ShareThis

  ESTADO

Amerikang Walang Kuryente



by Fermin Salvador.
November 16, 2012

May nagsasabing ang ‘power outage’ o ‘brown-out’ ay karanasang pang-3rd world country lamang. Sariwa pa sa alaala ng mga Pinoy ang mala-bangungot na pagkawala ng kuryente nang halos araw-araw at tumatagal nang maghapon at/o magdamag noong pagbungad ng dekada nubenta. Papatapos ang termino ni Pres. Cory at ang paboritong tudyo ng yumaong sikat na peryodistang si Joe Guevarra: “I-NAPOCOR, e!” (“Use NAPOCOR” na ang kasingtunog ay “Enough of Cory”). Ang NAPOCOR ay daglat sa National Power Corporation na pangunahing tagapagsuplay ng elektrisidad sa Luzon kabilang ang Kamaynilaan.
Sa mga sityo, barangay, at baryo sa mga lalawigan ay maaaring hindi kaso ang pagkawala ng kuryente. Hanggang ngayon ay may mga lugar pa sa Pilipinas na bahagi lang ng 24-oras kada araw na may umiiral na elektrisidad. Ibig sabihin, ang istilo ng pamumuhay ay hindi buong nakadepende sa kuryente. Sa ganap na urban na lunan gaya ng Maynila at Kamaynilaan ay kakambal na ng laypstayl ang iba’t ibang aplayans na de-kuryente. Ang kaangatan ng buhay ng isang tao o pamilya ay may proporsiyon sa dependensiya sa kuryente. May air-con, kompiyuter, washing at drying machine. Samantala, ang mahihirap ay may ilaw lang at maliit na tv. Kaya naman pag nag-brown out ay di rin sila magkapantay sa pagdurusa.
Black-Out at Halalang Pampanguluhan
Nagbigay-inspirasyon ang parang walang katapusang brown-out noon sa Pilipinas sa paglikha ng maraming popular na kanta, palabas sa tv, at istoryang-komiks na laganap pang babasahin nang mga panahong iyon. Naging malaking isyu rin sa debate ng mga kandidato sa halalang pampanguluhan noong 1992 ang gagawing solusyon dito sakaling magwagi. Si Fidel V. Ramos alyas “Tabako” ang nakapagbigay marahil ng pinakamalinaw na plano sa taumbayan. Hindi naman kataka-taka pagkat bukod sa isang militar na gradweyt ng West Point ay inhinyero rin si Ramos na nagtapos ng kursong ito sa US, mismong sa University of Illinois.
Nalutas ni Pres. Ramos ang problema sa suplay ng kuryente sa loob lang nang isang taon matapos siyang manungkulan bilang pangulo ng Pilipinas. Natigil ang madalas na brown-out. Bagaman naging kuwestiyunable rin ang pamamaraan ni Ramos kabilang na ang ‘impact’ sa kapaligiran ng pagtatayo ng maraming ‘coal-powered plant’. May mga isyu rin sa sistemang nilikha ng paghikayat ng mga mamumuhunan o imbestor (investor) na tinawag na mga independent power producer (IPP).
Bukod sa epekto sa personal na buhay ng mga mamamayan, may ‘impact’ ang pagkawala ng kuryente sa mga negosyo. Sa ibang negosyo ay maaaring positibo. Sa Pilipinas, kapag brown-out ay nagpapalipas ng oras ang mga tao sa mga pamilihang mol na kadalasang may air-con dahil sa sariling generator. Sa mol sila kumakain at napapagastos nang di oras. Sa mga pabrika at pagawaan ay negatibo ang epekto kung dahil dito’y naparalisa ang operasyon. Itinuring ni Pres. Ramos na hakbang-istratehiko ang mabilisang pagsolusyon sa kakapusan ng kuryente sa buong bansa.
Kuryente sa Ating Buhay
Sa US na isang napakaindustriyalisadong estado ay walang sulok na eksemted (exempted) sa ‘impact’ ng kuryente. Kahit gaano kaliblib ang isang bayan (o ‘village’) ay may elektrisidad dito. Kaya naninirahan man sa higanteng siyudad gaya ng Chicago ay walang ipinagkaiba ang pamumuhay sa isang ang bahay ay nasa gilid ng kahuyan (o ‘forest preserve’). Pareho lang silang may air-con at heater, washing at drying machine, wi-fi, coffee-maker, microwave oven, automatic garage door; bukod sa telebisyon, reprihadora, radyo, at ibang pangkaraniwang kasangkapan na lang kung ituring ngayon.
Mas naging kumplikado rin ang ibang aspeto ng pamumuhay ng mga tao sa US bunga na rin ng pagiging adbans ng laypstayl dito. Isa na rito ang masyadong pagdepende sa mga ‘sensor’ para awtomatiko ang mga kagamitan. Awtomatikong nagbubukas ang pinto sa garahe dahil sa sensor pero ito’y nakadepende sa kuryente. Awtomatikong nagbubukas ang ilaw sa bakuran tuwing gabi kapag nasensor na may dumaang tao. Kahit ang telepono ay de-kuryente. Kailangang i-recharge ang selpon. Pangunahing gamit sa kumunikasyon ang internet/computer.
Kultura na sa US ang pag-iimbak ng mga pagkain bilang paghahanda sa emerhensiya. Kaya lang ay karaniwang nakatinggal ang mga ito sa reprihadora o freezer kaya pag nawalan ng kuryente nang matagal na panahon ay siguradong masisira. Pansamantalang solusyon dito ang paglalagay ng mga yelo sa reprihadora.
Ang mga bahay ay may ‘sump pump’ na proteksiyon laban sa baha. May besment (basement) ang bawat bahay at ang humihigop sa tubig na posibleng pumasok dito ay ang sump pump na de-kuryente rin.
Nang Magdilim ang Ilinoy
Hulyo 11, 2011 o 7/11/11, Lunes nang umaga, nang biglang nagdilim ang kalangitan at humaginit ang malakas na hangin. May iglap na sirena ng babala para sa tornado. Kasunod nito ang pagdatal ng masinsing ulan at matatalim na kidlat. Bago ito, maliwanag at mainit ang sikat ng araw. “May eklipse ba?” Biro ko sa isang kasama nang tila may kulay-abong kumot na unti-unting lumalatag sa kalangitan. Lahat ay inatasang magtungo sa ligtas na bahagi ng gusali. Nag-brown out. O black out sapagkat malaking bahagi ng Ilinoy partikular sa mga county ng Cook, Lake, at McHenry hanggang sa Kenosha sa Wisconsin ang apektado nito.
Saglit pa ay humupa ang alimpuyo. Tumagal din iyon nang halos isang oras. Nagbalik ang matinding sikat ng araw na naging tila ngising-aso. Muling namayani ang larawan ng tanghaling-tapat sa tag-araw. Nagkalat saanman ang mga lagas na dahon at baling sanga ng mga puno na iba’y singlaki ng katawan ng tao. May mga ga-bahay na puno na nabuwal. Parang mga baging ang mga kawad ng kuryente. Hindi magbabalik ang kuryente sa lugar namin sa susunod na tatlong araw at dalawang gabi; at mapalad na kami pagkat ang iba’y aabutin daw nang isang linggo o maaaring humigit pa.
Walang bukas na tindahan o tanggapan maliban sa mga may sariling generator. Kahit ang mga sangay ng McDonald’s, na 24/7 na kumedor ng marami, ay nagsara nang ilang araw. Ang mga ospital ay umasa sa generator at kailangang isakripisyo ang ilang kumbinyensiya gaya ng air-con. Sa Chicago, nakansela rin ang isang araw na iskedyul ng mga lipad sa O’Hare.
Tinatayang humigit-kumulang sa isang milyong bahay ang naapektuhan ng isang oras na pinagsamang tornado at unos-kidlat (thunderstorm). Nag-ulat ang ComEd, isa sa malalaking utility company sa US, na umabot sa 50 milya ang haba ng mga kawad na kailangang palitan habang 300 ang posteng napinsala. Walang patid sa pagkilos ang 850 crew nila sa pagkumpuni upang ganap na maibalik ang elektrisidad sa mga naapektuhang lugar sa loob lang ng isang linggo.
Panibagong pangtalaan ang naganap na iyon; hindi ang mabilis na hagupit ng kalikasan kundi ang idinulot nitong ilang araw na power outage. Kailan ba huling naranasan sa Ilinoy ang maghapon-magdamag na tuloy-tuloy na brown out? Isang paraan lang siguro ito para muling isayad sa lupa ang paa ng mga nasa US. Na ang brown out ay reyalidad sa mahirap man o mayamang bansa. Pagpapaalala rin na suriin ang kakayahan ng mahahalagang pasilidad, gaya ng sistema ng suplay ng kuryente, na humarap sa mga pagsubok ng panahon.
Sandy
Naging relebante ang karanasang ito mahigit isang taon ang lumipas kaugnay ng pananalasa ng superbagyong si Sandy sa Silanganing tabing-dagat (Eastern seaboard) ng US mainland partikular sa bahaging Nuyork at New Jersey. Nagdulot ito ng malawakang pagkawala ng suplay ng kuryente sa mahigit limang milyong kabahayan.




Archives