by Fermin Salvador.
October 16, 2012
Ang bawat bansa ay may tinatawag na “hard power” at “soft power”. Sa hard power, tinutukoy ang kakayahan ng isang bayan, nasyon, o estado na manaig ang kagustuhan at/o lumikha ng bulabog sa pandaigdigang sitwasyon sa pamamagitan ng taglay nitong lakas-militar. Sa soft power, tinutukoy ang impluwensiya ng isang estado sa ibang estado dahil sa kultura nito, reputasyon, at/o kalidad ng mga produkto/serbisyo. Ang US ay nangunguna sa mundo sa taglay na hard power dahil sa superyor na lakas-militar habang sa kabilang banda’y nangunguna rin sa soft power dahil sa pagtangkilik ng buong mundo sa mga pelikulang Hollywood, musikang popular, isports, agham, sining, literatura, at mga produktong McDonald’s, Coke, Pepsi, Nike, Ford, Levi’s, Ipad, Iphone, at kung anu-ano pa.
May mga bansang angat ang hard power gaya ng Hilagang Koreya o Iran, subalit kulelat sa soft power. Samantala, may mga gaya ng Singapore na ga-lamok ang lakas-militar subalit nasa unahan sa pagiging kumpetitibo ng ekonomiya nito.
Brutal vs. Karinyo Power
Malaki ang kaibahan ng hard power at soft power pero, kung mamimilosopo tayo, parehong ‘power’ ang kasama nito. At ang power ay power. Ang isa ay brutal na power, ang isa ay ‘karinyo’ power.
Kapag nasa Pilipinas ka lang, halos hindi mo mararamdaman ang implikasyon sa nasyonalidad o kalahian mo bilang Pinoy ang pagkilala, sa taas o baba nito, sa iyo ng ibang mga lahi. Kapag nasa sariling lupain ka, palagi kang astig o siga sa iyong teritoryo. Ikaw ang mataas, ikaw ang superyor, puwede kang mag-discriminate sa ibang lahi na dumayo sa bayan mo, E, ano ba kung maraming slum area, nagkalat ang mga basura, naglipana ang mga palaboy at kapos ang mga pasilidad pangkalusugan at pang-edukasyon? Walang banyaga na harapang magsasabi sa iyong ang pangit ng bayan mo. Kung sinabi niya ito habang nasa bayan niya, pagbabantaan mong huwag na huwag tutungtong ng Pilipinas at ipakakain mo sa kanya ang sinabi niya.
Pero mga Filipino ang pumupunta, at kailangang pumunta, sa ibang bayan. Kahit may PhD. ay alam ang mga rason sa likod nito. Hindi mangilan-ngilan at kadalasang mga maykayang Filipino gaya noon nina Rizal at Del Pilar ang nakapaglalakbay sa ibang bayan. Ngayon ay milyon-milyon at mga nabibilang sa pinakamahihirap na pamilya ang naglalagalag. Kung nakatikim ang pensiyonado at turistang katulad ni Gat Rizal ng diskriminasyon sa proseso ng lakbay ay paano pa kaya ang mga Pinoy na may layunin talagang magpaalipin sa ibang bayan?
Respeto sa Mamamayan
Respeto, ito ang ipinababaon ng tinatawag na ‘soft power’ ng isang bansa sa kanyang mga mamamayan kapag nasa mga kuko ang nasabing mamamayan ng ibang lahi. Kapag may respeto ang ibang lahi sa isang bayan ay kadalasang may respeto rin sila sa mga mamamayan nito.
Kahit isang selebridad ay nakadaragdag sa pag-angat ng soft power ng isang bayan. Kahit bigtaym na mga bansa na ang Britanya at Switzerland ay nadaragdagan pa rin ang respeto sa kanila, sa usapin halimbawa ng isports, dahil kay Beckham at Federer. Ang Pilipinas ay may Manny Pacquiao na nailagay sa Time Magazine na isa sa ‘pinakamaimpluwensiya’ na tao sa daigdig bukod sa isa sa mga atleta na may pinakamalaking kinikita.
Noong araw, kapag migrante ka at nalaman ng ibang lahi na Pinoy ka ay parang wala lang. Ngayon, nagiging interesado sila sa iyo sabay bukas ng kumbersasyon tungkol kay ‘Pacman’. Hindi ko alam kung déjà vu na lang ang interes na ito sa kapanahunan nina Pancho Villa at Gabriel ‘Flash’ Elorde noon.
Nangunguna sa Soft Power
Batay sa talaan, nagpapalit-palit lang ng puwesto subalit ang sampung estadong laging nasa pang-unang sampu sa may pinakaangat na soft power sa mundo ay ang US, Britanya, Pransiya, Hapon, Canada, Switzerland, Netherland, Sweden, Australia, at Alemanya. Kapansin-pansing wala rito ang Rusya at Tsina na parehong dambuhala sa laki ng ekonomiya at katunggali ng US sa lakas-militar. Batay sa huling taya, nasa panglabimpito ang Tsina.
Pangalawa ang Alemanya sa US sa dami ng kilalang marka (brand) ng produkto mula sa mga kotseng BMW at Volkswagen hanggang sa mga gamot at makinarya. Marami ring kilalang produkto ang Pransiya, Britanya, at Canada. Ang mga produktong Hapon at kalidad ng mga ito’y hindi na ipagtatanong pa.
May mga estadong sa unang tingin ay oskuro o hindi kilala ngunit may mga bigatin palang produkto. Ang Sweden, halimbawa, ay may Ikea, H & M, Saab, atbpa. Ang Netherland ay may Philips appliances, Royal Dutch Shell, Zeeman chain of store, etc. Ang mga nasa tugatog ng soft power sa mundo ay pawang nangunguna ring pangturistang destinasyon.
‘World Class’ na Katangian
Nasa panggitna ang Pilipinas sa kabuuang talaan ng mga bansa. Ano ang mga ‘world class’ na produktong Pinoy? Serbesang San Miguel, fasfud na Jollibee, mol na SM. Marami pa sa dati na nating alam. Nagluluwas ang Pilipinas sa ibang bansa ng maliliit na armas (short firearm) at ibang gamit sa gera. Suplayer ng microchips. Destinasyon ng mga nag-outsource na korporasyong multinasyunal kabilang na ang call center. Sa larangan ng serbisyo, tukod ng pambansang ekonomiya ang mga OFW sa iba’t ibang kapasidad at kasanayan. Wala halos ospital saanmang panig ng mundo na walang nars na Pinoy.
Kahanga-hanga rin ang mga tourist spot sa Pilipinas ngunit karamiha’y ‘underdeveloped’ kung hindi ‘mismanaged’. May reserbasyon ang mga turistang banyaga sa aspeto ng seguridad. Positibong puntos na marami ang nakauunawa ng Ingles, na nadaragdagan pa ng maraming banyagang wika resulta ng deployment ng mga OFW sa iba’t ibang bayan na ang mga OFW ay natututo ng ibang wika at dala ang bagong kaalaman pagbalik-bayan.
Malinaw ang mga factors na maaaring magdagdag sa soft power ng isang bansa. Una, ang tindig ng ekonomiya at sitwasyong pang-ekonomiya nito. Kumpetitibo ba? Masigla ba ang mga merkado’t korporasyon dito? Kumusta ang ispiritung entrepreneurial at ang free enterprise? Mataas ba ang antas ng kasanayan at disiplina ng yamang-bisig (manpower) nito? Kung oo ang sagot sa mga tanong na ito’y hindi malayong maglunsad at nakapaglulunsad ang bansang ito ng mahuhusay at de-kalidad na produkto na mangingibabaw sa pakikipagtagisan sa produkto ng ibang lahi.
Epekto sa Pamumuhay
Mahalaga nga ba ang pandaigdigang istatus ng isang bansa sa aspeto ng soft power? Marahil, sa huli’y pampatangos lang ng ilong at pampaputi ng balat ang pag-usad papataas sa talaan ng soft power ng mga bansa. Mapagaganda ba nito ang kundisyon sa buhay ng mga mamamayan lalo ang mga nagdarahop? Nabanggit na natin ang punto ng respeto para sa mga Pinoy na nakikipagbuno sa ibang bayan. Hindi ito lang ang punto. Labindalawang milyon ang OFW. Isandaang milyon ang nasa Pilipinas. Walumpung porsiyento nito ay nasa ibaba ng pandaigdigang istandard ng may makataong pamumuhay. Ilan ang may eksistensiyang isang kahig-isang tuka? Ilan ang nabubuhay sa kagutuman?
Sa huli, hindi matatakasan ang katotohanan na anuman ang kalagayan mo sa buhay ay kinikilala ka ayon sa iyong kalahian. Lalong sarkasmo ang kapalit kapag sinabi mo, o idinispley, na maalwan ang buhay mo habang napaliligiran ka ng mga dukha at nasa bayan ka ng mga dukha. O nagniningning ka sa kagalingan sa lipunang naghihintay na matagpas ang mga nabubulok.