by Fermin Salvador.
July 16, 2012
Bago tayo malungkot, isipin nating sa lahat ng alagad-sining ay isa na marahil si Dolphy sa mga tumanggap ng pinakamalaking ganansiyang maipagkakaloob ng daigdig sa pagtataglay ng pangsining na talento at dunong. Kayamanan. Kasikatan. Parangal. Ito’y kung iisipin nating maraming isinilang na alagad-sining, namuhay at naglingkod sa mundo bilang alagad-sining, na di nakatikim ni patak ng kabayaran/kapalit na natamasa ni Dolphy. Ang paglisan niya na di nagawaran ng Pambansang Alagad Sining na lubhang inaasam niya ay di naman marahil sapat na rasong ikasama ng loob ninuman ang naging ‘sawing’ kapalaran niya.
Titulong Hari
Hindi rin sa ibig kong magkaroon ng maling interpretasyon na maihahambing ang isang Dolphy sa kung kani-kanino lamang. Siya’y binansagang Hari ng Komedya ng Pilipinas at, maliban sa komedyanteng si Joey de Leon, wala halos nag-challenge sa titulong ito. Titulo na kung malalim na susuriin ay mistulang matayog na gusali kumpara sa sinadyang umbok (hump) sa kalsada na inilalarawan ng hinahangad niyang national artist (NA) award.
Sa mga huling taon ng buhay ni Dolphy ay naging tahas ang mga pahayag niya na ninanais/inaamot niya na maideklarang NA. Ito ang pangunahing dahilan, anya, sa pagsuporta niya sa kandidatura sa pagkapangulo ni Senador Manny Villar. Ibig sabihin ay pansariling dahilan. Walang sangkot na interes ng bayan o mga kapos-pribilehiyong pangkat sa lipunan. Ibig ding sabihin ay naipapangako na lang pala ang paghirang bilang NA.
Sa di malamang dahilan ay biglang nagkaroon ng kakaibang interes si Dolphy sa NA award. Naging ugat ng gulo ang gawad na ito nang ipagkaloob ng noo’y Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo kay Carlo J. Caparas sa pagiging alagad-sining sa komiks at pelikula. Sa tingkad ng kulay ng kontrobersiya, hindi kataka-taka kung napagtuunan ng atensiyon maging ng mga bigatin/superstar sa level ni Dolphy. Ang di lang matiyak ay ang naging persepsiyon niya sa insidente. Masaya ba? Interesante? Kahiya-hiya?
Maraming beses ko na ring naisulat ang tungkol sa NA award at tuwina’y di ko maiwasang isali sa talakay ang rehimeng Marcos, manipulasyon, maniobra, kasakiman, kahungkagan, at pagiging pabigat (burden) nito sa taumbayan. Matapos ang ‘fiasco’ na kinasangkutan ni CJC (hindi Chief Justice Corona, iba pa ‘yun) na naging tawag kay Caparas, kapansin-pansin ang biglang paglamig ng salitang “national artist”. Tila ba iniiwasan itong banggitin ng mga nasa akademya man o hanay ng masang nagbabasa ng diyaryo. Tila ba kuwitis na matapos ang pagputok ay katahimikan. Bagaman sa kabila ng paglamig ay nananatili ang pag-iral nito; mahikang madudukot ng pangulo ng Pilipinas sa kanyang bulsa; habang ang mismong konsepto nito bilang mahilab na regalo ng gobyerno sa mga alagad-sining ay nananatili ang balani sa mga naniniwalang karapat-dapat sila rito at handang magwaksi sa mapanglaw na kasaysayan at anumang bahid na taglay nito. Isa na nga si Dolphy.
Hiling o Huling Habilin
Dahil sa masamang kalagayan, posibleng nasa bingit ng kamatayan, ay naungkat at napag-usapan ang ‘hiling’ (o habilin?) ni Dolphy na maging NA. Halos lahat ng kaibigan ni Dolphy mula kay Bibeth Orteza hanggang kay dating pangulong Ramos ay sang-ayon at nananawagan na ibigay na kay Dolphy (ora mismo?) ang NA award.
Masaya ring maghaka kung ano ang nararamdaman ngayon ng mga nabigyan na ng gawad na pangarap lang maski sa Hari ng Komedya. Base sa reaksiyon ng general public, masa at elitista, sadyang katanggap-tanggap si Dolphy – o ang kanyang imahen – para maging NA. Samantala, kung pagbabalikan halimbawa si CJC na, kaugnay ng NA award, nahalukay pati ang pagpalit ng asawa bagaman mistulang seminarista si CJC kapag itinapat kay Dolphy pagdating sa sex life. Ni hindi nakatapos ng hayskul si Dolphy. Parehong silang hindi pagdududahang inidolo ng milyon-milyong Filipino sa kani-kanyang sangay ng sining na isang bagay na wala sa portpolyo ng marami sa mga diumano’y mga ‘lehitimong NA’. Parang wala yatang opinyon ang mga ‘lehitimong NA’ sa clamor na ‘madaliin’ na kasingkahulugan na rin ng pagsantabi ng formalidad (na espesyalidad nila) at pagsyortkat sa proseso ng paggawad ng NA kay Dolphy para maihabol sa huling hininga nito.
Hindi rin sa ibig nating hatulan ang isang Hari ng Komedya sa naging personal niyang buhay. Wala na rin namang lihim sa buhay niya. Tinanggap siya ng sambayanan sa kanyang katauhan. Mali o tama, laway na tumalsik na lang ito matapos matawa sa isang mabisang pagbibiro. Mas magandang suriin ang kanyang mga naging galaw na naging mas malawak/malalim ang implikasyon na laging relebante sa konteksto ng kanyang pagiging isang selebridad. O public figure. Huwag na ang bilang idolo ng mga macho.
Bago si CJC ay ipinagkaloob ni Pangulong Arroyo ang gawad na ito nang postumo sa isa pang hari, Hari ng Aksiyon sa pelikulang Filipino, si FPJ, na nagkataong tinalo niya sa halalang pampanguluhan na ang panalo’y nabatikan ng di marapat na pagtawag kay Komisyuner ‘Garci’ ng COMELEC sa kasagsagan ng bilangan ng mga boto. Noong buhay pa’y hindi naman nagpahayag si FPJ ng interes sa NA award. Ispekulatibo na lang kung tatanggapin kaya niya o hindi nang bigyan siya ng gawad na ito; in fairness, pati na rin sa ibang nagawarang postumo.
Magiging imortal na linya na marahil ang sinambit ni Dolphy nang tanungin kung tatakbo siya bilang kandidato sa halalan – “Paano pag nanalo?” Ang mas akyureyt na sinabi niya ay: “Baka ako manalo.” Alinman sa dalawa ay naipahatid niya ang isang makahulugang mensahe sa konteksto ng kanyang tunay na propesyon bilang komedyante/artista kaugnay ng pampulitika/pang-estadong responsabilidad. Tungkulin niya’y ang magpatawa at di ang magpatakbo ng pamahalaan. Siya lang siguro sa hanay ng mga artista, siya na isang alas na komedyante, ang nakapagpahayag ng bagay na seryoso hinggil sa reyalidad ng kaibahan ng dalawang karerang pag-aartista at pagiging pulitiko. Nagpakatotoo siya sa pagsasabi ng agam-agam, na masasabing kalakasan sa halip na kahinaan ng karakter niya, kung sasali sa pulitika. Sinabi niya iyon sa panahong ang bawat artista’y naghahakang pribilehiyo ng popularidad sa pagganap sa harap ng kamera ang luklukan sa gobyerno.
Payaso Par Excellance
Si Dolphy ay naging tradisyunal na payaso sa lipunang Filipino sa panahong nagkakaroon ng transpormasyon ang isang payaso mula sa nakagawiang papel sa ibang mga nasyon. Na ang payaso ay maaaring maging isang pilosopo o kahit mandirigma. Si Dolphy ay di nagbago sa rutinang islapstik at patawang walang kawawaan. Pero ilang henerasyon ng mga Filipino ang binigyan niya ng motibasyon sa pamamagitan ng mga walang katuturang pangingiliti na patuloy na mabuhay sapagkat, gaano man kalugmok, may halakhak ang buhay?
Sa mga tunay na nagmamahal kay Dolphy, huwag nating hayaang mayurakan ang kanyang alaala ng gawad pambansang alagad-sining. Bumantog siya bilang lantad na payaso ng sambayanang Pinoy. Minahal siya nang lubusan dahil dito na humantong sa pagkorona sa kanya bilang Hari ng Komedya. Wala nang hihigit pang pagkilala rito. Di na kailangang mapasama pa siya sa hanay at talaan ng mga payasong lihim at pailalim.