by Fermin Salvador.
May 16, 2012
Tawagin natin siyang si Scalabrino. Isang lalaking Italyano ang lahi. Halos puti na ang lahat ng buhok at balbas, nasa paga-sisenta. Beterano ng Digmaang-Vietnam, na nagtapos noong 1975. Hindi ko alam dati na pati siya’y dating sundalo bagaman marami nito sa mga teknisyan at may mga dating US navy na nadestino sa Subic. Manipis kasi ang katawan at batay sa pananaw niya sa mga bagay-bagay ay parang isang hiping kulelat. Hindi rin ibig sabihing hindi talaga nagiging hipi ang mga dating militar. Pero malay ako na isa siyang solidong Republican at ang isa pang dating kapwa-teknisyan sa 3rd shift na katsokaran namin pareho, may lahing-Ingles, tawagin nating si Woody na die-hard GOP din.
Nakita niya ako na nasa opisina ko na bukas ang pintuan, bumati, at walang aling-aling na pumasok. Kipkip niya ang isang plastikbag ng bukstor ng Barnes and Nobles na naglalaman ng isang katamtamang libro. Malamang na binabasa habang naka-duty. Pauwi na siya at dumaan lang sa Unit Building para ilagay ang pangalan niya sa talaan ng mga nagboboluntaryong mag-overtime. Hindi mo iisiping wala pang tulog magdamag sa sigla.
Tagapagsalita at Tagapakinig
May reputasyon sa kilometrikong pagkukuwento si Scalabrino. Nagkataong nasa mood akong makinig, at sinasadya kong gawing punto ang makinig sa mga kuwento. Masyado nang na-outnumber sa mundo ng mga ‘talker’ ang mga ‘listener’. Di masamang sadyaing ilagay ang iyong sarili sa minorya.
Nakaupo ako sa hapag ko, nanatiling nakatayo si Scalabrino. May mga bakanteng upuan at di na kailangang sabihin ko sa kanya na maupo siya dahil wala kaming agenda. Pero tila kailangang nakatindig siya para mabalanse ang sarili sa puwersa sa pagsasalita. Ipinatong niya lang ang hawak na libro. Sa gawing ulunan niya’y may orasang-dingding kaya maoorasan ko ang pagdidiskurso niya. Di ko puputulin ang mga nais niyang sabihin. Hahayaan ko lang siya. Tape recorder lang ang makabibihag nang ganap sa bilis ng pagsasalita at paglipat-lipat niya ng paksa.
May sinabi siya tungkol sa isang batas na magpapabago raw sa buhay sa US na malapit nang ipatupad ng Administrasyong Obama. Ayon daw ito sa sinabi sa kanya ni Woody. Isang taon ang nakararaan, noong panukala pa lang ang batas na ito, ay kategorikal na nagsabi si Pangulong Obama na tututulan niya ito. Subalit sa palihim na paraan at nakalusot sa monitor ng midya, ani Scalabrino, ito’y naaprobahan din. Hindi isang beses lang gagamitin ni Scalabrino ang ekspresyong “lumusot sa monitor ng midya”. Susunugin ng nasabing batas ang mga fundamental na karapatan na nakasaad sa konstitusyon. Ang batas na ito ay magbibigay-karapatan sa awtoridad e.g. kapulisan na dumakip at magkulong sa sinumang paghinalaang nasa impluwensiya ng alak. Wala nang due process. Makukulong ka na nang indefinite. Ito ay batay sa sinabi ni Woody na alam kong manginginom at di isang beses nagkaroon ng personal na problema kaugnay ng pag-inom. Nahiwatigan kong ito’y banat laban kay Obama.
Paiskets lang ang salaysay ko dahil hindi madaling i-recall nang buo sa kabuuan ang diskurso. Kahit pa di na ako magbigay ng reaksiyon bagkus ay makikinig lang sa kanya.
Ang mga Bankero
Biglang lumiko kay Ron Paul. Si Paul ay isa sa mga kontender para maging standard bearer ng partidong Republican. Anya, ang diskarte nito’y biglaang tapyasin ang maraming serbisyo at benepisyo na ipinagkakaloob ng gobyernong federal gaya ng medicare. Drastiko. Napamaang ako. Akala ko’y isusunod niya ang kritisismo sa kandidato ngunit idinugtong niyang ito ang paraan para unahan ang mga banko sa plano ng mga ito. Walang babala na magsasara ang mga banko dahil walang usad ang gobyernong federal sa pagsolusyon sa malubhang deficit sa badyet.
Susundan niya ang diskurso ng bigtaym na pagbira nang patalumpati, o sa madaling-salita’y ‘rant’, laban sa mga banko at mga bankero na sa kahatulan niya’y mga salot ng sansinukob. Bumanggit siya ng mga pigurang historikal. Anya, pinatay si John F. Kennedy sapagkat naglayon itong buwagin ang Federal Reserve na anya pa’y may titulong ‘federal’ ngunit ang totoo’y pinatatakbo ng mga pribadong tao at walang katapatan sa US. Ito rin ang dahilan kaya pinatay si Abraham Lincoln, may nasabi raw itong nagpanerbiyos sa mga bankero. Pagkatapos ay pinapansin niya sa akin si Theodore Roosevelt. Isang pangulong ‘macho’ na nanindigan laban sa mga bankero. Kaya sa Mt. Rushmore ay may busto siya kahilera sina George Washington, Thomas Jefferson, at Lincoln.
May aklat ang isang awtor na Indiyan na nabasa niya na sadyang marunong, anya, na 1995 pa ay nagbigay ng forecast tungkol sa mga magaganap na recession. Matatandaan na nagkaroon ng resesyon sa Timog-Silangang Asya kabilang ang Pilipinas noong 1998. Nito na lang huli sa ekonomiya ng US. Nais niyang ma-enlighten ako sa konspirasi ng mga bankero sa mundo na kayang manipulahin ang patutunguhan ng ekonomiya at ang lahat ay artipisyal na pangyayari na nasa ilalim ng kontrol ng mga ito.
Bumaling naman siya sa relihiyon. Sa lahat ng fundador ng relihiyon, ayon sa kanya, si Hesu Kristo lang ang may mensahe ng pag-ibig. Pero minsa’y nagwala si Hesus. Itinaboy niya ang mga puwesto ng mga nagpapautang sa templo saka kumuha ng lubid at hinampas ang mga ito. Sila’y kumakatawan sa mga bankero sa modernong panahon.
Sino si Nietzche?
Habang nagsasalita manaka-naka’y napapasulyap siya sa gawing pintuan na inaalam kung may ibang tao. Ngunit walang patlang ang pagsasalita niya. Kahit lumilingon-lingon ay patuloy siya sa pagsasalita.
Sentido-kumon, ito ang wala ang maraming tao. Bakit, tanong niya, napakaraming tao ang hindi man lang marunong sumuri. Nabubuhay na lang sila nang parang siklo. Anya, may sinabi si Woody sa kanya na na-quote nito mula kay Nietzche. Si Nietzche… nangapa siya sa isip kung paano ide-describe si Nietzche. Isang pilosoper, ‘kako nang hindi ako nakatiis na di sumabat. Iglap ang pag-ayon niya. Hindi niya maalala ang eksaktong linya nito. Pero naalala niyang natumba siya nang marinig ang sinabi nito na sinabi naman sa kanya ni Woody. Amazing, sa kanya, ang sinabi. Ayokong isuhestiyon ang linyang “Patay na ang Diyos”. Tiyak na di ito dahil relihiyoso siya. Tungkol daw sa pagiging nakaprograma ng tao. Nagpramis siyang hahanapin ang linyang iyon para verbatim ay masabi niya sa akin.