ShareThis

  ESTADO

Reeleksiyon



by Fermin Salvador.
January 16, 2013
Sumabak si Pangulong Obama ng US sa panibagong halalan upang magkaroon ng ikalawang termino sa pagkapangulo. Muli’y siya at ang bise-presidenteng si Joe Biden ang naging pambato ng partidong Democrat kontra kina Mitt Romney at Paul Ryan ng partidong Republican. Muli silang nagwagi.

Iba ang 2012 sa 2008

Tulad noong 2008, makulay at interesante ang pagtutunggalian sa pagkapangulo sa 2012. Rakstar na kandidato si Obama noong 2008, isang ‘juggernaut’ na mistulang walang makapipigil sa pag-okupa sa Wayt Haws. Matapos ang apat na taon sa poder, may mga naging reyalistik sa kapasidad ni Obama at ng pamahalaang federal sa pagharap sa krisis-pinansiyal na nakalambitin sa leeg ng US. May mga naging mapanisi. Si Obama sa halip na ang mga ugat ng kasalukuyang sitwasyon at reyalidad ang sinisisi.
Bakit ginusto pa ni Obama na muling kumandidato? Rakstar pa rin siya sa pagtatapos ng isang termino. Sa susunod na apat na taon, alin sa dalawa: malusaw o tumaas pang lalo ang popularidad niya depende sa magiging pagbabago sa kalagayan ng buhay ng mga mamamayang-Amerikano. Kung huminto siya sa isang termino, isinara niya ang papel sa kasaysayan sa pagiging isang mapangarapin (dreamer) na nangarap ng pagbangon ng US, at di ito naabot. Isang pangarap na wala sa mga kamay niya ang kapangyarihan para ito maisakatuparan. Siya’y magiging isa lamang ‘kyut’ na personalidad sa kasaysayan ng US. Kyut, pagkat kung nag-quit siya ay wala na siyang tsansang maging may kalakihang personalidad o higante gaya ni Pangulong Franklin Roosevelt na pinamunuan ang US mula sa panahon ng Great Depression hanggang sa ikalawang digmaang pandaigdig. Tanging ang kamatayan ang pumigil kay F. Roosevelt upang muling kumandidato sa pagkapangulo matapos siyang ma-reelect nang apat na beses. Dambuhalang personalidad din ang idolo ni Obama na si Pangulong Abraham Lincoln na namuno sa panahon ng Gera Sibil at muli ring nahalal sa pagkapangulo.
Kung ikukumpara kay P-Noy, hindi problema ang reeleksiyon dahil hindi daraan si P-Noy sa prosesong ito. Hindi ipinahihintulot ang reeleksiyon sa pangulo ng Pilipinas. Ang ina ni P-Noy, si Pangulong Cory, ang may inisyatiba sa 1987 Konstitusyon na naglagay ng probisyon na walang reeleksiyon ang pangulo. Sa lahat ng naging pangulo sa ilalim ng 1987 Konstitusyon kay Pangulong Fidel V. Ramos pa lang istriktong nasunod ang itinakdang anim na taon na nag-iisang termino para sa pangulo. Sinubok ng mga pro-FVR na maglunsad ng charter change (cha-cha) para mapahaba ang termino niya pero hindi lumusot sa taumbayan. Si Gloria Arroyo na mahigit siyam na taon na sa Malakanyang ay sumubok din ng “Con Ass” ngunit nabutata rin. Kay P-Noy ay walang duda na masusunod ang 6-year term. Walang cha-cha o con-ass na ilulunsad. Ito ang paniniwala ng marami.

Walang Reeleksiyon sa Pangulo ng Pilipinas

Sa kasaysayan ng Amerika, hindi lahat ng pangulong muling nahalal ay napabilang sa mga pinakadakila. May mga pangulong ni hindi natapos ang isang termino kagaya ni Pangulong John F. Kennedy ngunit ang administrasyon ay markado sa kasaysayan. Ganundin naman sa Pilipinas. Ni hindi nakatapos ng isang termino si Pangulong Ramon Magsaysay subalit hanggang ngayo’y naaalala ang panunungkulan niya nang may pagkagiliw. Samantala, ang dalawang may pinakamahabang panahon sa puwesto ay sina Ferdinand Marcos at Gloria Arroyo. Sa US, pinakamatagal sa Wayt Haws si Pangulong Franklin Roosevelt. Siya rin ay isa sa pinakadakilang pangulo ng US sa kasaysayan.
Sa Pilipinas ay hanggang isang termino lang ang pangulo bagaman ang isang terminong ito na anim na taon ay katumbas na ng isa’t kalahati ng termino ng pangulo ng US. May naging tawag noon sa iisa ngunit mas mahabang termino: lubhang maikli para sa mabuting pangulo ngunit lubhang mahaba para sa walang silbi. Sa US, ang magaling (o popular) na pangulo ay maaaring muling mahalal at magkaroon ng total na walong taon sa puwesto. Kung hindi popular ay sapat na sa kanya ang isang termino o apat na taon. Sa Pilipinas, mabuti o masama ay may anim na taon para manungkulan. Bagaman natutuhan natin sa di kalaunang kasaysayan na ‘onli in da Pilipins’ na ang isang terminong anim na taon ay maaaring maging dalawang taon lang gaya nang nangyari kay Estrada at maaaring maging siyam na taon kagaya ng rehimen ni Arroyo.
Sapul sa pagbuo ng 1935 Konstitusyon ng Pilipinas ay kinunsidera na ang isang termino lang para sa mahahalal na pangulo. Sa huli’y gumaya rin sa padron ng US na may apat na taong panunungkulan ang pangulo at maaaring tumakbo para sa ikalawang termino. Pero kahit ang oportunidad na muling mahalal ay nilagyang-taning ng mga delegado sa 1935 Konstitusyon. Hanggang sa isang beses lang ang reeleksiyon para sa kabuuang walong taon sa poder. US naman ang gumaya sa Pilipinas. Walang limitasyon noon ang tsansa na paulit-ulit na mahalal na pangulo ng US. Kaya nga apat na beses nahalal si F. Roosevelt. Nagkaroon lang ng tradisyon na boluntaryong nagreretiro ang nahahalal na pangulo ng US matapos ang dalawang termino nang sinimulan ito ni Pangulong George Washington. Pero nang una’y hindi nakasaad sa saligang-batas ng US ang limitasyon sa dalawang termino. Ang mga Filipino ang nag-inisyatiba na ilagay ito sa 1935 Konstitusyon na ginaya ng mga Amerikano at nag-amyenda sa sariling konstitusyon. Personal marahil ang dahilan sa likod ng pagreretiro ni Pangulong Washington matapos ang dalawang termino. Matanda na siya. Ang sumira sa tradisyon ng boluntaryong dalawang termino, si F. Roosevelt, ay may kapansanan ngunit matibay din ang dahilan para ipagpatuloy niya ang panunungkulan. Una’y hinarap niya ang Great Depression at pagkatapos ay ang pakikidigma ng US laban sa Alemanya at Hapon. Hindi angkop ang transisyon ng liderato sa harap ng matitinding krisis. Kaya lang ay namatay din siya sa mga huling bahagi ng WW II nang nakatitiyak na ng pagkalupig ng mga kaaway. Naupong pangulo ang bise niya na si Harry Truman.

Basihan ng Haba ng Termino

May basihan ang paglagay ng apat na taon sa termino ng pangulo ng US na tinularan ng mga Filipino sa pagbuo ng 1935 Konstitusyon. Iniuugnay ito sa mga peryodik na oditing at imbentaryo sa pananalapi, mga programa, planong pang-imprastruktura, at iba pang mga rutina sa burukrasya. Magandang diskusyon ang pagtakda ng mga delegado sa 1935 Konstitusyon sa dalawang termino ng pangulo gayong bagong estudyante ng demokrasya ang mga Filipino sa panahong iyon at wala pang malalim na karanasan sa mga kumplikasyon ng demokratikong sistema. Tanging ang ga-kurap na pamumuno ni Heneral Emilio Aguinaldo bilang ‘heneralisimo’ at pangulo sa ilalim ng halalan sa Tejeros ang pinakamalapit na ekspiryensa ng mga Filipino sa pagpapairal ng sariling gobyerno. Lagi na, nasa ilalim ang Pilipinas ng mga banyaga una’y sa korona-at-abito ng dispensasyong Kastila na sinundan ng Pamahalaang Sibil 101 ng mga Amerikano.
Tila walang malinaw na kaugnayan ang sistema na apatang taon na termino ng isang administrasyon na ginagad ng mga Filipino sa mga Amerikano. Naiiba sa mga Amerikano ang atityud ng mga Pinoy sa pagharap sa mga dedlayn sa mga tungkulin sa pamahalaan. Sa positibong sipat, maaaring sabihing flexibol kasi ang mga Pinoy. Kaya walang kaso kung ang termino ng pangulo ay apat na taon, o lima, o anim. Kaya mula sa apat na taon na may isang reeleksiyon ay isinara sa isang termino (walang reeleksiyon) na may anim na taon. Sa pagbuo ng 1987 Konstitusyon ay isa sa mga isinaalang-alang ang kawawakas na diktadura ni Pangulong Marcos. Ganunpaman, ang pagrerenda sa pamahalaan ay napatunayang higit na masalimuot sa usapin ng paglimita sa dapat maging termino ng isang pangulo.
***




Archives