ShareThis

  ESTADO

C2



by Fermin Salvador.
October 1, 2012
Kung may dapat maging salita ng taon sa Pilipinas na popularidad lang ang basihan, isa na sa mamumurong kandidato ang “C2” na brand name ng isang de-boteng inumin. Nagulat ako sa kasikatan ng C2. Mula sa Maynila hanggang sa mga lalawigan ay makikitang tinutungga ito. Magmula sa loob ng mga syapingmol hanggang sa mga pamilihang-bayan. Nasa loob man ng bahay o nasa kalsada. Makikita ang iba’t ibang uri ng tao na may hawak nito. Waring ito na ang bagong pinili (preferred) o paboritong inumin ng sambayanan ngayon.
Popular at Subsistens
Nagkaroon ng ekspresyon na “Magpa-C2 ka naman!” kapag may magandang bagay na naganap sa isang kaanak o kaibigan. Gaya rin na nauso ang ekspresyon na “Magpakanton ka naman!” o magpakain ng pansit canton, kadalasang tumutukoy sa produktong instant pansit canton, bilang blow-out. Gaya ng C2, ang instant pansit canton ay nagkaidentidad na subsistens (subsistence) ng masang Pinoy sa nakalipas na may isa o dalawang dekada.
Hindi sa ibig kong i-promote ang inuming kalakal na C2. Hindi ako binayaran o pina-C2 ng kumpanyang Robina ng pamilyang Gokongwei para banggitin ang nasabing produkto. Ito’y tungkol sa isang sosyolohikal na penomenon na di maaaring di matalakay sa pagsusuri sa mga pagbabago sa ating pamumuhay.
Masaya ring pagbalikan ang mga naging tanyag na inuming-bayan. Isa sa mga ipinakilala ng mga Amerikano sa mga Filipino ang pag-inom ng Coke, Pepsi, at mga katulad na tinatawag na “sopdrink” (softdrink) na waring paghihiwalay sa mga “hard drink” na inuming nakalalasing. Sa US, mas kilala ang mga ito sa tawag na “soda” o “soda pop”.
Kalagitnaan na marahil ng ika-20 siglo nang makarating sa Pilipinas ang mga sopdrink. Mapatutunayan ang pagkamalikhain ng mga Pinoy nang lumikha ng sariling mga sopdrink. Isa na rito ang may pangalang “Sarsi” na noo’y nakaugaliang lagyan ng hilaw na pula ng itlog (egg yolk) saka hinahalo. Pampalakas daw. Pati mga bata umiinom o pinaiinom nito. Ito’y bago naipalaganap ang kabatiran na may taglay na baktiryang salmonela ang hilaw na itlog.
Alternatibang Inumin
Sa panahon ng pananakop ng mga Kastila, ang nakasanayang inumin ay kape at tsokolate. Ang kape ay napaugnay sa mahihirap. Isinasalang ang mga giniling na butil ng kape sa takuring may tubig. Pinatitining ang tubig bago ibuhos sa mga tasa ang kumukulong kape. Naiiwan sa ilalim ang mga sapal. Maaaring muling lagyan ng tubig ang takuri at minsan pang pakuluan ang mga sapal bagaman mas maputla na ang magiging inuming kape. Ang inuming tsokolate ay nabanggit ni Gat Jose Rizal sa nobela niyang Noli Me Tangere. May kodigo ang isang amo sa alila, sa paglalahad ni Gat Rizal, sa ihahain nitong inuming tsokolate sa panauhin depende sa importansiya nito. May tsokolate “A” at tsokolate “E”. Kapag importante ang bisita ang ihahain ng alila ay malapot na tsokolate at pag hindi ay malabnaw. Ngayon ay pawang ‘instant’ na kape at tsokolate na ang iniinom ng masa habang ang mga ‘brewed’ ay naging pangmayaman.
Kasabay ng patuloy na umiigting na pagkundena sa mga sopdrink dahil sa pagtataglay nito ng walang silbi at malamang pa’y peligrosong kaloriya ang pagkauso ng iba’t ibang alternatibang pang-araw-araw na inumin.
Umangat ang antas ng gulaman-sago bilang inumin. Dating limitado lang sa mga bangketa, na-penetrate nito ang mga syapingmol at de-klaseng mga restawran. Naging kakambal ang gulaman-sago ng mga isnak na kakanin at/o siyomay (siomai a.k.a. dimsum a.k.a. dumpling) na ang maliliit na puwesto ay naglipana na ngayon saanman kuyog ang mga tao.
Pinalaganap din ang sabaw ng buko bilang handa (ready) na inumin. Hindi pa nawawala ang mga may tulak na kariton ng buko sa mga lansangan sa buong Kamaynilaan. May malaking lalagyan sila ng sabaw ng buko na handa nang inumin at nilagyan ng hibla-hiblang laman at may yelo. Sa mga nais uminom, inilalagay ito sa baso/supot na plastik. Pag nakakakita ako ng magkakariton ng buko, kadalasang bumibili ako ng isang buong buko na pinabubutasan ko lang sa dulo saka ko tinutungga.
‘Social Status’ Ayon sa Tubig
Mawawala ba ang mineral water? Una kong naengkuwentro ang konsepto ng nakaboteng inuming tubig nang mabasa ang salaysay ng isang turista sa Italya. Hindi raw iniinom ng mga tao ang tubig na galing sa gripo. Bumibili raw sila ng ‘aqua minerale’. Kamangha-mangha sa akin ang ideya na kailangang de-bote ang payak na inuming tubig. Sopdrink, oo. Espesyal na noon para sa akin ang sopdrink at iniinom pag may okasyon lang. Pero ang tubig na iniinom araw-araw? Hanggang sa unti-unti ay nasaksihan ko ang paglaganap na rin ng nakaboteng tubig sa Pilipinas. Payak na tubig lang ay bibilhin pa. Naging regular na bahagi na ito ng mga supermerkado. Nagkompetisyon ang mga bigating korporasyon sa pag-diversify sa sari-sariling tatak ng de-boteng tubig. Pero ang pag-inom ng de-boteng tubig ay di pa rin reyalidad sa malaking porsiyento ng mga Filipino na di kasali at malayong maisali sa badyet nila ang de-boteng tubig. Sa ayaw at sa gusto’y iinumin nila ang tubig na umaagos, kung meron, sa mga gripo. Nagkaroon ba ng pagkakahati batay sa uri ng iniinom na tubig sa lipunang Filipino? Sa isang banda’y kinukuwestiyon na rin ang katumpakan ng pagtangkilik sa mga isinasabotelya/isinasaplastik na tubig. May impact sa kapaligiran ang milyon-milyon o bilyon-bilyong basyong plastik na non-biodegradable. Na maaaring iwasan kung ligtas namang inumin ang mula sa gripo. Sa usapin ng nililikhang basurang hindi nabubulok, na mas kumplikado ang disposal kumpara sa mga basurang nabubulok, damay na rin ang inumang kinalululungan ng mga Pinoy ngayon – ang C2 na nasa plastik na sisidlan din.
Sa etiketa nito, ang C2 ay luntiang tsaa at mula sa mga piling dahong tsaa na pinroseso para maging malasa at ligtas na inumin na ngayo’y mabibili sa mga supermerkado at sari-sari store. Hindi na bago ang rahuyo ng tsaa sa mga Pinoy dahil sa pagsusulong ng diumano’y mga positibong bagay na dulot nito sa katawan. Sumikat ang tsaang ‘pito-pito’ noon para sa mga ‘health conscious’. Gamit ang kapasidad sa malawakang produksiyon at promosyon ay nagawang tumapat ng C2 sa mga higanteng produktong sopdrink. Na nadaig ng C2, isang lokal (at orihinal) na produkto, ang mga sopdrink ng mga kumpanyang multi-national ay nagsisilbing duplikasyon ng paghahari ng Jollibee sa negosyong fasfud, SM sa syapingmol, San Miguel sa serbesa, atbpa.
Pigurang Umiinom
Matindi ang init sa Pilipinas sa mga buwan ng tag-araw. May narinig akong biro na pati ang mga rebulto raw ay nais magpalamig. Kung may istatwa na “Ang Mapag-isip” (“The Thinker”), mainam sigurong isaimortal ang maalamat na init sa Pilipinas sa pamamagitan ng rebulto ng isang aleng nagpapaypay. Maaari ring isang pigura na tumutungga. Kung C2 ang tinutungga? Ipaubaya na natin ito sa mga Gokongwei.




Archives