistent na pagsisikap (Apollo). Halinhinan ang panahon nina Apollo at Dionysus. Ito’y maging sa indi-indibidwal at pakikipag-ugnayan sa iba pang indi-indibidwal.
Si Kris ay obyus na anak ng Establisimyento. Ipinanganak na may pilak na kutsara sa bibig. Mayaman ang mga magulang. Makapangyarihan sa lipunang Filipino. Pero hindi niya minana ang pagtuon ng mga nakatatandang kapatid na babae sa ideya ng sinaunang sosyedad ng ‘prim and proper’. Mas malakas ang tawag ng tinig ni Dionysus. Nang ikasal kay James ay waring sumungaw ang liwanag ni Apollo sa kanya. Laging naroroon ang pagpapala ng mga diyos sa Olimpus, para ang buhay niya ay magbalik sa marapat na lugar nito sa konserbatibong Establisimyento. Pero may Hubris sa isa sa mga partido kung hindi sa parehong panig.