ShareThis

  ESTADO

Pag-asa ni Obama



by Fermin Salvador.
January 1, 2013
Napanood ko ang bidyo ni Pangulong Obama na nagbigay ng maikling talumpati sa mga nag-organisa ng kampanya niya sa Chicago. Indoor ang lokasyon, ilang oras matapos makumpirma ang muli niyang pagkahalal bilang pangulo ng US. Maituturing na pribadong pagtitipon iyon. Personal na pasasalamat ni Pang. Obama sa mga tumulong nang aktuwal, hindi lang sa pagboto, para makopo niya ang ikalawang termino. Karamihan sa mga ito ay nasa paga-bente, mga yuppies, kumakatawan sa batang populasyon ng US. Maliit na odyens kumpara sa daanlibong nasa lansangan nang magpasalamat siya nang unang mahalal at sa mga nasa McCormick’s nang makumpirma ang muling pagkahalal. Ang kuha sa bidyo ay sa hedkuwarter ng kampanya niya sa Chicago kasama ang mga nagpunyagi sa reeleksiyon niya. Sa harap ng karamiha’y mga kabataang ginawang araw ang gabi at gabi ang araw para siya’y manalo, di napigilang mangilid ang luha ni Pang. Obama sa pasasalamat at sa sanghaya ng nadarama sa maaari pang magawa ng mga ito (kabataan) sa mga darating na panahon.

Pag-asa ni Dr. Jose Rizal

Dalawampu’t limang taon siya, ayon kay Pang. Obama, nang magpasyang manirahan sa Chicago. Walang nakakikilala sa kanya, galing siya sa pamilyang walang pagkakakilanlan. Anya, di hamak na mas marami pang oportunidad ngayon ang mga bagong tapos ng kolehiyo na nasa odyens kumpara sa kanya nang mga panahong iyon. Pero hindi siya nawalan ng pag-asa. Na sa abot ng makakaya ay maisusulong ang mga adbokasya niya sa buhay. Naniniwala siyang higit pa ang magagawa ng mga kabataang nasa odyens hindi lang sa susunod na apat na taon kundi sa malayong hinaharap.
Ewan, pero ang naglaro sa imahinasyon ko habang pinanonood ang bidyo ay ang isang tanawin na ang pambansang bayani ng Pilipinas, si Dr. Jose Rizal, ang nagsasalita sa harap ng kabataang Filipino. Pareho ang paksa. Tungkol sa pag-asa, at ang mga kabataan bilang pag-asa ng bayan.
Hindi ko alam ang timbre ng boses ni Gat Rizal at ang paraan niya ng pagtatalumpati. Hindi siya notabol sa pagiging public speaker gaya halimbawa ng kontemporaryong si Graciano Lopez Jaena. Pero marubdob na pinakikinggan ang mga talumpati niya sa pulong ng mga propagandista. Napakinggan din siya ni Gat Andres Bonifacio na magtalumpati nang dumalo ang magiging tagapagtatag ng Katipunan sa pulong ng La Liga Filipina. Sa henerasyon ngayon ng mga Filipino, ang mahalaga ay ang pamana niyang mga diwa at kaisipan. Lalo ang malalim na pananalig sa magagawa ng kabataan.
Si Gat Rizal ay maituturing na isang ehemplo ng tradisyunal na rakstar. Nabuhay nang mabilis at batang namatay. Paga-bente lang siya nang isulat at malimbag ang mga nobelang Noli at Fili. Paga-trenta lang nang bitayin sa Luneta. Pero kahit sa ganoong bata pa ring edad ay sa susunod na henerasyon na nakatuon ang paningin niya.

Pambansang Bayani

Si Gat Rizal ay itinanghal na pambansang bayani ng isang batang bansa. Mas bata siyang namatay kumpara sa pambansang bayani ng US na si George Washington, at sa pambansang bayani ng iba pang mga bayan. Hindi gaya ng iba na formal na namuno sa sariling bayan, si Dr. Rizal ay nagsimula at nagtapos ang kuwento ng buhay sa mga pangarap para sa Pilipinas. Matingkad na mensaheng iniwan niya na ang kabataan ang pag-asa ng bayan. Waring premonisyon din ito na hindi magtatagal ang buhay niya.
Ginugunita ang araw ng kamatayan ni Gat Rizal sa Disyembre. May mga pumupuna na ang binibigyang-rekognisyon o ipinagdiriwang ay ang araw ng kamatayan niya. Ginugunita rin ang araw ng pagsilang niya. Pero kung iisipin, sinumang mortal ay isinisilang na walang relebansiya ngunit ang kamatayan ay maaaring maging isang mahalagang sandali. Kumpara sa marami, maikli ang naging buhay ni Gat Rizal pero kahit ang maikling buhay na ito’y nagsisilbi ngayong ehemplo sa kabataan. Na huwag sayangin ang bawat sandali, bawat araw, bawat taon ng iyong buhay. Gamitin ito para makatulong sa iyong bayan at kapwa.
Kabilang si Pang. Obama sa mga batang nahalal na pangulo ng US. Apatnapu’t pito lang siya nang manumpa sa unang termino. Gaya ni Gat Rizal, hindi niya sinayang ang mga sandali sa buhay niya. Ito’y sa kabila ng kanyang pinagmulan at karanasan sa paglaki na kumbaga’y dehado na agad siya kumpara sa iba na nagmula sa tipikal at buo na pamilya. Sa edad na limampu’t isa ay puwede pa rin siyang maging tinig ng kabataang Amerikano. Tinig ng mga pangarap na maaabot sa malapit na hinaharap.
Masasabing ginasgas ni Pang. Obama sa kababanggit ang salitang “hope” o “pag-asa”. Sa simpleng depinisyon, ang “hope” ay noun (pangngalan) na “a feeling that what is wanted will happen; desire accompanied by expectation” na kung isasalin sa sariling wika ay “ang pakiramdam na ang inaasam ay magaganap; paghahangad na may kalakip na katuparan”. Positibo. Optimistik. Pananalig na ang bukas ay pabor sa iyo. Kaya ang katumbas sa Tagalog ay “pag-asa” sapagkat may kasamang “asa” na magaganap ang ninanais maganap. Basta narinig ang pangalang “Obama” ay tiyak na karugtong nito ang salitang “hope” o “pag-asa”. Gamit niya pa rin ang salitang ito sa pangangampanya para sa kandidatura sa ikalawang termino. Kahit nakapuwesto na siya nang apat na taon at di insignipikante ang bilang ng mga nabigo sa naging ‘asa’ sa magagawa niya bilang lider.

Abstrakto at Kongkreto

Masasabing abstrakto ang salitang “pag-asa”. Iba ang saysay sa konteksto ng personal na pamumuhay at iba rin pag ginamit sa konteksto ng pinag-isang aspirasyon at mithiin ng pangkat ng mga tao o sa isang bansa. Ano ang kongkretong ‘impact’ ng pagkakaroon nito sa pag-unlad? Paano ito naisasalin sa mga tiyak na plano at hakbang patungo sa halimbawa’y pag-asensong pangkabuhayan?
Si Gat Rizal ay di nagkaroon ng pagkakataon na gasgasin sa mga talumpati at pagpapaskil ng islogan ang salitang “pag-asa”. Sana’y hindi ito ang dahilan kaya tila madalas malimot ng mga Filipino ang diwa nito. Parang nawalan na ng pag-asa ang mga Filipino na kaya pang umangat ng Pilipinas. Na kaya pang ayusin ang sariling bayan tungo sa pagkakaroon ng lipunang makatao, marangal, maayos, at may pagkakapantay-pantay. Na maaari pang maituwid ang mga maling gawi at asal hanggang sa tuluyang maglaho ang mga ito at kilalanin ng mundo ang mga Filipino sa mataas na kalidad bilang isang lahi. Lahing mapagkakatiwalaan at di nagsasagpangan sa isa’t isa. Lahing hindi ipagpapalit ang pagkatao sa halagang sensilyo. Di nakatuon sa kababawan ng mga pansarili at makasariling karangalan kundi sa makabuluhan at kongkretong asenso na para sa lahat. Laging may bukas na darating. Laging may mga bagong henerasyon ng mga Filipino na isisilang at hangga’t may kabataa’y may pag-asa ang bayan. Ito’y sinabi ni Gat Rizal. Kaya lang, ang salitang pag-asa ay hindi payak na sinasambit at pagkatapos ay walang katuturan. Hindi ito abstrakto bagkus ay isang bagay na ginagagap, pinanghahawakan ito ng isang lahi, upang lubos at ganap na makabangon sa kinasadlakan. May kalakip itong determinasyon at ipinakikita sa aktuwal na pagkilos. Nababatid ito ni Pang. Obama. Pero nauna pa sa kanya ang ating si Gat Rizal.




Archives