by Fermin Salvador.
December 16, 2012
Hinulaang 2012 ang huling taon ng sangkatauhan. Ang huling taon ng planetang daigdig. Ang huling taon ng uniberso.
Pagkagunaw ng Mundo
Bakit nga ba konsistent ang rahuyo sa tao ng pagkagunaw ng mundo? Kung mapapansin ninyo, anumang lahi at saanmang isla o lupalop naninirahan ay may sariling kuwento at konsepto ng biglaan at marahas na pagwawakas ng lahat ng bagay na umiiral sa lupa. Tila ito’y isang ‘primeval’ na alalahanin na nasa genes at sub-conscious na ng sangkatauhan na nag-ugat pa sa panahong kapos ang kabatiran ng tao sa mga nagaganap sa kapaligiran at lalong kapos ang kakayahan niyang iligtas ang sarili sa mga di makontrol na puwersa.
Malupit ang planetang daigdig sa lahat ng may buhay na nag-ebolb dito sa paglipas ng multi-bilyong taon. Nagaganap ang mga paglindol, paglukob ng yelo sa lupa, pag-angat ng tubig, pag-ulan ng mga meteyor, paglubog ng mga lupalop at pulo. Walang kakayahan ang alinmang species na tiyakin ang preserbasyon ng sarili niyang uri. Marahil ay maging ang sangkatauhan. Kahit tao lang sa lahat ng species sa daigdig ang may kakayahang makalikha ng sasakyang makapaglalakbay sa kalawakan ay wala pang tiyak na malilipatan na panibagong planeta o anumang lamang-kalawakan. Nakadikit pa rin ang eksistensiya ng tao sa daigdig. Dito tanging nakasalalay ang patuloy niyang pag-iral.
Pagkatakot sa Kamatayan
Baon ng bawat tao sa sentido ang dalawang uri ng takot: kamatayan ng sarili at kamatayan ng mundong ginagalawan. Magkaiba ang dalawang ito ngunit parehong maaaring maganap anumang oras. Ipinamana sa bawat tao ang mga takot na ito batay sa karanasan ng mga ninuno. Pamumuhay sa mundong nag-iiba-iba ng anyo. Marahas na pagbabago ng klima. Malawakang pagkapawi ng mga buhay.
Ang mga Babilonyan ay may epiko ni Gilgames, ang mga Hudyo ay may kuwento ni Noah sa Lumang Tipan ng Bibliya, at ang mga Kristiyano ay may Apokalips sa Bagong Tipan. Ang siyensiya ay may ‘supernova’ ng mga bituin at ‘Big Crunch’ ng uniberso. Balang-araw, lalamunin ng lagablab ng araw ang lahat ng planetang umiinog dito. Bago pa ito maganap ay masasaid na ang gatong sa dibdib ng daigdig na nagbibigay dito ng buhay bilang planeta. Mababago ang grabidad, maglalaho ang atmospera, malulusaw ang mga tubig sa karagatan. Sa harap ng ganitong sitwasyon, ano ang magagawa ng tao para iligtas ang sarili?
Kilala ang mga Mayan sa lupalop ng Amerika sa kaalaman sa mga lamang-kalawakan. Nagsaad diumano sila ng hula na magkakaroon ng astrolohikal na pagsasalikop ng mga puwersa sa Disyembre ng 2012 na maghahatid ng pagbabago sa pamplanetang kaayusan. Ang siyensiya ay nagkukumpirma sa posibilidad ng pagpaling ng daigdig sa aksis nito na pangyayaring may mga ‘precedence’ na at sanhi ng halimbawa’y mga pagbabago sa klima. Ngunit kung magaganap man ito’y hindi dahil sa hula ng mga sinaunang Mayan. Kaugnay nito’y mapapansin ang tunay na kalagayan ng daigdig bilang planeta na isang mahina at marupok na bagay na umiikot sa araw gaya ng ibang lamang-kalawakan. Malayo ito sa paniniwala ng mga sinaunang Griyego na ang mundo’y matatag, di matitinag, sentro ng uniberso kaya ang araw at mga lamang-kalawakan ang umiikot dito.
Pagwawakas ng
Kaayusang Nakamulatan
Ang pagkagunaw ng mundo ay posibleng ang pagwawakas ng kaayusan na nakamulatan. Sa pelikulang “Apocalypto” ang pinangambahan ng mga Mayan na pagwawakas ng mundo ay di literal na wakas ng mundo kundi ng kanilang sibilisasyon na gugunawin ng mga kongkistador na Kastila. Imperyo lang ng mga Mayan ang nagunaw at di ang pisikal na kapaligiran sa mga lupalop ng Amerika.
Marami pang ehemplo ng ‘simbolikal’ na wakas ng mundo. Nagkaroon ng tinawag na “Dark Age” nang malusaw ang imperyo ng Roma sa kalagitnaan ng unang milenyo. Mula isang milyon ay naging ilang libo ang populasyon ng siyudad ng Roma matapos itong durugin ng mga barbaro. Napalitan ang organisadong lipunang Romano sa Yuropa ng batas-barbaro.
Ang mga Aleman ay may tinatawag na “gotterdammerung” o “dapithapon ng mga diyos” na wakas ng kanilang lahi. Iniugnay ito sa pagkadurog ng Berlin noong 1945 kasabay ng pagkalupig ni Hitler at mga Nazi sa Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Ngunit ang nagwakas lang ay ang tradisyon ng militarismo sa Prusya at ang ambisyon ng mga Aleman na masakop ang daigdig. Nakabangon sila mula sa gera at muling umunlad.
Mistulang wakas din ng mundo para sa mga Hudyo ang palisi ng mga Nazi na linisin ang buong Yuropa sa lahi nila na itinuring na ‘polusyon’. Tinatayang anim na milyong Hudyo ang nalikida sa iba’t ibang extermination camp sa buong Yuropa. Simbulo ito hanggang sa ngayon ng implementasyon ng henosidyo.
Isa sa pinakamalunos na Disyembreng naranasan ng mga Pinoy ang paglusob ng hukbong Hapon sa Pilipinas noong 1941 kasunod ng pagsalakay ng mga ito sa Pearl Harbor. Idineklarang ‘open city’ ang Maynila ngunit hindi nakaiwas sa mga kalagimang hatid ng ganap na gera. Nagkaroon ng kagutuman na di pa kailanman naranasan ng mga Pinoy na nabubuhay sa mga panahong iyon. Sa isang pelikula, ang mga panahon ng pananakop ng mga Hapon sa Pilipinas ay tinawag na “Tatlong Taong Walang Diyos”.
Kakayahan ng Talino ng Tao
Bilib ang tao, na may pang-agham na katawagan na homo sapiens, sa sariling talino at kakayahan. Walang lugar sa planeta na di nabago o nakatikim ng ‘impact’ sa kolektibong galaw ng sangkatauhan. Sa taon 2012, may naganap na iba’t ibang kalamidad sa iba’t ibang lugar pero nagbabalik sa normal ang lahat. Nagtutulungan ang gobyerno ng mga estado e.g. United Nations Organization, mga tratado, kumbensiyon, at/o protocol para sa mga global na suliranin gaya ng global warming, overpopulation, epidemic, at higit sa lahat ay mga internasyunal na krisis at hidwaan. Lampas sa kakayahan ng tao ang pagpigil sa mga delubyo ngunit ang pagkakaroon ng kapayapaan sa pagitan ng mga lahi ay nasa kamay ng sangkatauhan.
Naganap ang gera sa Gaza, sa Syria, at iba pang sulok ng mundo. Nagkakaroon man ng ceasefire ay nananatili ang tensiyon. Tumahimik ang Hilagang Koreya matapos mapahiya ang mga lider sa resulta ng testing ng kanilang kohete noong Abril. Patuloy ang girian ng US at Iran habang itong huli’y walang balak umatras sa ambisyong magkaroon ng nukleyar na kapabilidad. Mahirap hulaan ang mga susunod na hakbang ng Tsina. O Rusya. O Indiya.
Optimismo
Mainam ding pakinggan ang mga selebridad na optimistik. Isang halimbawa si Warren Buffett na multi-bilyonaryong CEO ng Berkshire Hathaway at itinuturing na isang henyo sa larangan ng investment. Naniniwala si Buffett na laging papabuti ang kalagayan ng sangkatauhan. Anya, kung mas maganda ang naging buhay ng mga tao ngayon kumpara sa mga nakalipas na henerasyon ay magiging mas maganda pa ang buhay ng mga tao sa hinaharap. Nakaka-inspire. O marahil mas madaling maging optimistik pag isa kang bilyonaryo. Mag-ingay tayo ng mensahe ng pag-asa sa bagong taon.