by Fermin Salvador.
August 1, 2012
Muli ay naganap ang tinawag na SONA ng punong ehekutibo ng Pilipinas. Ang SONA ay hango sa pariralang Ingles na “state of the nation address”. Sa isang artikulo ay nasabi kong mas angkop tawagin ito na TEN upang maging daglat ng pariralang Tagalog na “talumpati sa estado ng nasyon”. Pero tila mahirap makatkat ang kapit ng akronim na SONA at mapipiho ang ilan sa mga dahilan. Madiin ang bigkas. Mas mahaba ang salita, maging sa pangungusap at talata, ay mas gusto ng mga Pinoy. Mas pabor sa dalawang pantig kahit puwede ang isang pantig lang sa pareho ring saysay. Sa likod ng rahuyo sa salitang SONA ay nariyan ang mga disadbanteyds nito bilang salita. Nasabi kong ‘salita’ sapagkat ang akronim ay salita na ang depinisyon ay ganap nang lumaya mula sa pinag-ugatang pinagdugtong na mga salita. Halimbawa, pag sinabing “radar” ay alam ng kahit sino kung ano ito. Pero ilan ang nakaaalam na ito ay daglat ng “radio detecting and ranging”? O ang “scuba” sa scuba diving ay daglat ng “self-contained underwater breathing apparatus”? Nang maging pang-araw-araw na salita ay di na kailangang malaking titik ang pagkakasulat sa “radar” o “scuba”. Ang mga ito’y naging ganap na bagong salita.
Bagong Salita sa Bokabularyo
Sa popularidad ng daglat na SONA ay maituturing din ba itong bagong salita sa bokabularyong-Pinoy? Kung isusulat sa maliliit na titik sa konteksto bilang “sona ni P-Noy”, maiintindihan ba ang tinutukot na “sona”? O sa pariralang “pagdaraos ng sona”? Tama. Ang SONA sa maliliit na titik, naging “sona”, ay maaaring magkaroon ng ibang pakahulugan. Mangingibabaw ang saysay nito bilang salin ng salitang Ingles na “zone” na tumutukoy sa alinman sa mga sumusunod: 1) pagpalibot o pagpaikot; 2) kahatiang panglatityud sa globo; 3) tiyak na gamit o kaurian sa isang erya; 4) Informal: tawag sa isang kalagayan na nagaganap ang tagumpay at mga kamangha-manghang pagsulong. Malalim ang pinaghugutan ko ng mga depinisyon na ito. Ang bulilit na Webster’s na palagi sa aking hapag. Tandaan ninyo na mas maliit ang diksiyonaryo ay mas tiyak ang mga depinisyon dito. Mas kumakapal ay kadalasang mas marami ang singit na lang na dagdag-depinisyon ng bumuo.
Ano ang disadbanteyds ng salitang SONA (sa malalaking titik) sa kamalayan ng mga Filipino? Una, ito’y nakasuso sa mga salitang Ingles na “state of the nation address”. Kahit sa paanong paraan ipadama ang sentimyento ng pagkamakabayan, kagaya ng paggamit ng mga islogan sa mga salitang katutubo/Tagalog/Filipino, sa tuwing nababanggit ang salitang SONA ay naroroon pa rin ang pagkainglisero. Eksampol: “Wala pa ang Hacienda Luisita sa kamay ng mga tunay na magbubukid na lumilinang ng lupa! OMG! WTF!” Ganito rin ang epekto ng pagdugtong ng salitang SONA sa mababalasik na pahayag ng protesta. Wala rin namang masama o mali rito. Tapik lang sa usapin ng konsistensi. May ipinaskil akong tula noon sa emanilapoetry na may pamagat na “Hindi Mura ang Putang-Ina” na matapos ang sunod-sunod na mga emosyonal na taludturan sa purong Tagalog ay biglang “LOL” sa hulihan. May mga nagreklamo. Sagot ko: malayang tula iyon. Kung pare-pareho ang tono at lengguwahe ng tula mula umpisa hanggang katapusan e di nakakahon din ito hindi nga lang sa pamamagitan ng tugma at sukat. Pero napapaiba tayo ng paksa.
Taunang Ritwal
Pangalawa, ekstremo ang dalawang pahiwatig ng salitang “sona” na salin ng Ingles na “zone”. Hindi maiiwasang paghambingin at magdulot ng kalituhan. Sa unang katuturan, operasyon ng represibong rehimen na sa kolektibong karanasan ng mga Filipino ay ang “pagsona” ng mga sundalo noong panahon ng batas-militar sa isang partikular na erya. Sa isang banda, gaya nang nabanggit sa itaas, puwede ring kumatawan ang sona sa isang antas, estado, o kalagayan na mabilis ang pag-asenso. Dalawang katuturan na lumilihis sa layon ng state of the nation address na paglalahad ng punong ehekutibo sa bayan ng mga naganap sa loob ng isang taon at mga balakin sa hinaharap sa ilalim ng kanyang administrasyon.
Kung gagamitin naman ang TEN na daglat sa “talumpati sa estado ng nasyon“, maaaring may umangal na salitang Ingles din ito. Ang totoo’y walang ipinag-iba ang TEN sa LOL na daglat ng “laughing out loud” o GIGO para sa “garbage in garbage out”. Ibig sabihin, may nabuong salitang nabibigkas. Tandaan natin, patakaran sa pagbuo/paglikha ng akronim na ito’y maaaring bigkasin at di basta pagkakabit-kabit lang ng mga titik. Gaya na nga ng radar, scuba, sonar, at iba pa. Kung walang salitang mabibigkas sa pagdidikit-dikit ng mga titik ito’y payak na pagpapaikli lamang. Ang akronim ay nagiging ganap na salita.
Maituturing na taunang pulitikal na ritwal sa Pilipinas ang talumpati ng pangulo sa estado ng nasyon. Pero hindi lang sa Pilipinas. Taunang pangyayari ito sa lahat ng demokratikong estado sa mundo. Sa US, bukod sa SONA ni Pangulong Obama ay may “state of the state address” ang bawat gobernador sa kani-kanyang hawak na estado. Maaaring maging opsiyonal sa diktador na lider ang mag-ulat sa bayan, tutal ay kontrolado niya ang lahat. O mag-ulat man ay dalawang bagay: hindi makatotohanan pero hindi rin makapagbibigay-reaksiyon ang mga pinamumunuan. Sa demokrasya ay malaya ang mga mamamayan na magbigay-reaksiyon sa pahayag ng pinuno hindi lang sa SONA kundi sa bawat araw o oras na magtalumpati. Hindi rin maaaring makaiwas ang pangulo na siya ay magbigay ng taunang SONA o TEN. Hindi maaari na hindi siya haharap at mag-uulat sa bayan. Kaya gagamitin niya na lang sa sariling pakinabang ang oportunidad na ito. Kumbaga, ang isang obligasyon sa panig ng pangulo ay nagiging pagkakataon para sa bigtaym na propaganda. Na lalong nagiging tagumpay sa harap ng pansin na ipinagkakaloob dito ng mga nag-iinit na sektor kumpara sa mas tahimik ngunit higit na organisadong paraan ng reaksiyon sa mga galaw ng gobyerno ng nasabing pangulo.
Sonar ng Barkong Tabo
Ang “sonar” ay akronim ng “sound navigation and ranging”. Pero banggitin lang ang sonar ay alam na ang ibig sabihin nito. Kasangkapan para malaman ng isang sasakyang-dagat ang mga impormasyon sa ilalim ng tubig. Ang silbi ng sonar sa ilalim ng dagat ay tulad din sa silbi ng radar sa himpapawid. Pag sinabing “kailaliman”, sa konteksto ng isang lipunan ito’y tumutukoy sa mundong ginagalawan ng mga kapos sa mga materyal na kailangan at sa mga batayang karapatang-pantao. Mga tao na nasa ilalim ng poverty line. Silang gutom ang tiyan huwag na sa pantay-pantay na pribilehiyo. Kung ang ibabaw ng karagatan ay magandang tanawin, sila ang mga burak sa kailaliman. Kung may tinig sila, sonar lang ang makasasagap. Kaya ko lang naisip ito, minsang ikinumpara ni Gat Jose Rizal ang Pilipinas sa isang sasakyang-dagat, sa barkong “Tabo”. Hindi pa naiimbento ang sonar noon. Sa ngayon, ang meron ang bansa ay SONA. Ano kaya ang ilalarawan sa SONA kung gagamit ng sonar sa taunang paglagom sa kalagayan ng Pilipinas?