ShareThis

  ESTADO

Ang Wikang Pilipino



by Fermin Salvador.
September 1, 2012
Buwan ng Agosto, ang itinuturing na “Buwan ng Wikang Pambansa” sa Pilipinas. May tinatawag din na “Linggo ng Wika” bago ang ika-19 ng Agosto na araw ng kapanganakan ni Pangulong Manuel L. Quezon na binansagang Ama ng Wikang Pambansa.
Deskripsiyon ng
Pambansang Wika
Ang deskripsiyon ng “wikang pambansa” ng Pilipinas ayon sa isinasaad ng kasalukuyang saligang-batas ay isa lang sa mga patunay sa husay ng mga Filipino na magpaligoy ng mga bagay. O mas angkop sisihin ang mga kabilang sa komisyong pangkonstitusyon ni Pangulong Cory. O bago pa man ito ay ang mga naatasang magsagawa ng pag-aaral, rekomendasyon, at mga hakbang kaugnay ng pagbuo ng mga konsepto sa wikang pambansa at pagpapasulong ng malawakang pag-unawa at paggamit nito. Samantala, di nawawalan ng ahensiya ang gobyerno na may tungkuling mangasiwa, magmonitor, magsuhestiyon, at magsagawa ng mga kaukulang hakbangin ayon sa nagbabagong mga usaping pangwika sa hanay ng mga Filipino bilang isang bansa sa kapuluan ng Pilipinas at saanman sa mundo.
Kung may problema sa dapat na maging opisyal na wika ng Pilipinas, ito’y ang walang katapusang tunggalian sa katutubong wikang pagbabatayan nito. Gawin batayan ang Tagalog, ayon noon kay Pangulong Quezon. Naging “Pilipino” na base sa Tagalog. Hindi ito nagtagumpay. Indirekta, hindi ito tinanggap o naging katanggap-tanggap sa mga Cebuano, Ilonggo, Ilocano, Bicolano, Waray, at iba pang rehiyon na may sariling kultura, panitikan, maging mga pambansang bayani. Naisip ang isang mas magandang ideya, gawing batayan ang lahat ng wikang umiiral o ginagamit sa kapuluan. Naging “Filipino”. Inumpisahan sa alpabeto na isinali ang mga titik na Q, J, C, X, Z, at laluna ang titik F. Sa teorya ay okey ito, kasali lahat. Hindi nagdodomina ang Tagalog.
Ebolusyon ng
Wikang “Filipino”
Ang tinatawag na wikang “Filipino” ay mag-eebolb buhat sa lahat ng wikang umiiral sa Pilipinas. Kung istriktong ibabatay natin ang mga pahayag (pasulat at pasalita) at katumpakan nito sa balarila ng wikang Tagalog habang patuloy na nag-aampon o gumagagad ng mga salitang hango sa katutubong wika at wikang dayuhan, hindi tayo humahakbang tungo sa pag-ebolb ng wikang Filipino bagkus ay pinalalawak o ini-expand lang natin ang bokabularyo ng wikang Tagalog. Para magkaroon ng tunay na ebolusyon tungo sa wikang Filipino na magiging wikang pambansa ng Pilipinas, kailangang lumabas tayo sa balarila at iba pang ‘kahon’ ng wikang Tagalog. Huwag nating tingnan ang kapaki-pakinabang (functional) na wika ng sambayanan/lahing Pinoy sa kasalukuyang panahon sa mikroskopyo/teleskopyo na may etiketang ‘wikang Tagalog’ bagkus ay bilang isang nag-eebolb na wika. Hayaang makaalpas ang wikang ito sa selda ng Tagalog. Hayaan itong magkaroon ng sariling istrukturang hiwalay sa istruktura ng wikang Tagalog. Huwag sana tayong maging mga pulis at moralista ng katumpakan ng Tagalog bagkus ay maging tagapagsulong tayo ng wikang “Filipino”.
Laluna sa hanay ng mga nakatatanda, mauunawaan natin ang emosyonal na pagkakaugnay (attachment) sa puro at dalisay na Tagalog. Sa mahabang panahon ay Tagalog ang wikang pambansa ng Pilipinas. Sapul pa ito nang itakda ni Pang. Quezon na Tagalog ang magiging basihan ng wikang pambansa bagaman pinagmulan ng makasaysayang mga debate hinggil sa diumano’y ‘imperyalismo’ ng Maynila. Na palibhasa’y Tagalog ang wika ng Maynila at mga lalawigang nakapalibot dito kaya pinakamahalaga sa lahat ng wika sa Pilipinas. Mahirap mabale-wala ang punto ng mga kontra-Tagalog. Halimbawa, halos kalahati ng populasyon ng Kabisayaan at kalahati ng Kamindanawan ay nakauunawa ng Cebuano habang ang Tagalog ay pangunahing wika lang sa mahigit sampung lalawigan sa Luzon.
Ang pulitikal din na kapasyahan na ibatay ang wikang pambansa sa lahat ng katutubong wika ay hakbang na sa simula’y masasabing malabo, di praktikal, at walang malinaw na tatahakin subalit niyutral (neutral). Sabi nga, para maging mabisa ang isang ‘team decision’ ay dapat magkaroon ng pagmamay-ari (ownership) sa naging desisyon ang lahat ng kasali sa koponan at di ito kredito sa iisang tao lang gaya ni Pang. Quezon na “ama” ng wikang pambansa na ibinatay sa Tagalog.
Ilang henerasyon ng mga Filipino sa buong kapuluan ang bumulas sa diyeta ng araling Tagalog sa loob ng silid-aralan? Pinagsaulo ng mga bahagi ng pananalita sa katawagang Tagalog? Nagbasa ng Florante at Laura na kakabit ang prestihiyong ito ang katapat ng Ilyad, Enid, Bewulf, Divine Comedy, atbpa. ng ating lahing lahi? Mahirap ilagay sa ibang perspektiba ang mga araling natutuhan sa Tagalog pero hinihinging gawin sa nagbabagong panahon.
Bakit May
Namamayaning Wika?
Sa US, ang Washington D.C. ang kabiserang lungsod at kinaroroonan ng marami sa mga hedkuwarter ng tanggapang federal. Ito ang pampulitikang kabisera. Pero ang kabisera ng pananalapi at komersiyo ay ang Nuyork na kinaroroonan ng Wall Street. Ang Los Angeles ang kabisera ng popular na kultura. Ang Las Vegas ang kabisera sa paglilibang. Ang Chicago pagdating sa mga industriya. Nakakalat sa iba’t ibang lugar ang mga impluwensiyang magkakaroon ng impact sa wika.
Sa Pilipinas, walang karibal ang Maynila na bukod sa kabisera ng bansa at may pinakamalaking populasyon ay sentro rin ng mga negosyo, pambansang masmidya, kulturang popular, burukrasya, sandatahang-lakas at pulisya, embahada ng ibang nasyon, mga pabrika, kinaroroonan ng Malakanyang, kongreso, korte suprema, hanggang bangko sentral. Kaya ba pati wika ay Maynila ang dapat magdikta? Gaano man kalawak ang poder ng Maynila at mga karatig na lugar ay bumubuo lang ito sa mahigit sampung porsiyento ng populasyon ng bansa. Hindi rito nagmumula ang bulto ng mga kalakal na iniluluwas at kabuuang yaman ng Pilipinas.
Naging Isang Bansa
Ang himagsik ng ibang rehiyon sa salik-pulitikang paghahari ng wikang Tagalog ay nasa ‘genes’ ng mga Filipino. Pre-kolonyal na era pa ay may ‘pataasahang-ihi’ na ang mga tribu sa Pilipinas. Nababatid ito noon pa man ni Dr. Jose Rizal. Siya na isang Tagalog (Laguna) ay nag-inisyatibang mag-aral ng ibang katutubong wika dahil ayaw niya na siya bilang pambansang bayani ay pag-isipang may kinikilingang katutubong wika, kultura, at higit sa lahat ay kababaihan.
Bago pa dumating ang mga Kastila ay nagrarambulan na ang iba’t ibang tribung umiiral sa Pilipinas. Nang mapunta si Magellan sa Cebu ay napag-alaman niyang may gera sa pagitan nina Humabon ng Cebu at Lapu Lapu ng Mactan. Matapos ma-convert si Humabon sa Katolisismo ay nagyabang si Magellan na ‘kakaliskisan’ niya si Lapu Lapu sa mismong ‘akwaryum’ nito sa karatig-isla. Namula ang hasang ni Lapu Lapu sa banta ng dayuhang mukhang kalaso. Ang sumunod na pangyayari ay nabaril si Dr. Jose Rizal sa Bagumbayan matapos ang halos apat na raang taon. Naging isang bansa ang Pilipinas bagaman patuloy ang ‘rambulan’ sa ‘pambansang wika’.




Archives