ShareThis

  ESTADO

“Vote for Jessica”



by Fermin Salvador.
June 16, 2012
Waring makapanindig-balahibo sa Pinoysphere o kolektibong psyche ng mga Filipino saanman ang pagkakaabot ni Jessica Sanchez sa “top two” ng programang pangtelebisyon na American Idol (AI). Medyo halata na ‘manok’ siya ni Jennifer Lopez na isa sa mga hurado sa palatuntunan. Pero sa huli’y paligsahan sa popularidad ang AI na ang boto ng mga manonoood ang magpapasya.
Bilang ‘American news’, halos banggit lang sa mga peryodiko at ulat-telebisyon ang katatapos na resulta ng AI. Mas malaking balita ang mga laban sa play-off ng NBA, mga liga sa besbol, futbol, at ibang isports. Pero sa mga balitang-Pinoy ay maiimpatso ka sa mga diskusyon at opinyon tungkol sa sinapit na ‘trahedya’ ni Jessica. Nakukuwestiyon ultimo kaluluwa ng programa. May paratang na nadaya si Jessica. May napasama lang sa top two na may dugong-Pinoy, na di nanalo, ay biglang nagkaroon ng dayaan sa isang programang nakalabing-isang taon na?

Walang Dayaan
Walang dayaan at wala ring himala. Sa huli, panalo sa bilang ng boto si Philip Philips. Hindi ito nakapagtataka. Sa populasyon ng US, pitumpu hanggang walumpung porsiyento pa rin ang nabibilang sa lahing Puti o Caucasian. Wala pa sa limang porsiyento ang populasyon ng lahat ng Asyano kabilang na ang mga Pinoy. Kahit pagsama-samahin ang lahat ng kulay: Itim, Asyano, Hispanik (na binubuo ng mga Mehikano, Puerto Ricano, Cubano, atbpa.) pati na ang mga Native American ay minoridad pa rin kumpara sa mga Puti. Ang mga Pinoy at may dugong-Pinoy ay mistulang patak lang sa timba ang bilang. Reyalidad na ang mga manonood, pagdating sa mga kontes, ay papabor sa kakulay. Sa kasaysayan ng AI, maliban sa dalawang may lahing Itim, ay puro lahing Puti ang nagwagi. Kung susuporta rin lang sa may kulay ang mga Puti madalas na angat ang simpatya nila sa mga lahing Itim sapagkat mahaba ang pinagsasaluhang kasaysayan ng dalawang lahi. Sa isang banda, masisisi ba ang ibang lahi gaya ng mga Puti sa pagboto sa kakulay nila kung kahit ang mga Filipino ay ‘kahinaan’ din ito?
May mga nagsasabing kasi raw ay “American Idol” ang pamagat kaya dapat laging ‘Amerikano’ ang magwawagi. Hindi ba isang ‘Amerikano’ si Jessica Sanchez? O kahit si Jasmine Trias? Ibig kong sabihin, walang tiyak na kulay ang pagiging mamamayang Amerikano. Kahit saang bayan nagmula ang mga magulang, ang anak na isinilang sa US ay Amerikano. Amerikano rin kung nag-naturalize. Pero kahit pare-parehong Amerikano ay grupo-grupo batay sa lahi o kulay. Ang mga lahing Puti sa US ay nahahati sa Ingles, Italyano, Aleman, Pranses, o Griyego pero nagsasama-sama sila bilang lahing-Puti. Ganundin ang mga Itim (Jamaica, Haiti, Africa). Ganundin ang mga Asyano at Hispanik.
Ang pamagat ng programa ay hindi “America’s Best Singer”. Ito’y “American Idol”. Kaya saan papasok ang paratang na si Jessica ang dapat na nagwagi pagkat siya ang mas mahusay na mang-aawit? Ang AI ay di pahusayan sa pagkanta. Ito ay populariti-kontes. Para maunawaan ito, panoorin ninyo ang mga unang yugto sa isang ‘season’ mula sa inisyal na iskrining na ang libo-libo ay sinasala ng mga delegadong hurado bago makaabot para sa paghatol ng tatlong selebriti na hurado at pagkatapos ay hahantong sa bahaging ang mga manonood na ang bumoboto. Hindi nawawala ang ‘lapses’.
Publiko ang Magpapasya
Problematiko ang sumukat ng husay, galing, o antas ng talento na boto ng publiko ang magpapasya. Kahit si Manny Pacquiao ay malabong manalo sa Amerikanong katunggali sa boksing kung pagkatapos ng laban ay dadaanin sa teks ang panalo. Hindi dapat umasa ang mga Pinoy na mananalo si Jessica dahil sa mas may talento. Maaaring ang ginawa ay isang agresibong kampanya sa ibang lahi na siya ang iboto. Magpamudmod ng mga flyers sa mga kalsada sa lahat ng estado. Kulitin ng mga Pinoy na nars ang mga pasyente at kamag-anak ng mga ito na bumoto kay Jessica. Pati ang mga guro sa mga estudyante nila. Isingit ng mga call center agent ang plugging pag may nakausap na Kano. Magdikit ng istiker sa mga sangay ng Wal-Mart, Macy‘s, Sears, Piggly-Wiggly at pati sa mga McDonald‘s. Mag-lobby na rin sa Washington D.C.
Sino ang nakaaalala kay Sanjaya Malakar?
Si Sanjaya ay isang nakaaaliw na personalidad. Flamboyant at passionate siya sa pagtatanghal. Pero ang boses niya ay pampasyon. May mga nagtanong kung paano siya nakalusot sa eliminasyon bago pa man naging salik ang boto ng mga manonood. Nagsimula sa isang ‘joke’ sa pagitan ng mga hurado. Mas itinuring siyang komedyante imbis na mang-aawit. Sumali pa si Howard Stern sa eksena. Si Stern na tinaguriang ‘shock jock’ ay sumikat sa pang-uudyok ng mga bagay na para sa marami’y kabastusan o kontra-moralidad. Madalas din ay trip niya lang mambulabog. Kaya sinimulan niya ang malawakang kampanyang “Vote for Sanjaya” at “Sanjaya for American Idol”. May reputasyon din si Stern bilang ‘king of all media’. Nagbukas siya ng websayt para sa kampanyang ito. Milyon ang nakiloko at sumuporta sa ‘kilusan’ ni Stern. Tuloy-tuloy sa pag-angat patungo sa finals si Sanjaya. Sa pagitan ng perpormans sa AI ay nagiging guest si Sanjaya sa mga late night show na ginigisa siya ng mga komedyanteng host na sinasakyan naman niya, ginagawang katatawanan ang sarili at kasikatan sa AI. Sa huli’y di na nakatatawa para sa management ng AI. Nalalagay na sa alanganin ang integridad ng programa. Pero wala silang magagawa hangga’t mismong mga manonood ang bumoboto para huwag maalis si Sanjaya. Kaya gumawa ang AI ng seryosong panawagan sa mga manonood na ayusin at huwag gawing laro ang pagboto.

Sanjaya at Maniobra
Ang “Sanjaya experience” ay isang patunay na maaaring maniobrahin ang AI para sa kagustuhan ng mga manonood at pagbibigay-diin na di talaga pahusayan sa pagkanta ang programa. Ito’y parang sarbey lang ng manonood. Kapansin-pansin na kahit sa Indiya na bayang pinagmulan ng angkan ni Sanjaya ay di nagkaroon ng ingay. Kung ang sangkot kaya ay nagkataong isang Pinoy, paano tatratuhin ng mga kapwa-dugong-Filipino ang ganoong ‘laro’? Iiral pa rin kaya ang notoryosong pagkauhaw ng mga Pinoy sa isang ‘mababaw’ na anyo ng karangalan?
Noong panahong ang mga hurado ay sina Paula Abdul, Randy Jackson, at Simon Cowell ay naging ‘terror’ ang huli sa mga kontestant sa maaanghang na salita. Pero sa tatlo’y siya rin ang maaasahang aaproba sa kontestant batay sa galing sa pagkanta. May tendensiyang magbigay ng pasadong marka sina Abdul at Jackson batay sa ‘gaan ng loob’. Pero naging negatibong puntos din sa programa ang pagkaistrikto at pagkaantipatiko ni Cowell na masyadong teknikal at wala nang kunsiderasyon sa mga kung tawagin ay ‘intangibles’.




Archives