by Fermin Salvador.
August 16, 2012
Isa sa pinakabantog na global na ebento ang Olimpiyada sa Tag-araw na payak na tinatawag na Olimpiks na idinaraos kada apat na taon sa siyudad na nahirang sa pamamagitan ng pagboto ng mga miyembrong nasyon sa Pandaigdigang Komite sa Olimpik (International Olympic Committee) o IOC walong taon bago ang takdang pagdaraos nito. Gaya nang alam ng mahuhusay sa calculus, nag-ugat ang Olimpiks bilang kumpetisyon ng mga atleta ng iba’t ibang nasyon sa panahon ng Matandang Gresya. Nabanggit ito sa epikong Ilyad ng Griyegong makatang si Homer.
London
Ang London sa Britanya ang lungsod-tagpuan ng 2012 Olimpiks. Kabilang sa sampung nangungunang siyudad sa mundo ang London na pinapasyalan ng milyon-milyong turista. Kabilang ito sa mga lugar na umaapaw sa angking yaman sa mga gusali at tindahan nitong naglalaman ng pinakamamahaling materyal na bagay. Ito ang kabisera ng Inglatera mula pa noong panahon ni kopong-kopong. Ito rin ang sentro ng poder ng Imperyo ng Britanya na minsang naging kolonyador ng napakaraming bansa sa halos lahat ng lupalop.
Ang sinundan nitong Olimpiks noong 2008 ay sa Beijing, kabisera ng Tsina. Desperado ang Tsina na makopo ang karangalang maging ‘host’ ng 2008 Olimpiks sa maraming higit na pulitikal kesa ‘pang-isports’ na dahilan. Ang pagiging ‘venue’ ng Olimpiks ay isang istatusimbol sa mayayamang nasyon. Sa mga papaunlad/papayaman na bansa ay nagsisilbi itong muhon o guhit na naghihiwalay sa nakaraang pagdaralita at kasalukuyan/hinaharap na pag-asenso. Nagsilbing simbulo ang Olimpiks ng pagbangon ng Hapon (Tokyo) at Alemanya (Munich) mula sa pagkalupig sa WW II. Ang Olimpiks sa Seoul ay ang naging pagpapakilala sa mundo ng bagong Timog Koreya na ganap na industriyalisado. Sa Tsina, ang naging malaking isyu ay di ang antas ng kabuhayan nito kundi ang mga polisiyang kaugnay ng pagkilala sa mga karapatang pantao at sibil ng mga mamamayan. Sa naging pasya sa huli na idaos ang Olimpiks sa Beijing ay nagdiwang ang Tsina sa itinuring nitong higanteng pag-usad ng imahen sa mundo bagaman nananatili hanggang ngayon ang agam-agam ng maraming bansa sa kakayahan ng Tsina na sumunod sa mga pandaigdigang panuntunan sa mga nabanggit na isyu.
Propagandang Pandaigdig
Sa kabila ng kasikatan ng Olimpiks, hindi laging ‘patok’ na investment ito para sa isang bansa. Hindi rin laging hudyat ang pagkakapili na maging host ng Olimpiks sa tuloy-tuloy na pag-unlad. Gaya sa ibang pamumuhunan sa negosyo ay puwedeng tumubo o malugi. Ang Mexico (Mexico City) at Gresya (Athens) ay dalawa sa mga di maaliwalas ang sumunod na pangyayari matapos ang Olimpiks. Nanghiram ng ilang bilyong dolyar ang pamahalaan ng Gresya para sa mga itinayong imprastruktura na ngayo’y pawang tiwangwang at unti-unting nangasisira. Samantala’y kailangang bayaran ang mga inutang. Kahit ang Tsina ay abonado sa balance sheet pero kung kukuwentahin ang naging balik ng gastos sa nagawang propagandang pampulitika ay naging tubong-lugaw pa ang mga Tsino.
Ang mga pampalakasang kumpetisyon ay itinuturing na kabilang sa mga “transnational community”. Ang panonood/pagsubaybay sa mga laro o laban sa isang isports ay isang aktibidad na nilalahukan ng maraming lahi na taliwas sa mga aktibidad na umiiral lang sa loob ng isang bayan at kinasasangkutan ng mga taong nabibilang sa iisang lahi. Halimbawa, sa bawat laban sa boksing ni Manny Pacquiao ay nakatutok hindi lang ang mga Pinoy kundi halos ang buong mundo. May pinagsasaluhang kolektibong interes ang maraming lahi sa isports. Una’y unibersal ang aliw na nadarama sa panonood sa isang laban o laro. May mga turnament para sa mga pambansang koponan ng bawat nasyon gaya sa World Cup sa futbol o Jones Cup sa basketbol. May mga pangrehiyon na laban ng mga bansa paris ng Asian Games sa mga bansa sa buong Asya at ASEAN Games sa mga nasa timog-silangang Asya. Pinakamalaki at glamoroso sa lahat ang Olimpiks na, maliban sa iilang hindi miyembro ng IOC, nagtutunggalian ang lahat ng lahi sa mundo para sa mga medalya (ginto, pilak, at bronsa) at karangalan na maituring na pinakamahuhusay ang mga atleta.
Pagkakaisa o Pagkakaiba
Sa kabila ng intensiyon ng Olimpiks na isulong ang diwa ng pagkakaisa ng lahat ng lahi sa daigdig mas madalas na ito’y nagbibigay-diin sa nasyonalismo at kaibahan ng mga lahi. Nang idaos ang Olimpiks sa Berlin noong ang Alemanya ay nasa ilalim ng pamumuno ng mga Nazi ay naging layon ni Hitler na maging eskaparate ito ng superyoridad ng lahing-Aleman. Hindi pa nabubura ang ganitong pag-iisip hanggang sa kasalukuyan. Nais ng mga Amerikano na mamentina ang pagiging numero uno sa dami ng gintong medalya bilang hegemon ng mundo. Na tinatapatan ng Unyong Sobyet noong panahon ng Cold War. Sa ngayon, nakatuon ang Tsina sa tally box ng medalya sa alinmang palarong salihan nito gaya rin ng obsesyon nito na may Tsino na makapaglakad sa buwan.
Hindi laging sukatan ng pinakamahuhusay sa isports ang Olimpiks. Halimbawa, ang Pilipinas ay wala ni isang gintong medalya sa boksing habang mahaba ang hilera ng mga Pinoy na naging kampeyon sa propesyunal na boksing sa mundo. Ang unang naging kampeyon sa mundo na Asyano ay si Pancho Villa. Ang isa sa may pinakamatagal na pagkakampeyon sa boksing sa mundo ay si Gabriel “Flash” Elorde. Best pound-for-pound sa kasalukuyang panahon si Pacquiao. Sa kasaysayan ng Olimpiks, dalawang medalyang pilak sa boksing ang pinakamataas na nakuha ng Pinoy. Kung ito ang batayan, iisiping ‘lightweight’ ang mga Pinoy sa boksing.
Panawagan
Ang Olimpiks ay di laging tanghalan ng husay ng mga atleta bagkus mas tanghalan ito ng mga pangkulturang imperyalismo. Sa Olimpiks, lalong nangingibabaw ang dibisyon ng dalawang mundong umiiral: ang mundo ng mayayaman at asensadong bansa sa isang banda at mahihirap/atrasado sa kabilang banda. Tatlo sa bawat apat na medalya rito ay makokopo ng sampung mayayamang bansa lamang habang ang nalalabi ay paghahatian ng mahigit isang daang bansang dukha. Ang gaya ng Pilipinas ay hindi ‘talaga’ kasali sa mga kumpetisyon. Ang may isandaang milyong Filipino ay mas maaaliw sa garbo ng pagbubukas at pagsasarang palatuntunan at sa masisilayang mga banyagang selebridad kesa mismong perpormans ng sariling mga atleta.
Isa sa mga sumikat na kanta ng banda na The Clash ay may pamagat na “London Calling”. Ang The Clash, katuwang ang isa pang grupong musikal sa Britanya na Sex Pistols at The Ramones ng US, ay itinuring na pasimuno ng ‘punk’ bilang tatak at kategorya ng popular na musika/sining, pilosopiya, at gawi ng pamumuhay. May mga eksperto sa agham-panlipunan na nagteoryang ang punk ay di payak na bunga ng malikot na guniguni ng mga alagad-sining gaya ng The Clash bagkus ay may kinakatangang mga panlipunang kundisyon. Nakaranas ang Britanya ng matinding paghihirap noong dekada sitenta na nagbunsod ng malawakang kawalang-hanapbuhay, mga tagpo ng kapaligirang napabayaan, kawalang-katiyakan sa hinaharap, at kawalang-pag-asa sa buhay ng marami. Naging ‘breakthrough’ na kanta ng The Clash ang “London Calling” at album na ito rin ang pamagat. Naging awit (anthem) ito ng mga grupo/hanay/sektor at indibidwal na naghihimagsik sa kasalukuyang kalagayan ng sosyedad at nais ng drastikong pagbabago. Isang simbolikal na deklarasyon ng gera o tunggalian sa pagitan ng mga uri. Sa pagdaraos ng Olimpiks sa London, naririnig muli ang panawagan…