ShareThis

  ESTADO

Pag Nagka-Papa na Filipino



by Fermin Salvador.
March 1, 2013
Isa raw sa mga “papabile” o malakas na kontender sa pagka-Santo Papa si Cardinal Luis Antonio Tagle na kasalukuyang Arsobispo ng Maynila. Waring ‘first time’ na may Filipino na napabilang sa hanay ng mga “papabile”. Sa mga kasapi ng global na kumunidad ng mga bansang Katoliko, mistulang sanggol lang ang Pilipinas. Kulang sa limang siglo pa lang ang Kristiyanismo/Katolisismo sa Pilipinas na unang ipinakilala ni Fernando Magalyanes sa pagsisimula ng ika-14 na siglo. Nauna pang mahigit isang siglo na naipakilala sa ating kapuluan ang Islam.

Batik sa Vaticano

Sa nakalipas na isang siglo ay rekordbreking ang mga isyung kinailangang harapin ng Vaticano at Simbahang Katoliko. Naiulat ang iba’t ibang eskandalo. Sa sarkastik na pagsipat, maaaring di ito indikasyon ng pagbaba ng kalidad ng mga naglilingkod sa organisasyon bagkus ay resulta ng pagtaas ng kalidad ng nagsisiyasat na pamamahayag at naging tuon sa transparensi sa mga nagaganap sa alinmang pamunuan na may balido at agarang interes ang sangkatauhan. Reyalidad ding may mga pangyayaring nagpapamantsa sa reputasyon ng Vaticano na di ito direktang nasasangkot ngunit ang implikasyon ay malawakan at permanente.
Noong isang araw ay napanood ko sa programang “American Greed” sa telebisyon ang kuwento ng buhay ni Raffaello Follieri, isang Italyanong migrante sa US, na lumustay sa mahigit isandaang milyong dolyar na pera ng mga taong nagtiwala sa kanya sa isang real estate fraud matapos mapaniwala ang mga ito sa kuneksiyon niya sa Vaticano. Tinawag ang kaso niya na “Vati-Con”. Nagkaroon ng patak ng showbiz ang kaso dahil naging nobya niya si Anne Hathaway, Katolikong aktres, na napahanga niya di lang sa taglay na yaman at reputasyon kundi pati sa pagiging malapit sa Santo Papa. Natuklasang walang alam ang Vaticano sa operasyon/raket ni Follieri. Ang nangyari ay isang indikasyon sa kapangyarihan ng mga salitang “Santo Papa” at “Vaticano”. Marami ang napapaluhod sa prospek ng lawak ng saklaw na merkado ng dalawang salitang iyon.
Gaano kaepisyente nga ba ang organisasyon ng Simbahang Katoliko na may hedkuwarter sa Vaticano para mapulis ang daanlibong mga pari at iba’t ibang ahente/opisyal nito na instrumento ng pamamahala sa may isang bilyong kawan nito sa ibabaw ng lupa?

Frailocracy

Kahit ang mahigit tatlong daan taon na kontrolado ng mga frayleng Kastila ang Pilipinas sa ilalim ng ‘frailocracy’ ay di ganap na saklaw ng Vaticano. Gumagalaw ang mga paring Kastila o frayle nang labas at lampas sa panuntunan at kautusan ng organisasyon. Batid ito ni Gat Jose Rizal na mas nanangan sa rason at hustisya ng mga pinunong sekular at pangrelihiyon sa Yuropa kesa sa mafia ng mga frayle na umiiral sa kolonyal na Pilipinas. Pagtungtong ng ika-19 na siglo, bago pa isinilang si Gat Rizal, ay anag-ag na lang ang realpolitik sa Yuropa ng Simbahang Katoliko na ang mga lupaing pag-aari sa Italya ay isa-isa nang nabawi ng gobyernong sibil matapos kubkubin ni Garibaldi na nagsabing ang misyon niya’y bigtiin ang huling monarka gamit ang bituka ng huling Papa, o maaaring vice versa. Samantala, sa Pilipinas, sa Latino Amerika, at ibang eryang karamiha’y nasa 3rd world ay di halos naapektuhan ng mga rebolusyon sa Yuropa ang poder ng mga pari at Simbahang Katoliko.
Istratehiko marahil ang paramdam ng Vaticano na ang susunod na Papa ay maaaring di taga-Yuropa at buhat sa bansang mahirap. Isang pagkilala rin ito sa nagbabagong kaayusan sa mundo. May tinig na ang mahihirap na bansa habang sa antas ng yaman ay di na rin nangunguna ang mga bayan sa Yuropa. Ang pinakamayaman na bansa sa Yuropa, ang Alemanya, ay pang-apat lang sa US, Tsina, at Hapon. Sa yaman man, sa lakas-militar, o sa pagkarelihiyoso ay di na dominante ang lupalop ng Yuropa. Dapat itong tanggapin mula sa Berlin hanggang sa Roma. Kailangang sumabay maging ang Vaticano sa bagong realpolitik kung di man ang mga dogma nito sa bago nang lifestyle. Higit sa lahat ay nasa panahong humihingi ng radikal na pagbabagong-bihis (basa: propaganda) ang Vaticano.
Kapag naging Papa, itinatakwil na ang dating nasyonalidad. Ang isang Papa ay nagiging mamamayan na ng estado ng Vaticano, na siya ang tumatayong punong ehekutibo. Sa mas malawak na sipat ay wala na siyang nasyonalidad pagkat siya’y unibersal na pigura para sa lahat ng lahi ng mga Katoliko sa mundo. Kaya lang ay di rin nababakbak ang pinagmulang lahi ng isang tao. Ang identidad ni Papa Juan Paulo II ay nanatiling kakambal ang Poland, si Papa Benedicto XVI ay isang Aleman. Sinuman ang sumunod na maging Santo Papa ay mananatiling kadugtong ang pinagmulang bayan.

‘Papabile’ na Filipino

Walang katiyakan (pa) ang tsansa na isang Pinoy na kardinal ang susunod na magiging Papa kahit sabihing may isang napasama sa maikling listahan ng mga ‘papabile’. Lubhang malihim ang proseso sa likod ng ‘papal conclave’ (pagpili ng bagong Papa) habang ang galaw ng banal na pulitika sa Vaticano ay kasimpayak ng pagmanipula sa mekaniks ng istakmarket. Hindi masama ang mangarap. May solidong mga dahilan para ‘paupuin’ ang isang Pinoy. May reputasyon ang Pilipinas, na ang mga mamamayang Katoliko ay abot sa walumpung milyon pataas, sa pagiging isang masunurin at mabuting kawan ng Simbahan. May dramatikong epekto rin na sa loob ng higit tatlong siglo’y kaawa-awang biktima ang mga Filipino ng mga pang-aabuso sa likod ng abito – bagay na pangunahing hamon ngayon sa surbaybal ng organisastyon. Sa isang salin, ang Noli Me Tangere, na pinakapamosong nobela sa Pilipinas, ay pinamagatang “Land of the Monks” (“Lupain ng mga Pari”). Sa nakalipas na mga dekada ay kapansin-pansin din ang kakaibang kakayahan ng mga Pinoy na lumikha ng kolektibong ingay mula sa isyu ng Spratly hanggang sa Desperate Housewives. May reputasyon ang mga Pinoy sa pagiging anderdog. Laging ang uri/lahi na inaagrabyado. Klasikal na imahen ito ng isang Kristiyano/Katoliko. Ang Pilipinas din ay kinikilalang isa ngayon sa mga nangungunang suplayer ng mga misyonerong pari sa iba’t ibang bahagi ng daigdig.
Magandang pangyayari kapag Pinoy ang nahirang na papalit kay Papa Benedicto XVI. Makikini-kinita na ang laki ng pagdiriwang. Batid natin ang husay ng mga Pinoy sa pag-organisa ng pagdiriwang. Kayang ilampaso ang mayayamang bansa. Magaganap ang pagbubunyi na di pa nasaksihan sa kasaysayan.
Gaya nang nasabi, hindi lang head of state ang Santo Papa bagkus ay siya rin ang CEO ng Simbahang Katoliko na isang multi-national na organisasyon na may bilyong miyembro at trilyong dolyar na pag-aari. Mas pinakikinggan pa ang mga pahayag ng Papa kesa sa pahayag ni P-Noy anuman ang kaibahan at kahawigan sa mga bersiyon nila ng matuwid na daan. Lider ng isang superpower na bansa ang kalebel ng Papa. Isa siyang superlider. Ang pangulo ng Pilipinas ay irelebante sa tanghalan ng mundo.
Mauungusan ng Pilipinas ang dating kolonyador nito na Espanya na nagpakilala sa mga Filipino ng Katolisismo/Kristiyanismo pag isang Filipino ang naupo sa trono ng Vaticano. Pampaangat ito sa reputasyon ng alinmang lahi. O maaari ring ang reputasyon sa pagiging ‘naïve’ ng lahing Filipino ang maeeksployt dito.




Archives