Sang-ayon sa itinakda ng Proklamasyon Blg. 964, s. 1997 na nagpapahayag ng taunang pagdiriwang ng Araw ni Balagtas tuwing ika-2 ng Abril, itinataguyod ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) ang paggunita sa kapanganakan ni Francisco “Balagtas” Baltazar sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mga pambansang programa at gawaing angkop sa kaniyang karangalan.
Taon-taon, isa sa mga tampok na bahagi ng pagdiriwang ay ang pagpaparangal ng GAWAD FRANCISCO BALAGTAS sa mga natatanging indibiduwal at institusyon na nakapagpamalas ng di-matatawarang ambag sa pagpapayabong at pagsusulong ng wikang Filipino kasama ang iba pang mga wika sa Pilipinas sa pamamagitan ng literaturang Pilipino; yaong mga indibiduwal at institusyong nakapagpamalas ng pagmamahal, pagpapahalaga, pagmamalasakit, at pagtangkilik sa wikang Filipino na masasalamin sa kanilang mga nagawa kaugnay ng larangang kanilang kinabibilangan.
Tampok na pararangalan sa taong ito ang isang mamamahayag, editor, manunulat sa pelikula, tagapagsalin, at makata na nagbuhos ng kaniyang panahon at kakayahan sa pagsusulong at pagpapaunlad ng Wika at Panitikang Filipino sa larangang kaniyang kinabibilangan.
JOSE MARIA F. LACABA, Jr. Kilala sa kaniyang panulat at mga gawa bilang Jose F. Lacaba, ngunit tinatawag naman ng mga taong malalapit sa kaniya sa palayaw niyang ‘Pete’ na may masalimuot na orihén. Dahil ‘Pepe’ ang tawag sa nakatatandang Jose Lacaba, pinangalanan siyang ‘Pepito’ bilang nakababatang ‘Pepe’. Ngunit pinaikli ito sa ‘Pito’ noong magkolehiyo, na kalaunan ay naging ‘Pit’ ? pero dahil sa tampulan ng tukso (patungkol sa ‘armpit’ o kilikili), binago niya ang baybay na ito sa ‘PETE’.
Umukit ng pangalan taglay ang kasanayan at husay bilang freelance journalist, screenwriter, editor, at tagasalingwika. Sa kasalukuyan, siya ang executive editor at kolumnista ng Yes Magazine ng Summit Media Publishing. Bago pa man ito, napahanay na ang kaniyang pangalan sa roster ng mga manunulat, editor, kolumnista, editor-in-chief, at iba pang posisyon na maaaring pamahalan ng isang mahusay na manunulat ? Copyeditor at proofreader at pamiminsan-minsang staff writer ng Philippine Free Press, 1965-1970; editor ng Pilipino (Free Press sa Wikang Pilipino) noong 1970; executive editor ng Asia-Philippines Leader, 1971-1972; editor ng The Review, isang magasin sa mga aklat at mga sining noong 1978; kolumnista ng Mr. & Ms., We Forum, Tinig ng Masa, at iba pang lingguhang magasin, 1980-1985; editor in chief ng National Midweek, 1985-1990; executive editor ng Philippine Graphic Weekly Magazine, 1990-1993; editorial consultant ng Philippine News and Features, noong 1994; kolumnista at editorial consultant ng Manila Times, 1996-1997; kolumnista ng Diario Uno, noong 1998; kolumnista at editorial consultant ng Pinoy Times, 1999-2001; at kolumnista ng Maximo, 2002-2003.
Hindi rin matatawaran ang kaniyang husay sa pagsusulat ng mga dulang pampelikula sa wikang Filipino na naglalarawan ng mayamang malig ng bansa, maging ng pagkadapa’t pagbangon nito sa samo’t saring hamon na pawang hinubog ng hinog sa panahong karanasan at pagbubulay tulad ng Babae… Ngayon at Kailanman (1977), Jaguar (1979), Paano ba Magmahal (1984), Sister Stella L. (1984), Bayan Ko: Kapit sa Patalim (1984), Boatman (1984), Orapronobis (1989), Eskapo (1995), Bagong Bayani (1995), Segurista (1996), Rizal sa Dapitan (1997), at Tatsulok (1998). Kinasangkapan din niya ang wikang ito sa pagsusulat ng mga iskrip para sa short films at dokumentaryo tulad ng Hindi Nagmamadali ang Bukas (1978), Signos (1984), Kagubatan…Kaligtasan (1989), Batas Militar (1997), Eleksiyong Pinoy (1998), at Lakas Sambayanan (1994).
Batikang tagasalingwika na nakapagsalin ng maraming materyal tulad ng Mga Ama, Mga Anak (1977), salin sa Tagalog/Filipino ng dulang ‘Fathers and Sons’ ni Nick Joaquin; Lysistrata (1988), salin sa Tagalog/Filipino ng mga dula ni Aristophanes; Ningning (1997), salin sa Tagalog/Filipino ng mga kuwentong pambata ni Gilda Cordero-Fernando; at Frida (2005), na ang diyalogo ay isinalin sa Filipino upang mai-dub sa pagsasahimpapawid nito sa lokal na telebisyon. Sa kasalukuyan, tinatapos niya ang Salinawit, adaptasyon sa Tagalog/Filipino ng mga popular na awitin na kinabibilangan ng ‘La Vien en Rose,’ ‘As Time Goes By,’ at ‘That’s All,’ kasama ang 134 na salinawit na natapos na.
Higit sa lahat, makata siya na ang mga kagila-gilalas na lawas ng kaniyang mga tulang nagwagi at isinaaklat, na ang mga imahen at tugma ay nagsasalaysay ng multidimensiyonal na tagpo ng búhay na makikita sa kalipunang Sa Daigdig ng Kontradiksiyon (1991), Sa Panahon ng Ligalig (1991), Mga Kagila-gilalas na Pakikipagsapalaran (1996), Edad Medya (2000), at Kung Baga sa Bigas: Mga Piling Tula (2005). Bilang patunay, masasalamin sa saltik ng mga salita sa kaniyang tulang ‘Sining ng Pagtula’ (2002) ang kaniyang pilosopiya at panlasa sa paglikha ng tula. Aniya,
Kung baga
sa palay, ang tula
ay binabayo o kinikiskis,
saka tinatahip, bago
ialok sa madla.
Kung baga
sa bigas, ang tula
ay pinipilian at hinuhugasan
bago isaing.
Panghalo sa kaning-baboy
ang hugas-bigas, patuka
sa manok ang piniling palay,
ibinubudbod sa lupa
ang ipa at bato.
Ang inihahain sa mesa
ay kaning umaaso.
Kung baga sa bigas,
hindi rin naman mainan sa tula
ang sobrang kiskis at kinis.
Malinamnam ang milagrosa,
pero masustansya
ang bigas na pula.
Bago pa man ito, kinilala na ang kaniyang galing ng iba’t ibang samahan at institusyon. Ilan sa mga ito ang Film Academy of the Philippines Award para sa best screenplay adaptation ng ‘Bayan ko: Kapit sa Patalim’ (1985); Urian Awards mula sa Manunuri ng Pelikulang Pilipino (Philippine Film Critics Society) para sa best screenplay ng ‘Jaguar’ (1980), ‘Sister Stella L.’ (1984), ‘Bayan Ko: Kapit sa Patalim’ (1985), at ‘Segurista’ (1997); Unang Gantimpala sa Panulaang Filipino, Don Carlos Palanca Memorial Awards for Literature, para sa ‘Sa Panahon ng Ligalig’ (1983); National Book Awards for poetry (Edad Medya, 2000), for editing (Salvaged Prose, 1993), for translation (Sa Daigdig ng Kontradiksiyon, 1992), for nonfiction (Days of Disquiet, Nights of Rage, 1982); National Press Club / Carlsberg Award for best editorial writing (National Midweek magazine editorials, 1989); Gawad Balagtas para sa Panulaan na ipinagkaloob ng Writer’s Union of the Philippines (1999); CCP Centennial Honors for the Arts (1999), Aruna Vasudev Lifetime Achievement Award for Writing on and for Cinema (2008); Lifetime Achievement Award, 10th Cinemanila International Film Festival (2008); Gawad Tanglaw ng Lahi, Ateneo de Manila University (2009), Unang Gantimpala, kaSAYSAYan: Historical Scriptwriting Contest para sa screenplay na ‘Balangiga’ (2010); at Natatanging Gawad Urian – Lifetime Achievement Award, Manunuri ng Pelikulang Filipino, 2011.
Ipagkakaloob ang gawad sa pagdiriwang ng ‘Araw ni Balagtas’ na gaganapin sa ika-2 ng Abril, 2012, sa Cherry Blossoms Hotel, Ermita, Maynila.