ShareThis

  ESTADO

Subic, Sabah, at Spratly



by Fermin Salvador.
March 16, 2013
May tatlong mahahalagang pangteritoryong isyu ang Pilipinas. Lahat ay nagsisimula sa letrang “S”. Subic, Sabah, at Spratly. Naresolba na ang una, ang Subic, matapos tanggihan ng senado na ratipikahan noong 1991 ang tratado sa pagitan ng Pilipinas at US na magbibigay-pahintulot sa pananatili ng mga baseng-militar ng mga Amerikano sa Pilipinas. Ang Subic ang itinuturing noon na pinakamalaking base ng US sa labas ng Amerika. Halos kasinglaki ito ng Singhapor. Ang pagpapatalsik ng senado ng Pilipinas sa Subic at ibang instalasyon ng US ay nagsilbing kumpirmasyon sa kakayahan ng mga Filipino na igiit ang sariling soberanya. Sapul nang ibaba ang bandila ng US sa Luneta noong 1946 ay duda ang maraming bansa kung totoong malaya ang mga Filipino. Sa tingin nila ay ‘mora-mora’ lang ang pagkakaloob ng US ng independensiya sa Pilipinas na sa reyalidad ay kontrolado pa rin nito. Isang di opisyal na estado kung hindi kolonya pa rin ng US ang Pilipinas. Kung matatandaan, ang orihinal na kasunduan sa pagitan ng Pilipinas at US ay magiging pag-aari ng US habampanahon ang Subic, Clark, at iba pang eryang naging base-militar nito. Gaya rin sa kasunduan sa Guantanamo sa Cuba na hanggang ngayon ay teritoryo ng US sa kabila ng palitang-suklam sa pagitan ng US at Cuba. Inilatag ng mga lider ng Pilipinas sa hapag ng mga lider ng US na kilalaning teritoryo pa rin ng Pilipinas ang Subic atbpa. kaya dapat na may taning ang pag-okupa sa mga ito bilang base-militar. Nasa ‘all time high’ ang tamis ng relasyon noon sa pagitan ng Pilipinas at US, o, depende sa interpretasyon, paghimod ng mga Pinoy sa tumbong ni Angkol Sam. Kaya ‘mora-mora’. Sa pananaw ng mga Kano sa panahong iyon – madaling utuin ang mga Pinoy na sa halagang barya ay papayag ma-renew ang ‘lease’ sa Subic. Putok ni Pinatubo! Malay ba nila na paglipas ng ilang dekada ay iba na ang takbo ng utak ng mga Pinoy at sa pamumuno ni Senador Jovito Salonga na kinupkop ng US matapos masabugan sa Plaza Miranda ay nabasura ang alok na tratado na magpapanatili sa mga base-militar. Paglipas ng ilang panahon ay isinilang ang VFA ngunit anino na lang ito kumpara sa panahong may malawak na mga base ang tropang Amerikano sa Pilipinas. Napatalsik na ang pisikal (teritoryal) na bakas ng dayuhang puwersa sa kapuluan.

Isyu sa Sabah
Ironiya na sa tatlong “S” ay pinakabago ang isyu ng Subic na una pang naresolba. Mas matagal na ang kontrobersiya sa Sabah at Spratly bagaman maihahawig ang mga ito sa kambal na bulkan na natutulog. Sa Sabah ay kapingkian ng Pilipinas ang kumbaga’y isang brader o kapatid na nasyon sa ASEAN at literal na kadugo sa pagiging kapwa-lahing Malay. Hindi isang military superpower ang Malaysiya bagaman angat nang ilang kasa ang arsenal nila sa AFP. Sa Spratly, kaut-utang utot ng Pilipinas ang Tsina. Ang mga Tsekwa na dating mga magbobote na tinatawag na “Beho tulo-laway” ngayo’y mga “Bully naglalaway” na sa Spratly.
Walang pagtatalo sa pagmamay-ari ng Sabah na may eryang singlaki ng Mindanaw. May ‘Torrens title’ dito ang Sultanate of Sulu, isang angkan ng mga prekolonyal na dugong-bughaw sa katimugang Pilipinas, na ang mga salinlahi ay nagpapatuloy hanggang sa kasalukuyan. Ipinarenta ng nakaupong Sultan ng Sulu sa kalagitnaan ng ika-19 na siglo ang Sabah sa isang kumpanyang Ingles sa taunang tiyak na halagang dapat bayaran nito. Walang nakasaad na limit o wakas ang taning ng pagrenta. Wala ring probisyon sa pagtaas ng upa sa dokumento ng pagrenta. Kaya ang halagang nasa kontrata ng ‘lease’ na nang una’y binabayaran ng kumpanyang Ingles sa Sultan ng Sulu bago sila pinalitan bilang ‘lessee’ ng Malaysiya ay di nadagdagan lumipas man ang mahigit isang daang taon. May katumbas na mahigit pitumpung libong piso kada taon. Samantala, ang taunang rebenyu ng Malaysiya mula sa mga likas-yaman ng Sabah ay umaabot sa multi-bilyong dolyar taun-taon. Para sa kasalukuyang angkan ng Sultan ng Sulu, makabugbog-utak o mind-boggling na habang nagdarahop sila na may-ari ng Sabah ay nagpapasasa ang Malaysiya sa karangyaang idinudulot sa kanila ng lupaing ito. Bakit hindi mabawi ang Sabah? Sagot: Dahil hindi pa kaya ng Pilipinas na sapilitan itong kunin, o duruin ang Malaysiya para ibigay o isauli ito nang boluntaryo gaya ng ginawa ng Tsina sa Britanya na isauli ang Hong Kong sa kabila ng naunang kasunduang sa Britanya na ang Hong Kong sa habampanahon. Puwersang-militar ang malamang na paraan para manaig ang hustisya na dapat nang isauli ng Malaysiya ang Sabah sa Sultan ng Sulu/Pilipinas. Walang umiiral na kontrata sa pagitan ng Sultan ng Sulu at Malaysiya. Isang kumpanyang Ingles ang kausap noon ng Sultan ng Sulu. Nilikha ng Britanya ang Malaysiya upang magsilbing papet. Dekada sisenta nang magpahayag ang Malakanyang ng interes sa pagbawi sa Sabah matapos pagkalooban ito ng ‘power of attorney’ ng Sultan ng Sulu na maging kinatawan nito. Superyor noon ang sandatahan ng Pilipinas kesa sa Malaysiya ngunit nagpahayag ang Britanya na sasaklolo sa Malaysiya pag sinalakay ito ng Pilipinas. Napaatras ang Pilipinas. Nagkaroon ng popular na panawagan noong dekada otsenta na muling bawiin ang Sabah ngunit nakalalamang na ang sandatahan ng Malaysiya. Manaka-nakang nananahimik ngunit hindi magwawakas ang usapin na ito hanggang sa kaapu-apuhan ng Sultan ng Sulu at lahat ng Filipino.

Isyu sa Spratly
Sa Spratly, kung kikilalanin ang sinasabing ‘antigong titulo’ ng mga Tsino, parang sinabi na dapat pa ring kilalanin ang dokumento ng Tratado ng Tordesillas na hinati ni Papa Alexander VI ang lahat ng lupaing wala pa noon sa mapa sa pagitan ng Espanya at Portugal. Noon, bawat mapuntahang pulo at kapuluan ng mga kongkistador na taga-Yuropa ay agarang idinedeklarang pag-aari ng estado o reynong pinag-aalayan ng serbisyo. Deklarasyon na panghabampanahon ang bisa. Ito ang uri ng mentalidad na pinaiiral ng Tsina. Na dahil ‘once upon a time’ ay nasipat ng mga manlalayag nila ang Spratly at inilagay ito sa mapa nila ito ay kanila sa. Di naman nila inokupahan. Walang permanenteng residente ang mga isla ng Spratly. Hindi masusunod ang patakaran na susunod ang teritoryo sa lahi ng mga naninirahan. Mas aangkop sa Spratly ang basihang heyograpikal ayon sa mga kumbensiyong pandaigdigan. Na pabor sa Pilipinas. Kahit sa punto ng okupasyon, sino ang higit na namamalagi (di man permanente) sa mga isla ng Spratly? Mga mangingisdang Filipino. Karatig-isla lang ito at puwedeng kanlungan o pahingahan. Kumpara sa Tsina na malaking barko ang kakailanganin para sadyain ang Spratly.
Hindi legal at moral na karapatan kundi realpolitik ang ipinangangalandakan ng Tsina para makuha ang mga isla sa Dagat Kanlurang Pilipinas. Pabalatkayo lang ang opisyal na basihan para kunwa’y madiplomasya ang pag-angkin nila na sa katotohanan ay isang kahiya-hiyang agresyon. Pero importante ba ang hiya sa Tsina sa konteksto ng pagkamkam nito sa Tibet?
Kung lalagyan ng Tsina ng ganap na instalasyong militar ang mga isla ng Spratly na pag-aari ng Pilipinas, magmimistula itong bagong Subic na may mga dayuhang puwersang umookupa sa ating lupain. Masahol pa dahil kahit pabalat-bunga ay ayaw kilalanin ng Tsina ang karapatan ng mga Filipino. Walang kapalit na renta, walang tra-tratado, o kahit na anong balik-benepisyo. Walang respeto. Isang garapalang pagyurak sa mahinang bansa.

Pagbawi sa mga Lupaing Kinamkam
Kapag malakas at makapangyarihan ang isang estado ay madaling humingi ng hustisya. Isa-isang naisauli sa Tsina ang mga teritoryo nito na kinamkam ng mga dayuhan e.g. Hong Kong, Macau, atbpa. sa kabila ng mga kasunduan na habampanahon na itong magiging pag-aari ng mga kumamkam na bansa. Hindi naman nagpapadala ng sangkaterbang mga barko ang Tsina sa Spratly sa mga panahong dapat nitong unahin ang pagpapakain sa bilyong populasyon. Ngayon, hindi lang binawi ng mga Tsino ang mga teritoryong tinapyas ng mga dayuhan mula sa mapa nila kundi pati ang hindi kanila ay kinakamkam na.
Pansinin ang Arhentina, mahirap at di military superpower, na nagtangkang bawiin ang Falkland sa Britanya. Karatig-dagat lang ng Arhentina ang Falkland habang libong milya ang layo nito mula sa Britanya. Pero dahil angat ang puwersa ng Britanya sa Arhentina ay di ito pumayag na isauli ang Falkland bagkus ay nilupig ito sa isang digmaan. May malalakas na bansang hindi salik ang budhi sa pakikiharap sa kapwa-bansa. Kaya bakit pa ba tayo nagtataka na paulit-ulit na may gera?




Archives