by Fermin Salvador.
April 1, 2013
Nitong huli ang bawat pangulo ay mas naaalala sa naging bansag na kadalasang batay sa pisikal na pekulyaridad kesa sa mga negatibo at positibong impact sa bansa sa panahon ng administrasyon nila. Binansagang “santa” si Cory na may pinagsanib na respeto at pagtuya. Si Ramos ay si “Tabako”. Si Erap ay si “Bigote” at si “Asyong Salonga” dahil sa papel na ginampanan sa pelikula. Si Arroyo sa nunal sa mukha. Si P-Noy ngayon sa panot na ulo. Noong araw, tinawag si Marcos ng mga kapanalig niya na “Dakilang Ilocano” habang sa mga kaaway niya siya ay “Pinoy Hitler”. Si Magsaysay ay nakilala sa pagiging mekaniko habang si Diosdado Macapagal ay ang “poor boy from Lubao”.
Nagatibong Katangian at Perbersiyon
Buhat sa pinakamataas na puwesto ay may katulad ito pababa sa mga senador, diputado, hanggang sa mga konsehal. Ang negatibong katangian ay ang pagiging bakla o tomboy, brain damage, kahinaan sa Ingles, at iba pang mga ‘kapansanan’ na walang direktang relebansiya sa kakayahang mamuno o sa naging rekord nang umupo. Samantala, madalas naisasantabi ang mga tunay na perbersiyon.
Kapansin-pansin ang kaibahan noon at ngayon. Noon, ang pinagtutuunan ay ang karakter, partikular ang pagkakaroon o kawalan nito ng bahid. Nakakabit lagi ang pinagdaanan ng pulitiko hindi lang habang aktibo sa pulitika kundi hangga’t buhay. Hindi mahalaga kung mayaman o mahirap, o pamilyar o hindi ang ngalan ng angkan niya. Ang tinitimbang ay ang mga galaw niya noon at ngayon. Dahil ang mga ito rin ang sintomas ng magiging galaw niya sa hinaharap.
Naging maikli ang memorya ng mga Pinoy na kinailangang manangan sa ‘mnemonic device’ na gamit-ng-bansag ngunit kadalasang mababaw ang basihan na di nalalayo sa mga bansag-kanto. Kapag kababawan ng bansag lang ang salik, nawawala sa pagtutuos ang mas mahahalagang elemento ng isang pagkatao. Paano niya pinamunuan ang bansa? Paano niya pinerwisyo ang sambayanan? Ipinagpalit ba niya ang mas malawak na interes sa interes ng sarili? Nagpamalas ba siya ng prinsipyo? May silbi ba siya? Natatakpan lahat ito sa pagpapakalat ng isang tao ng bansag sa sarili niya na ginawa ng sarili niya para sa interes ng sarili.
Literal na Kalakal
Kaya naman maraming naadik sa bansag-bansag para sa sarili. Mga bansag na nakakalula at mataas pa sa Tore ng Babel. Ama ng kabaugan. Haligi ng barko. Pioneer ng epoxy. Fundador ng Tanduay. Pambato ng shabu. Kung anu-ano pang mga kagayang kaululan ang mababasa araw-araw. Pati gobyerno ay promotor ng mga abot-ulap-ngunit-hungkag na bigay-bansag gaya halimbawa ng “pambansang alagad ng sining”. Sa US, isang halimbawa ng parangal na ibinibigay ay ang “congressional medal of honor”. Medalya ng dangal na bigay ng Kongreso. Walang hayperbole. Walang dagdag na salita. Pero alam ng bawat mamamayang Amerikano ang relebansiya ng medalyang ito. Pero sa Pilipinas, hindi lang mga literal na kalakal e.g. sabon o tutpeys o mga taga-showbiz kundi ang lahat ay nagiging brand name na ina-advertize. Ganyan talaga kapag ang isang bayan ay naging bayan ng kababawan.
Humihikayat ang (kasalukuyang) kultura ng mga Filipino sa ganitong kababawan. Sa mga tuso, ito’y isang eksploytasyon sa wasak na kakayahan ng memorya partikular sa long-term memory ng sambayanan. Bukas ang kundisyon sa mga maniobra. Maaaring magpamana ng magarang reputasyon sa tagni-tagning basahan. Hindi kakapusin ng mga oportunista sa loob at labas ng hanay ng mga pulitiko. Pero siyempre’y mga pulitiko ang mas visibol na tagapag-eksployt. Ito’y atas ng mas matinding pangangailangan.
Sinadyang Kababawan
Dalawa ang uri ng kababawan: sinadya at di sinadya. Sa sinadya, waring pagsasabwatan ng mga pulitiko anuman ang lapian na panatiliing mababa ang antas ng intelektuwal na aspeto ng tunggalian sa halalan para maikubli o matabingan ang kanilang nakaraan, o ang tunay na layon, o ang kawalang-kahandaan sa pinupuntiryang gawain, kakapusan ng abilidad para mamuno, payak na kabobohan, payak na pagkamakasarili, o lahat nang ito. Sa di sinadya, self-explanatory. Gusto lang ay puwesto, poder at pondo. Walang pakialam sa kaakibat na trabaho. Tapatan ito. Hindi man aminin ay lilitaw ang limitadong masel ng utak ng isang pulitiko. Pero paulit-ulit na may mahahalal na bobong opisyal hangga’t ibinoboto ng sambayanan ang isang kandidato batay sa apelido nito, sa akting sa iskrin, sa dami ng pera, o sa galing ng propaganda. Sinabi ni Hitler na problematiko ang demokrasya dahil naniniwala sa propaganda ang mga mamamayan. Sa Pilipinas, suwak na suwak.
Ba’t puro bikas, bansag, gawad, at tsismis na pinag-aanyong balita ang mga pinag-uusapan sa panahon ng halalan? Ba’t pinahihintulutan ng mga mamamayan na bombahin sila ng mga propaganda nang wala man lang silang resistans? Ang mga paskil at paskin ay di lang payak na pag-epal, ito’y indikasyon ng kakayahang maging lantarang sinungaling ng kandidato at intensiyon niyang lumihis sa mga tunay na isyu.
Ang mga Dapat Pag-usapan
Ba’t di pag-usapan ang mga isyung kaugnay sa usapin ng mga angkat at luwas na kalakal (bukod sa tao) ng bansa? Paano mapalalakas ang produksiyon ng bigas at mahahalagang luwas na agrikultural gaya ng kopra at mga bungang-kahoy? Paano mapalalakas ang presensiya ng mga gawang-Filipino sa pandaigdigang merkado? Paano maikukunekta ang agresibong pagluluwas sa paglikha ng mga lokal na trabaho? Paano madaragdagan at mapatataas ang kalidad ng mga trabahong kaugnay ng pagbibigay-serbisyo sa mamamayan? Pangkalusugang kalinga. Pang-edukasyon. Pangkomersiyo. Pagpapalakas ng demokrasya at sistemang pangkatarungan. Lahat nang ito ay may inprastrukturang hinihingi. Bukod sa mga kalsada, mga tulay, daluyang-tubig, at plantang nagsusuplay ng tubig at kuryente. Mga bagong klasrum, ospital, sentrong pangkalusugan sa pinakaliblib na mga lugar, lohistika sa pagpapairal ng kaayusan at pagtiyak sa kaligtasan, pabahay, suporta sa agrikultura, maliliit na negosyo, inisyatiba sa teknolohiya at inobasyon sa lahat ng aspeto ng pamumuhay. Paano maisasaayos ang sistema sa pagbubuwis, sistema sa banko at pananalapi, at kuskos-balungos ng pamumuhunan sa sariling lupain? Paano lilinisin ang buong gobyerno mula sa mga hepe ng kagawaran pababa sa pinakamababang miyembro ng burukrasya? Paano maipatutupad ang mga batas na matagal nang naipasa? Paano maipapasa nang maagap ang mga lehislasyong kailangan?
Paano mapatutunayan ang economic growth na di lang sa mga bank account ng mayayaman madarama? Bago at pagkatapos ng lehislasyon, paano haharapin ang isyu ng oberpopulasyon? Paano mapatataas ang antas ng pangangalaga sa kabataan, senior citizen, at may iba’t ibang uri ng kapansanan? Paano mapauunlad ang human development index, economic freedom index, gender-related development index, at ang living standard at kalidad ng buhay ng Pinoy sa kabuuan at lahat ng aspeto? Paano mapatataas ang purchasing power ng piso at GDP per head? Paano mababawasan ang utang-panlabas at mapapababa ang debt service ratio? Paano mapatataas ang industrial at manufacturing output? Paano mapagaganda ang business environment? Paano mapauunlad ang teknolohiya sa impormasyon at kumunikasyon? Paano mapapababa ang mortality rate ng mga sanggol at mga ina? Paano mapatataas ang life expectancy ng bawat Pinoy? Paano mapatataas ang environmental performance index? Paano mapangangalagaan ang mga likas na yaman habang pinakikinabangan ang mga ito? Paano mapauunlad ang kalidad ng hangin na nalalanghap sa Pilipinas? Paano mahihikayat ang mga Pinoy na magbasa? Paano poprotektahan ang mga teritoryo ng bansa, mga lokal na industriya, mga manggagawa sa ibayong-dagat? Ano ang plano sa krisis ng pagsisiksikan sa Kamaynilaan? Paano matatamo ang permanenteng kapayapaan sa Kamindanawan at ang ganap na pagsanib ng CPP/NDP sa political mainstream?
Halos pitik lang ang mga nabanggit sa itaas sa dami ng sangkot sa pamumuno sa gobyerno. Mababaw na paksa lang din ang mga iyon. Dapat masagi man lang ng lahat ng kandidato. Igiit.