ShareThis

  ESTADO

Bayan ng Pampublikong Transportasyon



by Fermin Salvador.
April 1, 2012
Kapag may mga okasyon tulad ng Pasko, undas, at semana santa, anong tanawin sa Pilipinas ang unang maiisip mo? Maraming panindang kaugnay ng okasyon? Larawan ng nagsisiksikang mga tao? Tumpak. Nagsisiksikan ang mga tao una’y sa mga tindahan ngunit sa huli’y sa mga terminal ng bus at sasakyang-dagat. Nag-uuwian sa mga lalawigan.
Sa US, mahilig bumiyahe nang malayuan ang mga tao sa iba’t ibang dahilan sa tuwing may okasyon. Para umuwi, dumalaw sa mga kaanak, o mamasyal. Pero kadalasang ang gamit ay sariling sasakyan. Kotse, trak, van, RV, o kahit sa malalaking motorsiklo. Nakikini-kinita mo kaya kung ang milyon-milyong Pinoy na pasahero ng mga bus at sasakyang-dagat ay naging gaya sa US na pare-parehong may sariling sasakyan at sari-sariling biyahe gaano man kalayo ang destinasyon? Tiyak na tapos na ang okasyon ay di pa sila nakalalabas ng Kamaynilaan. Kung sa mga tao pa lang ay nasasakal na sa trapiko ang mga lansangan, paano pa kaya kung ang bawat isa nito ay nagkaroon ng sariling sasakyan?

Pagdami ng Sasakyan
Sa bawat taga-Maynila, aktuwal na karanasan ang pagsaksi sa ‘impact’ ng pagdami ng mga sasakyan sa isang lugar. Malapit ang nilakihan kong lugar sa Tundo sa dulong hilaga, patungong Kalookan, ng Avenida Rizal. Sabi ng matatanda’y manaka-naka lang ang pagdaan ng mga behikulo sa eryang ito sa abenida noong araw. Pero ang nakamulatan ko na’y ang walang patid na ragasa rito ng mga sasakyan hanggang sa nilagyan pa ito ng light rail transit o LRT. Ang mga lansangan sa Baryo Obrero ay dinaraanan lang ng mangilan-ngilang jeep at ilang maliliit na trak-kalakal. Wala pa noong nagkalat na pribadong sasakyan na ginawang permanenteng paradahan ang gilid ng kalye. Maluwag ang mga daanan, madalang ang mga sasakyan. Maayos kaming nakapaglalaro: habulan, patintero, tsato, tumbang-preso, baril-barilan, karate-karatehan, basketbol, besbol, putbol, atbpa. Nakapagbibisikleta nang mga panahong iyon sa paligid-ligid ng kumunidad. Hanggang sa unti-unti, di ko namamalayan dahil sapul nag-aral ako sa kolehiyo ay mas madalas sa ibang lugar, papasikip na pala nang papasikip ang aming baryo. Alin sa dalawa o pareho – umalwan ang buhay ng ibang residente at nakabili ng sariling sasakyan at/o naging ‘affordable’ ang presyo ng mga sasakyan.
Ironiya kung minsan na halos hindi nagkakalayo ang sukat ng isang sasakyan at bahay ng nagmamay-ari nito. Kinamkam pa ang kalsada nang gawing garahe. Dumating sa puntong ang lansangang pinagpapatinteruhan namin noong kamusmusan ay lalakaran mo nang pa-zigzag para iwasan ang mga nakaparadang sasakyan. Hindi ka na makapagbibisikleta pa. Pagkatapos ay dumagsa pa ang mga traysikel na sumakop naman sa mga nalalabing tabing-kalsada na di pa naookupa ng mga pribadong sasakyan. Ang walang kalahating kilometro na dating nilalakad ng mga tao ngayo’y nakasanayang sumakay pa sa traysikel. Napakaraming pribadong sasakyang walang sariling garahe, kayrami ring traysikel. Hindi naman lumalaki ang mga lansangan habang ang mga bahay ay pinalalaki at isinasagad hanggang sa gilid ng daanan dahil sa dumarami rin ang mga nakatira. Microcosm, kumbaga, ang Baryo Obrero sa naganap na pagsikip sa buong Kamaynilaan at ibang lugar sa bansa.
Hindi ko makita ang lohika ng pagkakaroon ng pribadong sasakyan kung wala kang sariling garahe nito at isinasalaksak mo sa isang pamayanan. Na sa araw-araw kailangan mong makisiksik sa ibang sasakyang ginagawa ring paradahan ang lansangan. Sisiksik bago umalis at sisiksik pagbalik. Di pa kasama rito ang pakikipagsiksikan habang mismong bumibiyahe. Bago lutasin ng gobyerno ang suliranin sa daloy ng trapiko sa mga primerang kalsada ay bakit hindi nito simulan ang pagharap sa ugat ng problema – sa iresponsableng pagmamay-ari ng pribadong sasakyan?

Motorista vs. Komyuter
Kahit dumarami ang mga pribadong sasakyan ay nananatiling maliit na porsiyento ito ng populasyon kumpara sa mga komyuter. Sa akala ng mga de-kotse ay istatusimbol ang may sariling sasakyan. Sabihin nila ito sa mga taga-Hapon na kahit ang mga multi-milyonaryo ay sumasakay sa tren at ibang pampublikong sasakyan sapagkat iyon ang praktikal gawin. Papalapit na ang populasyon ng Pilipinas sa populasyon ng Hapon na ang laki ng lupain ay di nalalayo sa Pilipinas. Samantala, mas sistematiko ang mga Hapon sa kanilang mga pamamaraan sa trapiko at angat ang mga imprastruktura.
Sa Pilipinas, maski na isama ang pinakabulok na pribadong behikulo’y minorya ang mga may sasakyan kumpara sa bilang ng mga komyuter. Sa hanay ng mga may sasakyan, ga-patak lang sa isang tabong tubig ang bilang ng mga may sariling garahe, na dapat ay rekisitos na kakambal ng pribilehiyo na magkaroon ng sariling sasakyan. Maanomalya sa isang estado ang reyalidad na wala itong tiyak (decisive) at kongkretong aksiyon sa malawakang paggamit ng mga kalsada bilang permanenteng paradahan ng mga pribadong behikulo. Gaya nang nabanggit, maliit na porsiyento sila para maperwisyo ang kabuuang populasyon sa pananatili ng kanilang pribilehiyo na ang kapalit ay ang pagliit ng mga pampublikong espasyong dapat sana’y laan para sa lahat.
Sa US na kung tawagin ay “lupain ng mga kotse”, may mga lugar na bawal ang pumarada anumang oras at ipinatutupad ito anuman ang posisyon o istatus sa buhay ng nais pumarada. Sa mga kalye ay may ipinatutupad na limitasyon sa bilang ng oras na maaaring ihimpil ang sasakyan para matiyak na di ito gagawing permanenteng garahe. Palaging may kaukulang parusa tulad ng multa para sa mga lalabag. Pinaiiral ng gobyerno ang kaayusan.

Trapiko at Pag-unlad
Kailangang may plano sa sistema ng transportasyon sa malapit at malayong hinaharap. Sa isang bayang may malaking populasyon ay wala pa sa maksimum ang utilisasyon ng Pilipinas sa mga sistemang pamperokaril at ‘subway’ na tipikal sa mga mega-siyudad gaya ng Tokyo, Beijing, Nuyork, atbpa. bagaman nagkaroon ng ‘boom’ ng pagtatayo ng MRT sa Kamaynilaan sa nakaraang dalawang dekada. Patuloy na dumarami ang mga pribadong sasakyan na ang nakararami’y segunda-mano/segunda-klase. Magpapatuloy ang paglalakbay ng mga mamamayan at pagbibiyahe ng mga kalakal may kahandaan man o wala ang isang estado sa nagbabagong sitwasyong hatid ng lalong pagdami ng populasyon. Samantala, ang pagsulong ng isang estado ay nakasalalay sa malaking bahagi sa episyensiya ng daloy ng trapiko ng tao at kalakal sa loob ng estadong ito.
Sasapit na naman ang semana santa, undas, Pasko, isama na ang mga bigtaym na pistahan. Walang kamatayang mga tradisyon at kultura sapagkat kaluluwa na ng lahing Pinoy ang nag-aatas na sama-samang maglakbay pauwi sa pinagmulang bayan o dumalaw sa mga kaanak sa mahahalagang okasyon. Magiging laman na naman ng ulat sa mga pahayagan at telebisyon ang mga kaguluhan sa mga terminal ng bus at pantalan ng mga pampasaherong barko. Nagsisiksikan ang milyon para makakuha lang ng espasyo sa sasakyang pampubliko. Madalas ay may balyahan. May mga negosyanteng hindi isinasaalang-alang ang kaligtasan ng mga pasahero. Ang mga may sariling sasakyan ay kumportableng nakabibiyahe. Mapalad sila na iilan lang sila dahil hindi gaya ng US ang Pilipinas na pantay-pantay ang mga tao pati sa pagmamay-ari ng sasakyan. Nakakatakot ang sitwasyon kung magkakaroon ng sariling sasakyan ang lahat-lahat ng Pinoy sa kasalukuyang lagay ng mga kalsada sa Pilipinas. Hindi rin tama na may iilang kumportable habang marami ang kawawa sa sistemang transportasyon.




Archives