ShareThis

  ESTADO

Ang Mga Sulating Dapat Basahin ng mga Magpapabasa ng mga Isusulat



by Fermin Salvador.
December 1, 2012
Sa Pilipinas, ipinagdiriwang ang Linggo ng mga Aklat tuwing Nobyembre 24 – 30 na pinasimulan ni Pangulong Quezon noong 1936. Sa loob ng life span ko ay nakita ko ang pagbabago mula sa inililimbag na encyclopedia patungo sa wikipedia. Ang dating pagsasaliksik sa aklatan ay nahalinhan ng pag-google o pagsangguni sa mga search engine. Ang makakapal na librong dapat dalhin ay naging ebook. Overnight, ang karaniwang mga mamamayan ay naging manunulat/mamamahayag. Pero kailangan pa rin ng mundo ng mga propesyunal na manunulat at mga sulating mga propesyunal na manunulat lang ang makasusulat.
Mga Modelong Manunulat
Kung ang pagiging manunulat ay isang propesyon, rekisitos nito ang kumprehensibo at organisadong pagbabasa. Pansinin ang sumusunod na sampung manunulat. 1) Dr. Jose Rizal; 2) Gao Xinjian; 3) James Michener; 4) Homer; 5) William Shakespeare; 6) Frederick Douglas; 7) Mark Twain; 8) Rabindranath Tagore; 9) Gabriel Garcia Marquez; 10) Edgar Allan Poe.
Sa nasabing talaan, ginawa kong kunsiderasyon na may representasyon ang lahat ng kalahian i.e. kulay ng tao. Kalahati ng talaan ay kabilang sa lahing Puti hindi sa salik ng kabuuang kahalagahan ng kulturang Puti sa sangkatauhan bagkus ay sa punto ng pagiging panitikang popular na di relihiyoso, pang-agham, o pampulitika. Dahil pangrelihiyon ay naetsa-puwera ang mga obra-maestrang gaya ng Divina Comedia ni Dante at Summa Theologica ni Tomas Aquinas. Dahil pang-agham ay di isinama ang Principia ni Isaac Newton o Pinagmulan ng mga Specie ni Charles Darwin. Ganundin ang mga pulitikal na sulatin nina Rousseau, o Mao Zedong, o Karl Marx. Di ko rin isinama ang mga pilosopiya nina Nietzsche o Kierkegaard. Bagaman hindi ibig sabihin na di mahalaga sa pag-unlad bilang manunulat ang mga akda ng mga di napasali. Nasa panlasa at preperensiya na ito.
Marami ang kategorya sa pagsusulat, na may dalawang malawak na kahatian: malikhaing di makatotohanan at malikhaing makatotohanan (“creative fiction”/creative non-fiction”). Sa milyu ng US, parehong ‘bullish’ ang merkado sa dalawang ito. Sa Pilipinas sa kasalukuyan, angat nang konti ang creative non-fiction lalo kung gamit ang wikang Ingles. Isa o dalawang dekada ang nakararaan ay dambuhalang industriya ang creative fiction at ito’y dahil sa kasikatan ng komiks. Ang paliwanag lang naman marahil sa diperensiyang umiiral sa pagitan ng merkado sa babasahin ng dalawang bansa sa kasalukuyang panahon ay ang antas ng hilig sa pagbabasa ng populasyon ng bawat isa. Kung bibilangin bilang mga mambabasa ang mga Filipinong tagasubaybay ng komiks noon ay umaagapay ang Pilipinas sa bilang ng mga mambabasa sa US at alinmang bansa sa mundo.
Dalawang Klase ng Sulatin
Creative fiction o creative non-fiction, mapupunta tayo sa usapin ng popularidad ng pagbabasa at pagbabasa bilang popular na libangan. Noong panahong medival, basta relihiyosong akda ay popular at libangang basahin ng bayan ano man ang kalidad ng pagkakasulat nito. Sa isang banda’y dapat isaalang-alang na hanggang kalagitnaan ng ika-19 na siglo, bago isinilang ang Kilusang Propaganda, ay panahong medival pa sa Pilipinas bunsod ng pulitikal na kontrol ng mga frayle. Kaya kahit ang Florante at Laura ay maituturing na akdang medival. Bilang intelektuwal ng kanyang panahon si Balagtas ay may edukasyong Kanluranin at gaya ng mga sinaunang manunulat sa Yuropa ay nagbahid ng klasismo at paglao’y romantisismo sa kanyang mga akda na di kataka-takang naging kaaliw-aliw basahin sa kabila ng relihiyosong tono. Pupunta tayo sa susunod na talata.
Alamin ang mga alamat at kuwentong-bayan sa lupalop ng Asya, Africa, Yuropa, Amerika. Dapat ay pamilyar sa iyo ang mga mitolohiyang Griyego-Romano. Kahit hiniram lang ito at Kanluranin ay ‘long-term investment’ ang kaalaman dito bilang awtor. Kailangang kilala mo sina Orpheus at Eurydice, sina Pygmalion at Galatea, sina Baucis at Philemon, sina Gaea at Uranus, ang Hesperides, sina Iapetus, Epimetheus, Prometheus, at napakarami pa.
Ang pagbabasa ay nagdudulot ng ‘chain reaction’. Ang pagbabasa sa mga akda ng isang awtor ay humahantong sa engkuwentro sa ibang awtor na may kaugnayan dito. Laging may ‘conjunction’, kung mapapansin, ang mga sulating Rizal-Bonifacio, Villa-Bulosan, o Abadilla-Batute. Sa patuloy na pagbabasa ay mababatid ninyo na may ganito ring pagkakawing-kawing ang mga banyagang awtor at mga obra nila. Mula sa mga awtor ay hahantong sa paglawak ng interes sa mga aralin at paksa na magbubunsod nang higit pang mga pagbabasa.
Noli, Fili, at Iba Pa
Magmuling-basa sa Noli at Fili. Una kong nabasa ang Noli at Fili noong hayskul sa salin sa Tagalog. Ngayo’y binabasa ko uli sa salin sa Ingles. Basahin ding muli ang maraming sanaysay/artikulo na naisulat ni Gat Rizal pagkat tiyak na kakailanganin mong banggitin ito sa mga isusulat sa hinaharap. Ganoon din ang mga akda nina Gat Bonifacio, Emilio Jacinto, Marcelo del Pilar, Apolinario Mabini, atbpa.
Wala akong napiling makata. Bagaman panulaan ang genre nina Homer at Shakespeare na parehong tinawag na “bard” ng kanilang panahon – idagdag pang nagsaydlayn din sa panulaan sina Poe, Rizal, at Tagore – pare-parehong naaalala sila ngayon sa kanilang mga salaysayin sa halip na sa kanilang berso. Espesyal na uri ang tula bilang creative fiction at non-fiction. Kailangang isaalang-alang ang reyalidad na bilang istrukturang pampanitikan ay wala itong puwang sa hanay ng mga produkto/babasahing komersiyal o popular/binibili sa ngayon.
Pasadahan ang The Sorrows of Young Werther ni Goethe, mga tula ni Pushkin, mga akda ni Jean Paul Sartre, Marquis de Sade, Pablo Neruda, Isaac Bashevis Singer, Cervantez, Anton Chekov, Franz Kafka, Roald Dahl, Federico Licsi Espino, Valeriano Hernandez Pena, o Norman Mailer. O kaya’y sumunod sa uso. Bio ni Pete Townsend. The Casual Vacancy. Killing Kennedy. Killing Lincoln.
Software sa Sentido
Maaaring magdagdag ng mga pangalan na basihan lang ang reputasyon. Pero hindi sosyalan ang mahalaga rito, sa pakiwari ko, kundi ang maiaambag sa lawak ng kaalaman at kamalayan sa pagsusulat. Sundin ang personal na interes dahil diyan maiiba ang bibliography sa subconscious mo bilang manunulat. Higit pa riyan, ang mga pananaw na mahuhubog ay magiging mahalagang bahagi ng pagkakakilanlan sa iyo bilang tao.
Ang mga nabanggit ay mga awtor na ang mga akda ay pamilyar ako. Nag-enjoy ako sa mga nabasa kong isinulat nila. Isang bagay na di ako nakatitiyak na ganoon din ang iba. Ang enjoyable kay Pedro ay maaaring boring kay Pedro III. Saka marami pang ibang awtor na matitisod.
Bilang paglalagom, wala naman talagang relebansiya ang paghilera ko ng mga manunulat sa itaas o ang mismong sulating ito tungo sa pagiging mahusay o mabisang manunulat. Ang punto lang ay ang halaga ng pagbabasa o ‘ika nga’y ang paglalagay ng bagong sopwer (software) sa utak para tumaas-taas ang kapasidad nito.




Archives