by Fermin Salvador.
September 16, 2012
Isang heneral na Tsino ang nagpahayag, at naisapubliko ang pahayag niya, na di pa raw inaabandona ng Tsina ang (pagbaling sa) gera bilang palisi sa pakikipagtuos sa ibang bansa. Maangas. Mayabang. Isang payak na lider-militar na nangangahas magsalita para sa pamunuan ng gobyernong Tsina. Pero bobo. Isang bobong pahayag iyon at di angkop sa isang namamaraling de-ranggong sundalo.
Idinadaan sa Laki (Bullying)
Tahasang kawalan ng kaalaman sa ‘international relations’ ang simpleng pagtaya niya sa sitwasyon sa salik lang ng sandatahang-lakas ng nagkakainitang dalawang panig. Gaya halimbawa sa pagtingin ng mga Tsino sa kakayahang makidigma sa kanila ng Pilipinas, at vice versa. May mas angkop pang tawag dito: idinadaan sa laki o ‘bullying’ na irasyunal, imoral at brutal na gawain na karaniwan kung di sa mga bata at isip-bata ay sa mga hayop.
Ayon sa isang teksbuk sa ugnayang pandaigdigan, walang estado sa mundo na ang pinaiiral na istratehiya ay batay sa pilosopiya ng pacifismo na walang “violent forms of leverage in bargaining” (Goldstein, 2005). Nasa saligang-batas ng Pilipinas na di instrumento ng pambansang palisi ang paggamit ng digmaan. Subalit kung kinakailangan ay babaling sa digmaan ang Pilipinas upang maipagtanggol ang sarili. Sa ibang sabi, may probisyon man sa konstitusyon na di itinuturing ang gera bilang instrumento ng pambansang palisi ay di nangangahulugang inaabandona ang pakikidigma kung kinakailangan halimbawa’y para ipaglaban nito ang soberanya o pangteritoryong integridad. Hindi nagbabago ang tindig na ito kahit pa higit na mahina o maliit ang Pilipinas sa makakatunggali nito.
Gera para sa pagtatanggol ng sarili o “defensive war”. Walang estado sa daigdig na nag-aabandona nito. Kahit ang Vatican na pinakamaliit na estado sa mundo at pinamamahalaan ng mga pari, obispo, at kardinal ay may sariling sandatahang-lakas na binubuo ng mga sundalong Suwiso upang ipantanggol ang kanilang teritoryo kung kinakailangan. Di na kailangang itanong pa kung bakit. Kung hayag na palisi ng isang estado ang di paggamit ng dahas, at katunaya’y walang minementenang puwersang-militar, parang inaanyayahan nito ang ibang bansa lalo ang mga karatig na lusubin ito at sakupin. Kahit ang Kuwait na may ‘toothpick army’ kumpara sa hukbo ni Saddam Hussein ay di basta umatras bagkus ay lumaban. Kahit ang mga bansang niyutral gaya ng Switzerland o Sweden ay may malaking hukbo at modernong arsenal para ipagtanggol ang sarili kung lalabagin ang niyutralidad nila.
Sinaunang Kultura at si Sun Tzu
Sa usapin sa pagitan ng Pilipinas at Tsina, kung di kasinghangal ng nasabing heneral na Tsino ang pamunuan sa ugnayang-panlabas ng PROC ay malinaw sa kanila ang tindig ng Pilipinas. Hindi Pilipinas ang unang sasalakay sa kanila. Huwag silang mangamba na uunahan sila ng mga Pinoy sa pagpapatama ng mga intercontinental ballistic missile (ICBM) sa mga medyor na siyudad nila gaya ng Beijing, Shanghai, Guangzhou, atbpa. Hindi mga Pinoy ang unang magpapadala ng mga F-16 o MIG fighter jets sa kanilang mga teritoryo para bombahin ang mahahalagang istruktura at instalasyon. Hindi lulusob ang mga buke-de-gera at destroyer na may nakawagayway na araw at tatlong bituin sa kanilang mga dalampasigan at kasunod nito’y ang paglapag ng daan-daanlibong sundalong Pinoy na bumubuo ng Philippine expeditionary force na kukubkob sa kanilang lupain. Hindi dapat mag-panic o mabahala ang mga Tsino. Maaari silang makatulog nang mahimbing. Hindi iyon gagawin ng mga Pinoy.
Kung pagbabalikan ang antigong kultura ng mga Tsino, matutuklasang kabaligtaran ito sa ipinakikita nito ngayong pagiging agresibo. Walang puwang ang wala sa katwirang pahayag ng isang opisyal ng sandatahan nito na naghahambog ng pagbaling sa gera sa harap ng isyung sangkot ang kapwa-bansa. May malaking pagpapahalaga ang mga Tsino noong araw sa pagpapairal ng kapayapaan sa Tsina at sa lahat ng bayan sa mundo na higit nilang itinuturing na susi sa kasaganaan at pag-unlad kesa sa paggamit ng karahasan. Sa kaurian noon ng mga mamamayan, ang mga sundalo ang nabibilang sa pinakamababa.
Isang Tsino, si Sun Tzu, ang nagsulat sa pinakaunang teksbuk o treatise tungkol sa pakikidigma na pinamagatan niyang “Ang Sining ng Digmaan”. Ang mga prinsipyong nilalaman ng aklat na ito ang naging gabay at patnubay ng mga militarista at mandirigmang Asyano sa mga panahong nasa Dark Age ang Yuropa/Kanluran habang ang mga bansa sa Asya sa pangunguna ng Tsina ay nangunguna sa mundo sa agham, sining, at puwersang sandatahan. Hanggang sa makabangon ang Yuropa nang maganap ang Renaysans at mga rebolusyong pang-agham at pang-industriya. Isang Kanluraning iskolar sa agham-militar, si Clausewitz, ang sumulat ng “Sa Digmaan” (“On War”) na ibang pilosopiya ang ipinakilala sa araling pakikidigma. Kabilang na rito ang prinsipyo ng “total war” na niyakap ng Alemanya sa pagsangkot sa una at ikalawang digmaang pandaigdig. May mga fundamental na kaibahan ang pananaw nina Clausewitz at Sun Tzu sa digmaan. Magandang pansinin na ayon sa mga eksperto ang US na isang Kanluranin ay sumasangguni ngayon sa mga pilosopiya ni Sun Tzu habang ang Tsina na nasa Asya/Silanganin ay mas nananangan sa mga ideya ni Clausewitz.
‘Democratic Peace’
Batay sa pag-aaral ng mga political scientist, sa nakalipas na dalawang siglo kung hindi wala ay bihirang-bihira na may dalawang estadong demokratiko na nagdigmaan. Bagaman ang mga makapangyarihang demokratikong estado gaya ng Britanya, Pransiya, at nitong huli’y US ay laging nasusuong sa digmaan, palaging ang nakakatunggali ay autokrasya/diktadura. Ang ‘penomenon’ na di pagdidigmaan ng dalawang estadong parehong demokratiko ay tinatawag na “democratic peace”. Maraming teyoretikal na rason sa heneralisasyon na ito. Hindi rin nakalampas sa pansin ng mga mananaliksik na ang democratic peace ay nagaganap sa kabila ng mga likas na kahinaan ng demokrasya na umiiral sa alinmang nasyon na demokratiko.
Gumawa rin tayo ng sariling pagsusuri. Bakit nga ba? Halimbawa, ipaghambing natin ang Pilipinas at Tsina. Siguro nama’y malinaw kung alin sa dalawang bansang ito ang may demokrasya o higit ang pag-iral ng demokrasya sa batayang katuturan nito. Ano ang (mga) implikasyon ng pagkakaroon ng di pantay na antas ng demokrasya sa dalawang bansang kasalukuyang nagtutunggalian, ito ang mahalagang suriin ng Pilipinas, Tsina, at ibang bansa sa daigdig.