ShareThis

  ESTADO

Reyunyon sa Pilipinas



by Fermin Salvador.
May 1, 2012
Tayming sa pag-uwi ko sa 2012 ang pagkakatakda sa Abril 14 ng Asosasyon ng Batch 82 ng Manuel Luis Quezon High School (MLQHS) ng reyunyon kaugnay ng ika-30 anibersaryo ng pagtatapos ng aming batch sa nasabing mataas na paaralan.
Intramuros at Nakaraan
Napiling venue ang Bayleaf Hotel na nagsisilbing pandayan ng mga kumukuha ng kursong Hotel and Restaurant Management sa Lyceum of the Philippines na matatagpuan sa Intramuros. Ang hotel ay isang ni-renovate na antigong gusali. Sa tugatog na palapag nito’y matatanaw ang halos buong Kamaynilaan pati ang mga bundok at bulubundukin sa hangganan. May itinakdang limitasyon sa bilang ng palapag sa mga gusaling itatayo sa eryang ito (Intramuros) at nagkataong nasa bungad ang Bayleaf kaya walang tumatabing na mga edipisyo at tore sa tanawin mula sa tuktok nito.
Pinagtiyap din na nagtapos ako ng kurso sa dalawang unibersidad na parehong nasa Intramuros: Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM) at sa Lyceum of the Philippines mismo. Kaya nagmistulang dobleng rekoleksiyon ang hatid sa akin ng pagkakataong magtungo sa lugar ng reyunyon.
Panauhing pandangal sa pagtitipon si Kongresman Carlo V. Lopez ng ikalawang distrito (Tondo II) ng Maynila. Si Kong. Lopez ay anak ng yumaong si Kong. Jaime Lopez na dating kinatawan ng nasabing distrito na kapatid ng dating meyor ng Maynila na si Gemiliano ‘Mel’ Lopez. Prominente sa Tundo ang Pamilya Lopez dahil sa mga ninunong rebolusyonaryo at sa paglilimbag ng popular na “Kalendaryo Lopez” na katapat sa Pilipinas ng “Poor Richard’s Almanac” ni Benjamin Franklin sa US.
Livewire ang host ng reyunyon at bise-presidente rin ng Asosasyon na si Arnold Alabastro na di nauubusan ng panunudyo. Gaya nang sabi niya, iyo’y gabi ng pagkakatuwaan kaya bawal ang mapikon. Ganunpaman, sa kabila ng masusing preparasyon ay may naganap na mga hindi inaasahan. Una na rito’y ang biglang dagsa ng mga dumalo na walang maagang kumpirmasyon ng pagdalo nila. Gumulantang sa mga organizer ang dami ng dumating. Naging masikip ang venue sa dami ng tao. Pero maliban dito, o dahil dito, ay naging ganap ang saya at tagumpay sa gabi ng reyunyon. Nagdulot ng higit na init, literal at figuratively, ang pagdidikit-dikit ng katawan ng mga magkaka-batch. At mas marami man sa inaasahan ang dumating ay di kinapos sa pagsasaluhan pagkat sagana ang pagkaing nakahanda.
MLQHS
Ang orihinal na lokasyon ng MLQHS na paaralan namin noon ay nasa ikalawang distrito ng Maynila na mas kilala sa tawag na “Tondo II” sapagkat nahati ang Tundo sa dalawa na ang una’y nasa Timog malapit sa Divisoria habang ang ikalawa’y nasa Hilaga malapit sa Kalookan. Nasa lugar ito na tinatawag na Manuguit Subdivision, malapit sa Abad Santos, at binubuo ng dalawang luma nang pasilidad na parehong apartment compound. Ang mas malaki sa dalawang compound ay tinawag na “Main” pagkat nagsilbing punong-tanggapan at ang isa ay “Diaz Annex”. May isa pang maliit na compound sa Blumentritt na tinawag na “Lerma Annex”. Nang lumaon ay pinag-isa ang lokasyon ng MLQHS sa itaas na palapag ng gusaling palengkeng-bayan at istasyon ng pulisya sa Kalsada ng Blumentritt malapit sa istasyon ng LRT. Dahil ito’y ikatlong distrito ng Maynila, napahiwalay ang MLQHS sa historikal na lokasyon nito sa Tundo. Kaugnay nito’y nagkaroon ng tahimik na kilusan na maibalik ang MLQHS sa pinagmulan nitong distrito.
Ang mga mag-aaral sa MLQHS ay nabibilang sa pinakamahihirap na pamilya sa Tundo. Ito’y ‘last resort’ na paaralan. Para sa mga walang pagpipilian. Kumbaga, kung hindi rito ay walang ibang mapapasukan para makapaghayskul sapagkat ang kahirapan ay naghahatid sa kabataan sa ‘dead-end’. Kinakailangang lumaban mula sa sulok na pinagsadlakan sa iyo ng buhay. Makalipas ang tatlumpung taon ay makikita ang mga lumaban para magawang manaig sa mga hamon ng kapalaran. May mga naroroon sa gabi ng reyunyon, ngunit maski ang mga wala sa pagtitipong iyon. May mga minsang itinumba ng panahon ngunit nagawang bumangon. Hindi man naging matagumpay sa materyal na bagay o kinilala ng lipunan, ang higit na mahalaga ay patuloy na lumalaban. Pare-parehong survivor.
Ang MLQHS ay testamento rin, sa isang banda, sa kakayahan ng isang paaralan gaano man ito kaluma, kaliit, at karungis na maghatid ng transpormasyon sa buhay ng mga kabataan. Ilan sa mga miyembro ng Batch ‘82 ang nakapagbigay ng mas maalwan na buhay sa anak nila kumpara sa nakamit mula sa kanilang magulang? Ang mga naging propesyunal at/o umasenso sa Batch ‘82 at ang mga nagsisilbing haligi ngayon ng lipunan sa piniling larangan ay maituturing na benepisyaryo ng pagsisikap ng mga guro at sistema ng pampublikong edukasyon na naipagkaloob ng MLQHS sa kabila ng mga kahinaan, kakapusan, at kapintasan nito.
Paglilingkod
Ang magarbong reyunyon ay sa inisyatiba ng Asosasyon na ang presidente, si Alexander Rodriguez, ay aking kababata, kababaryo, kumpare, matagal na kaibigan, at naging kakampi sa koponang basketbol. Kasabay kong lumaki si Alex sa mga lansangan ng Baryo Obrero. Ngayo’y isa na siyang multi-milyonaryo at entrepreneur. Nakasama niya nang matagal sa Rotary Club of Abad Santos, Manila, si Kong. Lopez na pilit kumukumbinsi sa kanyang sumama sa lapian nito at tumakbong konsehal ng Tondo II. Ang imbitasyong ito ay ipinahayag ng kongresista sa mismong talumpati niya. Tinanong ko nang tapatan si Alex kung nasa plano niya ang pagkandidato sa posisyong pulitikal. Kategorikal na sinabi niyang wala ito sa plano niya sapagkat prayoridad niya ang pag-asikaso sa kanyang negosyo.
Masasabing pabor sa Batch ‘82 ang pasya ni Alex dahil mapagtutuunan niya ng panahon ang mga proyekto at programa ng Asosasyon sa hinaharap sa halip na matali siya sa higit na malawak na responsabilidad bilang opisyal ng pangunahing siyudad sa bansa. Hindi siya hihimukin ng mga bigating pulitiko gaya ng isang kasalukuyang nakaluklok na kongresista kung walang nakikitang kalidad sa katauhan niya na kailangan sa pagsisilbi sa publiko. Pero, giit ni Alex, makatutulong siya sa kapwa sa sariling paraan. Ilan pa, sa palagay ninyo, ang kagaya niya?
Lubos ang saya sa reyunyon, habang ginaganap ito at hanggang sa pagtatapos ng opisyal na programa dakong ikalabing-isa ng gabi na ipinagpatuloy pa nang grupo-grupo sa magkakaibang lugar hanggang mag-umaga. Baon ng bawat isa sa pag-uwi ang pagsusulong sa mga misyon at bisyon ng Asosasyon sa hinaharap para sa kapakanan ng mga kasapi, pamilya, sa MLQHS, at sa bayan. Nagpahayag si Kong. Lopez ng paglalaan ng tatlong milyong piso bilang panimulang pondo sa pagbabalik ng MLQHS sa distrito ng Tundo. Di lang ito, kayrami pa niyang naging suporta sa Asosasyon.




Archives